Kabanata 15

1478 Words
Kabanata 15 Kay tipid naman nang binibigkas nitong mga salita. Nanatili naman ako nakaupo lang sa kama kaya binuhat na lamang nito ang mesa gamit ang isang kamay. Napaawang ang aking bibig dahil sa sobrang pagkamangha pero agad ko rin namang itinikom ito nang mapuna ko ang malagkit niyang pagtitig sa akin. Itinulak naman nito ang pinggan palapit sa akin. Alanganin pa akong kumilos dahil napakahirap talaga nitong basahin. Umalis naman ito sa harapan ko at nahiga sa kama. Napalunok naman ako ulit at walang kibo na ring kumilos upang makakain. Hindi nagtagal ay natapos din naman ako at bahagyang sumulyap sa antigong orasan. Ala una na ng madaling araw at tila ba nakapagtataka't hindi pa ako dinadalaw ng aking antok. "Yana..." Natigilan na naman ako at bahagya itong nilingon. Kung bakit ba kasi nagsisitayuan ang mga balahibo ko sa katawan sa tuwing tinatawag niya ang pangalan ko. "M-maari ba akong magtanong?" wika ko. Umayos naman ito sa pag-upo at sumandal. "Kung nabigla ka at naguguluhan, masasanay ka rin. Mamaya na kita dadalhin sa kuwarto mo. Mahiga ka na rito." Mariin kong nakagat ang aking ibabang labi. Ni hindi man lang ako binigyan ng pagkakataong magtanong pa. Kalaunan ay natauhan din naman ako sa iba niyang sinabi. Magtatabi kami!? "H-ha? S-sa a-ano—ay!" Bigla na lamang kasi nito akong binuhat at inihiga sa kabilang dulo ng kama. Agad akong napatalikod at niyakap ang aking sarili. Kinakabahan ako na 'di ko mawari. Wala pa akong naging nobyo kahit isa man lang at unang beses kong mahalikan, maging ang makatabi ang isang lalaki sa kama. Napalunok ako. Ramdam ko naman ang biglang paghila niya sa kumot at itinakip sa akin. Ngunit mas lalo kong ikinabigla ang sunod niyang ginawa. Iniunan nito sa akin ang kanyang kanang braso at ang kaliwang braso naman nito'y nakadantay sa baywang ko. Maging ang mukha nito'y isiniksik sa aking leeg. Ramdam na ramdam ko ang lamig ng katawan nito ngunit wari pakiramdam ko'y nasasapat na itong matinding init ng aking katawan upang labanan ang lamig nito. "Ano ba talaga kita?" wala sa loob kong nautas. "Ang iniirog mong nagmula sa nagdaang taon," bulong niya. Hindi na muli akong kumibo at marahang ipinikit ang aking mga mata. Kinaumagahan nang magising ako'y narito na muli ako sa aking silid. Gaya nga nang sabi nito'y ibabalik niya ako ngunit hindi ko man lang namalayan kung paano niya ako ibinalik dito sa aking silid. Napatitig ako sa kawalan. Hindi ko alam kung totoo na ba talaga itong nangyayari sa akin. Sa pagkakasabi niya kanina ng mga 'yon ay parang nobyo ko na siya. Napabangon ako at napasabunot sa aking sarili. Nakakabaliw na talaga! Ngunit sa isang saglit ay napangiti ako sa malasakit nito sa akin. Nahihibang na nga yata talaga ako ngunit pakiramdam ko'y nahuhulog na ako sa kanya. Tumayo na ako at pumasok sa banyo. Matapos kong magbabad sa banyo at mag-ayos ng aking sarili ay napagpasyahan ko na ang lumabas sa aking silid. "Nakauwi ka na pala ate Yana?" Si Egoy na abala sa paghahanda ng aming agahan. "Ha? A, oo..." hindi makatingin kong sagot sa kanya. "Mabuti naman po at nag-iwan kayo ng sulat para ipaalam sa akin na nadaanan po pala kayo nila ate Catherine. Nag-aalala po ako sa inyo ng husto ate," ani Egoy at umupo na sa hapag. Maging ako ay umupo na rin sa kaharap nitong silya. "G-ganoon ba? Oo e," sabi ko na lamang. Pambihira ang lalaking iyon. Paano kung mang-usisa pa si Egoy at malaman niya ang totoo. At paano niya kaya nakilala si ate Catherine? Diyos ko! Gusto na yatang sumabog itong utak ko sa kaiisip kung paano ko papaliwanagan itong mga nangyayari sa akin. Kailangan ko ng mga sagot sa mga tanong ko at hahanapan ko iyon sa kahit anong paraan. "Egoy, may libro ba rito tungkol sa mga bampira at mga taong lobo?" tanong ko pa habang kumakain kami ng agahan. "Nako ate, wala po e. Sa internet mo po iyan mahahanap," sagot naman nito. Mataman ko siyang pinagmasdan. Mukhang wala talaga itong alam kung ano ang nasa kabilang bakod. "Eh? Bakit may kuryente? Wala bang internet talaga rito?" Nailing naman ito. "Talagang wala po ate. Masiyado na kasing malayo ang islang 'to at kung sa kuryente naman po, may sariling pinagkukunang suplay ang islang 'to ate, kaya may kuryente at libre pa." Napatango naman ako. Nasa impluwensya nga talaga ng makalumang pamumuhay ang islang 'to. Hindi na ako muling nagtanong at tinapos na ang agahan. Bumalik muli ako sa aking silid upang makapagpalit ng sapatos. Masiyado kasing masikip ang naisuot ko. Natigilan naman ako nang makita ko ang aking hita na walang galos o kahit pilat man lang bilang indikasyon nang pagkasugat ko. Biglang nagsitayuan itong mga mumunting balahibo ko sa katawan nang maalala ko ang ginawang pagdila ng lalaking iyon sa aking hita. Tinampal ko ang aking sarili. Wala lang 'to! Muli na akong lumabas ng aking silid at gaya nga ng trabaho ko'y pumuwesto na ako malapit sa pinto, ngunit kumuha muna ako ng ilang libro na babasahin ko, baka kasi sakaling may libro rito tungkol sa mga bampira at taong lobo. Hindi kasi ako naniniwala kay Egoy na walang ganoong libro rito. Umupo na ako sa silya ko at nagbasa na. "Gusto ko sanang magpatulong..." Narinig kong wika ng isang lalaki. Ibinaba ko ang librong hawak ko. Siya lang pala, iyong lalaking may nakakasamid na pangalan. "S-sige..." alanganin ko pang sagot. Hindi ko rin maipagkakaila sa sarili ko na may itsura rin itong lalaking 'to. Guwapo ito, matikas at may angas din. "A-ano nga pala ang hinahanap mo?" alanganing baling ko pa rito. Abala ito sa kabilang mesa at may binubuklat na mga libro. "Red Roses..." tipid na sagot nito. Mukhang nobela yata ang tinutukoy niya. Inusog ko ang hagdan at ginamit ito. Nasa pinakamataas na parte ito nakalagay. Hindi rin naman mahirap hagilapin ito dahil nakalagay naman ito ng pa-alpabetiko. Umakyat na ako gamit ang hagdan at kinuha ang gusto nito. "Red Roses sa panulat ni Leigh Daz Seltzer." Narinig ko pang wika nito nang makuha ko na ang libro pero natigilan ako. "Seltzer..." wika ko. Wala sa sarili akong napabitiw ng hawak sa hagdan dahilan para mawalan ako ng balanse. Napapikit ako dahil alam kong semento talaga ang babagsakan ko. "Ayos ka lang?" Napadilat ako at napatitig sa kanya. Saka ko lang napagtanto na karga niya pala ako. "Ha? A-ayos lang!" agad na sagot ko at nagpababa sa kanya. "Paano nangyari 'yon?" tanong ko pa. "Ang alin?" tanong din naman nito at napamulsa. "Tatlong dipa ang layo mo sa akin at may tatlong mesa pang nasa pagitan natin kaya paano mo ako nasalo ng ganoon kabilis?" mangha ko pang sabi. "Ha? Kanina pa ako sa likod mo," kampante lang din naman na sagot nito. "Sigurado ka?" nakakunot-noo ko pang paniniguro sa kanya. Napatango naman ito at kinuha ang librong hawak ko. "Salamat..." tipid na sabi lang nito at tumalikod na pero agad din naman na umikot pabalik. Bigla niya namang kinuha ang kanang kamay ko at kinamayan ako. "Zsakae Zither, pamangkin ni kuya Steffano..." pagpapakilala niya pa sa akin at malagkit pa akong tinitigan. Napaawang lang ang aking bibig at tila ba ayaw niyang bitiwan ang kamay ko. "Yana..." tipid kong sagot at pahapyaw na ngumiti. "May kamukha ka..." aniya. "Si Alyana na naman ba?" Napatango naman ito sa tanong ko. "Baka nagkataon lang..." nasabi ko na lamang kahit na gusto ko pa sanang magtanong. Baka kasi sakaling may alam siyang kahit kapiranggot lamang na impormasyon tungkol kay Alyana. Bigla namang may kumalabog sa loob ng museo kaya agad kong hinila ang aking kamay. "Paumanhin..." sabi ko pa at nagmadaling lumakad papunta sa pinto ng museo. Binuksan ko at sinilip kung ano iyong nahulog. Nakita ko sa sahig ang isang larawang nakataob. Lumapit ako at kinuha ito. Natigilan ako sa nakita ko. Hindi ko alam kung ako ba o si Alyana ang nakaguhit sa larawan ngunit sa nakikita ko'y ako ito at may lalaki akong kasama na nakatalikod habang nakikipagkamay ako rito. Nabitawan ko ang larawan at agad na napalabas ng museo. Bumilis ang t***k ng puso ko. Paano naiguhit ang larawang iyon gayong kagaganap lang no'n kani-kanina lang. "Ayos ka lang?" Si Zsakae. "Ha? Oo naman..." agarang sagot ko at bumalik na sa aking mesa. Natampal ko ang aking noo. Sino kaya ang gumuhit no'n? Napapikit ako ng mariin. Isa pa itong inaalala ko. Narinig ko na ang pangalang Seltzer do'n sa nagligtas sa akin kagabi. Hindi ako puwedeng magkamali dahil tinawag niya pa itong walang kuwenta. Naalala ko rin iyong sinabi ni Mang Dhelfin sa akin no'ng nakaraang araw. Nabanggit niya ang apilidong Seltzer. Diyos ko naman! Maloloka na yata ako sa kaiisip kung paano ko pagtatagpiin ang mga napansin ko. Napatayo akong muli at binalikan ang mga libro na ang may akda ay si Leigh Daz Seltzer.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD