Tanya's POV
Kulang na lamang ay patayin ako ni sir Isaac ng bumalik ako ng trabaho at abutan n'ya ako dito, sinadya niyang mapahiya ako sa mga tao at ramdam na ramdam ko ang pagkasuklam n'ya sa akin. Alam kong napakalaki ng kasalanan ko sa kanila pero ang ipahiya ako sa lahat ng tao sa loob ng cafe ay sobra-sobrang parusa sa akin. Gayunpaman ay tinanggap ko ito dahil alam ko kung gaano kalaki ang kasalanan ko sa kanila. Inaamin ko naman ang mga pagkakamali ko at pinagsisisihan ko ito.
Nagulat ako ng malaman ko ang nangyari kay Rye at malaking pag-sisisi ang aking nararamdaman.
Hindi ko ginustong may masaktan, sobrang pagmamahal lamang ang nagtulak sa akin upang gawin ang mga bagay na ginawa ko. Ngunit ngayong nalaman ko ang nangyari kay Rye dahil sa kagagawan ko ay laking pagsisisi ko. Muli akong nagbalik sa coffee shop ni sir Isaac, naglakas loob ako upang alamin kung saang hospital naka-confine si Rye upang makahingi ako ng kapatawaran sa kanila. Magdamag akong hindi nakatulog at nilalamon ako ng guilt na aking nararamdaman, ang dami kong sinaktang tao, ang laki-laki ng gulong ginawa ko sa kanila. Kahit ang sarili ko ay hindi ko magawang patawarin.
"Sige na po kuya guard, gusto ko lang pong malaman kung saang hospital naroroon si Ryven, gusto ko pong humingi ng tawad sa kanila parang awa n'yo na po." Pagmamakaawa ko sa guard ngunit kahit anong gawin ko ay ayaw n'yang sabihin sa akin kung saang hospital ko ito maaaring puntahan.
"Pasensya ka na hija, kabilin-bilinan ni sir na huwag na huwag kang papapasukin dito at huwag na huwag kang kakausapin kung hindi ay mawawalan kami ng trabaho. Umalis ka na baka abutan ka pa dito ni sir at baka kung ano pa ang magawa n'ya sayo. Maawa ka sa sarili mo ineng." May pag-aalalang ani ng guard na si kuya Berto.
"Si Michelle po, baka pwede ko po syang makausap, kahit saglit lang po maawa naman po kayo sa akin." Pagmamaka-awa ko sa kanya ngunit kahit ano yata ang gawin ko ay walang makakatulong sa akin sa lugar na ito.
"Naku ineng wala din dito, ang pagkakaalam ko ay nagpaalam na sya matapos n'yang makita kung ano ang ginawa sa iyo ni sir." Sambit n'ya at isinara na ang pintuang salamin ng Migz Cafe at pilit na n'ya akong itinataboy upang hindi na kami magpang-abot pa ni sir Isaac.
Laglag ang aking balikat nang tuluyan na akong umalis sa harap ng building. Mukhang kahit anong gawin ko ay wala na talagang makakatulong pa sa akin sa mga empleyado ng coffee shop. Karamihan sa kanila ay tinitignan ako ng may panghuhusga habang ang iba naman ay tila ba nandidiri sa akin na animo ay may malala at nakakahawa akong karamdaman.
Habang naglalakad ako ay may nakita akong ilang babaeng nagkukumpulan at nag-uusap sa gilid ng kalsada kaya napayuko na lamang ako habang naglalakad papalapit sa kanilang gawi.
"Alam mo na ba nangyari sa nag-iisang anak ng may ari ng mall na 'yan, 'yung sobrang gwapo na playboy." Wika ng babae sabay turo sa mall na nasa kabilang kalsada kaya naman napatingin ako sa mall kaya alam kong si Ryven ang pinag-uusapan nila.
"Oo kawawa naman, comatose daw at nakaratay ngayon sa hospital na pag-aari nila, saan nga ba 'yun?" Ani naman ng isang babae na sobrang kapal ng make up.
"Sa De'Vance Hospital malapit lang dito 'yon." Wika naman ng isa kaya't nabigla ako sa aking narinig. Ngayon ay alam ko na kung saan ko sila pupuntahan.
"Ang pagkaka alam ko ay dahil sa isang babaeng gusto s'yang pikutin kaya nangyari ang aksidente." Wika muli ng makapal ang make up.
"Nakakahiya, isang Vance pa talaga ang balak n'yang pikutin. Sigurado akong pera ang habol n'ya kaya gustong pikutin ang isang Vance." Wika naman ng isang babae at mabilis ko na silang nilagpasan habang patuloy nilang nilalait ang babaeng dahilan ng pagkaka aksidente ni Ryven na walang iba kung hindi ako.
Agad ay nagtuluan ang mga luha sa aking mata at nagmamadali ang aking mga hakbang upang makalayo na sa kanila. Hindi ko na kinakaya pa ang mga naririnig kong panglalait nila sa akin kaya halos lakad takbo na ang ginagawa ko makalayo lamang sa kanila.
Malayo na ang nalalakad ko ng huminto ako sa isang bakery store.
Nakakaramdam na din kasi ako ng gutom kaya agad kong tinignan ang natitira kong pera.
"160 pesos, mamamasahe pa ako at pupunta sa hospital, bibili na lamang ako ng isang tinapay at softdrink para maitawid ko ang gutom ko." Bulong ko sa aking sarili.
Pagkatapos kong kumain ay agad akong pumara ng jeepney upang makarating agad ako sa hospital na pag-aari nila Ryven.
Hindi rin nagtagal ay nasa harapan na ako ng napakalaking hospital na may nakasulat sa pinaka itaas ng building na De'Vance Hospital. Halos hindi ako makahinga sa lakas ng kabog ng aking puso, nagtatalo ang aking isip at puso kung itutuloy ko ba ang aking plano ngunit ito lamang ang paraan upang matahimik na ako, masyado na akong nilalamon ng guilt na aking nararamdaman. Hindi ko rin namalayan na nasa loob na pala ako ng hospital at nakatayo sa harapan ng information area.
Pagkapasok ko pa lamang ay nagtanong na agad ako sa isang niurse na nakatalaga dito kung saan ko matatagpuan ang silid ni Ryven.
"Sino po kayo?" Tanong nya sa akin ng nakangiti. Nagpakilala lamang ako bilang isang kaibigan dahil hindi ko alam kung papapasukin n'ya ba ako oras na malaman nya ang aking pangalan.
"Nasa fifth floor po kung saan mga Vance po lamang o malalapit na kaibigan at kamag anak ang maaaring pumasok sa floor na 'yon." Wika nya at pagkatapos ay hiningian n'ya ako ng Id.
Agad kong inabot ko ang identification card ko kahit na ba kinakabahan ako dahil makikita n'ya ang buo kong pangalan na nakasulat dito, at pagkabasa n'ya ng aking pangalan ay biglang ibinalik ito at tinawag ang guard.
"Ba-Bakit po? May problema po ba?" Ani ko habang tinitignan ko ang guard na papalapit na sa akin. Agad akong nakaramdam ng pangamba kaya't unti-unti akong napapaatras sa kinatatayuan ko.
"Ma'am kabilin-bilinan po kasi na kung may magtatangkang pumunta dito na nagngangalang Tanya Morales ay huwag na huwag daw po naming papapasukin. Kabilin-bilinan po yan ni sir Isaac sa aming lahat, kami po kasi ang mananagot kapag pinapasok ka namin sa loob, sana po ay maintindihan ninyo." Wika ng guard at ng nurse na nasa aking harapan.
"Gusto ko lang makausap ang mga magulang ni Ryven sige na po parang awa nyo na, ngayon lang po at pagkatapos po nito ay hinding-hindi na po ninyo ako makikita pa." Pagmamakaawa ko sa kanila ngunit kahit ano ang gawin at sabihin ko sa kanila ay hindi nila ako pinapakinggan. "Saglit lang ako pangako, kailangan ko lang talagang may makausap sa kanila miss, sir guard parang awa nyo na po, pagbigyan nyo na po ako." Muli kong pagmamakaawa sa kanila at umiiyak na ako dahil tila ba nagbibingi-bingihan sila sa aking mga pakiusap.
"Ma'am sorry po talaga, kahit ano po ang gawin ninyong pakiusap ay hindi po talaga maaari." Pagkasabi ng guard at akmang hahawakan na ako sa aking braso ay mabilis akong tumakbo sa hagdanan na aking natatanaw mula sa kinatatayuan ko.
Mabilis ang naging pagtakbo ko na parang binigay ko na ang lahat ng lakas ko makarating lamang ako sa itaas.
Nang makarating ako ng fifth floor ay inabutan na ako ng guard at ng mga nurse na humahabol sa akin kaya nagwawala na ako mula sa pagkakawak nila sa akin. Pilit nilang ipinapaintindi sa akin na hindi ako maaaring makapasok sa silid ni Ryven pero gusto ko lang naman talagang humingi ng kapatawaran sa mga taong nasaktan ko.
"Saglit lang naman po ako, kailangan ko lang talagang makita si Ryven parang awa nyo na." Umiiyak kong wika sa kanila habang nagmamakaawa na ako payagan lamang nila ako. Kulang na nga lang ay lumuhod ako sa kanilang harapan baka sakaling paraanin din nila ako.
Isang malakas na sigaw ng pangalan ko ang nagpalingon sa akin at isang babae ang humahangos na lumalapit sa akin kasama ang mga kaibigan ni Ryven, napatingin ako kay sir Isaac at nagbabagang mga mata ang ipinukol n'ya sa akin kaya ibinalik ko ang tingin sa babaeng malapit na sa akin.
"TANYA." Sigaw n'ya sa aking pangalan.
Bigla akong napalingon sa babaeng tumawag ng aking pangalan kaya't laking gulat ko ng makita ko si Raine na galit na galit na lumalapit sa kinaroroonan ko.
