Kabanata 2
"Una na ako, Yana," paalam ni Jeorgie sa akin at lumakad na sa kabilang daan.
Ako nama'y kumaway lang sa kanya at lumakad na rin sa kabilang daan. Nilalakad ko na lamang pauwi upang makatipid ako sa pamasahe. Hindi rin naman kalayuan ang unibersidad sa aming baranggay. Isa't kalahating oras din ang aking nilakad bago ako makarating sa bahay namin. Laking gulat ko na ang sumalubong sa akin ay ang nagliliparan kong mga gamit. Nakita ko pang lumabas ang itay at inaawat ang bagong asawa nito.
"Lusing naman! Anak ko pa rin naman si Yana, pakiusap!" Rinig kong sumamu ng itay habang dinadampot ang aking mga damit na nakakalat sa lupa.
"Hindi mo anak ang batang iyan! Mamili ka Berting! Ako o ang iyang ampon mo!" bulyaw nito at malakas pang binalibag ang pinto naming gawa sa ratan.
Naningkit ang aking mga mata at nagkusa ang aking katawan na kumilos. Dinampot ko ang aking mga damit at maluha-luhang isinilid ito sa malaking bayong. Natigilan ang itay at napalingon sa akin. Mapait akong napangiti.
"Tay, ayos lang ako," agad kong wika rito. Alam kong nag-aalala ito sa akin.
"Anak, patawarin mo ako," naluluha nitong ani at agad akong niyakap. Tuluyang bumagsak ang aking mga luha at niyakap ko ito pabalik.
"Hindi ko kayang mamili anak. Mahal kita, kahit 'di man kita kadugo." Gumaralgal ang boses nito dahil sa pag-iyak. Kumalas ako nang yakap.
"Tay, maging ako ay ganoon din. Ngunit alam kong mahal niyo siya at isa pa, nagdesisyon na rin ho akong bumukod kaya huwag na ho kayong mamili sa amin," ani ko.
"Pero Yana..." Nailing ako.
"Susulat at dadalaw ho ako sa inyo itay, kung iyan ang inaalala ninyo. Kaya ko na po ang sarili ko," paniniguro ko pa.
Wala itong nagawa kundi ang yakapin na lamang ako. Kakayanin ko ito! Kumalas kami ng yakap sa isa't isa at dinampot na ang natitira ko pang mga gamit. Nang maisilid ko na lahat sa malaking bayong ay nagpaalam na ako kay itay. Masakit man sa akin na mawawalay ako sa kanya ngunit mas masakit sa akin ang maging hadlang sa kasiyahan nito.
"Itay, mauna na ho ako," paalam ko.
"Sandali lang anak," anito at mabilis na pumasok sa loob ng bahay.
Ilang minuto lang ay bumalik din naman ito agad. May dala itong maliit na kahon at isang sobre.
"Bago pumanaw ang iyong ina, ibinilin niya sa akin na ibigay ko raw ang mga ito sa iyo," aniya.
Tango at mapait na ngiti ang naitugon ko bago ko tuluyang kinuha ang kahon at sobre.
"Anak, may konting pera akong isinilid sa kahon. Gamitin mo," dagdag nito.
"Pero tay," protesta ko ngunit umiling ito.
"Lakad na at baka mahuli ka pa ni Lusing. Dali na anak. Susulat ka at dadalaw ha. Ipangako mo sana. Mag-iingat ka," anito at mabilis na pumasok sa loob ng bahay.
Wala akong nagawa kundi ang itikom ang aking bibig na kanina lang ay nakaawang para sana awatin ito.
Pinahiran ko ang aking basang mga pisngi at malungkot na sinulyapang muli ang bahay namin. Siguro nga'y hindi ako nararapat sa lugar na ito. Ngunit lubos pa rin akong nagpapasalamat sa aking amain dahil kinupkop niya kami ng aking ina. Tinanggap niya ako bilang tunay niyang anak at tinatanaw ko iyon bilang malaking utang na loob sa kanya. Ngayong may bago na siyang pamilyang kinakasama, ako na ang magpaparaya. Kahit sa ganito man lang ay masuklian ko ang kabutihan nito sa amin ni ina.
Mapait akong ngumiti at lumakad na palayo sa bahay namin. Hindi ko alam kung saan ako dinala ng aking mga paa. Namalayan ko na lamang ang aking sarili na kumakatok sa pinto ng bahay ng aking kaibigang si Jeorgie.
"Diyos ko Yana!" sambit nito nang makita ako at agad na iginiya papasok sa kanilang bahay.
"Ano ba ang nangyari?" tanong niya nang makaupo ako. Muling umagos ang aking mga luha sa mata.
"Pinalayas ako ni tiya Lusing. Ang akala ko'y sa susunod na linggo pa sila lilipat, mukhang napaaga yata," sagot ko at panay pahid sa aking pisngi. Hinagod niya ang aking braso.
"Nakakainis talaga ha! Akala mo naman kung sino siya! Ano naman ang ginawa ni tiyo Berting? Hindi ka man lang ba niya ipinagtanggol!?" Malungkot akong napayuko.
"Nahihirapan siyang mamili sa amin Jeorgie pero alam ko naman na mas matimbang ang madrasta ko, kaya ako na mismo ang nagkusang lumayo at huwag na magpumilit pa. Gusto ko rin namang maging masaya ang itay," sagot ko.
Narinig ko ang malalim niyang pagbuntong-hininga at napatayo. Bahagya itong kumuha ng tubig para sa akin. Inabot ko rin naman ito pagkabigay niya at nilagok lahat ng laman ng baso. Tuyong-tuyo na ang aking lalamunan dahil sa walang humpay kong pag-iyak.
"Tahan na Yana. Dumito ka muna pansamantala habang wala ka pang malilipatan. Wala rin naman kasi rito ang ama at ina. Umuwi sila ng probinsya kaya't ayos lang na dumito ka muna," ani Jeorgie.
Tanging tango lang ang naitugon ko. Kinuha na niya ang aking mga gamit at ipinasok sa kuwarto niya.
"Ayos lang ba kung magtabi tayo?" Napatawa ako ng konti.
"Oo naman. Aarte pa ba ako? Salamat talaga sa pagkupkop dito sa akin Jeorgie." Tumayo ako at niyakap siya.
"Wala iyon, Yana. Natutuwa nga ako't sa akin mo naisipang lumapit. Isa pa, ako lang naman ang mag-isa rito kaya ayos lang." Kumalas ako ng yakap sa kanya at matamis na ngumiti rito.
"Magpalit ka na. Tamang-tama dahil katatapos ko lang magluto ng hapunan. Saluhan mo na ako," nakangiting wika nito at tinungo na ang kusina.
Ang suwerte ko nga naman at may kaibigan akong kagaya niya.
Pumasok na ako sa kuwarto niya at nagpalit na ng damit. Matapos kong mag-ayos ay sumunod na ako sa kusina. Katatapos lang ni Jeorgie na maghain kaya't umupo na lang ako. Tumabi naman ito sa akin at pinagsilbihan pa ako.
"Jeorgie naman, kaya ko na ito," protesta ko.
"Ito naman, bisita kaya kita kaya ayos lang 'yan," depensa nito.
"Ikaw talaga," na sabi ko na lamang.
Bigla naman nitong nasagi ang sandok, dahilan para ito'y mahulog. Nagkataon namang malapit ito sa akin kaya ako na mismo ang yumuko sa ilalim ng mesa upang abutin ito. Ngunit natigilan ako, laking gulat ko nang makita ang isang taong nakatayo sa may pinto. Nang lumakad ito palapit, sa gulat ko'y nauntog ako sa mesa.
"Hala? Yana!" Narinig ko pang sambit ni Jeorgie at agad akong inalalayang makaupo.
"Ayos ka lang ba?" Wala akong naisagot sa kanya dahil nanatiling nakatuon ang aking utak sa aking nakita kanina lang.
"Yana!" pukaw nito sa akin.
"Ha? Ano...pasensya na," paumanhin ko pa.
"May masakit ba sa iyo?" Nailing ako at inilapag ang sandok sa mesa.
"Kain na tayo," yaya ko pa at pilit na pinasisigla ang aking sarili upang hindi ito makahalatang balisa ako.
"Sige," sang-ayon nito at nagsimula nang kumain.