Kabanata 1

1782 Words
Kabanata 1 "Yana!" Napalundag ako sa tindi ng gulat. Ngalingali kong nahampas si Jeorgie sa kanyang balikat at hinila ang ilang hibla ng kanyang buhok. "Gaga ka ba!? Gusto mo akong mamatay ng maaga!?" Napanguso naman ito at napakamot sa kanyang ulo. "Palagi mo kasing tinititigan ang larawang iyan sa tuwing napapagawi tayo rito sa silid-aklatan." Napaismid ako. "Nakapagtataka lang kasi dahil may kakaiba akong nakikita sa nakapintang larawan na ito." Imbes na sagutin ako'y inirapan niya lamang ako. "Ewan ko sa iyo!" Padabog pa itong umalis sa tabi ko. Wala akong nagawa kundi ang magkibit-balikat at muling napatitig sa larawang nasa harapan ko. Ewan ko ba pero iyon talaga ang nakikita kong eksena sa larawang ito. Pakiramdam ko'y bahagi ako ng larawan. Nakakabaliw mang isipin ngunit simula nang tumuntong ako ng dise-otso'y sa tuwing napapatitig ako sa larawang ito, ang sarili ko mismo ang nakikita kong nakatayo sa harapan ng salamin na nakapinta sa larawan. Napabuga ako ng hangin at pinilig ko ang aking ulo. Masiyado na yata akong praning at kung anu-ano na ang aking nakikita. Ngunit hindi ko pa rin maitatanggi sa aking sarili ang katotohanang sa mga mata ko'y buhay na buhay ang larawang nakapinta. Tinitigan kong mabuti ang larawan at pilit na inaaninag ng aking mga mata ang pangalan ng pintor. "Ma... Matt..." sambit ko na ngunit napaurong ako dahil sa biglaang paghatak sa akin ni Jeorgie. "Nakakainis ka na talaga Yana! Ang hirap talaga tanggalin ng presensya mo sa larawang iyon! Palagi na lang!" talak nito sa akin at tanging pagkamot sa aking sintido lamang ang nagawa ko. Aminado ako, natatagalan kami sa aming mga gawain dahil sa biglaan kong paghinto para lamang titigan ang larawang iyon. "Patawad Jeorgie..." paumanhin ko ngunit tanging irap lang ang itinugon niya. Bumigat ang aking paghinga. Paniguradong magpapasuyo na naman ito sa akin at talagang mahihirapan na naman ako nito. "Matatanggalan tayo ng trabaho nito Yana kapag ipinagpatuloy mo pa iyan! Ilang taon na ba? Dalawang taon na! Diyos ko naman Yana!" talak niyang muli habang pababa kami ng hagdan. Nanatili akong walang imik sa naging mga patutsada niya. Wala talaga ako sa aking sarili ngayong araw na ito. Hindi lang ngayon yata, kundi araw-araw matapos kong titigan iyong nakapintang larawan ay talagang nawawala ako sa aking sarili. Wari'y ang lawak ng imahinasyon ko dahil damang-dama ko pa ang bawat nangyayari sa loob ng larawan. "Ayesha Yana!? Nakikinig ka ba, ha?" Bumaling ako sa kanya. "Oo na," tipid ko lamang na sagot at nagpatiuna na sa pagbaba. Diretso ako agad sa ika-dalawang palapag at tinungo ang bodega na pinaglalagakan ng mga gamit sa paglilinis. Dalawang taon na akong nagtatrabaho rito sa pribadong eskuwelahan ng St. Mary's College bilang isang dyanitor. Mababa man ang antas ngunit ikinararangal ko ang trabahong ito. Muli akong humugot ng malalim na hininga at agad na dinampot ang walis ting-ting at ang mga basahan para pamunas sa salamin. Ngunit bago ko pa man madampot lahat ay may umihip na pinong hangin sa aking batok. Natigilan ako at nagsitayuan ang aking mga balahibo sa katawan. Nanginginig ang mga tuhod ko at pakiramdam ko'y nanigas ang buo kong katawan. Pinagpapawisan ang mga palad ko, maging ang tungki ng aking ilong, pati na ang buong mukha ko. Panay kabog din ang aking dibdib. Sa lakas nito'y parang nakakabingi. Napakurap pa ako ng maraming beses at buong tapang na napahugot ng malalim na hininga. 