Kabanata 8
Saan ko nga ba narinig ang pangalang iyan. Napalunok ako. Imposible namang maging ako ang nasa larawang iyan gayong sa tanang buhay ko'y ngayon lang naman ako napadpad sa lugar na ito.
"B-baka nagkataon lang naman Egoy," sabi ko na lamang kahit na ang totoo'y bumabagabag ito sa akin.
"Siguro nga po," sang-ayon din naman nito.
"Kaya pala tinawag ako bigla ni Aling Lupe sa pangalang Alyana dahil kamukha ko siya. Sino ba siya Egoy?" tanong ko, tutal naman ay napagkamalang ako'y siya. Mas mabuti na rin iyong may alam kahit konti man lang.
"Ayon sa mga kuwentong nasagap ko, bigla na lang nawala si Alyana at naiwang sawi ang kanyang kabiyak. Ang sabi, nagpakamatay daw ito pero wala namang nakapagpapatunay na nangyari iyon, ate Yana. Hanggang ngayon ay misteryo pa rin ang kanyang pagkawala at ang kanyang kabiyak nama'y hanggang ngayon ay hindi pa rin kilala." Napatango-tango naman ako.
"Ang sabi, ang lalaking nagpinta raw nito ay ang kabiyak ni Alyana. Ngunit wala pa ring patunay na siya nga dahil halos lahat nang nakapintang larawan dito ay walang pangalan ng pintor," dagdag niya.
Sinipat kong mabuti ang larawan, maging ang iba. Totoo nga na walang pangalan ng pintor ang bawat larawan, nakapagtataka talaga.
"Akala ko talaga no'ng una kitang makita ay ikaw si ate Alyana. Pero no'ng kausapin ko si ate Catherine, hindi raw po ikaw iyon," aniya. Muli akong napatango-tango.
"Heto ang mga susi ate. Ang utos ni kuya Steffano, tanging silid-aklatan lang ang puwedeng buksan sa publiko," dagdag nitong muli. Napalabi ako at kinuha ang susi.
"Areglado Egoy. Tara na, medyo kumakalam na ang sikmura ko," yaya ko pa rito.
Tumango naman ito. Sabay na kaming lumabas ng museo. Bago ko pa maisarado ang pinto ng tuluyan ay bahagya ko pang sinulyapan ang larawan ni Alyana. Pakiramdam ko'y para lang akong nananalamin habang pinagmamasdan ito kanina. Pinilig ko ang aking ulo. Baka nga nagkataon lang na may pagkakamukha kaming dalawa. Muli kaming bumalik sa tinutuluyan namin ni Egoy. Nagsimula na rin akong magluto, hanggang sa nag-agahan na kami ng sabay ni Egoy.
Hindi rin naman nagtagal ay napagpasyahan na naming buksan ang silid-aklatan.
Pumuwesto na ako sa aking mesa habang si Egoy naman ay abala pa rin sa paglilinis. Nang sumapit ang alas otso ay nagsidatingan na ang mga estudyante. Habang sunod-sunod ang pagpasok nila ay may pumukaw ng aking atensyon. Sa dulo ng pila para sa talaan ng mga pumasok ay may lalaking nakaitim lahat ang suot. Mula sa hikaw nito hanggang sa suot na sapatos. Lahat ay kulay itim, maliban sa kulay ng buhok nito. Kulay itim ito ngunit lutang pa rin ang ilang kulay pulang hibla ng mga buhok niya.
Ang lakas ng dating niya sa akin, na para bang may kung anong puwersa ang humahatak sa akin.
Nang ito na ang susulat sa talaan ay wala sa sarili akong napalunok. Matapos nitong sumulat sa talaan ay kinuha ko ang papel. Nang tuluyan na itong pumasok sa loob ay inusisa ko agad ang kanyang isinulat.
"Zsakae Zither Zoldic..." sambit ko sa pangalan nito.
Muntik pa akong masamid dahil medyo naguguluhan pa ako kung paano ko sasambitin ang unang pangalan nito. Binasa kong muli ang pangalan nito at doon lamang ako natauhan. Isa siyang Zoldic! Napaalis ako sa aking puwesto at agad na hinanap ng aking mga mata si Egoy. Nang makita ko ito ay agad akong lumapit sa kanya.
"Egoy..." mahina ko pang tawag.
Lumapit naman ito sa akin.
"Zoldic..." bulong ko at pasimpleng itinuro ang lalaki kanina. Abala ito sa pagpili ng mga libro.
"Huwag niyo na lang po pansinin ate," ani Egoy at bumalik na sa kanyang ginagawa.
"Huwag pansinin? Paano kung kausapin ako?" wika ko pa aking sarili.
Nailing na lang ako at bumalik na sa mesa ko. Gaya nga nang sinabi ni Egoy ay binalewala ko na lamang ang presensya ng lalaking iyon at inabala na lamang ang aking sarili sa pagbabasa ng mga nobela. Taga bantay lang din naman ako rito at wala namang ibang puwedeng gawin kundi ang magbasa na lang.
"Diyos ko!" sambit ko pa sa kalagitnaan ng aking pagbabasa at napahawak sa aking dibdib.
Bigla na lang kasing ibinagsak ang mga libro sa aking mesa. Nang mag-angat ako ng aking ulo ay muntik pa akong malaglag sa aking kinauupuan.
"Ah..." tanging utas ko.
"Isusuli ko kapag naalala ko..." anito.
Para lang din naman akong timang na napatango lang. Kinuha na nito ang apat na makakapal na libro at agad din naman na umalis. Napakapit ako sa aking inuupuang silya. Sandali yatang lumabas ang kaluluwa ko dahil sa ginawa niyang iyon. Nasapo ko na lamang ang aking noo at pinakalma ang aking sarili. Panginoong mahabagin, huwag niyo naman sana po akong hayaang mamatay sa gulat! Napabuga na lamang ako ng hangin at bahagyang hinawi ang aking buhok. Ngunit bago pa man bumalik ang atensyon ko sa binabasa ko'y narinig ko na naman ang piyesa ng isang awitin na nagmumula sa piyano. Ito 'yong narinig ko kagabi. Napatayo ako at sinundan ang musikang naririnig ko. Muli na naman akong dinala ng aking mga paa sa pinto ng museo. Kinapa ko ang aking bulsa at kinuha ang mga susi. Bago ako pumasok ay hinanap ng mga mata ko si Egoy. Abala pa rin ito sa paglilinis. Marahan kong isinara ang pinto. Hindi ko talaga mapigilan ang mamangha sa lugar na ito. Iisa lang ang tema ng mga larawan ngunit kanya-kanya naman ng senaryo. Ngunit bago pa man ako malunod sa ganda ay hayan na naman ang musika. Pero ang ipinagtataka ko ay wala namang piyano rito sa loob. Ang tanging narito lang naman ay ang mga larawan at ang malawak na espasyo ng museo. Puwede nga itong maging bulwagan kung nanaiisin ng may-ari na dito ganapin ang isang importanteng okasyon.
Saan ba talaga nagmumula ang musikang iyon? Nakapagtataka lang dahil tanging ako lang ang nakakarinig nito. Lumapit ako sa malaking larawan. Nakapinta rito ang nakatalikod na babae at mag-isang nagtatampisaw sa ilog. Akmang hahawakan ko na sana ito ngunit may narinig naman akong mga yabag papalapit sa pinto. Bumilis ang takbo ng t***k ng puso ko. Kinakabahan ako ng husto. Baka kasi mahuli ako ni Egoy na pumasok dito. Ang bilin kasi sa regulasyon dito, papasok lang kapag maglilinis. Diyos ko! Pinagpapawisan na ako ng malamig. May pumihit naman ng busol kaya't mas lalo akong kinabahan.
Napasinghap ako nang tuluyang umawang ang pinto. Bahagya rin naman akong napaatras. Sa 'di malamang kadahilanan ay nasagi ko ang larawang pinagmamasdan ko kanina kaya't bigla na lamang akong bumaliktad.
"Hmm..." ungol ko dahil sa tindi ng bagsak ko sa sahig.
Ngunit bago ko pa alalahanin ang sarili ko'y mabilis akong napatayo. Nasa isang lihim na lugar ako. Kinapa ko ang pader na dahilan nang pagkakapasok ko rito ngunit wala man lang akong makitang bakas na dito nga ako pumasok. Mas lalo akong kinabahan at nagsimula nang mangilid ang mga luha ko dahil sa sobrang takot. Hindi naman madilim ang napasukan ko dahil may nakasabit namang sulo sa bawat dingding. Ngunit ganoon pa man ay natatakot pa rin ako.
"Egoy! Tulong!" puno ng takot kong sambit at tuluyan nang naglandas sa pisngi ko ang aking mga luha.
"Egoy!" muli kong sambit habang pinupokpok ang pader.
Ngunit kahit ano ang gawin ko'y wala talaga. Napaluhod na ako at wala sa sariling naisandal ang aking ulo sa pader habang ako'y umiiyak pa rin. Napahikbi akong muli pero bigla akong napatigil sa pag-iyak dahil nakarinig ako nang rumaragasang tubig. Agad akong napatayo at lakas-loob na sinundan kung saan ito nagmumula. Natatakot man ngunit kailangang makaalis ako sa lugar na ito.
Lumakad ako ng ilang hakbang pakanan habang niyayakap ang sarili ko. Bawat hakbang ko'y siya ring paglinga ko sa aking likuran. Ano ba itong napasok ko!? Pinunasan ko ang aking mga luha at nagpatuloy sa pag-usad. Ngunit nang marating ko ang dulo'y ibig ko yata ang lumupasay sa sahig. Wala nang daanan at tanging pader na lang ang nakikita ko. Naiyak ako ng husto at walang nagawa kundi sandalan na lamang ang pader. Sa kinatatayuan ko'y rinig na rinig ko ang pagragasa ng tubig. Muli akong napaharap sa pader at kinapa ito. Bahagyang bumaon ang mga daliri ko sa pader. Wari'y may kung anong nakasulat dito. Dali-dali kong kinuha ang isang sulo at inilawan ang pader. May nakasulat nga. Hinawi ko ang mga alikabok na natatakip dito.
Isinulat ito sa ibang lenguwahe ngunit kaya ko namang basahin ang mga nakasulat. Pinadaan ko ang aking mga daliri sa bawat letrang nakaukit sa pader.
"In... profundum... cordis... videam...secretum... iter..." dahan-dahan kong sambit.
Napaatras naman ako dahil sa biglaang pagyanig ng pader. Bigla itong umangat. Naningkit naman ang aking mga mata dahil sa liwanag na nagmumula sa sikat ng araw. Kumurap ako ng dahan-dahan hanggang sa tuluyan ko nang maidilat ang aking mga mata. Nabitawan ko ang sulong hawak ko. Kung kanina'y naririnig ko lang ang rumaragasang tubig, ngayon ay nasa harapan na nito ako ngayon. Isang maliit na talon, na sa tantsa ko'y kasing haba lang ng isang bus. Ngunit hindi lang iyan ang pumukaw at bumusog sa aking mga mata. Nakahilera paikot sa talon ang tanim ng mga rosas na kulay itim. Iginiya ko pang lalo ang aking paningin. Para itong sekretong lugar. Naglalakihang puno ang nakapalibot dito at natatabunan ng makakapal na baging. At dito mismo sa kinatatayuan ko'y nakasentro ang bawat paglubog at pasikat ng araw na para bang sinadya ito.
Iginiya ko pang lalo ang aking paningin upang makahanap ng daanan ngunit wala akong makitang lagusan. Humakbang ako palapit sa talon at dumungaw sa malinaw na tubig. Para akong nananalamin lang dahil sa sobrang linaw.
"Yana..." Natigilan ako at napalingon ako sa aking likuran.
Ngunit sa 'di inaasahang pangyayari'y nawalan ako ng balanse at bumagsak sa tubig. Pakiramdam ko'y ang tagal nang pagkakabagsak ko sa tubig. Hanggang sa tuluyan akong lumubog. Kitang-kita ko ang bulto ng katawan ng isang lalaki hanggang sa lumabo ang aking paningin at tuluyan akong nawalan ng malay.