Kabanata 18
"Yana..." bulong sa akin kaya't dahan-dahan akong napadilat.
"Hmm..." tanging ungol ko.
"Gising na, Caritas mea..." wika nito.
Nailing ako ng marahan at nagtalukbong ng kumot. Mabigat pa ang katawan ko at hindi ko pa kaya ang tumayo o kumilos man lang dahil sa nangyaring pagniniig namin kagabi. Sa sobrang sakit ng mga hita at binti ko'y daig ko pa ang pinalo ng palo-palo.
Hinablot naman niya ang kumot ko kaya't mabilis kong inalis ang unan at itinakip sa aking kahubadan. Nag-init bigla itong magkabila kong pisngi. Umiral sa akin bigla ang hiya. Tumalikod naman ito at may kinuhang itim na balabal sa ibabaw ng tukador. Nagsalubong naman ang aking mga kilay. Saan niya kaya gagamitin iyan? Lumapit naman ito sa akin at tuluyang inalis ang unang nakatakip sa akin. Dali-dali kong tinakpan ang katawan ko at pilit na ikinilos ang katawan ko upang makaatras ako. Napapikit pa ako dahil hindi ko naman alam kung ano na naman ang maari niyang gawin sa akin. Ngunit nagkamali yata ako ng inakala dahil ipinulupot niya sa akin ang hawak niyang balabal. Napadilat ako at napamasid lang sa kanya.
Nang matapos siya'y binuhat na niya ako at muli'y dinala paakyat, palabas ng kanyang silid. Hindi rin naman nagtagal ay natapat kami sa pader kung saan ang harapan nito ay ang isang larawan. Bigla na lamang itong bumaliktad at kaagad din naman siyang sumabay habang karga pa rin ako. Nang mabaliktad ito'y bumungad ulit sa amin ang museo.
Lumakad pa siya ng ilang hakbang hanggang sa tuluyan kaming makalabas ng silid-aklatan. Mabuti na lang talaga at tulog pa si Egoy. Talagang magtataka iyon sa akin, lalo na kay Mattheaus. Narating namin ang silid ko ng puno ng pag-iingat. Napasulyap pa ako sa antigong orasan, alas dos pa pala ng madaling araw. Ibinaba na niya ako sa aking kama.
"Huwag sanang maging matigas ang iyong ulo, Yana," aniya at dinampian ng halik ang aking noo. Napapikit ako.
"Isipin mo ako lagi, Yana..." anito.
Nang magdilat ako'y wala na siya sa aking harapan. Napabuga ako ng hangin at diretsong napatihaya nang higa sa aking kama.
May nangyari sa amin kanina, bukod doon ay wala na akong iba pang maalala. Hinaplos ko ang aking leeg. Napapaisip ako kung kinagat niya ba ako o ano? Natampal ko ang aking noo. Ngayon lang yata pumasok sa kukute ang mga naganap sa pagitan naming dalawa. Nakipagtalik ako sa lalaking hindi ko pa iniibig o mas tamang sabihin na nagsisimula pa lang itong puso ko na ibigin siya.
"Rosas..." biglang sambit ko nang maaninag ko sa aking alaala ang bulaklak na 'yan.
Agaran kong sinipat ang magkabilang pulsuhan ko. Hindi naman ako nagpalagay ng ganoon pero bakit parang may nakita akong gumapang sa buong magkabilang braso ko. Diyos ko! Nababaliw na nga yata talaga ako at kung anu-ano na itong nakikita ko. Ipinikit ko na lamang ang aking mga mata at natulog.
Pagsapit ng bukang liwayway...
"Ate Yana..." Narinig kong pagtawag ni Egoy sa akin.
"B-bakit?" nakapikit ko pang sagot.
"Ate Yana, gising na po. Tanghali na." Pagkarinig ko sa sinabi niyang tanghali na ay agad akong napabalikwas nang bangon, dahilan para ako'y mahulog sa aking kama.
"Aw..." daing ko.
"Ate Yana! Ayos lang po ba kayo riyan?" anito kasabay nang pagkatok sa pinto ng aking silid.
"E-egoy, mamaya na lang ako lalabas. Masama kasi ang aking pakiramdam," sagot ko pa upang hindi na ito magtanong pa.
"Sige po, ate Yana," anito.
Nakahinga ako ng maluwag. Mabuti na lamang at nakasilyado ang pinto ng aking silid. Tumagilid ako at sinubukang bumangon ngunit tila yata'y daig ko pa ang isang baldado. Hugot at buga ng hininga ang aking ginawa upang humugot ng buong lakas. Kumapit ako sa kama at puwersahang pinilit ang aking katawan na makabalik sa ibabaw ng kama.
"...ugh!" ungol ko kasabay ang pagpikit ng aking mga mata nang makahiga ulit ako sa aking kama.
Sinipat ko ang buo kong katawan. Ang dami kong pasa mula sa aking braso, hita hanggang binti.
Pinilit kong makabangon muli at talagang gumapang na ako papasok sa banyo. Pinilit kong kumikilos kahit sobrang sakit ng aking katawan. Hindi ko na rin napigilan ang aking sarili na maiyak dahil talagang hindi maganda ang pakiramdam ko.