"Ang kapal ng mukha mong magpakita pa dito? Pagkatapos ng ginawa mo sa amin ay may lakas ka pa talaga ng loob na sadyain kami dito?" Galit na galit nyang wika sa akin at napatingin ako sa mga kasama n'ya na halos patayin na nila ako sa kanilang mga titig. "Nandito ako upang humingi ng kapatawaran. Masyado ko lang minahal si Ryven kaya nagawa ko ang mga bagay na 'yon. Patawarin n'yo ako ku.." Hindi ko pa natatapos ang aking sasabihin ng biglang isang malakas na sampal ang dumapo sa aking kaliwang pisngi na halos ikabagsak ko sa sahig. "Para 'yan sa pangloloko mo," at muli ay isa pang malakas na sampal ang ibinigay nya sa akin. "Para naman 'yan kay Rye na ngayon ay nakaratay sa loob at walang malay-tao at hindi namin alam kung gigising pa ba ito." Sigaw nya at muli ay isa pang mas malakas na sampal na ikinabagsak ko na sa sahig habang dumudugo ang pumutok kong labi.
"At para yan sa ipinag bubuntis ko dahil muntik na s'yang mawala dahil sa ginawa mo." Sigaw n'ya sa akin na ikinagulat ko habang nanlalalaki ang aking mga mata ng marinig ko ang kanyang sinambit. "Hi-Hindi ko alam, patawarin nyo ako, nandito lamang ako upang humingi ng kapatawaran, panginoon ko napakalaki ng kasalanan ko, patawarin ninyo ako kung nasira ko ang buhay n'yo at dahil sa akin ay nagdudusa kayo ngayon." Umiiyak kong wika habang nakasalampak sa sahig ng hospital.
"Umalis ka na Tanya kung ayaw mong kaladkarin ka naming palabas ng hospital na ito." Galit na galit na ani ni Isaac. Parang dinudurog ang puso ko sa mga nangyayari ngayon sa akin, nagmahal lamang ako at nandito ako upang humingi ng kapatawaran at handang limutin ang taong tinitibok ng aking puso. Ngunit parang bombang sumabog sa aking mukha ng malaman ko na buntis si Raine at ngayon ay nanganganib na mawalan ng ama ang kaniyang mga anak ng dahil sa aking kagagawan.
Isang boses ang umalingawngaw ng utusan nito ang guard na ilabas ako at nakasisigurado akong si Hanz ito dahil nuong araw na umalis si Ryven sa calatagan at ipinakilala ako ni Ryven sa kanila. Napatingin ako kay sir Isaac at gusto ko sanang humingi ng tawad sa kanya sa ginawa ko ngunit tinalikuran na n'ya ako at pagtingin ko naman sa guard ay agad n'yang hinila ang aking braso at halos kaladkarin na ako palabas ng hospital. Halos itulak na nga ako ng guard palabas ng building at hindi inaalintana kung nasasaktan ba ako. "Ma'am, huwag na po kayong babalik dahil baka sa susunod po ay ipakulong na nila kayo." Wika ng guard na animoy naaawa sa aking kalagayan.
Tinalikuran ko ang guard at ang mga nurse na may mga pang huhusgang mga titig sa akin. Alam ko naman na katulad ni Isaac ay mababang uri ng babae ang tingin nila sa akin.
"Malandi kasi, akalain mo si sir Ryven pa talaga ang tinarget n'ya." Wika naman ng isang nurse.
Hindi ko alam kung paano ko pa ipagtatanggol ang sarili ko sa kanila, mababang uri ang tingin nila sa akin dahil sa kasalanang aking nagawa na ngayon ay pinagsisisihan ko na. Sana ay hindi ko na lamang nakilala si Ryven, hindi ko ginustong s'ya ang itibok ng aking puso, nagmahal lamang ako at alam kong malaki ang naging kasalanan ko dahil naging makasarili ako pero alam ng diyos na pinagsisisihan ko na ang aking nagawa at kung maaari ko lamang na ibalik ang nakaraan ay hinding-hindi ko ito gagawin at mas pipiliin ko na lamang na kalimutan ang nararamdaman ng aking puso kahit masakit man ito para sa akin.
"Natural mayaman at nag-iisang anak, pera habol." Pang-lalait naman ng isang nurse sa akin at halos wala na akong makita dahil sa mga luhang bumabalong sa aking mga mata.
"Magsitahimik na nga kayo at bumalik sa inyong mga trabaho." Wika ng isa na sa tingin ko ay doctor dahil sa kanyang pananamit. Tinignan n'ya lamang ako at agad din akong tinalikuran kaya't mabilis ko na ring nilisan ang lugar na iyon. Siguro nga ay kailangan ko ng tanggapin sa aking sarili na kahit ano pa ang gawin kong paghingi ng kapatawaran sa kanila ay hindi ko na ito makakamit pa.
Paalam Ryven James Vance, hangad ko ang iyong pag-galing at ang iyong kaligayahan sa piling ni Raine. Muli ay PATAWAD.