Kabanata 6

1495 Words
Kabanata 6 "Tara sa magiging kuwarto mo," gayak pa sa akin ni pinsan. "Pero huwag na po..." protesta ko pa. Ang Tiyang Nely lang naman talaga ang sadya ko at hindi ang makitira sa bahay ng pinsan ko. "Pamangkin ka ni Tiyang Nely, 'di ba? Kaya wala naman sigurong masama kung dito kita patitirahin," anito. Magsasalita pa sana ako pero umiling ito. Itinikom ko na lang ang aking bibig. "Ito ang magiging kuwarto mo, katabi nito ay ang silid-aklatan. Sa ika-tatlong palapag nama'y amin ng asawa ko," paliwanag nito. "Ngayon ikaw naman ang magkuwento," baling nito sa akin. "Ako nga pala si Ayesha Yana Darvin, ate. Taga-Meycauayan, Bulacan po ako. Wala na po ang ina ko at ang amain ko naman ay may asawa ng iba. Ang bilin po kasi ni inay sa sulat niya'y hanapin ko raw po si Tiyang Nely upang makahingi ng tulong," mahabang paliwanag ko. Napatango-tango ito. "Ilang taon ka na ba, Ayesha," ani ate Catherine sa akin. "Yana na lang po, bente na po." Lumapit naman ito sa akin at biglang ginagap ang kamay ko. "Simula ngayon ay parte ka na ng pamilya ko, maari ba?" Wala sa loob akong napatango. "Paano ka nga ba nakapasok dito?" tanong nito ulit. "Dahil po yata sa itim na rosas," hindi pa sigurado kong sagot. Bigla naman nitong nabitawan ang plorerang hawak, dahilan para ito'y mabasag. Bigla namang bumukas ang pinto at iniluwa nito ang asawa ni ate Catherine. "Ayos lang ako Steffano," wika ni ate Catherine. Walang kibo ang asawa ng pinsan ko at hinila ito palabas ng silid ko. Naiwan akong tulala at puno ng katanungan sa utak. Inilapag ko ang mga gamit ko at sumilip sa labas. Wala ang pinsan ko at ang asawa niya. Marahil ay nasa itaas na ang mga iyon. Napabuntong-hininga ako at umupo sa kama. Ito na nga ba ang umpisa ng pagbabago ng buhay ko? May kumatok naman sa pinto kaya't napatayo ako mula sa aking pagkakaupo sa kama. "Pasensya ka na Yana..." paumanhin ni ate Catherine sa akin. "Ayos lang po, ate. Ate, alam kong napakamabuti ng pagtanggap mo sa akin pero si Tiyang Nely lang po talaga ang sadya ko," matapat kong wika. Bigla namang nalungkot ang anyo nito. "Pasensya ka na talaga, Yana. Pero kasi wala ang Tiyang Nely dito, kasama niya kasi ang anak ko," anito. Laglag ang aking mga balikat dahil sa aking narinig. "Pero puwede kitang dalhin sa kanya. Sa ngayon kasi ay hindi muna kami uuwi ni Steffano sa kabilang bahay kaya matatagalan pa iyon," dagdag nito. "Naiintindihan ko po..." sagot ko na lamang. "Tama! Trabaho? Gusto mo ng trabaho bukod sa makausap ang Tiyang, 'di ba? Puwede kitang ipasok sa silid-aklan at museo rito bilang taga bantay. Ayos ba iyon?" nakangiting alok pa nito. Sa sobrang tuwa ko'y niyakap ko siya. Tumugon din naman ito sa aking yakap. "Kaya lang Yana ay doon ka titira pero libre naman lahat." Kumalas ako sa kanya. "Nako ate Catherine, ayos na po iyan," nakangiting sagot ko. Alam ko, marangyang buhay ang maibibigay ni ate Catherine sa akin, ngunit ayaw ko rin namang isipin niyang umaabuso ako sa kabaitan niya. "Tara..." gayak nito sa akin at muling binitbit ang mga gamit ko. Nang makalabas kami ng bahay ay muli kaming lumiko sa kabilang kanto at bumungad sa akin ang malaking silid-aklan at museo. Magkabilang gusali ito ngunit magkarugtong naman. Nasa dalawang palapag lang ang bawat gusali at hindi naman masiyadong malawak ang inuukupahang puwesto nito. "Ate Catherine!" bungad sa amin ng isang binatilyo at bahagyang napasulyap sa akin. "Egoy pakidala naman ito sa magiging kuwarto ng ate Yana mo," utos ni ate Catherine. Pinagkukuha naman ni Egoy ang mga gamit ko at dinala na sa loob. "Si Egoy nga pala, siya ang makakasama mo rito. Siya kasi ang taga linis dito at dito na rin siya nakatira. Pasensya ka na Yana ha, ito lang kasi muna ang maitutulong ko sa iyo. Ang bilin din kasi ng asawa ko, dapat malapit ka lang sa amin," aniya. "Wala po iyon. Ako nga po dapat ang humingi ng despensa dahil sa pang-aabala ko po sa inyo." Nailing naman ito. "Obligasyon ko rin naman na tulungan ka. Sigurado ka bang ayos ka lang dito? Kasi puwede naman na sa bahay ka na lang mamalagi." Ako naman ang nailing. "Talagang maayos na po ito sa akin, ate. At saka kawawa rin naman si Egoy, wala siyang kasama dito," sagot ko rin naman. Napatango-tango ito. "Oh siya, kung may kailangan ka'y bisitahin mo lang ako sa bahay," bilin pa nito. Muli akong napatango. "Catherine..." Pareho kaming napalingon ni ate Catherine, ang asawa niya'y biglang dumating. Mukhang sinusundo na siya nito. Napayuko ako. Nahihiya akong tumingin sa asawa ng pinsan ko. Nakaka-akit kasi ang kakisigan nito. "Ingat ka Yana. Mauna na kami," paalam pa ni ate sa akin at lumakad na. "Nagugutom ka na?" Narinig ko pang tanong ni ate Catherine kay kuya Steffano habang napapabungisngis ng konti. Ang saya nila panoorin. Para akong nanonood ng totoog teleserye. Napangiti ako at pumasok na sa loob. "Ate Yana, tama po ba?" ani Egoy habang isinasara na ang pinto. "Oo, Egoy..." sagot ko kasabay ng aking pagtango. Inakbayan ko ito. "Ilang taon ka na ba?" usisa ko. "Katorse pa po ate," sagot naman nito. "Nasaan ba ang kuwarto ko?" tanong ko pa. "Dito po ate..." Sa isang bakanteng pasilyo ako dinala ni Egoy. Sa sulok nito ay may pinto. Pagkabukas ni Egoy dito ay bumungad sa akin ang maliit na kusina at dalawang silid na sa palagay ko'y magiging kuwarto ko ang isa rito. "Dito ka po sa kabila ate, nalinis ko na po iyan," nakangiti nitong wika habang binubuksan ang silid ko. Nang mabuksan niya ito'y ibinigay din naman niya agad ang susi sa akin. "Ate Yana, maghahanda lang po ako ng hapunan natin," paalam pa nito. "Sige..." tipid ko lamang na sagot. Nang makalabas ito'y nagkaroon ako ng oras para pagmasdan ang kabuuan ng aking silid. Maganda at halatang pambabae ang silid na ito. Isinilyado ko muna ang pinto bago ko inilapag ang mga gamit ko. "Ate Yana..." tawag pa ni Egoy sa akin kaya pinagbuksan ko ito ng pinto. "Egoy, bakit?" May ibinigay naman ito sa akin na malaking kahon. "Pinabibigay ni ate Catherine, suotin mo raw ang mga iyan ate," aniya. Wala sa loob naman akong napatango at muling isinarado ang pinto. Inilapag ko ang malaking kahon at binuksan ito. Laking pagkamangha ko dahil puro magagandang bestida ang laman nito. Mahigit sa kinseng bestida ito, maging ang pares ng sapatos na walang takong. Napalabas ako ng silid, dala ang malaking kahon. Napalingon naman sa akin si Egoy, na abala pa sa paghahain. "Egoy, pakibalik ito kay ate Catherine," pakiusap ko pa. Ngumiti naman ito. "Ate, hindi na niya iyan kukunin pabalik. Nasubukan ko na po iyan. Talagang mabait lang po talaga iyon, at saka magpinsan po kayo 'di ba? Natural lang naman po siguro na tanggapin niyo iyan," aniya. Napabuga ako ng hangin. "Wala na ba talagang pagpipilian?" biro ko pa. Bahagya naman itong natawa. "Wala na po." Napanguso na lamang ako at muling pumasok sa aking silid. Nagpalit na ako ng damit at muling lumabas. Umupo na ako sa hapag. "Tuyo at kamatis..." wika ko pa. Bahagya namang napakamot sa ulo itong si Egoy. "Hindi po ako nakapunta ng palengke ate kaya ito lang ang mayro'n po tayo. Hindi ko naman po kasi alam na may magiging kapalit agad si ate Melba," paliwanag nito at umupo na sa hapag, kaharap ko. "Melba?" sambit ko sa pangalang binanggit nito. "Opo, si ate Melba. Dating taga bantay din po rito pero..." Napatigil ito at tila nag-aalangan pa kung dudugtungan ang sasabihin. "Kasi... Atin lang po ito ate Yana, ha?" bulong nito kaya napatango ako. Sumubo pa ako ng kamatis at matamang naghihintay sa sasabihan niya. "Kaya po kasi umalis si ate Melba rito ay may kakaiba raw po siyang napupuna sa museo. Lagi raw kasing nababago ang puwesto ng mga nakapintang larawan," anito. Napalunok naman ako sa sinabi nito. "Hindi nga? Baka naman namamalikmata lang siya," sabi ko pa at muling sumubo ng kanin. Napapailing naman itong si Egoy. "Sa maniwala ka at sa hindi ate Yana, talagang nagbabago ang puwesto ng mga larawan sa museo. Sa tagal ko ba namang naging taga bantay dito ay alam ko talaga ang mga nangyayari," aniya. Napatigil ako sa pagkain. "Egoy naman... Tinatakot mo ako e!" angal ko pa. Napahagalpak naman nang tawa ito. Sabi na nga ba e! Nagbibiro lang ito. "Biro lang po iyon. Nakapag-asawa na po kasi si ate Melba at sa Maynila siya dinala ng asawa niya," anito. Bahagya naman akong nakahinga ng maluwag. "Muntik na akong maniwala e," sabi ko pa at muli nang kumain. Habang pinagmamasdan ko si Egoy ay natutuwa ako. Napakagaan ng loob ko sa kanya. Minsan ko rin naman hiniling sa Diyos na sana'y magkaroon ako ng bunsong kapatid. "Bakit ate?" pukaw nito sa akin. Napailing ako at ngumiti ng konti.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD