Kabanata 4
PAGKARATING ko sa unibersidad ay napakunot ako ng aking noo. Sa tarangkahan pa lang ay sinalubong na ako ni Jeorgie. Bakas sa mukha nito ang matinding pagkabahala at 'di ko mawari kung bakit.
"Oy Jeorgie!" sita ko rito. Para kasing hindi niya man lang ako napansin.
"Diyos ko Yana!" ngawa nito at agad akong niyakap.
Nagsalubong ang dalawa kong kilay at kumalas sa yakap nito.
"Ayos ka lang ba? Ano ba ang nangyayari sa iyo?" nag-aalala kong tanong. Nagsimula na itong maiyak at mas labis ko iyong ikinabahala.
"Jeorgie naman..." alo ko rito.
"Kasi...pinawatag ako kanina sa opisina ng punong guro...tapos ano...Yana!" aniya sa pagitan ng kanyang pag-iyak at muling napayakap sa akin.
Hinagod ko ang likod nito.
"Ang gulo mo namang kausap Jeorgie, ayusin mo naman." Medyo nakaramdam ako ng konting pagkairita rito dahil sa pambibitin niya. Imbes na sagutin ako'y hinila na niya ako papasok at mukhang sa opisina ng punong guro ang tungo namin.
Nang matapat kami sa opisina ay halos pinagtitinginan kami ng mga istudyante o mas tamang sabihin na ako ang pinagtitinginan nila.
"Jeorgie..." tawag ko sa kanya kasabay nang pagkalabit ko sa kanyang balikat.
Ngunit bago pa man ako sagutin ni Jeorgie ay bumungad sa aming harapan ang punong guro ng unibersidad. Matalim itong napasulyap sa akin.
"Sumunod ka sa akin Darvin. May pag-uusapan tayong importante," anito at umuna nang pumasok sa opisina nito.
Nagtataka akong napasulyap kay Jeorgie. Nakayuko lang siya at panay pa rin ang pagpahid sa kanyang pisngi. Mariin akong napakagat ng aking labi. Kinakabahan ako sa maaring sasabihin sa akin ng punong guro.
Lumakad na ako papasok sa loob ng opisina nito.
"Hindi na ako magpapaliguy-ligoy pa Yana. Kailangan na kitang tanggalin sa trabaho mo," anito na ikinabigla ko ng matindi.
"Ho? Pero bakit po?" puno ng pagtataka kong tanong.
"Nakakahiya ang ginawa mo sa unibersidad. Ipinagkalat mo na maraming multo ang iskuwelahang ito gayong ni minsan sa haba ng panunungkulan ko rito ay ngayon lang may kumalat na ganitong balita." Halata pa sa mukha nito ang pagpipigil na pagtaasan ako ng kanyang boses.
"Nagkakamali ho kayo. Wala po akong ipinagkalat na ganyang balita," mariin kong tanggi.
"Lahat ng nakakaalam ay ikaw ang itinuturo kaya kung maaari lamang ay umalis ka na," matigas nitong sagot sa akin at padabog na ibinigay sa akin ang sobre na naglalaman ng huli kong sahod.
Hindi ko na napigilan pa ang aking sarili na maiyak. Paano na ako nito!?
"Ayaw ko na makita ang pagmumukha mo rito! Isang malaking kahihiyan ang ginawa mo sa amin!"
Hindi na ako umimik pa at patakbong napalabas ng opisina. Hindi ko naman ipinagkalat ang tungkol doon at tanging si Jeorgie lang naman ang pinagsabihan ko. Ngunit alam kong hindi iyon magagawa sa akin ni Jeorgie.
Mabilis na hinanap ng aking mga mata si Jeorgie. Tinungo ko ang kantina at laking gulat ko nang makita kong sinampal ni Jeorgie ang kasamahan namin sa trabaho, si Liza. Agad akong lumapit at inawat si Jeorgie dahil akmang sasabunutan niya pa kasi si Liza.
"Bitawan mo nga ako Yana! Sisirain ko ang pagmumukha ng babaeng iyan!" Humarang ako kay Jeorgie.
"Tama na Jeorgie!" bulyaw ko. Bahagya naman siyang kumalma.
"Yana, siya ang dahilan kung bakit wala ka ng trabaho ngayon! Hindi mo ba alam? Anak pala iyan ng madrasta mo e!" Natigilan at napaawang ang aking bibig dahil sa nalaman ko. Napakuyom ako ng aking kamay at napaharap kay Liza.
"Bakit mo ginawa iyon?" kunwari ay kalmado ko pang tanong dito ngunit ang totoo'y kating-kati na ang mga kamay ko. Napamaywang naman ito.
"Para wala ng dahilan ang itay na dalawin ka pa rito!"
Ang kapal! Naningkit ang mga mata ko at napalapit sa kanya. Isang malutong na sampal ang ibinigay ko sa kanya.
"Puwes isaksak mo sa baga mo ang amain ko!" singhal ko't agad na hinila palayo si Jeorgie.
Patuloy sa pag-uunahan ang mga luha ko sa pagtulo. Saan ako ngayon pupulutin nito?
PANAY ang aking pag-iyak habang kaharap ang kaibigan kong si Jeorgie. Nasa parke kami ngayon at panay ang pagpapalakas ng loob ni Jeorgie sa akin.
"Paano ka na Yana?" ani Jeorgie.
"Hindi ko alam Jeorgie," sagot ko pa habang napapailing.
Malalim naman itong napahugot ng hininga.
"Paano ka niyan ngayon? Alam mo naman na sa linggo na ang biyahe ko papuntang Singapore," malungkot na wika nito.
Mas lalo akong naiyak. Matagal na kasi niyang pangarap ang makapunta sa ibang bansa. Inayos ko ang sarili ko. Hindi ako dapat nagpapapekto sa mga nangyayari sa akin. Kailangan ko maging matapang dahil wala na akong makakapitang iba, kundi ang sarili ko na lamang.
"Hahanapin ko ang tiyang Nely. Siya na lang ang makakatulong sa akin." Bahagya namang umaliwalas ang mukha niya.
"Mabuti naman at may kamag-anak ka pa. Saan ba siya nakatira?" Bahagya akong napaisip.
Pilit inaalala sa balintataw ko ang nakasulat na lugar sa lumang larawan ng tiyahin ko.
"Pag-asa iyon e," sagot ko pa.
"Hala? Huwag mo sabihing sa Isla Pag-asa 'yan. Ang layo kaya noon." Napaawang ang bibig ko sa naging reaksyon niya.
"Malayo? Hindi ko nga alam kung isla iyon o barangay ba iyan," sagot ko rin naman.
"Isla iyon Yana. Sa Palawan kaya iyon. Ang layo no'n a? Nasa Maecuayan, Bulacan pa naman tayo." Napangiwi ako.
"Akalain mo Jeorgie, gumagana pa pala utak mo?" kunwari ay biro ko pa. Nakatikim naman ako nang batok sa kanya.
"Babaeng 'to, nakuha pa talaga magbiro." Napanguso ako. Pilit ko lang kasing pinapagaan ang pait ng buhay na sinapit ko ngayon.
"Tara Jeorgie, umuwi na tayo," yaya ko pa at tumayo na.
Napabuga at napahugot ako ng aking hininga. Sana nga'y tama ang desisyon ng itay na mag-asawa ulit. Sana nga'y maayos ang kalagayan niya sa piling ng mga ito.
"Yana! Ingat!" Narinig ko pang sigaw ni Jeorgie ngunit huli na ako dahil hindi na ako nakailag sa pagkakabangga ko sa aking nakasalubong.
"Aray..." daing ko.
Pakiramdam ko'y parang tumama ako sa isang pader. Nag-angat ako ng aking ulo dahil napuna kong may nakaalalay sa akin.
"Patawad..." agad kong paumanhin at lumayo ng konti sa lalaking nabangga ko.
Hindi ko makita kung ano ang itsura ng mukha nito dahil natatakpan ito ng panyo at nakasuot din ito ng salamin sa mata bilang pananggalan sa sikat ng araw.
"Ginoong Zai—" Napatigil ang babaeng kadarating lang nang masenyasan ito ng lalaki.
Kinuha nito ang supot na hawak ng babae at agad na umalis. Para bang hangin lang kami sa harapan nito.
"Ang taray! Sungit niya a!" Narinig ko pang talak ni Jeorgie.
Hindi ko man lang namalayan na nakalapit na pala ito sa akin.
"May masakit ba sa 'yo?" tanong naman nito.
"Wala naman Jeorgie," tipid na sagot ko lang.
Ngunit ang totoo'y kumikirot ng konti itong aking hinaharap. Para talaga akong tumama sa malapad na pader kanina. Ang akala ko nga'y baka nagkamali ako ng dinaanan.
"Tara na Jeorgie," yaya ko sa kanya.
"Tara na nga talaga dahil nagugutom na ako," aniya at nagpatiuna na.
Muli ko pang sinulyapan ang lalaking nabangga ko. Halos malaglag ang panga ko nang makita ko ang biglaang pagkawala nito. Nanlamig ang buong katawan ko dahil sa aking nasaksihan.
"Yana!" Muntik na akong mapatakbo dahil sa tindi ng gulat, mabuti na lamang at hawak ni Jeorgie ang kanang kamay ko.
"Oy? Ayos ka lang?" aniya.
"Ha?" Iwinawagayway pa ni Jeorgie sa harapan ko ang kanyang mga kamay.
"Oy! Yana!" sigaw nito kasabay nang pagbatok sa akin.
"Ano ba!?" inis kong wika.
Natauhan ako sa ginawa niyang pagbatok sa akin.
"Namumutla ka kaya. Ayos ka lang ba?" usisa pa nito habang hinahawakan ang mukha ko.
"Ang lamig mo! Umuwi na nga tayo." Hinatak na niya ako pauwi at wala akong nagawa kundi ang manahimik.
Hindi talaga ako makapaniwala sa nasaksihan ng mga mata ko kanina. Maniniwala kaya si Jeorgie sa akin kapag sinabi ko sa kanya ang nakita ko? Pero wala namang mawawala kong sasabihin ko sa kanya ang nakita ko.
"Jeorgie..." pigil ko sa kanya.
"Oh?" Tila nagtataka pa ito sa ginawa kong pagpigil sa kanya.
"Iyong lalaki kanina...kasi biglang nawala," pikit-mata ko pang sambit.
"Sinong lalaki? Iyon ba? Iyong suplado?" Napadilat ako sa isinagot sa akin ni Jeorgie.
Sinundan ko pa nang tingin ang itinuro niya, laking gulat at pagtataka ko na naroon pa rin ang lalaki sa puwesto nito kanina no'ng ito'y mawala. Napaawang ang aking bibig. Pakiramdam ko'y parang pinaglalaruan yata ako ng aking imahinasyon.
"Pero..." akmang protesta ko ngunit agad akong kinayag ni Jeorgie.
"Gutom lang iyan, Ayesha Yana," aniya.
Pilit ko pang nilingon muli ang lalaki. Naroon pa rin ito sa puwesto nito kanina. Laking takot ko nang salubungin din nito ako ng tingin. Sa lagkit ng titig nito sa akin ay para akong hinahatak sa aking kinatatayuan. Sa sobrang takot at kaba ko'y hinila ko si Jeorgie at agad na tumakbo.
"Ah! Yana! Diyos ko! Awat na! Ho! Grabe!" reklamo ni Jeorgie habang napapahawak sa magkabilang tuhod niya hanggang sa tuluyan na itong umupo sa gilid ng kalsada.
Maging ako ay hapong-hapo rin sa pagtakbo at pilit na humihinga ng maayos.
"Bakit ba kasi tayo tumatakbo. Tingnan mo, nakaabot tayo sa bahay ko nang 'di natin namamalayan. Daig mo pa ang may karera!" angal pa nito at bakas sa mukha ang pagkainis sa akin. Napasapo ako sa aking dibdib, maging sa aking noo.
"Kasi... Gutom nga ako, 'di ba? Tapos... Mag-iimpake ka pa, 'di ba? 'Yon!" pagdadahilan ko.
Mataman ko pang sinipat ang kanyang mukha dahil alam kong magdududa na naman ito.
"Oh? Ewan ko sa iyo. Tara na nga."
Inabot ko ang kanyang kamay upang alalayang makatayo ito. Hawak-kamay kaming tumawid sa kalsada. Bumitiw lang ito nang matapat na kami sa bahay niya. Umuna na rin itong pumasok sa loob at naiwan akong nakatanga pa.
Hindi ko talaga maiwasang isipin ang nasaksihan ko kanina. Sa pakiwari ko'y parang normal lang iyon ngunit ayaw talagang pumasok sa kukute ko na normal iyon. Hindi isang normal na bagay lang iyon. Napabuga ako ng hangin. Ano na ba itong nangyayari sa akin?
Nakapagtataka na talaga.