Kabanata 14
Nagsimula nang bumigat ang aking paghinga dahil 'di na talaga maganda ang aking pakiramdam. Bigla naman akong natigilan nang makarinig ako ng mga ungol. Namilog ang aking mga mata nang marinig kong may sumampa sa ibabaw ng karwahe. Dahan-dahan kong sinilip kung ano ang nasa itaas. Halos mamilog ang aking mga mata dahil sa aking nasaksihan. Ang malaking asong umatake sa akin no'ng nakaraan ay yaong nandito rin sa ibabaw ng karwaheng sinasakyan ko. Sa sobrang takot ko'y agad akong napababa at dahan-dahang lumakad. Ngunit bago pa man ako makakalahati nang hakbang ay narinig ko ang pagbaba nito sa lupa.
"Sa tingin mo ba'y makakatakas ka sa akin!" biglang wika nito.
Mas lalong namilog ang aking mga mata. Huwag niyo sabihing ang taong nasa likuran ko'y isang taong lobo!? Napalunok ako. Walang ano pa'y mabilis na akong napatakbo palayo. Diyos ko! Ano ba ito! Una'y bampira, ngayon nama'y taong lobo! Imposible na talaga ito!
Takbo lang ako nang takbo ngunit ramdam ko ang pagsunod nito sa akin. Ngunit mabilis ito kaya't nahapit ng kanyang matulis na mga kuko ang aking kanang hita dahilan para masugatan ito at tumilapon ako sa damuhan.
"...aah!" daing ko sa pagitan ng aking pag-iyak.
Sobrang lalim ng sugat sa aking kanang hita kaya't mabilis rin ang pagdaloy ng aking dugo.
"...aah!" muling daing ko at halos kagatin ko na ang aking dila dahil sa sobrang hapdi at kirot.
Bigla namang lumitaw ang taong lobo sa aking harapan. Naglalaway pa ang bibig nito at talagang anumang oras ay mananakmal na ito. Bigla namang nag-anyong tao ang pang-itaas na bahaging katawan nito.
"Ang hina mo nga pa lang nilalang. Masakit ba?" anito at napahalakhak pa.
"P-parang... Awa mo na..." sambit ko.
"Awa? Ikaw ang sisira sa angkan namin at hindi ako papayag na mangyari ang nakasaad sa propesiya!" Nailing ako at natutop na ang aking bibig.
"Napakasuwerte ko naman at ako ang unang nakahanap sa iyo," aniya at malutong na napatawa.
Bumalik ito sa kanyang anyo at bigla akong sinugod. Wala akong nagawa kundi ang matulala na lamang. Sa pagkurap ng aking mga mata ay siyang paglitaw ng isang lalaking nakasuot ng itim na tsaketang kagaya ko at bigla nitong hinawakan sa leeg ang taong lobo at walang kahirap-hirap nitong ibinaon sa lupa ang mukha. Talagang bumaon ito dahil sa sobrang lakas ng puwersa. Natigilan akong saglit nang lingonin nito ako. Ang lalaking nagpakita sa akin sa talon ang siya ring nagligtas sa akin ngayon.
"Walang kuwentang Seltzer!" anito at mas lalong ibinaon sa lupa gamit ang kanyang kanang paa. Mukhang patay na ito. Napalunok ako at natigil sa pag-iyak.
"Masiyado talagang matigas ang iyong ulo," baling nito sa akin.
Nanatili akong walang imik dahil hindi ko naman alam kung ano ang dapat kong sasabihin. Lumapit ito sa akin at inilahad ang kanyang kanang kamay. Nailing ako dahil hindi ko kayang tumayo sa sitwasyon ko. Bigla niya naman akong binuhat ng maingat.
"Alam na nilang nandito ka kaya't hahabulin ka nila, maging ako," wika nito.
"S-sino ba sila? Ikaw? At ang lugar na ito," lakas-loob kong tanong rito.
Hindi niya ako sinagot at nanatiling nakatuon lang sa daan. Hindi na rin ako nagtanong pa ulit dahil talagang iniinda ko pa itong sugat ko sa kanang hita.
Sa isang kurap nama'y narating namin ang karwahe. Hinawakan niya ito at bahagyang iniangat kaya hindi na ito nakalubog sa putikan. May iniwan din siyang papel at isinukbit sa isa mga kabayo.
"Baka hanapin ako ni—"
Hindi ko na naituloy ang sasabihin ko dahil sa biglaan nitong paghalik sa akin. Nagtama ang aming mga mata at kitang-kitang ko ang pagbabago ng mata niya mula sa luntian hanggang sa maging kulay pula. Humiwalay ang labi nito sa akin at lumakad nang muli. Tanging paglunok na lamang ang nagawa ko. Diyos ko, pangalawang halik niya na ito sa akin at aminado akong kinilig sa kanyang ginawa. Napayuko na lamang ako at ibig ko yatang batukan ang aking sarili dahil tila yata'y may namumuo na akong pagtingin sa kanya; sa isang istranghero bampira.
Hindi rin nagtagal ay narating namin ang masukal na daan. Nahinto kami sa tapat ng nakukumpolang mga baging at nang kanya itong hinawi ay bumungad sa akin ang maliit na kuweba. Sa dulo nito ay isang rumaragasang tubig. Dumaan kami sa gilid nito at laking gulat ko nang mapagtanto ko kung nasaan kami. Nasa lihim na lagusan kami ng museo kung saan matatagpuan ang mga tanim na itim na rosas at ang malinaw na tubig ng talon.
Lumakad pa siya ulit at nahinto sa tapat ng pader kung saan ako dumaan no'ng nakaraan. Kusa itong umangat at diretso lang siya sa paglakad habang bitbit ako. Muli namang sumirado ulit ang pader nang makapasok kami. Lumakad pa siya ng ilang hakbang hanggang sa tuluyan naming narating ang kabilang dulo. Pader pa rin ang dulo nito at walang ano pa'y bigla ulit itong umangat.
Bumungad sa akin ang hagdan pababa. Dalawampung baitang ito pababa hanggang sa matapat kami sa dalawang pinto. Itinulak niya ang kaliwang pinto at bumungad sa akin ang isang kuwarto. Antigo ang mga muwebles na ginamit sa silid at sa gitna nito ay isang malaking kama. Dahan-dahan naman niya akong ibinaba. Iyong tipong marahan at maingat na pag-alalay kaya't medyo hindi nagalaw ang sugat ko sa hita.
Lumayo naman ito sa akin at hinubad ang suot niyang tsaketa. Tumambad sa akin ang matipuno at makisig nitong katawan. Wala pala itong suot na pang-itaas at tanging kupas na maong na kulay asul lang ang suot niya sa ibabang parte. Wala sa sarili pa akong napalunok at 'di man lang inalintana itong sugat ko.
Iniitsa niya lang ang tsaketa sa sulok at may kinuha sa loob ng tukador. May kung anong bote itong kinuha at isinalin sa kulay gintong kopita. Nilagok niya ang lahat ng laman nito at lumapit sa akin. Inilapag niya sa katabi kong mesa ang hawak niyang bote, maging ang kopita. Mataman naman nito akong tinitigan kaya't napayuko ako dahil parang nakakapaso ang mga titig nito sa akin.
Bigla naman niyang hinawi paitaas ang tsaketang suot ko kaya't napapitlag ako. Maingat din niyang itinaas ang suot kong bestida ngunit pinigilan ko ang kanyang kamay. Hinawakan niya lang ang kamay ko at inalis, saka tuluyang inangat ang bestida ko. Pakiramdam ko'y lulubog na ako sa sobrang kahihiyan dahil konti na lang ay makikitaan na ako.
Binitiwan naman niya ang kanang kamay ko at kinuha ang bote. Walang ano pa'y walang pasabi niya itong ibinuhos sa sugatan kong hita.
"...aah!" daing ko nang pagkalakas dahil sa sobrang hapdi.
Mabilis niyang kinabig ang batok ko at pinakagat sa akin ang kanyang braso.
"...ugh!" ungol ko habang kagat ko ang kanyang braso.
Nag-uunahan sa pagtulo ang aking mga luha dahil sa sobrang sakit at hapdi. Hindi ko inaakalang alak pala ang ibinuhos nito sa akin. Diyos ko! Sinaunang tao nga talaga ang nilalang na ito dahil alak ang ginagamit bilang panglinis ng sugat imbes na alkohol.
Bahagya niya naman akong itinulak at pinasandal sa kama. Biglang nanghina ang pakiramdam ko dahil sa ginawa niyang 'yon. Kitang-kitang ko naman ang paggaling ng kagat ko sa kanyang braso. Ibang klase talaga siya!
Dahan-dahan naman nitong inangat ang hita ko at natigilan ako sa ginawa niya. Bigla na lamang kasi siyang yumuko at walang pasubaling dinilaan ang sugat sa aking hita. Namilog naman ang aking mga mata sa biglaang paggaling ng mga sugat ko. Hindi naman kaya'y may sa lahing engkanto ang lalaking 'to!?
"A-anong ginawa mo?" sa wakas ay utas ko.
Kumikit-balikat lang ito at nilubayan na ang hita ko. Tumayo naman na ito at lumapit muli sa tukador at may kinuha ulit. Isang bestida na kulay asul ang iniabot nito sa akin.
"Magbihis ka..." utos pa nito. Natigilan akong muli.
"S-saan?" alanganin ko pang sagot.
Hindi ito umimik at seryoso lamang na nakatitig sa akin. Kung hindi lang talaga kakaiba itong lalaking 'to, marahil ay nasapak ko na ito. Napalunok ako at walang nagawa kundi ang magbihis sa harapan nito. Ngunit bago ko pa man mahubad ang suot ko'y tumalikod na ito. Nakahinga ako ng maluwag. Kahit pa-paano'y may respeto rin pala ito sa akin. Dali-dali akong nagbihis at itinabi ang marumi kong damit.
Saka naman ito humarap sa akin.
"Dito ka lang..." anito at saka lumabas ng kuwarto.
Mas lalo akong nakahinga ng maluwag. Makailang beses ko yatang pinigil ang aking paghinga. Hindi ko talaga mapigilan ang kabahan sa kanya. Hindi siya isang ordinaryo, bagkus isa siyang bampira.
Dahan-dahan naman akong napatayo at tinantsa kung kaya ko na bang ikilos ang kanang hita ko. Napangiti ako. Salamat naman sa Diyos at gumaling na ito ng tuluyan.
Ngunit paano niya kaya iyon nagawa?
Bumukas naman bigla ang pinto kaya't awtomatiko akong napaupo. Aatakihin ako sa puso dahil sa lalaking 'to. May inilapag naman ito sa maliit na mesa, na sa tingin ko'y pagkain. Kumakain din ba sila?
"Kumain ka na..." anito.