Kabanata 16
Inisa-isa ko lahat na binasa ang mga gawa niya. Hindi nagtagal ay nakatapos ako ng tatlo. Pinunasan ko pa ang namamasa kong mga mata. Wala namang sinyales na taong lobo itong lalaking 'to. Puro lang naman tungkol sa pag-ibig itong mga nobela niya. Napatungo ako sa mesa. Baka naman siguro kapareho lang ng apilyedo at may ganoon naman talagang nangyayari. Napabuga ako ng hangin at iniligpit na ang mga librong nagamit ko. Muli ko itong ibinalik sa lagayan ang mga ito. Napabalik ako sa aking mesa at napatungong muli.
"Ate!" biglang tawag ni Egoy sa akin kaya't napatakbo ako agad.
Naabutan ko siyang nasa museo at may hawak na larawan, hindi lang isa kundi dalawa na.
"Egoy, bakit?" alalang tanong ko pa rito.
"Kasi ate, oh? May bago na naman. Hindi ko alam kung saan ko na ito ilalagay. Napuno ko na itong museo sa kadidikit ko ng mga bago e. Kung bakit kasi lagi na lang ganito," litanya pa ni Egoy at bahagya pang napatakip ng kanyang bibig.
Tila ba gusto nitong tampalin ang sarili dahil sa sobrang kadaldalan.
"May hindi ka ba sinasabi sa akin Egoy?" pag-iiba ko ng tono at napataas ng aking kilay.
Napakamot naman ito sa kanyang ulo at napatakbo sa pinto at isinarado ito.
Bumalik ito sa akin at umupo sa marmol na sahig. Ginaya ko siya at hinintay kung ano ang sasabihin niya.
"Ganito kasi 'yon ate. Simula nang tumuntong ako rito no'ng diyes anyos pa lang po ako'y sa isang buwan, isa o dalawang larawan ang laging naiiwan dito sa loob ng museo. Kaya hayan, ganyan na 'yan kadami ngayon," kuwento nito.
"Alam mo ba kung sino ang nag-iiwan ng mga 'to?" tukoy ko pa sa mga nakapintang larawan. Nailing naman ito.
"Nasanay na po ako na may ganitong nangyayari. Ang ipinagtataka ko lang po ay no'ng huling isang taon pa may iniwang larawan dito. At ngayon lang po naulit kaya nga po nagulat ako e," ani Egoy na nahiga na talaga sa sahig at iniunan ang kanyang mga braso.
Kinuha ko ang isang larawan. Napalunok ako nang matitigan ko itong maigi. Nagbabasa ng libro ang isang babae at nakasulat pa ang pamagat ng libro, ito'y kay Leigh Daz Seltzer. Namilog ang aking mga mata at nabitawan ang larawan. Diyos ko! Ako ulit ang nakapinta sa larawan!
"Egoy, tara na..." hindi mapakali kong yaya rito at agad akong napatayo. Pinagpapawisan ako ng malamig. Namamasa na rin itong mga kamay ko sa sobrang kaba.
"Ate, ayos ka lang po ba?" wika ni Egoy.
"O-oo!" nauutal kong sagot at umuna nang lumabas ng museo.
Kaagad akong bumalik sa aking mesa at napahilamos ng aking mukha. Masakit na talaga ang ulo ko sa kaiisip. Daig ko pa ang imbestigador!
"Ate Yana..." pukaw ni Egoy sa akin. Nilingon ko siya.
"Egoy, puwede bang umidlip ako saglit? Masakit lang talaga itong ulo ko," paalam ko pa.
Tutal din naman kasi ay magsasara na kami at mukhang kailangan ko talagang ipahinga itong utak ko.
"Sige po ate," sagot lang din naman ni Egoy.
Agad na rin akong lumakad papunta sa aking silid. Nang makapasok ako'y kaagad akong sumampa sa kama at napatihaya.
"Sino kaya siya..." nausal ko at tuluyang ipinikit ang aking mga mata.
Naamlimpungatan ako sa aking narinig. Hayan na naman kasi ang musikang naririnig ko mula sa piyano. Naniningkit ang mga mata kong napasulyap sa antigong orasan; pasado alas nuebe na pala ng gabi at medyo kumakalam na itong sikmura ko. Bumaba ako ng kama at lumabas ng silid ko. Napuna ko pang may mga pagkaing tinakpan sa mesa kaya't agad akong umupo at nagsimula nang kumain. Habang kumakain ako'y patuloy pa rin sa pagtutog ang piyano. Napapikit pa ako at ninamnam ito. Tila yata napakalungkot nang tinutugtog niya at talagang nakakapukaw ito ng atensyon. Mabilis ko nang tinapos ang kinakain ko, para naman mahanap ko na iyong piyano at ang tumutugtog nito.
Hindi nagtagal ay natapos din naman ako, maging ang makapagbihis ay natapos ko rin. Sinilip ko rin si Egoy sa kuwarto niya kung ito ba'y mahimbing ng natutulog at mukhang masarap nga ang tulog nito dahil naghihilik pa. Napuna ko namang dalawang ulit yatang tinugtog ang kanta. Kaagad kong tinungo ang museo. Dito na naman kasi nagmumula iyong musika.
Nang hawiin ko ang larawan ay walang nangyari. Kung anu-ano na yata ang ginawa ko para mabaliktad ang pader na 'to. Napaisip ako saglit.
'Di kaya siya ang tumutugtog no'n? Pero wala naman akong nakitang piyano sa silid nito nang kanyang ako'y dalhin. 'Di kaya'y nasa likod ng gusali ng museo?
Agad akong napatakbo palabas ng museo, hanggang sa makalabas ako ng tuluyan sa silid-aklatan. Mabuti na lamang at may mga poste ng ilaw kaya hindi masiyadong madilim. Lumakad na ako ng marahan dahil baka matalisod lang ako rito. Marami pa namang nakausling ugat ng mga puno.
Natigil naman ako sa paglakad nang makarinig ako ng alolong galing sa isang taong lobo. Diyos ko! Ibig ko yatang batukan ang aking sarili dahil sa pagiging tsismosa sa paligid ko. Pakialamera na nga talaga ako pero hindi talaga ako matahimik dahil sa dami ng kababalaghang nangyayari sa akin.
Lumakad akong muli ng ilang hakbang at ayan na naman ang mga alolong nila. Kaya ba may matayog at mataas na pader ay para protektahan ang maliit na bayang ito? Bakit nga ba ngayon ko lang ito naisip. Sumilip ako sa gilid ng museo at kitang-kita ko kung paano pumanaog ang mga ito patawid dito sa lugar namin. Halos mamilog ang aking mga mata nang umalolong ito ng sabay. Napabalik ako nang lakad ngunit nahinto rin naman ako dahil ang isa sa kanila ay nakabantay sa harapan ng silid-aklatan.
Diyos ko! Napabalik akong muli ngunit agad din naman akong nahinto dahil parang may nakatayo sa aking likuran.
"Narito ang itinakda!" Narinig ko pang sambit nito.
Walang anu-ano pa'y diretso na akong napatakbo nang walang lingunan. Sa sobrang takot ko'y halos magkandatisud-tisod na ako sa pagtakbo nang mabilis. Daig ko pa yata ang nakikipagkarera sa isang atleta.
Halos kapusin na ako ng aking hininga ngunit wala pa rin akong balak na huminto sa pagtakbo.