GADGET 4

1195 Words
"Wala ka ba talagang maalala, Rye?" nakaismid na turan ni Noah. Muntik na itong masapak ni Ryan dahil ang angas ng dating. Humithit muna si Noah sigarilyong malapit ng maubos bago tumingin sa kaliwang bisig, mukhang tiningnan kung anong oras na. "Magtatanong ba ako kung may naaalala ako?" mahinang saad niya. Kasalukuyan kasi silang nasa isang coffee shop tapat lang ng building na pinagtatrabuhan niya. Buti na lang at alas singko ng hapon hanggang alas dos ng madaling araw ang shift niya. Nakapag-prepare pa siya kanina kahit ala-una na siya nagising. May kalahating oras pa bago ang kaniyang time kaya nakipagkita siya kay Noah dito. Hinigop ni Ryan ang kapeng medyo malamig na at gayundin ang ginawa ni Noah. Halos sabay pa nilang ibinaba ang mga ito sa pabilog na lamesa. "Hindi ba dapat e, maging masaya ka na lang na nasa 'yo na ang gadget?" Humithit itong muli sa sigarilyo bago dinikdik sa ashtray na nasa kanan nito. Parang nang-iinis pang sa harap niya ibinuga ang usok bago ngumisi. Isa na lang. Tikom ang bibig na hinawi ni Ryan ang usok na napunta sa kaniyang mukha gamit ang kanang kamay. "Itinuloy...namin." Balewalang matiim pang tumingin ni Noah sa nagulat na si Ryan. "Paanong itinuloy ninyo? 'Di ba, hindi nga ako pumayag dahil ayoko rin inumin..." Luminga-linga pa si Ryan dahil baka may makarinig sa kanila. Mangilan-ngilan lang naman ang tao sa paligid at mukhang wala namang pakialam sa kanila. "...iyong drugs. Bakit itinuloy ninyo?" halos pabulong na siyang nagsasalita. Lumakas din ang kabog ng kaniyang dibdib. Kahit expected na niyang itinuloy nga nito ang balak, dahil na rin napasakamay niya ang cellphone, hindi pa rin niya matanggap na ang taong nasa harap ay mamamatay tao. Kasama ito malamang ni Drake nang gawin iyon. Imposibleng hindi. "Basta. Ang mahalaga naman ay nasa 'yo na ang item. Maniningil ako. Nasaan ang para sa 'kin? Ang lagay ba, nakalimutan ko iyon?" Seryosong tumingin pa ito sa kaniya bago nagsindi muli ng panibagong sigarilyo. Napahinga nang malalim si Ryan bago iniabot ang isang paper bag na nasa lapag. Nang tawagan niya ito sa bahay kanina, ipinaalala nito ang nais na gadget na meron siya. Ang nakakainis pa, pumili pa talaga ito ng mahal. Iyong WII na halos isang buwan pa lang niyang nabili sa on-line shopping. Medyo mababa sa orihinal na presyo pero mahal pa rin para sa kaniya. Humiling pa ng tatlong bala. Kapal din ng mukha! Ini-offer nga niya ang PS3 na lang niya pero ayaw. At talaga nga namang pumili pa! Matapos silipin ni Noah ang laman ng paper bag, agad itong tumayo at nakangisi pang humithit muli sa tangang sigarilyo bago nagsalita. "Ikaw na rin ang magbayad ng kinain natin, ha? Salamat. Sa uulitin." Tinapik pa siya sa balikat nito bago tinungo ang pintuan ng coffee shop. "Saglit lang." Tumayo na rin si Ryan at hinarap muli si Noah. Naantala naman ang tangka sanang paglabas nito. "Nagtataka lang ako. Kung... napasakamay mo na pala ang cellphone, bakit ibinigay mo pa sa akin? Puwede namang sa 'yo na lang o kaya kay Drake?" tuwid ang tinging tanong niya rito. "Alam mong wala akong hilig sa mga ganoong gadget. Ito," itinaas pa nito ang kulay puting paper bag na ibinigay niya, "mga ganito ang gusto ko. Kung may tanong ka pa, tawagan mo na lang ako mamaya. Nagmamadali kasi ako." At walang sabi-sabing tuluyang lumabas na ito ng shop na iyon. Kinuha na lang ni Ryan ang bag na nasa ibabaw ng lamesa at isinukbit. Sabagay, marami pa namang nagkalat na WII sa on-line shopping. Pero ang cellphone na napunta sa kaniya ay tatlo lang sila meron. Masuwerte na siya roon. *** Pagod at inaantok na tinungo ni Ryan ang second hand model na KIA. Kulay pula iyon at nabili niya sa kaibigang nag-abroad. Matapos pindutin ang open button sa tangang remote, agad na sumakay siya sa driver's seat. Tahimik ang buong parking lot dahil medyo nahuli siya sa pag-uwi. Sumakit kasi ang tiyan niya at hindi na kinaya kaya dumiretso na siya ng CR. Nagbawas siya roon at buti na lang, wala ng masiyadong pumasok. Iilan na rin lang ang kotseng naroon. Karamihan kasi ng nagtatrabaho sa building na iyon ay nagko-commute lang. Medyo madilim na rin dahil basement iyon ng building. Wala ang guard na nakatalaga roon, baka nasa bungad ng parking lot. Iistart na sana niya ang kotse nang mapasulyap sa compartment na nasa harap. Bukas? Hindi na niya naituloy pagsuksok sana ng susi dahil naagaw ng atensiyon niya ang cellphone na nasa loob ng compartment. Oo nga pala, hindi pa niya napo-post ang naturang gadget. Napangiti siya sa naisip na mag-selfie muna bago umuwi. Tiyak kasing dadagsain na naman siya ng mga inggitera at inggiterong nasa friends list niya. Magtatanong ang mga ito kung saan niya na naman nabili ang makabagong unit na meron siya. Bukas ang ilaw sa loob ng sasakyan at mukhang napakalinaw ng camera ng cellphone. Inayos niya ang rear mirror para tingnan ang sariling repleksiyon. Buti na lang at nakapaghilamos siya kanina sa CR, hindi siya mukhang haggard kahit pa inaantok na siya. Gagamit na lang siya ng app para sa eyebag niya. Lumipat siya sa passenger's seat. Ibinaba niya ang salamin na nasa tapat nito. Buti na lang at kasya, kita ang kabuuan ng cellphone sa gagawin niyang mirror shot. Inayos niya muna ang nagulong buhok bago ini-open ang camera ng cellphone. Itinapat sa salaming na nasa harap at sumandal para kita naman ang mukha niya. Napakalinaw nga ng camera, dahil kahit medyo dim ang ilaw ng kotse ay malinaw niyang nakikita. Hindi na nga siya gumamit ng flash dahil kitang-kita naman ang anggulong nais niya. Medyo inaantok na siya kaya isang shot lang ang kaniyang ginawa. Nasisiyahang agad na niyang pinost ang nasabing larawan sa kaniyang i********: na naka-direct na sa kaniyang f*******: account. Hindi na niya in-edit kahit pa ang laki ng eyebags niya sa picture. Tutal naman ang cellphone ang mahalagang makita, ang mapansin. Nilagyan niya pa ng caption: new baby again! #newGadget #onLineShopping Eksatong pinindot niya ang post button nang may malakas na pagkalabog mula sa likuran ng sasakyan ang kaniyang narinig. Kagyat na napalingon dito si Ryan pero wala naman siyang nakita. Napaigtad pa siya nang katok sa bintana sa kaniyang kanan ang sunod niyang narinig. Si manong guard lang pala. Ibinaba ni Ryan ang salaming bintana at isang nakasimangot na guard ang kaniyang nabungaran. "Sir, kung aalis po kayo e, umalis na kayo. Kanina pa ho kayo riyan." Pilit na ngiting tumango si Ryan. Sungit! Ibinalik na lang niya ang cellphone sa compartment at isinara. Hindi na niya na-check kung na-post ba ang picture. Siguro naman may signal dito sa basement. Sa bahay na lang niya titingnan. Matapos na isarang muli ang bintana, lumipat na sa driver's seat si Ryan at isinuksok na ang susi. In-start na niya ang kotse at paarangkadang umalis. Napakunot-noo naman si manong guard dahil parang may naaninag siyang tao sa backseat. Hindi naman kasi tinted ang sasakyan, pero madilim kasi sa bahagi ng parking lot na iyon. Sinundan niya pa ng tingin ang kotse pero lumiko na ito sa kaliwa. Baka nga namalik-mata lang siya. jhavril---
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD