GADGET 3

767 Words
Masakit ang ulong bumangon si Ryan. Napahiga siyang muli ng hindi kayanin na ang sakit na nararamdaman. Parang may nakadagan na malaking bato sa kaniyang ulo at ayaw na rin niyang dumilat pa. Masakit din ang talukap ng kaniyang mga mata at sumasabay pa ang pagpitik ng kaniyang sentido. Nakapikit ang isang matang pilit na tinatakpan ni Ryan ang mukha dahil sa sinag ng araw na tumatagos sa bintana. Mukhang tanghali na. Ilang segundo muna ang pinalipas niya bago inihilamos ang kanang kamay sa mukha at marahang bumangon. Pakiramdam niya ay magang-maga na ang mata gawa ng napakahabang tulog. Kumukulo na rin ang kaniyang tiyan dahil sa gutom. Saglit niyang sinulyapan ang orasang nasa bedside table at tama nga ang hula niya; lagpas ala-una na. Kinusot-kusot pa muna ni Ryan ang mata bago tumayo. Naging mabuway ang kaniyang paglalakad pero pinilit niyang pumasok ng banyo, ihing-ihi na siya. Matapos makaihi ay naghilamos saglit si Ryan. Pinagmasdan ang sarili sa salamin at medyo namumula pa ang kaniyang mga mata. Pinunasan niya ang mukha sa nakasabit na tuwalya sa likod ng pinto bago lumabas. Para lang magulat sa nakapatong sa ibabaw ng study table, katabi ng kaniyang laptop. Hindi makapaniwalang agad na nilapitan ni Ryan ang cellphone na gustong-gusto niya. Hinawakan at tinitigang maigi. Ito nga iyon! Pero paanong...? Nalilitong napaupo siya sa upuang naroon habang nanatiling nakatingin sa nasabing gadget. Pilit niyang iniisip ang nangyari kagabi na kung paano ito napunta rito. Pero kahit anong piga niya ay lalo lang sumasakit ang kaniyang ulo sa pag-iisip, pero wala talaga siyang maalala. Sobrang hang-over ba, na sa pagkakaalala niya ay naka-tatlong bote lang naman siya. Tatlo lang nga ba? Pero kahit na. Hindi siya madaling malasing at kaya nga niya kahit limang bote pa ng red horse na siyang ininom nila kagabi. Naisipan niyang tawagan na lang si Noah at baka may alam ito. O, baka ito ang naglagay niyon? Pero imposible. Hindi siya pumayag sa kagustuhan ng mga ito kaya paanong nakuha ng mga ito ang gadget na hawak niya ngayon? Tatayo na sana siya para kuhain ang cellphone na nasa kama ng biglang mag-ring ang tangang cellphone. Muntik niya pa itong naibagsak dahil sa pagkagulat. Sinilip niya kung sino ang caller. Napakaganda ng cellphone dahil umiilaw iyon ng iba't ibang kulay habang nagri-ring. Napakanipis din nito kaya magaan, 6 inches ang laki at kulay itim. Hindi naman nalalayo sa ibang android cellphone na uso ngayon at meron na rin naman siya. Pero kasi may isa itong specs na nakakuha ng kaniyang atensiyon para maging kakaiba ito sa ibang mga cellphone. Hindi niya alam kung ano iyon. Ayaw banggitin ng nagpasubasta. Tanging ang magmamay-ari lang raw nito ang makakatuklas niyon. At dahil likas sa kaniya ang pagnanais na malaman kung ano ba ang naging kakaiba nito sa ibang gadget, siyempre pa pinangarap niyang magkaroon ng ganito. At ngayon nga na nasa kamay na niya at may tumatawag pa. Numero lang ang naka-flash sa screen. Baka ito iyong may-ari? Tinitigan lang iyon ni Ryan at hinayaang punuin ng kakaibang tunog ang buong paligid ng kaniyang kuwarto. Kung tutuusin, nakakapangilabot ang ringtone na nagmumula rito. Parang tunog sa mga horror movies. Pero balewala lang naman iyon kay Ryan. Hindi naman kasi siya matatakutin. Mas natatakot siya sa posibilidad na makuha iyon ng tunay na may-ari. Ganid na kung ganid, pero nais talaga niyang magkaroon ng ganoon! Sandaling tumahimik ang paligid dahil tumigil na ang pagtunog ng nasabing cellphone. Agad na tinalikod ito ni Ryan para sana alamin kung saan nakalagay ang sim card, pero wala iyong bukasan sa likod. Itinagilid niya dahil baka gaya ng ibang phone ay nasa gilid iyon subalit wala rin. Nalilitong inikot-ikot na ni Ryan pero wala talaga siyang makita na maaaring paglagyan ng sim card nito. Paano naman iyon matatawagan kung wala? Pilit na hinanap pa rin ni Ryan dahil baka hindi niya napansin ang ibang bahagi pero wala talaga! Wala rin pala itong silbi! Napaigtad siyang muli nang tumunog na naman ang tangan niyang gadget. Natatarantang hinanap na lang niya ang off switch nito na lalong nagpainis sa kaniya dahil hindi niya rin makita. O, sadyang wala rin ba? Napabuga nang malakas na hangin si Ryan habang nagtitimpi ng inis. Baka naman shunga lang talaga siya at hindi niya alam kung nasaan ang hinahanap. Muli namang tumigil ang pagtunog ng nakakakilabot na ringtone ng cellphone. Napapakamot na lang sa ulong inilapag ni Ryan ang cellphone sa study table at ipinasyang pumunta na ng kusina. Kailangan na talaga niyang makausap si Noah. Pero mamaya na niya ito tatawagan. Gutom na gutom na kasi siya. jhavril---
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD