Kabanata 19
"Ate Yana..." pukaw sa akin ni Egoy kaya natauhan ako.
"Paumanhin, maari bang pag-isipan ko muna ang iyong alok?" wika ko pa.
"Oo naman..." nakangiti nitong sang-ayon.
Sumulyap ako sa kalendaryong nakasabit sa dingding. Biyernes ngayon at may bukas pa akong mag-isip kung paano ako tatanggi sa kanya.
"Mauna na ako Egoy, Yana..." ani Zsakae.
Tango lang ang itinugon ko at inubos na ang pagkain ko, maging ang gamot para sa sakit ng katawan ay ininom ko na rin. Nagpaalalay na rin ako kay Egoy pabalik sa aking silid.
"Ate, hindi niyo po ba kakainin 'yong mga prutas?" tanong nito bigla.
"Mamaya na lang siguro..." tipid ko lamang na sagot.
Ngumiti lang naman si Egoy at tuluyan nang lumabas ng aking silid. Nang makalabas ito'y pinilit kong makatayo agad at isinalyado ang pinto. Paika-ika akong bumalik sa kama ko at sinimulan nang hubarin ang aking pang-itaas na damit. Napangiwi ako dahil talagang ang dami kong pasa sa katawan. Kinuha ko ang pamahid at nilapatan kaagad ang mga pasa ko. Hindi nagtagal ay natapos ko rin lahat lagyan ng gamot ang mga pasa ko sa buong katawan. Napaliyad pa ako at iniunat ang aking mga braso dahil sa pangangalay. Diretso akong nahiga sa aking kama at napatitig sa kisame. Pupunta ba ako? Ngunit hindi ko pa naman gaanong kakilala si Zsakae.
Oo nga't pamangkin siya ni kuya Steffano, ngunit hindi ko pa rin maiwasan ang mag-alangan. Lalo pa ngayon at may nobyo na ako, si Mattheaus.
Oo nga't kay bilis ng mga pangyayari at naging nobyo ko na agad ito pero bilang nobya na nito'y obligado kong isaalang-alang ang nararamdaman nito. Napahilamos ako ng aking mukha at kinuha ang mga damit ko. Muli akong nagbihis at napagpasyahang magpahinga na lang muna. Mukhang aabutin ng ilang araw itong pananakit ng katawan ko at ang paggaling ng mga pasa ko sa katawan.
Napadilat ako nang madama kong masiyado yatang malamig ang aking nahigaan. Nang luminaw sa utak ko kung nasaan ako'y agad akong napabangon. Nakahiga ako sa lupa na napapalibutan ng tuyong mga dahon. Nasa isang gubat ba ako? Ngunit kanina lang ay nasa aking kuwarto pa ako.
Natigilan ako nang mapuna kong iba na pala ang aking kasuotan. Suot ko'y itim na bestida. Hindi lang isang simpleng bestida dahil mukha itong pangkasal na damit. Iyon nga lang ay kulay itim ito, maging ang suot kong pares ng sapatos ay kulay itim na may palamuting pilak na dekorasyon. Napakunot ako ng aking noo at inikot ang aking mga mata sa aking paligid. Paano ako napunta rito? Nasaan ako? Lumakad ako at napuna kong nagsilapitan sa akin ang mga paru-parong kulay itim rin. Dumapo ang mga ito sa aking damit ngunit kaagad din namang nagsiliparan ang mga ito. Ngunit ewan ko ba kung bakit sinundan ko ang mga ito. Nakakatuwa lang kasi dahil sa iisang direksyon lang ang dinadaanan ng mga ito. Bigla namang nagkumpulan ang mga ito at laking gulat ko nang magsialisan ang mga paru-paro ay may lalaking lumitaw dito. Nakatalikod ito sa akin. Suot niya'y isang tuksedo, na talaga namang bumagay sa matikas nitong pangangatawan. Ang kulay gintong abong buhok naman nito'y nakalugay lang na umabot hanggang leeg. Ngunit kahit mahaba ang buhok nito'y hindi ito naging dahilan para hindi ito bumagay sa kanya, kahit pa nakatalikod ito sa akin ay alam kong guwapo ito. Humakbang pa ako palapit hanggang sa isang dipa na lang ang distansya ko sa kanya. Parang huminto ang oras ko at para bang lahat ay nakahinto. At ang tanging gumagalaw lang ay siya nang kanyang ako'y lingunin. Napaawang ang aking mga labi ngunit agad din namang napalitan ng ngiti sa aking labi.
"Mattheaus..." sambit ko.
Humakbang ito palapit sa akin at ipinulupot sa baywang ko ang magkabilang bisig nito. Gumapang ang kanang kamay nito sa aking leeg at hinaplos ang aking kanang pisngi. Napapikit ako dahil sa banayad na paghaplos nito sa aking mukha. Nang magdilat ako'y nagimbal ako sa aking nasaksihan. Unti-unting naglalaho ito at nagiging abo, kasabay nang pag-ihip ng hangin. Nailing ako at mahigpit na napakapit sa suot nitong damit ngunit ganoon na lang ang pagkagulat ko nang maging abo na ito ng tuluyan. Tuluyang naglandas sa aking mukha ang mga butil ng luha mula sa aking mga mata.
"Mattheaus! Hindi!" nanginginig kong sambit.
"Ugh! Hindi!"
Puno nang paghihinagpis ang nadarama ko.
"Hindi!" malakas na sigaw ko nang magdilat ako kasabay nang aking pagsinghap.
Wari'y galing ako sa isang karera dahil sa hinahabol ko ang aking hininga. Isang masamang panaginip. Napahilamos ako ng aking mukha gamit ang mga palad ko. At ngayon ko lang napagtantong umiiyak na pala ako.
"Si Mattheaus!" sambit ko at napababa sa aking kama.
Kaagad kong tinungo ang museo kahit na masakit pa ang aking katawan. Talagang napatakbo na ako at kaagad na pumasok nang makarating ako. Diretso ako agad sa larawang dinadaanan ko dati ngunit ganoon na lang ang aking pagkadismaya dahil hindi pa rin ito bumubukas.
"Bakit ba ayaw!?" mangiyak-ngiyak ko nang sambit.
Napamaywang ako at pinunasan ang aking pisngi.
Talagang hindi siya nagbibiro na ayaw na niyang magtungo pa ako sa lungga niya. Nailing ako. Wala na akong ibang paraan para makita at masigurong maayos siya. Kailangang sumama ako sa kabilang bakod kay Zsakae ngayong linggo.
Nanlulumo akong napabalik nang lakad sa aking silid at muling nahiga aking sa kama. Pahapyaw ko pang tiningnan ang oras. Tatlong oras na lang bago mag-umaga at mukhang hindi pa yata kumakalam ang sikmura ko, mabuti naman.
"Ugh!" ungol ko nang 'di na ako makatiis sa kinahihigaan ko.
Talagang hindi mawala sa isip ko ang masamang panaginip kong iyon. Talagang nag-aalala ako sa kanya. Napabuga ako ng hangin. Saktong pagtayo ko sa kama'y siya ring pagtilaok ng manok. Nang lumabas ako ng silid ko'y muntik na akong mapatalon sa sobrang gulat. Bumungad ba naman sa aking harapan ang mukha ni Zsakae.
"Magandang umaga..." masiglang bati nito sa akin.
"M-magandang umaga. Ang aga mo yata..." sagot ko pa at nilagpasan ito.
Diretso ako sa lababo upang makapagmumog. Nang matapos ako'y hinarap ko na siya.
"Ano nga pala ang sadya mo rito Zsakae? Kay aga mo namang naparito, ni hindi man lang ako nakapaghanda," wika ko pa habang nagsasalin ng mainit na tubig sa aking tasa.
"Paumanhin ngunit gusto ko lang sanang isama ka sa pamilihan. Gusto ko sanang ikaw ang pumili ng damit na susuotin mo kung papayag ka na sumama sa akin," anito.
Lihim akong napangiti.
"Oo naman..." nakangiti ko pang baling dito.
Pagkakataon ko nang makapunta sa sekretong lugar ni Mattheaus. Gusto kong siguraduhing maayos siya. Nagliwanag naman ang mukha nito.
"Talaga Yana? Kung oo na talaga'y lubos ko itong tatanawin na utang na loob. Ipagpaumanhin mo sana ang pag-imbita ko sa iyo ng ganito kabilis gayong hindi mo pa naman ako lubos na kakilala. Talagang kailangan ko lang ng kasama sa pagtitipon namin," mahabang wika nito. Nailing ako.
"Ayos lang Zsakae. Gusto mo ng kape?" alok ko pa.
Nailing naman ito. Kumikit-balikat lang din naman ako at ininom na ang kape ko.
Napamulsa naman si Zsakae na napatitig sa akin.
"Hintayin na lang kita sa silid-aklatan," anito.
"Sige..." sang-ayon ko rin naman.
Nang makalabas ito'y agad kong hinanap si Egoy. Saktong papasok ito sa tinutuluyan namin nang hilain ko siya.
"Ate Yana, bakit po?" takang-taka naman nitong tanong sa akin.
"Bakit mo pinapasok si Zsakae?" tanong ko pa. Kumunot naman ang noo nito.
"Po? Eh? Kapapasok niya pa nga lang ate. Kabubukas ko lang po ng silid-aklatan," anito.
Napaawang ang aking labi at napakunot ng aking noo.
"Sigurado ka ba? Kanina lang nga'y kausap ko siya, dito mismo sa loob," wika ko.
"Po? Eh talagang kapapasok niya lang talaga ate. Imposible naman pong magkasalubong kami, edi sana'y nakita ko siya," ani Egoy.
Napatiim-bagang ako at napaekis ng aking mga braso.
"Baka panaginip ko lang 'yon, Egoy. Sige na," sabi ko na lamang.
Ngumiti lang din naman siya sa akin at lumabas na. Sumunod ako sa kanya ngunit nahinto lang ako sa may pintuan at napasandal. Tinanaw ko kung saan nakaupo si Zsakae. Abala ito sa pagbabasa ng libro. Napapaisip ako. Paano niya kaya ako napasok nang 'di nakikita ni Egoy? Talagang may kakaiba sa kanya. Hindi lang naman niya ngayon ginawa itong pagsulpot-sulpot niya sa aking harapan. Aalamin ko rin kung ano siya ngunit saka ko na siya pagtutuonan ng pansin kapag nakita ko na si Mattheaus. Labis talaga akong nag-aalala sa kanya.