Kabanata 3
Pagkatapos ng hapunan ay maagang nahiga si Jeorgie sa kama. Ako naman ay hindi pa madalaw-dalaw ng antok kaya't nanatili lamang akong umupo sa tabi ni Jeorgie. Napabuga ako ng hangin at bahagyang sinulyapan ang mahimbing na natutulog kong kaibigan. Nagdadalawang-isip ako kung sasabihin ko ba sa kanya ang nakita ko nang kami ay maghapunan kanina. Ngunit alam ko, pagtatawanan niya lang ako at hindi paniniwalaan. Niyakap ko ang aking sarili. Hanggang ngayon ay narito pa rin ang matinding kaba sa aking dibdib. Kalahati lang ng katawan nito ang nakita ko kanina ngunit alam kong siya iyon. Iyong lalaking humalik sa akin no'ng ako'y nasa loob ng bodega.
Natampal ko ang aking noo. Imposible talang multo ang humalik sa akin pero paano ko naman ipapaliwanag iyon ng malinaw gayong hindi naman talaga iyon kapani-paniwala. Ang nakapagtataka lang ay bakit ngayon lang ito nangyayari sa akin.
Puno man ng kaba at takot itong kaloob-looban ko, pero may parte rito ang nag-uutos sa akin upang bumuo ng isang malaking kuryursidad.
Napahugot ako ng malalim na hininga at kinuha ang kahon, maging ang sobreng kasama nito. Nakasulat sa likod ng sobre ang aking pangalan at mukhang hindi pa nga ito nabubuksan ng itay dahil nakasilyado pa ito. Pinunit ko ang dulo ng sobre at kinuha ang laman nitong papel. Nanginginig pa ang aking mga kamay habang binubuklat ang nakatuping papel.
Nang mabuksan ko ito'y nagsimula nang tumulo ang aking mga luha sa mata.
Mahal kong Ayesha,
Anak, alam ko, marami akong pagkukulang sa iyo ngunit labis pa rin akong nagpapasalamat dahil naging mabuti kang anak sa akin. Ayesha, alam kong nangungulila ka sa akin ngunit ito ang tandaan mo anak, lagi akong nasa iyong tabi. Alam ko, sa oras na binabasa mo ito'y wala na ako at alam kong hindi iyon madali para sa iyo. Ayesha, sa oras na kailanganin mo ng tulong, iyong tipong wala ka ng malalapitan ay hanapin mo ang malayo nating kamag-anak na si Nely. Kasama sa sulat kong ito ang larawan niya anak. Pakiusap ko sana sa iyo na sana'y huwag kang mahiya na lumapit sa kanya sa oras ng kagipitan anak. Mahal na mahal kita, Ayesha Yana.
Nagmamahal,
Mathilda.
Nang mabasa ko ang sulat ay mapait akong napangiti. Kahit wala na ito'y kapakanan ko pa rin ang iniisip niya. Itinabi ko ang sulat at muling inusisa ang laman ng sobre. Gaya nga ng sabi sa sulat ni ina ay may larawan nga itong kasama.
Pinagmasdan ko itong mabuti. Napakaganda lang ng aking tiyahin. Tiningnan ko ang likod nito at may nakasulat kung saan nakatira ang tiyang Nely.
"1994," sambit ko. Hindi ko alam kung taon ba ito no'ng huli silang magkita. Kay tagal na pala nito at mahigit dalawapu't dalawang taon na pala ang lumipas.
"Buhay ka pa kaya tiyang," naibulong ko sa kawalan.
Nagdadalawang-isip akong hanapin siya dahil hindi naman ako sigurado kung buhay pa ba siya pero sa sulat ni ina ay mukhang sigurado siyang matutulungan ako ng aking tiyahin. Mariin akong napapikit at iniligpit ang sulat, maging ang larawan ni tiyang Nely. Kinuha ko naman ang kahon at binuksan ito. May kasama pa itong maliit na papel at ang nakalagay dito ay maligayang kaarawan Yana. Galing ito kay ina. Muling naglandas sa mukha ko ang butil ng mga luha sa aking mga mata. Hindi niya nakalimutan ang kaarawan ko. Talagang pinaghandaan niya pa ito. Masuyo kong hinaplos ang isang mamahaling bestida na kulay pula. Inangat ko ito at talagang walang pagsidlan ng tuwa ang aking nadarama. Kay ganda ng damit na ibinigay ng inay sa akin. Halatang iningatan niya ito ng husto dahil animo'y bago pa itong bili, dahil na rin sa amoy nito. Kinuha ko ang damit at napatayo. Inilapat ko ito sa aking katawan at talagang kasyang-kasya ito sa akin kahit hindi ko pa man nasusuot. Kaya lang ay parang masiyado itong magara, para bang dadalo ako sa isang piging.
Napalabi ako't ibinalik muli sa loob ng kahon ang damit. Kinuha ko ang perang nakarolyo. Ito marahil ang tinutukoy ng itay kanina. Mapait akong napangiti. Mangungulila ako sa kanya ng lubos nito ngunit alam kong may mag-aalaga naman sa kanya kaya mapapanatag na ako. Iniligpit ko na ang mga gamit ko at muling isinilid sa loob ng malaking bayong. Matapos ay nagdasal muna ako bago tuluyang nahiga sa tabi ni Jeorgie.
Sa kalagitnaan ng gabi ay bigla na lamang akong naalimpungatan at napakurap ng aking mga mata ngunit agad din naman akong nakatulog muli. Ang akala ko'y tuluyan na akong makakatulog ngunit natigilan ako.
Malamig na hangin ang dumampi sa aking balat. Napabiling ako sa kanan at pinilit na makatulog muli.
"Yana..." bulong sa aking punong tainga.
Sa takot at pagkabigla ko'y napadilat ako at napabangon. Wari'y parang nasa karera ako dahil sa lakas nang pintig ng aking puso. Idagdag mo pa ang biglaang pamamawis ko ng malamig.
Sa sobrang kaba at takot ko'y napalabas ako ng kuwarto upang magtungo sa kusina para makainom ng tubig. Panay ang pagtahip ng aking dibdib. Tinungo ko ang lababo at wala sa sariling napahilamos ng mukha.
"Ano ba Yana!" mariin kong sita sa aking sarili.
Mariin akong napakapit sa dulo ng lababo. Panaginip ba iyon o imahinasyon ko lang?
"Yana naman..." usal ko.
Pakiramdam ko'y talagang may bumulong sa akin. Pinilig ko ang aking ulo at bahagyang napahimas sa aking batok.
"Wala iyon Yana..." kastigo ko sa aking sarili.
Inilagay ko na ang baso sa lababo at muling bumalik sa kuwarto ni Jeorgie. Nahiga akong muli sa tabi niya at kinumutan ito.
'Diyos ko, sana'y matigil na itong mga kakaibang nangyayari sa akin.' Nasabi ko sa aking utak bago ako tuluyang hinila ng antok.
Kinabukasan nang magdilat ako'y wala na si Jeorgie sa aking tabi at tanging maliit na papel lamang ang naiwan. Kinuha ko ito at binasa gamit ang aking mga mata.
'Yana,
Umalis ako ng maaga dahil may sakit si Alona. Iyong nakabantay sa kantina, siguro naman ay kilala mo iyon. Nakapagluto na ako ng agahan mo, maging ang baon mo. Ingat ka riyan ha. Iyong susi ay nasa altar. Magkita na lamang tayo rito sa unibersidad.'
Jeorgie.
Napangiti ako. Kahit kailan talaga ay napakamaalaga nito sa akin. Bumaba na ako sa kama at iniligpit ang pinaghigaan ko. Nag-ayos muna ako ng aking sarili bago tuluyang lumabas ng kuwarto. Mabuti na lang at may sariling banyo itong si Jeorgie kaya hindi nakakahiyang pumarada sa bahay nila ng nakatapi lang. Tinungo ko agad ang kusina at talagang nakahanda na nga ang agahan ko.
Agad din naman akong umupo at kumain na, matapos ay agad ko rin namang nilisan ang bahay nila upang makapasok na sa trabaho. Siniguro ko pang nakakandado lahat ng bintanda at pinto para iwas na rin sa mga masasamang loob. Mabilis akong nagtawag ng traysikel at agad din naman itong pinasibad ni manong nang makasakay ako.