Kabanata 7
Matapos ang hapunan ay natulog na kami ng maaga. Wala rin naman kasing telebisyon dito at tanging radyo lang ang napuna ko. Sabagay, abala rin naman iyon sa trabaho ni Egoy dito. Bigla namang sumagi sa akin ang sinabi ni Egoy. Pakiramdam ko kasi ay totoo iyon. Napasulyap ako sa antigong orasan na gawa sa kahoy.
Malapit na ang hating gabi nang 'di ko man lang namamalayan. Kanina pa pala dilat ang mga mata ko at ayaw talaga magpahila sa antok.
Tumagilid ako sa paghiga ngunit laking pagtataka ko nang makarinig ako ng tunog na nagmumula sa instrumentong piyano. Kasabay niyon ay ang pagsapit ng alas-dose.
Napabangon ako at nagsindi ng lampara. Hindi ko pa kasi alam kung saan ang saksakan ng mga ilaw. Mabuti na lang talaga at iniwanan ako ng lampara ni Egoy. Sumilip ako sa labas. Nakahahalina ang tunog na nagmumula sa piyano. Humakbang pa ako hanggang sa makalabas na ako ng tinutuluyan namin ni Egoy. Napalinga-linga pa ako sa buong paligid ng silid-aklatan. Ngunit hindi ko naman naririnig dito iyon. Humakbang pa ako hanggang sa matapat ako sa pinto ng museo. Ngunit nakakandado ito mula sa loob.
Inilapag ko ang lampara sa sahig at muling pinilit na mabuksan ang pinto. Ngunit natigilan ako sa pagpupumilit na mabuksan ang pinto dahil pakiramdam ko'y may nakatayo sa aking likuran. Nanlamig ang buo kong katawan, maging ang aking paghinga ay ganoon din. Dahan-dahan akong lumingon. Pigil na pagsinghap ang aking nagawa nang mapatunayan mismo ng aking mga mata na totoo ngang may tao sa likuran ko kanina. Madilim na parte sa puwesto nito kung saan ito nakatayo. Ang tanging naaninag ko lamang ay ang pang-ibaba nitong bahagi sa pamamagitan ng ilaw na nagmumula sa lampara. Mas lalo namang bumigat ang aking paghinga nang humakbang ito ng isang beses. Gustuhin ko mang tumakbo ay hindi ko magawa. Pakiramdam ko'y baon na baon ang mga paa ko sa sahig. Ang kaninang nanlalamig kong katawan ngayon ay namamawis na. Panay din ang aking paglunok dahil sa biglaang panunuyo ng aking lalamunan. Namilog lalo ang aking mga mata nang humakbang pa itong muli. Mukha na lang nito ang natatakpan ng dilim at parang gusto ko pa ang humakbang siyang muli.
Akmang hahakbang pa ito ulit ngunit...
"Ate Yana..." Hawak ni Egoy sa aking balikat.
"Egoy!" wika ko nang lingonin ko ito.
Hingal na hingal ako, na para bang kagagaling ko lang sa karera. Daig ko pa ang naghihingalo dahil sa tindi ng gulat ko kanina'y pakiramdam ko'y humiwalay ang kaluluwa ko sa aking katawan. Nanlulumo akong umupo sa sahig at napahawak sa balikat ni Egoy.
"Ate, ano ang nangyari!?" Napalunok ako at wala pa talaga sa ayos ang aking utak.
Namalayan ko na lang na nadala na ako ni Egoy pabalik sa aking kuwarto. Tumabi ito sa akin at inabutan ako ng tubig.
"Ate Yana, ayos ka lang ba? Pinakaba mo ako e," anang Egoy.
"Egoy... May lalaki kanina..." sabi ko pa.
"Po? E tayong dalawa lang naman po ang nandito ate. Imposible rin namang may nakapasok, e nakakandado naman po lahat ang mga pinto, lalo na ang mga bintana," aniya. Mas lalo yata akong ninerbyos sa sinabi niya.
"Egoy, maari bang dito ka muna matulog. Kahit ngayon lang, pakiusap." Napatango naman ito.
Kinuha niya ang basong hawak ko at lumabas ng aking silid. Hindi rin naman ito nagtagal at bumalik ito. Dala niya ang manipis na kutson, unan at kumot. Inilapag niya ito sa sahig.
"Ate, tulog na po tayo. Maaga pa ho ako maglilinis bukas," aniya.
