Panimula

500 Words
Panimula Sa ikalaliman ng aking pagtulog ay nagmulat ako ng aking mga mata. Napabangon ako mula sa pagkakahiga ko sa tuyong dayami at dahan-dahan akong napababa sa animo'y sementong altar. Sinipat ko ang aking sarili at laking pagkamangha ko dahil mamahaling tela ang saplot na tumatakip sa aking katawan. Puting bestida ito ngunit nagmumukha itong pangkasiyahang kasuotan. Masarap at malambot sa katawan. Magaan din itong dalhin. Ngunit iba ang pumukaw sa aking atensyon at napalinga sa aking paligid. Nasa loob ako ng isang lumang bulwagan. Ngunit nakapagtataka dahil ako lamang ang mag-isa sa nakakatakot na lugar na ito. Isang hakbang sa hagdan ay siyang pagpalid ng buhok ko dahil sa haplos ng hangin sa akin. Isang hakbang pa pababa ay siyang pagsindi ng mga lampara sa paligid ko. Bahagya akong natigilan. Samu't saring emosyon ang nararamdaman ko ngayon. Naghahalong kaba, takot at pangamba ang nananaig sa akin. Sa pagkurap ng aking mga mata ay siyang paglitaw ng isang bulto ng katawan. Hindi ko maaninag ang mukha nito ngunit alam kong lalaki ito. Nakasuot ito ng itim na tuksedo. "Alyana," anito kasabay nang paglahad nito ng kanyang kamay. Hindi Alyana ang pangalan ko ngunit bakit parang pakiramdam ko'y ako ang babaeng iyon. Nagsitayuan ang mga balahibo ko ngunit daig ko pa ang nahipnotismo. Humakbang akong muli pababa. Mabigat ang aking hakbang habang lumalapit sa kinatatayuan nito. Wala sa sarili kong iniabot ang aking kanang kamay sa nakalahad nitong palad. Maingat na dumantay sa aking baywang ang isang palad nito at hinapit ako ng husto. Isinayaw nito ako kahit na walang musika. Hindi ko alam kung bakit ganito ang aking pakiramdam. Parang matagal ko na siyang kilala at parang ang laki ng puwang niya rito sa puso ko. Habang isinasayaw nito ako'y napagawi ang aking paningin sa likuran nito. May malaking salamin na nakalagay sa likuran namin. Napakunot ako ng aking noo at natigilan. Ibang replika ang nakikita ko sa salamin. Kulay gintong mapusyaw ang aking buhok sa salamin gayong kulay itim naman talaga ito. Bahagya ring tumaas ang mga kuko ko sa aking mga kamay. Mas lalo ko pang ikinagulat ang kulay ng aking mga mata. Nag-aalab na kulay pula ito. Kumalas ako sa pagkakahapit nito sa akin at napatanga sa harapan ng salamin. Bakit ganito ang itsura ko? Napasinghap ako sa biglaang pagpulupot ng braso nito sa akin. Hinawi nito ang aking buhok dahilan para lumantad sa kanya ang aking leeg. Sa isang kurap lang ay nakabaon na ang mga pangil nito sa aking leeg. Kitang-kita ko sa salamin kung paano umagos ang malapot kong dugo sa aking leeg. Pakiramdam ko'y hinihigop nito ang aking lakas, maging ang aking pandama ay naging walang silbi. Sa pagbitaw nito sa akin ay siya ring pagbagsak ko sa sahig. Maging ang salaming nasa harapan ko ay nabasag. Sa biak ng salaming nagkalat sa paligid ko'y nakita ko ang mga mata nitong nag-aalab na kulay pula. Pakiramdam ko'y parang katapusan ko na sa mundo. "Ayesha," huling sambit nito bago ako tuluyang malagutan ng hininga.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD