Kabanata 10
Bigla akong nahinto dahil sa narinig kong mga kaluskos aking likuran. Napalunok ako at muling humakbang. Nilakihan ko na ang bawat hakbang ko upang mapabilis ang aking paglalakad. Halos magkanda-tisod na ako sa bilis ng aking paghakbang. Ngunit hayan pa rin at naririnig ko pa rin ang mga kaluskos sa aking likuran. Nagsimula nang tumayo ang mga balahibo ko sa katawan at tinutubuan na ako ng kaduwagan. Maging ang mga tuhod ko'y nagsisimula na ring manginig. Napasapo ako sa aking dibdib at napalingon muli sa aking likuran. Lumitaw ang isang anino ng lalaki. May limang dipa ang layo nito sa akin at nakatayo ito sa dilim kaya hindi ko maaninag ang itsura nito. Tanging anino niya lang ang natatamaan ng mga ilaw mula sa maliit na poste.
"S-sino—" Bago ko pa man matapos ang sasabihin ko'y bigla na lamang nagbago ang porma nito base na rin sa anino nito.
Napatakip ako ng aking bibig at namilog din ang aking mga mata. Naging isang malaking aso ito. Diyos ko! Hindi na ako nag-atubili pa at napatakbo na ako. Ngunit sa bilis nito'y konti na lang ang aming pagitan. Naiyak na ako sa sobrang takot habang binibilisan ko ang aking pagtakbo. Sa sobrang laki nito'y hindi ko matantsa kung talagang aso nga ba ito. Mas bumilis pa ang aking pagkilos at sa 'di inaasahan ay may bigla akong nabangga. Sa lakas nang pagkakabunggo ko rito'y muntik na akong matumba. Bigla akong napalingon sa aking likuran dahil sa ngayon ay wala ang utak ko sa taong nabangga ko kundi nasa humahabol sa akin. Naabutan na nito ako at wala akong nagawa kundi ang pumikit na lamang ng mariin. Ngunit napuna ko ang biglaang pagtahimik ng aking paligid at ang mga bisig na nakapulupot sa aking baywang lang ang tangi kong nararamdaman.
Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata at bahagyang nilingon ang aking likuran. Hawak ng lalaking 'to ang leeg no'ng malaking aso gamit ang kanang kamay nito at sa pakiwari ko'y patay na ito dahil nakalabas na ang dila nito. Tulala ako at lutang sa nasaksihan ng mga mata ko. Hindi ordinaryong aso ang humahabol sa akin dahil nakakatakot ang itsura nito. Natauhan naman ako mula sa aking pagkatutulala nang bitiwan ito ng lalaki at bumagsak sa aking likuran. Natatakot man ako ngunit dahan-dahan kong inangat ang aking ulo. Kung sa asawa ng pinsan ko ay pakiramdam ko'y mapipigtasan ako ng karsonsilyo, itong lalaki namang nasa harapan ko'y para na talaga akong mahuhubadan dahil sa sobrang pagiging magandang lalaki rin nito. Napalunok ako at tila ang takot sa aking dibdib ay biglang naglaho, napalitan ito ng pagkamangha. Napatiim-bagang ito at mas lalong akong hinapit sa aking baywang.
"May katigasan din ang iyong ulo, Caritas mea..." anito.
Napaawang lang ang aking bibig dahil wala akong ideya kung ano ang tinutukoy niya. Anong 'Caritas mea'? Ayesha Yana ang pangalan ko at hindi 'Caritas mea'.
"Tinawag kita kanina ngunit binalewala mo ako," anito at bigla akong kinarga.
"Ha?" tanging sambit ko. Mas lalong gumulo ang utak ko sa mga sinasambit niya.
"Yana..." muling sambit nito at muling namilog ang aking mga mata.
"I-ikaw!?" nanginginig ko pang sambit. Hindi ito sumagot at may kung anong idiniin sa aking leeg. Sa isang iglap lang ay bigla na lang akong nawalan ng malay.
"Yana..." Nagising akong bigla dahil sa pagkakatawag ng aking pangalan.
"Ayos ka lang ba?" Kinusot ko ang aking mga mata at doon luminaw ang aking paningin.
"Ate Catherine?" sambit ko.
Konti itong napatango at hinaplos ang aking braso. Napabangon ako at napaatras nang upo.
"Ano pong nangyari?" taka ko pang tanong.
Sa pagkakatanda ko kasi'y karga-karga ako ng lalaking 'yon.
"Nakita ka ni Dhelfin sa daan at wala kang malay. Mabuti na lang at nakita ka niya," paliwanag ni ate Catherine.
Bahagya kong sinipat ang lalaking nakatayo sa likuran niya. Sa pag-asang makikita kong muli ang lalaking iyon. Ngunit nadismaya ako sa nakita ko. Hindi siya ang lalaking iyon dahil matanda na ang tinutukoy na Dhelfin ng aking pinsan.
"Wala po akong kasama nang makita niyo ho ako?" baling ko pa kay Mang Dhelfin.
"Wala ho, señorita. Kayo lang po," anito.
Napatango-tango ako. Nakapagtataka naman gayong karga-karga niya pa ako kagabi at 'yong aso! Namilog ang aking mga mata.
"Ate may malaking aso po ang umatake sa akin kagabi," kuwento ko pa.
Bahagya itong napasinghap at nagkatinginan ang dalawa.
"Magpahinga ka na Yana. Walang malaking aso, baka'y guni-guni mo lamang ang mga 'yon," ani ate Catherine.
Konti akong napakunot ng aking noo. Halatang-halata ko sa mukha ng aking pinsan ang pagkabahala. Bakit kaya? Tumayo na ito at nagpaalam saglit, silang dalawa ni Mang Dhelfin. Pagkalabas nila'y agad akong gumapang pababa ng kama at pumuwesto sa pinto. Idinikit ko ang aking ulo upang malayang makarinig ang aking tainga. Narinig kong nagtatalo ang pinsan ko at si Mang Dhelfin. Ngunit mas nangibabaw sa akin ang matinding kuryusidad kaya pinihit ko ng marahan ang busol at inawang ito ng konti upang sila'y aking makita.
"Señorita, hindi na po talaga mauulit," ani mang Dhelfin nang maawang ko ng konti ang pinto.
Limang dipa ang layo nila sa akin nguni klarong-klaro ko naman ang mga pag-uusap nila. Napatampal sa noo ang aking pinsan.
"Mang Dhelfin naman, alam niyo kung gaano ito kadilekado. Kailangang pagbutihin niyo pa ang siguridad natin. Kung kailangang pataasin pa'y, gawin ninyo. Kung kailangan araw-araw na linisin ito'y, gawin ninyo," litanya ni ate Catherine.
Tanging pagtango lang din naman ang tugon ni Mang Dhelfin sa aking pinsan. Matapos nilang mag-usap ay agad nang umalis si Mang Dhelfin. Dahan-dahan kong isinara ulit ang pinto at napasandal dito. Hindi ko maintindihan kung ano ang pinag-uusapan nilang dalawa. Pero pakiramdam ko talaga'y may kinalaman ito tungkol sa nangyari sa akin kagabi. Kahit pa itanggi ng aking pinsan na imahinasyon ko lang iyon ay talagang hindi ako naniniwala. Kung kailangang tumalon ako sa itaas ng gusali ay gagawin ko mapatunayan ko lang na totoo ang lalaking iyon at hindi ko lang basta guni-guni.
Bumalik ako sa aking kama nang makarinig ako ng mga yabag papunta rito sa tinutuluyan kong silid.
"Yana..." tawag sa akin ni ate Catherine nang maawang nito ang pinto.
"Po?" sagot ko naman at nagkunwaring masigla.
"Kung maayos na ang iyong pakiramdam, tara at kumain na ng agahan," aniya.
Tipid na ngiti lang ang itinugon ko sa kanya. Pumanaog na ako sa kama at sabay na naming tinungo ni ate Catherine ang hapag.
Naabutan namin ang asawa ni ate Catherine, si kuya Steffano. Abala ito sa pagbabasa ng libro at sa harapan nito ay may kopita.
"Umupo ka na, Yana," ani ate Catherine sa akin at ipinaghila pa nito ako ng silya.
Agad din naman akong umupo at talagang hindi ko maiwasan ang mapayuko. Sa lakas ng karisma ng asawa ng pinsan ko'y talagang hindi mapipigilan ang kahit sinuman na mapatitig rito, lalo na ako.
Tumabi naman ang pinsan ko sa kanyang asawa. Abala pa rin ito sa pagbabasa at tila ba balewala lang sa kanya ang presensya namin ni ate Catherine.
"Kumain ka na Yana," nakangiting untag sa akin ni ate Catherine. Tumalima rin naman ako at nagsimula nang kumain.
"Wala na bang laman?" biglang tanong ng pinsan ko kay kuya Steffano.
Hindi ito sumagot at bahagya lang na itinulak ang kopita kay ate Catherine. Nakakamangha lang dahil nakatitig pa rin ang mga mata nito sa binabasa niyang libro.
"Teka..." Natauhan ako sa biglaang pagtayo ni ate Catherine kaya't mabilis akong napayuko at itinuon ang aking atensyon sa aking pinggan.