'Wala iyan Yana.' Sa isipan ko. Ngunit nang bumaling ako sa aking likuran ay biglang sumirado ang pinto. Napatili ako sa sobrang takot. Agad akong kumilos at nagkukumahog na lumapit sa dingding para kapain ang ilaw ngunit bago ko pa man ito mahawakan ay naramdaman ko na lang na may biglang humawak sa aking kanang kamay. Maging ang isa pa nitong kamay ay ramdam kong nakahapit sa aking manipis na baywang. Natigilan ako at tila nalunok ko ang aking dila dahil hindi ko man lang nagawang sumigaw o humingi ng tulong. Madalim man ngunit damang-dama ko ang bawat haplos nito sa akin, dahilan upang magkagulo ang buong sistema ng aking katawan. Damang-dama ko ang hininga nito sa aking leeg, maging ang marahang paghagod ng kamay nito sa aking likuran. Kabaliwan man ito kung tutuusin ngunit hindi ko alam kung bakit takot ko'y lumisan bigla. Sa isang pagsinghap ko'y sakop na nito ang aking labi. Dampi lang ito ngunit pakiramdam ko'y buong katawan ko ang nakadadama ng halik niyang iyon. Napasinghap akong muli at sa isang galaw ko lang ay bigla na lamang itong nawala sa harapan ko at napalitan ng matinding lamig ang buong silid. Bumilis lalo ang t***k ng puso ko at muling nanaig ang matinding takot sa akin. Mabilis kong pinihit ang busol at napatakbo palabas. Sa pagmamadali ko'y nabangga ko pa si Jeorgie. "Hoy Yana! Ayos ka lang ba? Namumutla ka ah? Tagaktak pa ang pawis mo," anito. Kay bigat ng aking paghinga at panay ang paghabol ko rito. "M-may...s-sa...." tanging sambit ko at tuluyan akong nawalan ng malay. Pakurap-kurap pa ako bago ko tuluyang idinilat ang aking mga mata. Iginiya ko pa ang aking paningin at mukhang nasa klinika ako ng iskuwelahan. "Salamat naman at nagising ka rin, pinag-alala mo 'ko ng husto," ani Jeorgie habang nakapamaywang sa aking harapan. Tipid akong ngumiti. Umupo naman ito sa may paanan ko at bahagyang pinisil ang aking kanang braso. "Ano ba talaga ang nangyari sa iyo, Yana?" Napahugot ako ng malalim na hininga at napabangon. Inalalayan naman niya akong makaupo ng maayos. Nahilot ko ang aking sinitido at mariing napakapit ang aking kaliwang kamay sa kama. Nagdadalawang-isip ako kung sasagutin ko ba siya o hindi. "Oy Yana..." pukaw nito sa akin. Nag-angat ako ng aking ulo. "Sa bodega," panimula ko at bahagyang napalunok dahil sa nanunuyot kong lalamunan. "O? Ano namang mayroon doon?" Halata sa mukha nito ang pagkabitin. "Kas—aray!" daing ko at napahimas sa aking balikat na hinampas nito. "Dami mo pang arte, dali na!" Napaismid ako. "May multo sa bodega..." "Ha? Huwag ka nga magbiro riyan. Ni kahit katiting na ganyang tsismis ay wala pa akong narinig na ganyan dito sa lugar na ito Yana," aniya. Malalim akong napahugot ng hininga. "Kung ganoon ay ano iyong nangyari sa akin sa bodega? Alam mo bang hinalikan pa ako ng multong 'yon!" nandidiri ko pang dagdag. Napahagalpak naman nang tawa itong si Jeorgie. "Wow? Nanghahalik na pala ang mga multo ngayon?" Para na siyang mamamatay sa katatawa at napapahawak pa sa tiyan niya. Tinulak ko siya sa sobrang pagkasuya kaya't napatigil ito sa pagtawa. "Patawad naman," aniya at umayos sa pag-upo. "Hindi kasi kapani-paniwala iyang kuwento mo Yana. At saka, baka masesante tayo dahil diyan sa kuwento mo. Alam mo namang bawal 'yan dito," aniya. Napakamot ako sa aking ulo. Oo nga naman, masiyadong napakarelihiyoso ng iskwelahang ito at imposible nga talagang multo iyon. Sa tagal ko nang naninilbihan dito ay ngayon lang naman iyon nangyari sa akin. Nakapagtataka talaga! "Oy..." pukaw ni Jeorgie sa akin. "Oh? Oo na, baka nalipasan lang ako ng gutom. Kape lang kasi ang naging tanghalian ko kanina," sagot ko na lamang. Ayaw ko na ang ipilit