NAPANGITI NA LANG si Euna nang maalala nya ang dating usapan nila na iyon ni Ivo. Matagal na iyon pero nakakatuwang hindi pa nya nakakalimutan ang bawat detalye. Napalingon sya sa mais na bagong gayat lang niya at handa na upang iluto ng kanyang ina.
"Anak, tapos na ba iyang ginagayat mo?" tanong ng mama nya na abala naman sa paghuhugas ng mga gagamiting kasangkapan.
"Yes, ma." Tumayo sya saka dinampot ang plastic na malaking mangkok na pinalalagyan ng mais. "Eto na po."
Pinagmasdan nya ang ginagawang pagluluto ng ina mula sa simulang proseso. Ito ang pinakapaboritong meryenda nila ni Ivo noon. Biglang pumasok sa isip nya ang binata.
'Paborito pa kaya nya ito ngayon? Baka hindi na kasi maraming masasarap na pagkain sa States, e!' aniya sa kanyang isip.
Bigla tuloy syang naintriga kung nagbago rin ba ang panlasa ng binata gayong ang laki ng pinagbago nito sa sarili ngayon. Napakalayo sa dating Ivo na matalik niyang kaibigan.
"Ma," tawag nya sa ina.
"Hmm?"
"Tingin mo, paborito pa rin kaya iyan ni Ivo?" tanong nya.
Tiningnan sya ng kanyang ina saka nag-isip habang hinahalo ang nilulutong pagkain. "Hindi ko alam, e. Alam mo naman sa States, maraming masasarap na pagkain doon at malaki ang tyansang napalitan na."
Tumango-tango na lang sya saka sumandal sa lababo, paharap sa ina. "Pero ngayon, sigurado akong matutuwa sya sa oras na malaman nyang makakain ulit sya nyan ngayon. Siya po ba nag-request nyan?" nakangiti nyang tanong.
Umiling ang ina nya saka ngumiti. "Hindi, anak. Si Ma'am Shiela mo ang nag-request."
Biglang nawala ang ngiti sa labi nya. "Akala ko po si Ivo."
Ngumiti ang mama nya. "Ganoon din naman iyon, anak. Kakain din naman si Ivo nito. Huwag ka na malungkot."
Nag-iwas sya ng tingin. "Ma, hindi ako nalulungkot." Pilit nyang tinago sa ina ang totoong nararamdaman. Kahit na alam nyang malaki ang tyansang nahahalata sya nito.
Ganoon kasi si Euna. Madaling mabasa ng mga taong nakapaligid sa kanya ang anumang emosyong nararamdaman nya. Alam din ng ina nya kung kailan sya nagsasabi ng totoo o hindi.
"Naku! Ikaw talaga, Euna. O sige na. Okay na ako rito. Kung gusto mo na magpahinga ay pumunta ka na sa kwarto mo. Tatawagin kita kapag ayos na itong niluluto ko." Tinapik pa nito ang kanyang balikat.
"Okay po."
Lumabas sya ng kusina at balak nyang magtungo sa hardin upang doon maupo sa paborito nyang lugar. Ngunit bigla syang natigilan nang marinig nya ang tinig ni Shiela at tinawag sya.
Humarap sya sa mag-asawa na maganda ang ngiti sa kanya. "Hello po."
"Mabuti naman at wala kang pasok ngayon, hija. Halika rito, maupo ka muna." Tinapik ni Shiela ang bakanteng sofa sa tabi nito.
"Kaya nga. Napakahirap siguro ng trabaho mo sa ospital, Euna," wika naman ni Jose. Lumingon pa ito sa asawa bago sya muling nginitian. "Busy ka ba, hija? Gusto ka sana namin makausap ng 'Tita Shiela' mo."
Nakaramdam sya ng hiya nang marinig ang salitang 'Tita' dahil sanay sya na tawagin ang mga itong 'sir at ma'am'.
Ngayon nya naalala na ang sinabi ng kanyang ina tungkol sa inaalok ng mag-asawa sa magulang nya.
Ngumiti sya sa mga ito bago umupo sa sofa sa tabi ni Shiela. "Hindi naman po ako busy, Sir Jose."
Tumawa si Jose saka umiling. "Hija, just call me 'tito'. Masyadong pormal ang sir."
"Kaya nga, Euna." Hinawakan ni Shiela ang kanyang kamay. "Just call me 'Tita Shiela'. Kaibigan naman kami ng magulang mo. Pamilya namin kayo."
Napangiti sya lalo sa sinabi ng mag-asawa. "Salamat po, Tita... Tito."
Isa sa pinagpapasalamat nya sa Diyos ay ang pagkakaroon ng mabuting ama ng kanyang mga magulang. Mula noon ay naging mabait ang mag-asawa sa kanilang pamilya at natutuwa sya dahil wala pa rin itong pinagbago.
"Hija, may ipapakiusap sana kami sa iyo ng tito mo," seryosong wika ng kanyang Tita Shiela na tiningnan pa ang asawa.
"Ano po ba iyon? Tungkol po ba saan?" tanong nya kahit mayroon na syang ideya.
Huminga nang malalim si Tito Jose nya bago nagsalita. "Alam namin ng tita mo na alam mo kung anong sitwasyon ngayon ni Ivo. Sa lagay niya ngayon, mahirap humanap ng taong may mahabang pasensya and at the same time, mapagkakatiwalaan namin na titingin sa kanya."
Hindi sya kumibo. Nakikinig lang sya.
"Kaya naman, naisip namin ng tita mo na baka pwedeng ikaw na lang ang maging personal nurse ni Ivo. Bukod sa alam naming mahusay kang nurse, ang sabi ng mama mo ay mahaba raa ang iyong pasensya."
Bagay na totoo. Mga bata ang kadalasang nakakaharap nya pero iba naman ang sitwasyon ni Ivo.
Muli nyang naramdaman ang magaan na pagpisil ng kamay ng Tita Shiela nya sa kanya. Lumingon sya rito. "Hija, mabait naman si Ivo. Kilala mo naman sya, di ba? Hindi naman sya nagbago, e. Ganoon pa rin sya. Iyon nga lang, naging masungit dahil sa naging lagay nya ngayon."
Hindi pa rin sya makakibo. Wala syang maisagot kaya nanatili na lang syang nakinig sa iba pang sasabihin ng mag-asawa.
"Wala kaming mapagkatiwalaan pagdating kay Ivo. Mainitin din ang kanyang ulo dahil nga siguro naaaburido sya pero alam kong pansamantala lang naman iyan."
"Pansamantala po?" tanong nya.
"Oo, hija. Sa totoo lang, pwede pa kasing maoperahan si Ivo. Malaki ang tyansa nya na makakita muli ang kanang mata nya kaso sya mismo ang may ayaw. Sabi nya ay wala na rin naman daw silbi."
Lalo syang nakaramdam ng awa para sa dating kaibigan. Ngunit hindi naman kasi pwedeng magdesisyon agad-agad. Hindi sya pwedeng umalis sa trabaho nang basta-basta.
"Sana mapagbigyan mo kami sa pakiusap namin."
"T-tita, tito... naiintindihan ko po ang sitwasyon ni Ivo pero may trabaho po kasi ako sa ospital—"
"Hija, kaming bahala sa sweldo. Dodoblehin namin para makasigurado kang hindi mapapabayaan ang trabaho mo," ani Shiela.
"Tama ang tita mo. Saka dito, si Ivo lang ang aasikasuhin mo. Sya lang ang aalagaan mo. Walang iba."
"Kahit na isip-bata si Ivo, alam kong hindi naman sya magpapasaway sa iyo," bulong ng Tita Shiela nya sa kanya dahilan upang matawa silang tatlo.
"Hindi po kasi iyon ang inaalala ko. Nakakahiya po kasing umalis sa ospital gayong matagal na po ako—"
"Ako ang kakausap sa head ninyo. Huwag kang mag-alala."
"Pero—"
"Kahit tatlong buwan lang, hija. Pagkatapos ng taong buwan, pwede ka ng umalis bilang nurse ni Ivo. Pangako, may babalikan ka pa rin na trabaho sa ospital na aalisan mo."
Sa laki ng koneksyon ng mag-asawa Diaz alam nyang hindi malabo na tuparin nito ang mga sinasabi. Pati na rin ang sweldo na sinasabi nitong dodoblehin di umano.
Pero hindi kasi iyon ang inaalala nya. Wala syang pakialam kung maliit ang ipasweldo nito sa kanya pero si Ivo. Hindi nya alam kung papayag ba ito sa gusto ng mga magulang. Hindi nya alam kung may ideya ba ito na sya ang kinukuha para maging private nurse ng dating kaibigan.
"Ahm, pwede po bang pag-isipan ko po muna kung ano po magiging desisyon ko?" tanong nya kahit sobrang hiya ang nararamdaman nya ngayon.
Tumango ang mag-asawa. "Oo naman. Sige, pag-isipan mo muna, hija."
"Sige po."
Nagpaalam sya sa mga ito at dumiretso sa hardin. Naupo sya sa bakanteng silya roon. Malilim lang dito kaya kahit alas-tres pa lang ng hapon, hindi na mainit. Presko rin ang hangin dahil malalaki ang mga puno. May iba't ibang klase rin ng mga halaman at bulaklak na ama nya ang nag-aalaga.
Sumandal sya saka bahagyang tumingala. Tiningnan nya ang kalangitan na nakaka-relax pagmasdan. Pumasok sa isip nya kung ano ang napag-usapan nila ng mag-asawang Diaz.
Sa totoo lang, nahihiya sya na tanggihan ang offer ng mga ito. Mapapabilis din ang pag-iipon nya kung sakali para makapagpatayo ng sariling bahay nilang buong pamilya.
Pero si Ivo ang inaalala nya. Kayanin kaya nya mag-alaga ng isang binata na napakasungit?
'Mabait naman iyon, e!'
Bigla sya napaayos ng upo nang sya mismo, kontrahin ang sinasabi ng isip.
"Nababaliw na yata ako!" aniya saka umiling-iling pa.
"Yes, you're insane!" ani lalaking gwapo na biglang sumingit sa gilid nya.
"A-ano?"
Tumawa ito na tila aliw na aliw sa kanya. "Hello!"
"I-ikaw iyong pinsan ni Ivo, di ba?"
"Yes. I am Armando. Pwede maitabi?"
Tumango sya saka nag-ayos ng sarili. "K-kanina pa ba dyan?"
"Yes. Actually, nauna ako rito kaso nagutom ako kaya kumuha ako nito sa kitchen?" Tinaas nito ang mangkok na naglalaman ng ginataang mais.
"Luto na?" Nanlalaki ang mga mata at malawak ang ngiting tanong nya rito.
"Obviously!" wika nito sabay subo ng pagkain. "What's your name?"
"Euna," aniya saka pinagmasdan ang lalaking sarap na sarap sa kinakain. "Anong lasa?" Natatakam kasi sya. Nakakatuwa pagmasdan kumain ang lalaking ito.
"Yes. Do you want some?" Alok nito saka sumandok ng ginataang mais gamit ang sariling kutsara nito at ginawi sa harap nya.
Umiling sya. "Thanks but no thanks. Kukuha na lang ako ng sa akin! Wait lang!" aniya saka tumakbo papunta sa kusina.
Amoy na amoy na nya agad ang aroma ng ginataang mais kahit noong nandoon pa lang sya sa entrada ng mansyon.
"Ang bango talaga!" aniya saka nagmamadaling nagsandok.
Ang ina naman nya ay tuwang-tuwa syang tiningnan habang inaayos ang dalawang tray na may nakapatong na mangkok na may ginataang mais, dalawang baso ng tubig saka kutsara na may balot ng tissue sa gilid.
"Luto na pala, ma! Hindi mo naman ako tinawag!" aniya saka ngumiti at tila bata na tumikim. "Ang init!" aniya saka kaagad na nagtungo sa harap ng ref upang kumuha ng tubig. Nagsalin sya sa baso saka natatarantang uminom.
"Dahan-dahan, anak."
Ngumiti lang sya sa ina saka lumabas muli ng mansyon at dumiretso sa hardin. Nandoon pa rin si Armando na hawak ang cellphone at abala sa paglalaro ng mobile games.
"You're back!" anito sa kanya saka ngumiti nang matamis.
"Ubos mo na agad?" tanong nya saka napangiti. "Bilis, ah!"
"Because it's delicious!" ani Armando.
Tumango sya saka pinagpatuloy ang pagkain. Iba talaga ang nararamdaman nya sa tuwing kumakain sya nito. Kakaiba at tila bumabalik ang mga ala-ala nya noong kasama nya pa si Ivo.
Pinilig nya ang ulo upang alisin ang naiisip.
"Are you okay? Kanina ka pa ganyan nang ganyan?" tanong ni Armando na may pagtataka sa mukha.
Natawa sya saka napayuko. "Sorry. Huwag ka mag-alala, ayos lang ako."
"Be sure, huh?" nakangisi nitong wika.
Natawa na lang din sya dahil sa sarili. Tinapos na nya ang kinakain dahil mas masarap ang ginataang mais kapag mainit.
"Nasabi na ba nila tito ang offer nila sa iyo?" biglang tanong ni Armando na seryoso nang nakatingin sa kanya.
"Offer?"
"Yes. To be Ivo's personal s***h private nurse!"
Pinunasan muna nya ang bibig at uminom ng tubig bago sumandal sa upuan. "Pinag-iisipan ko pa, e. Mahirap kasi magdesisyon nang basta-basta."
"That's true. Kaya nga hindi ko rin maiwan iyong trabaho as doctor sa States dahil mahirap basta na lang umalis."
Nanlaki ang mga mata nya. "D-doctor ka?"
"Yes. I know it's not obvious but yes, I am a doctor. An ophthalmologist. Kaya nga nandito ako para ako mismo ang kakausap sa magiging nurse ni Ivo... na sana ikaw na lang. Sabi kasi nila Tito Jose, malapit ka kay Ivo dati."
"Dati iyon, doc. Hindi na ngayon."
"Just call me Armando. Wala naman tayo sa ospital," nakangiti nitong wika.
"Maselan ba ang lagay ng mata ni Ivo?"
"Yes pero pwede naman iyon ayusin. Maooperahan pa at malaki ang tyansa nyang makakita ulit. Kaso itong si Ivo, matigas ang ulo. Ayaw magpaopera."
Tumango-tango sya. "Bakit nga po pala kailangan pa ni Ivo ng private nurse, mukha naman po syang okay bukod sa natamo ng mukha nya."
Huminga nang malalim si Armando. "He seems fine, yes that's true but... it's not. Maraming pinagdaraanan ang pinsan kong iyan ngayon. That's why we are trying to look for someone who would understand his situation. Someone na pwede nyang maging kaibigan. Na pwedeng magkumbinsi sa kanya na magpaopera."
"Bakit ayaw nya?"
Nagkibit-balikat ito. "I don't know. Tinatanong namin sya pero tahimik lang sya. Minsan, nagwawala. Mahirap sya intindihin pero naiintindihan namin sya."
"Nakakaawa naman si Ivo. Parang ang laki nga po ng pinagbago nya."
"Euna, huwag ka mangopo sa akin. Hindi naman naglalayo edad natin."
"S-sorry. Nakasanayan ko na kasing mangopo sa mga doctor at nurse na ahead sa akin."
"Gano'n? Well, I can be your friends para naman hindi doctor tingin mo sa akin." Ngumiti ito ng matamis sa kanya.
Napaisip sya. Tama naman ito at may punto. Napangiti na lang din sya saka nilahad ang kamay dito.
"Sure. We can be friends."
Masayang tinanggap naman iyon ni Armando. "Friends."