Kabanata 13
"Opo ate. Teka may kukunin lang ako, bilisan niyo na po sa pagkain," masiglang wika rin naman nito.
Agad itong napatayo at pumasok sa kanyang kuwarto. Ako naman din ay mabilisang inubos ang pagkaing nasa harapan ko. Nang matapos ako'y kaagad din naman akong nagpalit ng bestida at pares ng sapatos.
Pagkalabas ko ng silid ko'y nagkasabay pa kami ni Egoy. Nagsalubong ang aking mga kilay. Nakasuot kasi ito ng mahabang tsaketa.
Hindi lang simpleng tsaketa dahil ito iyong madalas kong nakikitang suot ng mga hudyo o kaya'y mga sinaunang prayle; o kaya nama'y madalas ko rin itong nakikita sa mga myembro ng mga kulto. 'Yong parang nagsasagawa ng ritwal sa mga dayuhang palabas. Napahagikhik ako.
"Egoy, ano ang pumasok sa utak mo at kailangan pa ng ganyan?" natatawa ko pang tanong.
Napanguso ito at nahihiyang napakamot sa kanyang ulo.
"Kailangan kasi ate e. Ito 'yong sa 'yo tapos gamitin mo itong pabango, madali lang mawala ang amoy niyan kaya limang bote ang ibibigay ko sa iyo," paliwanag pa nito.
Napangiwi ako at walang nagawa kundi ang isuot ang itim na tsaketang bigay niya.
"Mamahalin ito a," tukoy ko pa sa pabangong hawak ko.
"Sige na po ate, gamitin niyo na po. 'Wag kalimutan po gamitin kada minuto," bilin pa nito.
"Kailangan pa talaga nito?" taka kong tanong.
Napatango naman ito. Nailing na lamang ako at ginamit na ito.
"Tara na po..." kayag nito sa akin.
Ngumiti lang ako at napatango.
Lumabas na kami ng silid-aklatan at siniguradong nakasilyado ang mga bintana at pinto. Hinila ako ni Egoy papunta ng tarangkahan. Nang matapat kami'y mabilis din naman kaming pinapasok nang sumenyas itong si Egoy.
"Ano ang lalagyan natin ng mga libro?" taka ko pang usisa.
"May karwahe naman po tayong gagamitin," anito.
Napatango naman ako. Ibang klase, uso pa pala ang mga karwahe sa islang 'to.
Nang tuluyan kong mailibot ang aking paningin ay bahagya pa akong nagulat. Ang akala ko'y naglalakihang bahay na dikit-dikit ang makikita ko ngunit nagkamali ako. Masiyado yatang makaluma ang lugar na ito at magkakalayo ang mga bahay; puro luma pa ito at sinauna pa ang mga materyales.
"Egoy, ito ba talaga ang lugar?" paniniguro ko pa.
"Opo ate, lumakad na po tayo. Isang bilin pa po pala, huwag po kayong makipag-usap sa kahit kanino at huwag po kayong tumitig sa mga taga rito," ani Egoy.
"Oh? May ganoon pa? Sige na nga lang." Wala akong nagawa kundi sundin ang mga bilin ni Egoy sa akin.
Tutal din naman kasi ay dapat na sumunod talaga ako dahil ngayon pa lang ako nakapasok sa balwarte ng mga Zoldic.
Hinila naman akong bigla ni Egoy papunta sa isang malaking garahe at nang makapasok kami'y agad na bumungad sa amin ang karwahe; ito na marahil ang tinutukoy ni Egoy kanina na gagamitin namin. Umuna siyang sumakay at ako rin nama'y umupo sa tabi niya.
"Ate ang pabango po..." baling pa sa akin ni Egoy.
Tumango lang ako at agad na iwinisik sa aking sarili ang pabangong hinugot ko sa aking bulsa. Ang selan naman sa amoy ng mga taga rito.
Habang binabaybay namin ang daan ay tahimik akong napapaisip. Magpakita pa kaya siya akin? Hindi man kapani-paniwala ngunit may parte rito sa puso ko na hinahanap-hanap ko ang kanyang presensya.
Alam ko, kakaiba nga siya at isang nakakatakot din na nilalang, na akala ko dati'y mga kuwentong barbero lang. Ngayong ayaw na niya akong makita'y lubos yata akong nanghihinayang.
Baliw na nga ako kung iisipin ngunit alam kong nakakatakot siya pero pakiramdam ko'y hindi naman.
Diyos ko! Kung anu-ano na yata itong naiisip ko. Inalog ko ng konti ang aking ulo.
"Narito na po tayo..." wika ni Egoy kaya't natuon agad ang aking atensyon sa hinintuan namin.
Halos lumuwa yata ang mga mata ko nang makita ko ang napakalaking unibersidad na ito.
"Maligayang pagdating sa La Luz De Vermont Universidad," bulong pa ni Egoy sa akin. Napangiti ako.
"Zoldic din ba ang may-ari nito?" tanong ko.
"Opo ate. Si La Luz De Vermont Zoldic po, ang ninuno ng mga Zoldic," ani Egoy.
