Kabanata 9
"Ate Yana! Ate! Nariyan ka ba?" Narinig kong pagtawag ni Egoy sa akin.
Dahan-dahan kong idinilat ang aking mga mata. Konti pa akong napaubo at nakaramdam ng panlalamig. Bahagya pa akong natigilan nang mapuna ko na basang-basa pala ako. Namilog ang aking mga mata at dahan-dahan na napatayo. Totoo ang lugar na napuntahan ko ngunit paano ako nakabalik at sa mismong silid ko pa.
"Ate Yana..." muling tawag sa akin ni Egoy kasabay ang pagkatok sa aking pintuan. Napatikhim ako at nanginginig na napalapit sa pinto.
"E-egoy! Narito ako, sandali lang!" sagot ko rito.
"Sige po!" anito.
Napahawak ako sa aking basang damit at isa-isang hinubad ang mga ito. Diretso ako agad sa banyo upang magbanlaw. Napapikit ako ng mariin. Diyos ko! Ano ba itong pinasok kong lugar? Humugot ako ng malalim na hininga at nagpalit na ng damit matapos kong makapagbanlaw. Nang matapos ako'y pinakalma ko ang aking sarili at binuksan ang pinto. Nakita kong nag-aabang si Egoy sa labas ng aking silid.
"Egoy..." pukaw ko rito dahilan para ako'y lingonin nito.
"Ate, kanina pa kita hinahanap." Bakas pa sa mukha nito ang matinding pag-aalala sa akin. Matipid akong ngumiti at napalunok.
"Natagalan lang sa banyo, masiyado kasing maalinsangan," pagdadahilan ko pa.
Diretso akong napatitig sa kanya upang huwag itong maghinala. Kinakabahan ako at panay nginig itong mga tuhod ko.
"Ate, ayos ka lang?" usisa nito.
Akmang sasagot na sana ako ngunit hindi talaga kinaya ng mga tuhod ko ang tumayo ng matagal kaya't diretso akong bumagsak sa sahig.
"Ate Yana..." sambit ni Egoy at agad akong dinaluhan.
Tinulungan niya akong makatayo at pinaupo sa silya. Binigyan din niya ako ng tubig at agad ko rin naman itong ininom. Kanina pa kasi nanunuyo itong lalamunan ko.
"Ate may sakit ka ba? Kasi puwede namang ako muna ang magbantay sa silid-aklatan." Nailing ako.
"Wala ito Egoy," wika ko.
"Pero ate..." protesta nito ngunit nailing akong muli.
"Kaya ko," madiin ko pang wika sa kanya.
Inilapag ko ang basong hawak ko sa mesa at napatayo ng diretso. Siguro'y masiyado lang akong kabado kanina kaya't biglang nanghina itong mga tuhod ko.
Inalalayan niya naman ako kahit sumenyas na ako na kaya ko. Inalalayan niya ako hanggang sa makabalik ako sa mesa kung saan ako pumuwesto kanina no'ng hindi pa nangyari ito.
"Dadalhan na lang kita ng tanghalian mo ate," aniya.
Tumango lang ako at napasandal sa aking kinauupuan. Sino ba talaga ang lalaking 'yon? Bakit ba sa tuwing nagkakaroon ako ng pagkakataong makita ito'y lagi namang nauudlot. Humugot ako ng malalim na hininga at napatakip sa aking mukha gamit ang aking mga palad. Isa pa ang bumabagabag sa akin ay kung paano ko narating ang aking silid gayong sa pagkakatanda ko'y nahulog ako sa malinaw na tubig ng talon.
Pinilig ko ang aking ulo at napakuyom ng aking mga kamay. Buo na talaga ang aking pasya. Babalik ako roon kung saan ako galing kanina. Gusto kong malaman ang totoo, maging ang mga katanungang bumabagabag sa akin.
"Ate..." Napalingon ako kay Egoy. Bitbit niya ang aking tanghalian. Talagang nag-abala pa itong dalhan ako gayong kaya ko naman na. Inilapag nito ang mga pinggang dala niya sa aking mesa. Sinangag na dilis at sinangag na kanin ang inihanda nito para sa akin. Maluwang akong napangiti.
"Salamat dito, Egoy," wika ko.
Tumango ito at ngumiti rin naman. Kapag kuwan ay umalis na ito. Kinuha ko ang mga pagkain at inalapag sa kabilang mesa upang hindi naman maging sagabal at mahihiya sa akin kung maglilista sila ng pangalan.
"Ate, ito po iyong talaan, nakasulat na po riyan ang pangalan ko pati na ang librong hihiramin ko," anang dalagita nang makalapit ito sa akin. Kinuha ko ang indeks na tinutukoy niya.
"Sige..." Ngumiti lang ito at umalis na. Napaisip ako bigla.
Bakit 'yong si... Ano nga ba pangalan no'n? Napapakamot pa ako sa aking batok. Basta wala 'yong ibinigay na indeks sa akin. Binalewala ko na lang at nagsimula nang kumain.
Hindi rin naman nagtagal ay natapos ang buong araw na lutang pa rin ang aking utak. Hindi ko kasi maiwaksi sa aking isipan ang nangyari sa akin kanina.
"Egoy, magsasara na ba tayo?" tanong ko pa.
Itinago nito ang basahan na hawak niya sa maliit na tukador na katabi lang din naman ng mesa ko.
"Opo ate. Nga pala ate, may kasiyahan sa perya. Kasapi po kasi ako sa organisasyon ng sangguniang kabataan kaya kailangan nandoon po ako para tumulong. Ayos lang po ba kung maiwan ko kayong mag-isa rito?" ani Egoy.
"Oo naman, Egoy." Maluwang na ngiti rin ang itinugon ko sa kanya.
"Pero puwede kayong sumunod ate. Katabi lang naman po ng palengke ang perya. 'Di ba napuna niyo naman po iyon?" anito ulit.
"Oo Egoy. Kung ayos lang din naman sa iyo." Nahihiyang napatawa naman ito.
"Oo naman po. Sige ate, una na po ako," paalam nito.
Bahagya pa itong kumaway sa akin bago tuluyang tinungo ang perya. Mabuti na lang at kaya lang nang lakaran ang papunta ro'n. Ngunit napakamot din naman ako sa aking ulo. Katabi nga ba ng palengke ang perya? Diyos ko naman! Hindi ko maalala e. Bahala na nga lang mamaya!
Iniligpit ko na ang mga librong nakakalat sa bawat mesa at ibinalik sa tamang puwesto nito sa lagayan ng mga libro. Habang abala ako sa pagliligpit ay napuna ko na para bang may taong nakatayo sa aking likuran. Dahan-dahan akong pumaling.
"Ay!" sambit ko at napasinghap sa sobrang pagkagulat.
"Ito 'yong mga lumang nahiram ko..."
Inabot pa nito sa akin ang mga hawak niyang libro. Siya 'yong lalaki kanina na puro nakaitim ang suot sa katawan. Napatikhim ako. Ang lakas pa rin nang kabog ng dibdib ko dahil sa tindi ng gulat kanina.
"S-salamat..." Alanganin ko pang kinuha ang mga librong hawak niya. Tumango lang ito at umalis na.
Dali-dali akong sumunod nang makalabas na ito at isinarado ang pinto. Sinilyado ko na ito upang wala nang makapasok pa. Hindi naman ako masiyadong nagkakape pero aatakihin ako sa nerbyos dahil sa panggugulat nila sa akin.
Muli kong inabala ang aking sarili sa pagliligpit hanggang sa ako'y matapos. Isinilyado ko na rin ang bawat bintana at ibang puwedeng pasukan. May susi naman si Egoy kaya't ayos lang kong isisilyado ko ang mga pinto. Nang masiguro kong maayos na ang lahat ay tinungo ko na ang silid ko. Nagpalit ako ng damit at pares ng sapatos. Siguro'y sa labas na lang ako kakain. Nakakawalang gana kasi kung ako lang ang mag-isa.
"Yana..."
Nabitawan ko ang panyo ko. Sa linaw nang pagkakatawag sa pangalan ko'y agad akong tinubuan ng kaba at takot. Dali-dali kong iniligpit ang aking mga gamit at lumabas ng aking silid. Nagkukumahog akong lumakad papunta sa pinto ng silid-aklan. Pagkalabas ko'y nakahinga ako ng maluwang. Alam ko, gusto ko siyang makilala ngunit hindi sa ganitong paraan na para bang tinatakot niya ako.
Nang maisarado ko na ang pinto ay nagsimula na akong lumakad. Yakap-yakap ko pa ang aking sarili habang binabaybay ang daan papuntang perya. Hindi naman madilim ngunit nakakatakot pa rin dahil kakaiba ang simoy ng hangin na dumadampi sa aking balat. Bumigat ang mga hakbang ko at panay linga sa aking paligid. Sobrang tahimik kasi ng lugar at para bang may hindi magandang mangyayari sa akin.