Kabanata 5
Pinilig ko ang aking ulo at akmang papasok na sana ngunit natigilan ako dahil may kung anong bagay ang tumama sa aking ulo.
Nang yumukod ako'y laking gulat ko nang makita kong may itim na rosas sa paanan ko. Wala sa sarili kong pinulot ito at inamoy. Napapikit pa ako dahil sa kakaibang amoy nito, na kung manuot ay talagang nakakahalina.
"Diyos ko Yana!" Napaigtad ako sa narinig ko mula kay Jeorgie.
Nabitawan pa nito ang hawak niyang baso na may lamang tubig, dahilan para magkalat ang mga nagkapira-pirasong bubog sa sahig. Agad ko siyang dinaluhan.
"Jeorgie may tama ka ba? Ha?" usisa ko.
Nakasuot pa naman ito ng maikling bestida. Namimilog pa rin ang mga nito habang nakatitig sa hawak ko.
"Si-sino may bigay niyan, ha!?" Halata sa mukha nito ang takot.
"Ito ba..." sagot ko naman sabay angat sa itim na rosas.
"Hindi ko alam, e. Napulot ko lang sa labas," sagot ko pa.
"Yana naman e! Alam mo ba na masama ang ibig sabihin niyan!" aniya at tumungo sa kusina upang kumuha ng walis tambo.
"Ha? Ano naman?" Napapangiwi pa ako dahil para lang dito'y nagkakaganyan siya.
"Madalas sa patay iyan ibinibigay Yana. Kung hindi itim, madalas puti ang ibinibigay," paliwanag nito matapos iligpit ang nabasag niyang baso.
"Baka naman galing 'yan sa madrasta mo Yana at pinagbabantaan ka na."
Halata sa boses nito ang pag-aalala at takot sa rosas na hawak ko. Napaisip naman ako sa kanyang sinabi kaya't agad kong itinapon sa basurahan ang rosas na hawak ko.
Ngunit pakiramdam ko'y labag sa loob ko ang ginawa kong pagtapon no'n.
"Yana, mag-impaki ka na. Ihahatid pa kita sa paliparan," ani Jeorgie. Nanlulumo akong napaupo.
"Jeorgie, 'di ba bawal pa pumunta roon," sagot ko naman. Nanonood din naman ako ng balita kahit papaano.
"Maliit na bagay lang naman iyan Yana. Marami akong paraan, ang importante sa akin ay ang mailayo kita rito."
Lumabas ito mula sa kuwarto niya at umupo sa tabi ko. Ginagap nito ang aking mga kamay at masuyong pinisil.
"Ayaw ko ang iwan ka rito habang wala ako. Kung puwede nga ay dito ka na tumira'y, ayos lang sa akin. Pero delikado ka rito Yana, signos na ang itim na rosas na iyon para tuluyan kang lumayo sa lugar na ito," paliwanag niya pa at konti na lang ay maiiyak na ito, gano'n din naman ako.
Pinisil ko rin ang kamay nito.
"Oo na, susunod na po." Hindi na ako nagprotesta pa dahil alam ko naman na tama ang punto niya.
Niyakap ko siya at hinagod ang likod nito. May konting butil ng luha sa aking kanang mata ngunit agad ko rin naman itong pinahiran. Panigurado kasing aasarin na naman niya ako. Kumalas ako sa yakap ko sa kanya.
"Mag-impake na tayo," yaya ko pa.
Napangisi ito ng konti at hinila na ako papasok sa kuwarto nito.
Hindi rin naman naglaon ay agad din naman kaming natapos. Nakakalungkot man ngunit kailangan ko talagang makipagsapalaran sa ibang lugar.
Tuloy na tuloy na rin kasi ang pag-alis ni Jeorgie papuntang Singapore. Ayon sa kanya ay mamalagi muna siya sa Maynila bago tumulak papuntang Singapore sa linggo. Marami pa raw kasi siyang tatapusin patungkol sa kanyang pag-alis.
"Grabe! Ang init!" angal ni Jeorgie habang pinapaypayan ang sarili gamit ang kanyang kamay.
Kasalukuyan kasi kaming nasa paliparan at papasakay na ako ng eroplano, ano mang oras mula ngayon.
Nag-abala pa kasi siyang ihatid ako gayong kaya ko naman. Sobrang bilis lang ng mga pangyayari. Sa dami ba naman ng kontak nito ay madali lang sa kanya ang ikuha ako ng iskedyul para makaalis agad, lalo na ang pasaporte ko.
"Yana!" ngawa nito bigla.
"Naiinitan ka pa rin? Ang lamig kaya," wika ko pa.
Napanguso naman ito.
"Gaga! Gusto ko lang ng yakap. Mangungulila ako nito sa iyo," aniya.
Walang pasabi ko itong hinila at niyakap ng mahigpit.
"Mag-ingat ka doon ha. Sumulat ka sa akin o kaya tumawag," bilin nito.
Tuluyang naglandas sa mukha ko ang mga butil ng luha. Napatango-tango ako at kumalas sa aking pagkakayakap.
"Ingat ka rin doon ha. 'Wag lumandi," biro ko pa at muli itong niyakap. Tumugon naman ito.
"Oo naman. Lakad na," aniya saka bumitiw sa akin.
Kinuha ko na ang mga gamit ko at mabigat ang ginawa kong paghakbang habang papasok sa eroplano. Nilingon kong muli si Jeorgie. Napapahagulhol na ito habang tinatakpan ang kanyang bibig. Wari'y pinipigilan niya ang kanyang pag-iyak ng malakas.
Kumaway ako bilang pahiwatig na ako'y magpapaalam na at itinuon ang aking atensyon sa unahan. Paalam Jeorgie, paalam ama ko, hanggang sa muli kong pagbabalik.
Nang makasakay na ako sa eroplano ay agad din naman akong umupo sa nakatoka sa aking upuan. Hindi ito ang unang beses na sumakay ako sa ganito pero hindi pa rin maalis sa akin ang kabahan. Wala ng ligtas sa panahon ngayon kaya't sana ay patnubayan ako ng Diyos.
Sa mahigit kalahating minuto kong pagkakaupo ay 'di ko na namalayang nakaidlip na pala ako. Ngunit ilang oras lang ay naalimpungatan ako kaya't bigla akong napadilat at sakto ang bumungad sa akin ay isang patay na pasahero. Duguan ito at napakabrutal ng pagkamatay nito. Tila natuyo pa ang katawan nito. Animo'y naubusan ng dugo ang katawan. Namilog ang aking mga mata at nanginginig na napatayo. Hihingi na sana ako ng tulong ngunit laking takot ko dahil lahat ng pasaherong kasama ko ay patay na, maging ang mga empleyado. Napasigaw ako sa tindi ng takot. Napaatras ako ng hakbang ngunit may nabangga ako. Akmang lilingunin ko sana ito ngunit laking takot ko nang may ibinulong ito...
"Yana..."
Ang pangalan ko!
"Madam, gumising ho kayo. Madam..." Napadilat ako at napasinghap. Napahawak ako sa aking dibdib dahil sa tindi ng kaba.
"Tubig..." wala sa katinuan kong sambit.
Mabilis naman ang pagbigay nila sa kailangan ko kung kaya't walang pag-aalinlangan kong ininom ang tubig na nasa plastik na bote.
"Binabangungot po kayo. Gusto niyo po bang ipa-eksamin ko kayo sa aming kasamahan na doktor," anito. Nailing ako.
"Ayos lang ako..." pinipigilan ko ang boses ko na manginig.
"Puwede na po kayong bumaba," anito ulit.
Ngayon ko lang napansin na ako na lang pala ang natitirang pasahero sa loob.
Hugot at buga ang ginawa ko bago ako tumayo. Kinuha ko agad ang mga gamit ko at dali-daling lumabas ng eroplano.
Nakakahiya ang ginawa ko kanina. Ang akala ko talaga ay totoo na iyon, panaginip lang pala.
Mariin akong napakapit sa maleta ko. Nakatutuwa mang isipin dahil pinalitan talaga ni Jeorgie ang lalagyan ng mga gamit ko upang magmukha raw akong presintable. Ngunit hindi ko rin naman ikahihiya kong iyong malaking bayong ang dadalhin ko.
Naniningkit ang aking mga mata habang napapatanaw sa papalubog na sikat ng araw. Hindi naman masakit sa mata ngunit nakakasilaw pa rin. Ngali-ngali na akong lumapit sa mga taga-rito at nagtanong-tanong.
Hindi kasi ako sumabay sa mga turista na may nakahandang bus para sa kanila.
"Manong, saan ho ang sakayan papuntang Isla Pag-asa?" tanong ko.
"Ay ineng, tamang-tama lang ang pinagtanungan mo. Papunta kami roon sa pantalan. Maaari kang sumabay sa amin kung gusto mo," anito. Natuwa naman ako sa mabuting pakikisama nito.
"Sige ho! Salamat po talaga."