Napatango-tango naman ako. Ganito pala kayaman ang mga Zoldic at ang ganda talaga ng unibersidad ngunit parang kami lang yata ang taong narito.
Nahinto kami sa tapat ng malaking pinto ngunit pinatakbo muli ni Egoy ang mga kabayo at nahinto ulit sa gilid mismo ng unibersidad.
"Baba ka na po ate. Kailangan nating magmadali. Mamaya lang ay darating na sila." Napakunot ako ng noo.
Ganitong oras ng alas nuebe ay may mag-aaral pa? Nakakamangha naman. Bumaba na lamang ako at sumunod na kay Egoy. Ang dami naming inikutang pasilyo at inakyatang hagdan hanggang sa marating namin ang silid-aklatan ng unibersidad. Pagkabukas pa lang ni Egoy sa pinto ay agad na bumungad sa akin ang napakalaking silid-aklatan.
"Egoy, naayos ko na ang mga dadalhin mo," salubong pa sa amin ng isang babae.
Nakasuot ito ng salamin sa mata at nakalugay ang buhok nito na may pagka maalon-alon.
"Talaga ate Mocha? Salamat po ha..." sagot naman nitong si Egoy.
"May kasama ka pala, Egoy..." baling naman ni ate Mocha sa akin. Sa tantsa ko kasi'y magkasing-edad lang sila ni ate Catherine. Tinanggal ko naman ang sumbrerong karugtong ng aking tsaketang suot.
"Pasensya na po kung napasama ako..." nahihiya ko pang paumanhin.
Bahagya naman itong natigilan at agad na tinabig ng marahan si Egoy. Lumapit si ate Mocha sa akin at sinipat ng mabuti ang aking mukha, maging ang aking pangangatawan. Bigla pa nitong inamoy ang aking buhok.
"Kamukha niya si Alyana, 'di ba Egoy?" ani ate Mocha at bahagya pang pumaling kay Egoy. Si Egoy din naman ay napatango lang din.
"Bilis Egoy! Kunin mo na ang mga kahon at saka mo balikan itong kasama mo. Magpatulong ka sa iba," utos ni ate Mocha kaya agad din namang tumalima itong si Egoy.
Gusto ko sanang tawagin si Egoy ngunit nag-aalangan naman ako. Hinila naman ako ni ate Mocha sa isang sulok at kinuha ang kaliwang kamay ko.
"Bakit po?" taka ko rin namang tanong.
"Bakit ka pa sumama rito, alam mo bang inilalagay mo lang sa piligro ang buhay mo," anito at bakas sa mukha niya ang takot at pag-aalala.
Napaawang lang ang aking bibig dahil hindi ko naman alam ang tinutukoy niya. Bigla naman niyang pinisil ang kaliwang braso ko at aminado akong masakit iyon kaya't napadaing ako. Bigla namang may lumabas na matinik na tangkay ng isang itim na rosas sa aking kaliwang braso at nang ito'y kanyang bitawan ay agad din naman itong nawala. Ano ang bagay na 'yon!?
"Nagpakita na ba siya sa iyo?" tanong nito.
"S-sino po?" taka ko rin namang sagot at napahawak sa aking braso. Para yatang magkakapasa ako nito mamaya kapag hindi ko ito nalapatan ng yelo.
"Ang lalaking bumabagabag sa iyo. Huwag kang lumubay sa kanya kung ayaw mo ang magaya kay Alyana. Kailangang mangyari ang dapat na noon pa sana'y nangyari. Nakikiusap ako sa iyo, Ayesha Yana..." Nanlaki naman ang aking mga mata nang banggitin nito ang aking pangalan gayong hindi pa naman ako nagpakilala rito.
Naguguluhan din ako sa bawat salitang binibitawan nito. Sino ba talaga si Alyana? Ano ang nag-uugnay sa aming dalawa at bakit ko siya kamukha? Magsasalita pa sana ako pero bigla namang dumating itong si Egoy at nagmamadaling hinila ako palabas, hanggang sa matapat kami sa karwaheng sinakyan namin kanina. Halos kapusin ako ng aking hininga dahil sa bilis naming tumakbo ni Egoy.
"Dahan... Dahan n-naman..." hingal na hingal kong sambit.
"Sakay na ate..." ani Egoy kaya kahit na hapung-hapo ako'y mabilis akong sumakay agad.
Habang pinapatakbo ni Egoy ang karwaheng sinasakyan nami'y bigla naman itong nabaon sa maputik na parte ng daanan.
"Ate Yana, hintayin mo ako rito ha? Hihingi lang ako ng tulong kay ate Mocha," ani Egoy at agad na napatakbo pabalik sa pinanggalingan namin.
Napalinga naman ako sa aking paligid dahil sa may narinig akong mga kaluskos. Kung bakit naman kasi ay dito pa sa masukal na daan kami dumaan ni Egoy e! Bumilis na ang pagkabog ng aking dibdib. Napakapit ako sa aking kinauupuan. Talagang ayaw huminto ng mga kaluskos na naririnig ko.
"Egoy, nasaan ka na..." sambit ko sa kawalan habang napapalingon sa aking likuran.