Napatango lang ako at nahiga na rin sa aking kama. Pinatay na ni Egoy ang ilaw ngunit dilat pa rin ang aking mga mata.
Hindi pa rin mawala sa aking isipan ang eksenang naganap kanina. Hindi ko alam kung bakit pero nakaramdam ako ng panghihinayang kanina. Kung hindi kasi dumating si Egoy kanina, marahil ay nakita ko na ang mukha ng lalaking iyon. Alam kong siya pa rin iyon, ang lalaking humalik sa akin. Napatakip ako ng mukha gamit ang aking mga palad. Malalaman ko rin kung sino ka.
Bago pa man tumilaok ang manok ay bumangon na ako. Hindi rin naman kasi ako nakatulog ng maayos kaya't napagpasyahan ko na lamang ang bumangon na at maghanda ng agahan para sa aming dalawa ni Egoy. Nagsaing lang muna ako, matapos nito ay ginising ko na si Egoy.
"Ate pasensya ka na ha, dapat kasi pupunta ako sa pamilihan ngayon ng maaga. Mukhang napasarap po ang tulog ko," nahihiya pa nitong paumanhin sa akin.
Ginulo ko ang kanyang buhok.
"Ayos lang, kasalanan ko rin naman kung bakit ka napuyat." Tipid naman itong ngumiti.
"Tara ate, isasama ko po kayo para naman alam niyo po ang mga pasikot-sikot dito," aniya.
"Sige ba," agad kong sang-ayon.
Gusto ko rin naman kasing libutin ang islang ito.
Bumalik naman si Egoy sa kanyang silid at agad din namang lumabas. Ako naman ay abala sa pag-aayos ng buslong paglalagyan ng aming mga bibilhin.
"Tara na po..." ani Egoy at nagpatiuna na sa paglakad.
Ngunit bago pa man ako makalabas ng silid-aklatan ay nahinto ako sa tapat ng pinto ng museo.
"Ate Yana, tara na po..." Sinilip pa ako ni Egoy, na ikinapukaw naman ng aking atensyon.
Agad akong sumunod sa kanya at isinarado naman nito ang pinto.
"Inaalala mo pa rin ba ang nangyari kagabi, ate?" wika bigla ni Egoy.
Inakbayan ko naman ito at ginulo ang kanyang buhok.
"Dala lang siguro ng pagod iyon Egoy," sagot ko.
Kahit na gusto ng aking utak at puso ang magprotesta ay nanatili akong mangmang sa aking sarili.
Alam ko, kakaiba iyon ngunit wala akong mapapala kung ipipilit ko pa. Ang ikinababahala ko lang ngayon ay mas lalo yatang lumala ang mga kakaibang nangyayari sa akin simula nang marating ko ang islang ito.
"Egoy, Para saan ang malaking bakod na iyan?" tukoy ko pa sa malaki at mataas pader.
"Hindi ko po alam ate, pero diyan ho nakatira sila ate Catherine, pati na po ang kuya Steffano. Ang sabi'y pribadong tirahan po ng mga may-ari ng islang ito, ang mga Zoldic po," aniya.
Napatango-tango naman ako.
"Kung ganoon ay isang Zoldic ang asawa ng pinsan ko?" usisa kong muli.
"Opo, pero huwag na po natin iyan pag-usapan ate. Tara na po..."
Nagpatiuna na ito sa paglakad. Bahagya naman akong napakunot ng aking noo. Bigla na lang kasi nagbago ang timpla nito at tila may iniiwasan. May masama ba akong naitanong? Sa palagay ko nama'y wala.
Sumunod na lamang ako sa kanya hanggang sa marating namin ni Egoy ang palengke. Hindi ito kalakihan gaya ng nakagisnan ko ngunit puna ko namang kumpleto sila sa rekados. Iyong tipong hindi mo na kailangang lumipat pa sa ibang palengke para lamang bumili ng mga ka-kailanganin mo.
Lumapit ako sa isang tindahan kung saan naroon si Egoy. Pumipili ito ng mga isda at karne, habang ako naman ay namimili rin ng mga gulay, prutas at mga sangkap na pampalasa sa pagkain sa katabing tindahan.
"Ineng, ano ang... Sa iyo?" anang no'ng matanda ngunit bakas sa tanong nito kanina ang tila ba pagkabigla.
"Ito lang po..." tukoy ko pa sa mga itinabi ko.
"Ah... Alyana kumusta ka na? Ang tagal na no'ng huli kitang makita. Ilang taon na ba? Anim na taon," anito na ikinabigla ko rin naman.
Bakit tinawag niya akong Alyana? Biglang nanlamig ang aking pakiramdam nang tawagin niya ako sa pangalang Alyana. Akmang magsasalita na sana ako ngunit nakatunghay na sa amin si Egoy. Bigla nitong pinagkukuha ang mga nabili ko at isinilid sa buslong hawak ko.
"Aling Lupe, hayan po ang bayad," ani Egoy at hinila na ako palayo sa tindahan.
Panay ang lingon ko kay Aling Lupe habang hinihila ako ni Egoy. Halata sa mukha ni Aling Lupe ang lungkot sa nangyari. Tila ba'y may gusto pa itong sabihin sa akin.
Nang makalagpas na kami sa palengke ni Egoy ay doon lamang ako natauhan. Inalis ko ang kamay ni Egoy na nakahawak sa akin at nahinto.
"Bakit mo ginawa iyon Egoy, ha!?" may halong pagkainis sa tono kong tanong dito.
"Kasi po nagmamadali tayo," sagot lamang nito at nagpatiuna na sa paglakad.
Napaawang ang aking bibig at hindi talaga ako makapaniwala sa naging reaksyon nito. Bigla-bigla na lamang itong nagmamadali gayong kadarating lang naman namin. Mariin akong napapikit at pinilig ng marahan ang aking ulo. Mabilis akong lumakad hanggang sa maabutan ko si Egoy. Ngunit diretso lang ako sa pagpasok sa loob ng silid-aklatan at 'di na nag-abala pang lingonin si Egoy. Naiinis ako at aminado naman sigurong napupuna niya ang mga pagdadabog ko. Naiinis ako sa pabago-bago ng timpla ng ugali nito at kung uusisain mo naman ay panay ang iwas. Puna ko rin ang paglilihis nito sa aming usapan.
Nang makapasok ako sa tinutuluyan namin ay agad ko rin namang inayos ang mga napamili namin. Rinig ko ang paghila nito ng silya habang ako'y abala pa rin sa pag-aayos ng mga sangkap sa pagluluto.
"Ate..." tawag nito sa akin kaya't napatigil ako sa pag-aayos. Nilingon ko ito at muling inabala ang sarili sa pagliligpit.
"Ate Yana, patawad talaga. Hindi ko naman intensyon na bastosin ka," anito.
Tinapos ko na ng tuluyan ang ginagawa ko, matapos ay humila ako ng isang silya at umupo sa harapan nito.
"Ang sa akin lang naman Egoy, ipaliwanag mo sa akin ang dahilan. Kung ayaw mo na bumili ako kina Aling Lupe ay wala iyong problema sa akin. Gusto ko rin naman kasing malaman para naman alam ko kung saan ako lulugar," pahayag ko pa ng aking saloobin. Nailing naman ito, na ikinakunot din naman ng aking noo.
"Egoy bakit?" untag ko rito.
"Halika po..." Hinila pa ako nito hanggang sa mahinto at matapat kami sa pinto ng museo.
Binuksan ito ni Egoy at bumungad sa akin ang loob ng museo.
Puno ito ng mga nakapintang larawan at talagang napakaganda ng mga ito. Maging ang kisame ay hindi nito pinalagpas sa paglalagay ng mga larawan. Inikot ng mga mata ko ang buong loob ng museo at talagang walang pagsidlan ng tuwa itong kaloob-looban ko. Ang mga tema ng mga ito ay halos nasa kagubatan. Iyon nga lang ay puna kong iisang babae lang ang modelo nito.
"Ang ganda..." bulalas ko.
"Maganda nga po pero puno naman ng lungkot ang mga nakapinta," ani Egoy.
Nilingon ko siya at nakamasid lang ito sa isang larawan. Nang tingnan ko rin ang larawang pinagmamasdan niya'y natigilan ako. Nakapinta sa larawan ang isang babaeng nakatanaw lang sa labas ng bintana at tila malungkot ito. Ngunit iba ang mas lalong pumukaw ng aking atensyon.
"B-bakit kamukha ko... Siya?" wika ko.
"Iyan nga po ang gusto ko sanang sabihin sa inyo ate. Kamukha niyo po si Alyana," ani Egoy.
'Alyana' Paulit-ulit na sinasambit ng aking utak.