pa ang nangyari sa akin kanina sa bodega. Magmumukha lamang akong katawa-tawa kapag ipinilit ko pa. "Mabuti pa nga't magmeryenda muna tayo. Halika na," gayak pa nito sa akin. Bumaba na ako sa kama at tinungo ang opisina ni doktora upang magpasalamat. Matapos ay lumabas na ako ng klinika. Naabutan ko si Jeorgie na kinakausap ang ibang dyanitor. "Jeorgie..." tawag ko rito. Agad naman siyang lumapit sa akin at iniingkis ang kanyang braso sa akin. "Ano na naman ang pinagsasabi mo ro'n sa iba?" usisa ko. "Nako, iyon ba? Siniguro ko lang talaga na walang nakakita sa iyo nang mahimatay ka. Baka kasi mang-usisa na naman ang mga iyon," paliwanag niya. Kinurot ko ang pisngi nito. "Bait talaga nito," ani ko. Ngumuso lang siya at kinabig na ako papunta sa kantina. Habang abala si Jeorgie sa pagbili ay hindi ko maiwasang mapasulyap sa palapag kung saan naroon ang bodega. Namamalik-mata nga lang siguro ako ng mga oras na iyon. Sa pagpaling ko paharap ay may nabunggo ako. Muntik pa akong matumba ngunit wala man lang akong nakuhang paumanhin mula sa nakabunggo sa akin. Nang mag-angat ako ng aking ulo ay laking pagtataka ko't wala namang taong nagawi sa puwesto ko. Napalunok ako at tila kumakabog na naman ng mabilis ang aking puso. "Hoy!" Napaatras ako ng hakbang. "Jeorgie," tanging sambit ko. May bitbit na itong pagkain at bakas sa mukha nito ang pagtataka sa akin. "Ayos ka lang ba?" anito. "Ha? O-oo naman," nag-aalangan ko pang sagot. "Sige," sang-ayon din naman nito at umuna na sa paglakad papunta sa paboritong puwesto namin. Napabuga ako ng hangin. Ano ba talaga ang nabangga ko kanina? Multo? Ngunit wala namang kakayahan ang mga nilalang na iyon na mahawakan ang mga bagay dito sa mundo. Kinikilabutan na ako sa aking mga kuro-kuro. "Yana!" tawag pa sa akin ni Jeorgie at may kasama pa itong pagsenyas sa akin. Lumaki ang pulgada ng bawat hakbang ko upang mabilis akong makalapit sa puwesto niya. Nang umabot ako'y umupo ako sa tabi nito at nagsimula nang kumain. "Balisa ka yata Yana," biglang ani niya. "Dala lang ito ng pagod Jeorgie," sagot ko. "Pagod ka nga ba talaga o sadyang inaalala mo pa rin ang iyong amain." Natigilan ako sa pagsubo at sinulyapan siya ng konti. Bumalik sa akin ang matinding lungkot. Mag-aasawang muli ang aking amain at sa susunod na linggo na darating ang bagong pamilya nito. "Nahihirapan pa rin akong tanggapin ang katotohanang may bagong pamilya na ang itay Jeorgie," wika ko at pinahiran ang nangingilid kong mga luha sa mata. Naramdaman ko ang paglapat ng palad niya sa aking likuran at ang marahang paghagod nito. "Paano ka na niyan Yana? Siguradong problema iyan para sa iyo. Ang balita ko pa nga'y mga sutil daw ang mga anak ng magiging madrasta mo," ani Jeorgie na ikinatango ko rin naman. Hindi naman lingid sa aking kaalaman ang ugali ng mga anak ng madrasta ko. Kahit hindi ko pa man nakikilala ng personal ang mga ito'y marami ng tsismis ang nakarating sa akin. 'Ika nga nila'y may pakpak ang balita. "Mapipilitan akong bumukod Jeorgie. Ayaw ko rin naman ng gulo kaya hangga't maaari ay ako ang iiwas," wika kong muli at mapait na napangiti. "Tutulungan kitang makahanap ng bagong mauupahan Yana," ani Jeorgie. Nginitian ko lamang siya at tahimik na kaming kumain muli ng aming meryenda. Masaya ako't may kaibigan pa rin akong makakapitan. Simula elementarya ay kaibigan ko na si Jeorgie. Kahit na minsan ay kalog ito ngunit lagi ko namang maaasahan sa maraming bagay. Sana nga lang ay huwag masamain ng aking amain ang desisyon kong bumukod.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD