Kabanata 20
Alam ko, kakaiba siya ngunit sa sitwasyon naming dalawa ngayon ay talagang hindi ko maiwasan ang hindi makampante. Sa mahabang pag-iisip ko kanina'y napagtanto kong ako nga talaga ang nakasaad sa propesiya. Hindi ako hahabulin ng mga taong lobo na 'yon kung hindi ako ang nakasaad. May parte sa akin na hindi pa rin makapaniwala ngunit kung susuriin kong mabuti ang mga masasamang naganap sa akin ay mukhang napapaniwala na ako nga ako talaga ang nakasaad sa propesiya. Kailangan ko lang ng impormasyon o 'di kaya'y libro na mapagkukunan ko pa ng ibang kaalaman tungkol sa tinutukoy nilang propesiya.
Umayos na ako sa pagtayo at pumasok na sa loob. Naghanda na ako ng agahan namin ni Egoy. Nang matapos ako'y umuna na akong kumain at nag-ayos na ng sarili pagkatapos.
Hindi nagtagal ay natapos din ako sa lahat ng aking mga ginagawa. Lumabas ako sa tinutuluyan namin at kaagad na nilapitan si Zsakae na hanggang ngayon ay nagbabasa pa rin ng libro.
"Egoy, nauna na akong nag-agahan. May lakad kasi kaming dalawa ni Zsakae eh," wika ko kay Egoy.
"Ayos lang ate," nakangiting sagot lang din naman niya. Binalingan ko si Zsakae.
"Tara na..." anito.
"Sige..." sang-ayon ko rin naman.
Nang makalabas na kami ng silid-aklatan ay wala kaming imikan ni Zsakae. Hindi naman sa nahihiya ako o kung ano man, may parte lang talaga sa akin ang nag-iingat ng husto.
"Yana, nakalimutan kong ipaalam sa iyo na mamaya na pala 'yong piging. Napaaga kasi," basag nito sa gitna ng aming paglalakad.
"Talaga? Ayos lang. Walang problema sa akin 'yon," nakangiti ko pang sabi.
'Di dahil natutuwa akong makadadalo sa isang piging kundi dahil mapapaaga ang pagpunta ko sa talon kung saan naroon si Mattheaus.
"Alam mo bang mas maganda ka pa kay Alyana," wika ni Zsakae. Napakunot ako ng aking noo.
May alam siya tungkol kay Alyana? Kunwari akong napatawa ng konti.
"Talaga ba? Huwag mo akong biruin ng ganyan Zsakae," sabi ko pa.
"Oo at mabait ka kumpara sa kanya," seryosong sagot naman nito. Napalabi ako.
"Masama ba siyang babae?" Nailing naman ito sa tanong ko.
"Kung ganoon ay bakit nasabi mong mabait ako kumpara kay Alyana." Napabuntong-hininga naman ito.
"Minahal ko siya Yana ngunit pinaasa niya lang ako. Ngunit nang makita kita, tila ba nabuhayan ako ng lakas ng loob." Napaawang ang aking mga labi. Kung gaanon pala'y kilala niya talaga si Alyana.
"Ikaw ba ay nagtatapat ng damdamin sa akin Zsakae?" diretsahan kong tanong. Napangiti naman ito.
"Oo Yana. Hindi dahil kamukha mo siya'y mamahalin na kita, kundi gusto kita bilang ikaw," prangka ring sagot nito. Kaya pala. Napabuga ako ng hangin.
"Patawarin mo sana ako Zsakae ngunit may nobyo na ako kung kaya't hindi ko mapagtutuonan ng pansin ang iyong damdamin para sa akin," matapat kong sagot.
Ibig ko na yatang i-umpog ang aking ulo sa pader dahil sa pag-angkin ko kay Mattheaus bilang nobya nito. Ngunit siya na rin ang may sabing nobyo ko na siya. Diyos ko! May nangyari na nga sa amin, ngayon pa ba ako tatanggi!? Ayaw ko rin namang matawag na isang kaladkaring babae kaya't mas mabuti pang umamin na ako na may nobyo na ako.
"Talaga ba?" malungkot nitong tanong. Napatango naman ako. Bigla niya naman akong hinila at niyakap.
"Naiintindihan ko. Alam ko, masiyadong naging mabilis ang pagkahulog ko sa iyo ngunit mapaglaro ang damdamin Yana. Hindi mo mahuhulaan kung kailan ka iibig," anito.
Mariin akong napakagat ng aking labi. May punto siya at kahit ako rin naman ay nakaranas din ng ganitong pakiramdam kay Mattheaus kahit hindi ko pa ito lubos na kilala. Kinalas naman niya ang yakap sa akin at hinalikan ako sa aking noo, na ikinabigla ko rin naman.
"Maari bang maging kaibigan mo? Kahit 'yon man lang?" ani Zsakae at matamis na ngumiti sa akin.
Maging ako ay napangiti na rin dahil sa pagiging maginoo nito.
"Oo naman at salamat," saad ko.
Muli na kaming naglakad hanggang sa marating namin ang tindahan ng mga damit. Pinagbuksan ako ng pinto ni Zsakae. Laking tuwa ko talaga at ang gaganda ng mga nakahelerang damit na nakasabit sa istante.
"Zsakae ano sa tingin mo?" tanong ko pa habang namimili ng damit.
"Ikaw Yana. Pumili ka kung ano ang gusto mo. Pipili lang ako ng tuksedo," nakangiting sabi nito.
Napatango ako. Nang makatalikod ito'y hindi ko maiwasan ang mapangiti sa kanya. Kahit pa paano'y mabait naman pala ito at walang masama kung makipagkaibigan ako sa kanya.
Itinuon ko na ang atensyon ko sa pagpili ng mga damit. Hanggang sa mahinto ako sa isang damit na kulay asul. Ang desenyo nito ay para bang kasuotan ng isang diwata.
"Bagay 'yan sa iyo," biglang wika ni Zsakae sa aking likuran. Napangiti ako.
"Talaga? Aba'y kung 'di ka nagbibiro e 'di ito na lang," natatawa ko pang sabi.
"Oo naman. Aling Mercy, ipadala niyo na lang po kung magkano ang babayaran ko mamaya," ani Zsakae nang makalapit sa puwesto namin ang isang matandang babae. Mukhang ito ang may-ari ng tindahan.
"Ay oo naman Zsakae," ani aling Mercy.
Kinuha naman na nito ang napili kong damit, maging ang kay Zsakae.
"Kawawa naman si Egoy kung maiiwan lang siya mag-isa mamaya," sabi kong bigla.
"Huwag ka mag-alala Yana. May lakad sila mamaya. May aktibidad yatang dadaluhan sa barangay kasama ang mga iba pang kabataan. Sa iyo nga iyon nag-aalala dahil ang akala niya'y maiiwan kang mag-isa mamaya," mahabang paliwanag nito. Nakahinga naman ako ng maluwag.
"Salamat naman." Bumalik naman na sa amin si aling Mercy dala ang dalawang kahon na sa palagay ko'y ang laman nito ay ang mga damit na napili namin.
"Narito na lahat, maging ang pares ng sapatos. Siya na rin ang namili ng sukat," ani aling Mercy.
"Alam mo ang sukat ko?" gulat ko pang tanong kay Zsakae.
"Tinanong ko kay Egoy kanina Yana kaya pumili na ako ng babagay sa damit na gusto mo. Mabuti na lang at pareho kayo ng sukat ni ate Catherine," paliwanag niya.
Napatango-tango naman ako.
Hindi nagtagal ay napagpasyahan na lang din namin ni Zsakae na umuwi ng maaga upang makapagpahinga rin naman ako.
"Sunduin na lang kita ng maaga mamaya Yana," ani Zsakae nang matapat kami sa pintuan ng silid-aklatan.
"Sige. Salamat dito ha," sabi ko pa at itinuro ang mga dala ko.
Ginulo lang nito ang buhok ko at umalis na. Naisip ko, hindi naman pala siya ganoong klase ng tao. Ako lang talaga itong praning.
Pumasok na ako sa loob at saktong naabutan ko si Egoy. Napahagikhik ako nang makita ko ang itsura nito. Talagang nakapustura ito at nakaayos pa ang buhok.
"Oy si Egoy, mukhang may liligawan a," tukso ko pa. Napakamot naman ito sa kanyang batok.
"Ate Yana talaga. Kailangan lang po talaga mag-ayos," aniya.
"Oo na. Nagtanghalian ka na ba? Huwag ka magpalipas ng gutom ha." Napasaludo naman ito sa akin.
"Opo ate. May iniwan na akong tanghalian mo. Mag-ingat ka po mamaya sa kabilang bakod ate ha." Napatango ako. May kinuha naman itong maliit na supot sa kanyang tagiliran.
"Ate oh." Napatawa ako ng konti.
"Gamitin bawat minuto," sabi ko pa.
Kahit 'di ko pa nakikita ang laman ng supot ay alam na alam kong 'yan 'yong mamahaling pabango na pinagamit niya sa akin no'ng isang araw.
"Mag-ingat ka po ate," ani Egoy at agad akong niyakap.
Niyakap ko rin siya pabalik at tinapik ang kanyang balikat.
"Alis ka na at baka'y mahuli ka pa." Tumango naman ito.
Bago ito makalabas ay sumulyap pa ito muna at kumaway sa akin. Ngiti lang ang itinugon ko kay Egoy. Nang masara na nito ang pinto ay agad na rin akong pumasok sa aking silid. Inilapag ko sa kama ang kahon at supot na dala ko. Inusisa ko pang muli ang damit na napili ko at talaga nga namang kay ganda nito. Pakpak na lang yata at tiyara ang kulang sa akin at talagang magmumukha na akong diwata nito. Maging ang sapatos na kulay asul na may maikling takong ay talagang bumagay din sa aking damit na napili.
Kaagad ko itong itinabi at lumabas muli ng aking silid upang makapagtanghalian na.