Nang matapos akong makaligo ay lakad-pagong ang aking pagkilos upang huwag lalo mapuwersa itong katawan ko. Napakapit ako sa tukador at naghagilap ako ng damit na maaring tumakip sa buong katawan ko. Baka magtaka si Egoy at mang-usisa kung saan ko nakuha itong mga pasa ko sa katawan.
Dahan-dahan akong lumakad para makalabas sa aking silid.
"Ate..." sambit ni Egoy nang makita ako.
Kaagad siyang lumapit sa akin at inalalayan akong makaupo sa silya na kanyang hinila para sa akin.
"May gamot ba riyan para sa sakit ng katawan at pasa, Egoy? Tumama kasi itong braso ko sa pinto ng banyo nang mawalan ako ng balanse," sabi ko pa at bahagyang ipinakita ang maliit na pasa ko.
Maingat ang ginawa kong pagpapakita rito upang huwag itong magtaka pa.
"Meron po akong naitabi rito, ate Yana," aniya, na kaagad din namang naghalungkat sa lagayan ng mga sangkap sa pagluluto.
Nang makita nito ang hinahanap ay agad niya itong ibinigay sa akin.
"Nagluto po ako ate Yana ng tsampurado. Baka po kasi masama ang panlasa niyo," ani Egoy habang ipinagsasandok ako ng lugaw sa kaldero.
Nang mapuno ang maliit na mangkok ay agad niya itong ibinigay sa akin. Inamoy ko pa ito.
"Ang bango naman..." kumento ko pa habang 'di nawawala ang ngiti sa aking labi.
"Naman, ate Yana. May dahon ng pandan 'yan e upang bumango 'yan ng husto," pagmamayabang niya pa.
Nakakagutom ang tsampuradong gawa niya at talaga nga namang masarap ito dahil nababad talaga sa tableya. Sinimulan ko na ang kumain at talagang ang sarap nang pagkakaluto nito. Kumain na rin si Egoy na kasama ako kaya't mas lalo akong ginanahan na kumain.
Habang nasa kalagitnaan kami nang pagkain ay bigla namang may kumatok sa pinto. Pareho kaming napatingin sa pinto.
"Nagsara ka ba, Egoy?" baling ko pa rito.
"Opo ate e. Teka lang po ha?" aniya.
Tumango lang ako bilang pagsang-ayon. Nang mabuksan nito ang pinto ay bumungad sa amin si Zsakae. Nahinto ako sa pagsubo.
"Kuya Zsakae, kayo po pala..." wika ni Egoy nang makita ang lalaki.
Ginulo nito ang buhok ni Egoy at pumasok bigla nang walang paalam.
"May sakit ka raw kaya dinalhan kita ng mga prutas," ani Zsakae kasabay nang paglapag ng buslong hawak niya sa aking harapan.
Muntik na yata akong mapairap sa ginawa nito. Pumaling ako kay Egoy. Napapakamot pa ito sa kanyang ulo at napatingala pa sa kisame. Kung ganoon ay si Egoy ang nagsabing may sakit ako.
"S-salamat..." alanganin ko pang sabi rito.
Umupo naman ito sa kaharap kong silya. Muli kong sinulyapan si Egoy at pinaningkitan ng aking mga mata. Agad itong lumapit at umupo sa tabi ko.
"Gusto mong kumain?" alok ko pa kahit na ang totoo'y puno ako ng pag-aalinlangan. Ewan ko ba? Pero hindi talaga magaan ang loob ko rito dahil sa pagiging presko nito.
"Sige lang, mas gusto ko ang panoorin ka," ani Zsakae.
Dali-dali kong kinurot si Egoy sa kanyang tagiliran nang 'di napapansin ni Zsakae.
"Ara—mina..." sambit pa ni Egoy.
Napahagikhik naman ako.
"Aramina?" wika ni Zsakae na nakakunot na ang noo.
"Ay si Aramina po? Nako kuya, nobya ko po sa aking panaginip," natatawa pang pagdadahilan ni Egoy.
Napatango-tango naman si Zsakae at nakangiting pumaling sa akin. Napayuko ako. Bakit kaya 'di pa ito umaalis?
"Maari ba kitang imbitahan ngayong linggo? May piging kasing gaganapin sa kabilang bakod," ani Zsakae.
Napaangat ako ng aking ulo.
"Sa kabilang bakod?" ulit ko pang sambit.
Napatango naman ito. Napalunok ako. Nag-aalangan ako. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko sa kanya. Kung tatango ba ako o magdadahilan. Inaalala ko lang kasi 'yong sinabi ni ate Mocha sa akin noong nagdaang gabi. Kabilin-bilinan niyang huwag na akong bumalik sa kabilang bakod. Tinukoy din nito ang lalaking bumabagabag sa akin. Sa pagkakaalala ko'y ang huling sinabi nito'y huwag na akong babalik sa kabilang bakod at ang sabi pa niya'y huwag akong lumubay sa lalaking 'yon. 'Di kaya'y si Mattheaus ang tinutukoy ni ate Mocha?