Ang Sumpa ni Ibarra
AiTenshi
Part 4: Paru paro
Natagpuan ko ang aking sarili na naka tayo sa gitna ng kakahuyan ng bundok ng Hiraya. Nakatapak ako sa lupa na punong puno ng mga natayong dahon mula sa sanga ng puno. Tahimik sa buong paligid, malamig ang hangin at tila ayaw gumalaw ng aking mga paa para humakbang pa. Nakatingala ko habang pinag mamasdan ang iba't ibang kulay ng talulot na bumabagsak sa mula sa kalangitan. Hindi ko alam kung saan ito nag mumula basta ang alam ko lang ay kaaya-aya itong pag masdan at labis na nakaka halina sa paningin. Huminga ako ng malalim at nilanghap ang mabangong talulot ng bulaklak, para akong nasa isang paraiso noong mga sandaling iyon.
Dahil sa pag kamangha ay marahan kong isinahod ang aking kamay at hinayaan itong bumagsak sa aking mga palad. Malamig ang tutulot na animo piraso ng yelong nalulusaw sa aking kamay. Ngayon lamang ako naka kita ng ganitong bagay kaya’t ang aking mata ay hindi kumukurap.
Tahimik..
Habang nasa ganoong posisyon ako ay mayroon akong paswit na narinig mula sa aking likuran.
"Pssst!"
Noong una ay hindi ko ito pinansin hanggang muli nanaman siyang pumaswit..
“PSSSST!” sa pag kakataong ito ay mas malakas na ito.
“PSSST!”
Lumingon ako dito pero wala akong nakitang tao o kahit ano pa man, maliban sa isang kulay asul na paru parong nag liliwanag ang mga pakpak. Umikot ikot ito sa aking paligid, siya ay nag dadala ng kulay asul na alikabok na kumikinang na animo bituin. Ilang beses siyang lumipad lipad sa aking harapan na animo sumasayaw-sayaw, paminsan minsan ay huminhito pa ito sa aking paningin na parang bang inaakit ako na siya ay aking lapitan.
Ilang segundo rin ito sa pag lipad sa aking harapan bago ito lumipad palayo at tuluyang pumasok sa kakahuyan. "Sandali!" ang sigaw ko. Kusang gumalaw ang aking mga paa at hinabol ito.
Lumipad ang paru-paro patungo sa loob at kasabay noon ang pag hakbang ng aking mga paa. Hindi ko alam kung saan ito mag tutungo ngunit sadyang maganda ang kislap ng kanyang pakpak na parang may nag bubulong sa akin na sundan ko ang kanyang pag lipad kahit na hindi malinaw sa akin kung saan ito mag tutungo.
Sa gitna ng madalim na kakahuyang iyon, ang tanging tanglaw na aking nakikita ay ang liwanag na nag mumula sa pakpak ng paru-parong aking sinusundan. Wala akong ideya kung saan kami mag tutungo, wala rin akong alam kung ano ang ginagawa ko sa lugar na ito. Basta ang alam ko lang ay tumatakbo ako sa walang katapusang direksyon. Ang nakapag tataka, dapat ay natatakot na ako ngayon mga sandaling ito pero wala akong kabang nararamdaman, para lang akong isang lutang na humahakbang kasabay ng malamig na pag ihip ng hangin.
Patuloy ako sa pag sunod sa paru parong iyon hanggang sa marating namin ang dulo ng kakahuyan kung tumambad sa aking paningin ang liwanag. Mula sa maaliwalas na lugar na ito ay natagpuan ko ang aking sarili na nakatayo sa bakuran ng isang lumang bahay at sa aking harapan ay nakita ko ang aking batang sarili na nag lalaro sa bakuran. Mag isa lang ngunit masaya ang aking mukha. Ang mga ala-alang ito ay halos hindi ko na mahagilap pa sa aking isip, para itong isang memory clip na nadelete sa hindi malamang dahilan.
Tahimik..
Patuloy ako sa pag tayo hanggang maya maya ay mapatingin sa akin ang batang ako at saka ito ngumiti. Umakyat ang kilabot sa aking katawan at kasabay noon ang unti unting pag kabura ng aking paligid. Ang maaliwalas na bakuran ay parang pintang nalusaw at pumalit dito ang kadiliman na mayroong nakaka kilabot na ingay at panaghoy ng kung anong nilalang. Sa sobrang takot ay muli akong nag tatakbo palayo sa lugar na iyon ngunit sa pag kakataong ito ay wala na ang paru paro na aking gabay. Wala nang liwanag sa paligid kaya't noong humakbang ako ay bigla akong nahulog sa bangin at parang papel na bumagsak ang aking katawan sa walang katapusang kadiliman.
Kasabay noon ang pag balikwas ko ng bangon sa aking higaan. Dito ay napansin kong alas 11 na palang umaga. Wala na si Tob sa aking tabi marahil ay nag laro na ito sa labas. Samantalang ako naman ay hingal na hingal pa rin dahil sa magulo at hindi maipaliwanag na panaginip na iyon. Bagamat ang ilang detalye ay malinaw ko pa ring natatandaan sa aking isipan.
.
"Magandang umaga hijo. Kanina pa nagising si Tob. Hindi kana ginising ng anak mo dahil gusto ka niyang makapag pahinga ng maayos. Awang awa nga sa iyo yung anak mo dahil masyado ka raw napagod kaya nag handa pa itong breakfast para sa iyo. Bumangon kana diyan at ayusin mo ang iyong sarili, bakit ba ganyan kadumi ang paa mo? hindi ka ba nag linis kagabi?" ang pag tataka ni mama habang isa isang itinataas ang kurtina. "Saan ba galing itong mga petals na ito? Napaka dami naman, dapat ay mag sasara ka ng pinto, baka hinahangin ito mula sa labas." Ang dagdag pa niya. At noong lumingon ako sa sahig ay laking gulat ko noong makitang punong puno nga ng talulot ng bulaklak dito, mula sa ilalim ng aking kama hanggang sa bawat sulok ay mayroon rin. Katulad ng mga petals sa aking panaginip, halos pareho lang rin ang aking nakikita ngayon.
Natahimik at nakaramdam ng pag tataka.
“Hindi ko alam ma, bakit may ganyan?” tanong ko
“Iyan ang hindi ko alam hijo, sas susunod ay mag sasara ka nalang ng bintana para hindi nag kakaroon ng katakot takot na kalat dito. O siya, lumabas kana at punatahan si Tob doon. Ako na ang bahala dito sa iyong silid." ang request ni mama.
Agad akong nag tungo sa banyo, umihi, nag hilamos at nag sipilyo. Pag katapos ay naabutan ko si Tob na nasa kusina kasama si Manang Bering. "O hijo kamusta ang tulog mo? Pinag luto ka ni Tob ng almusal, pritong itlog, pritong saging saka fried rice. Kape? O Tsokolate?"
"Kape nalang po manang Bering, paki tapangan nalang. Hindi ko maunawaan ang pakiramdam ko, hanggang ngayon ay parang nahihilo pa rin ako."
"Natural lamang iyan, kapag ang tao ay nag kakaroon ng malalang pagod at sobrang pag lalabas ng halo halong emosyon ay talagang maliliyo ka at sasakit ang iyong ulo. Kailangan mo pang matulog at kumain para makabawi ka ng lakas."
Umupo ako sa tabi ni Tob. "Wow, ang galing naman pala mag drawing ng baby ko." ang bati ko noong makita ko itong nag kukulay. Ang ipinag tataka ko lang ay pamilyar ang imahe na nakaguhit sa kanyang papel. "Paru paro iyan anak ah. Bakit kulay asul ang wings niya? Diba mas maganda kung colorful?" tanong ko habang kinukulayan niya ng pinag halong itim at asul ang pakpak nito.
"Ganyan po talaga iyan papa. Ito ay guardian butterfly natin. Nakita ko po itong lumilipad lipad kagabi doon sa kwarto natin tapos nakadapo pa siya sa iyo habang nag gglow. Ang husay nga papa e, gusto po sana kitang gisingin pero baka magalit ka kaya hinayaan ko nalang. Basta sobrang ganda po niya tapos yung lalaki sa labas ay hindi makapasok kasi nandoon yung butterfly e." naka ngiting wika ni Tob
"Tob, stop it. Listen, madalas mo bang nakikita yung lalaki na iyon? Sinasaktan ka ba niya?"
"Hmm, hindi po papa. Basta nakatayo lang siya tapos lagi na niya akong iaabutang ng prutas pero di ko kinukuha, sabi kasi ni Lola Bering ay huwag po akong tatanggap ng food sa stranger."
"Mabuti naman kung ganoon. Gusto mo bang mag libot? Pumunta tayo sa mall? O kaya kumain tayo sa labas?" tanong ko.
"Pwede rin po papa kaso sabi ni mama huwag daw muna kita kukulitin kasi hindi ka pa magaling." ang sagot niya, natingin naman ako kay manang Bering na may halong lungkot sa mga mata. "Matalinong bata iyang si Tob, alam niya yung makasasama at maka bubuti. Ganyan ka rin noong bata ka, pero mas pasaway ka sa kanya." sagot nito.
"Nga pala Tob, anong ginawa mong noong wala si papa sa tabi mo?" tanong ko, ang tinutukoy ko ay noong dalawang taong nawala ako sa kanyang tabi
"Isinama ko ni lola (mama ko) sa kanila tapos binilan nila ako ni lolo ng maraming toys. Tapos gabi gabi umiiyak si Lola dahil di daw niya alam kung saan ka hahanapin. Tapos magagalit naman si lolo (papa ko) at sasabihin niya na patay kana daw at ipapalibing kahit damit mo lang ang nandoon sa kabaong. Sabi pa ni Lolo kapag 10 years old na ko ay tuturuan niya ako humawak ng baril para po pag laki ko ay maging sindikato rin ako. Sabi po nila masarap daw maging sindikato kaya yun ang gusto ko pag laki ko."
Natahimik ako napatingin kay manang Bering na noon ay napapailing nalang. "Ano pa bang aasahan ko kay Papa? Pati itong anak ko ay gusto pang gawing kagaya nila."
Ginusot ko ang buhok ni Tob. "Anak, ang pagiging sindikato ay hindi magandang trabaho, mas marami pang magandang propesyon doon. Pwede kang maging isang doktor, nurse, o kaya ay isang guro o engineer. Huwag mong papakinggan si lolo dahil bad person siya." ang wika ko dahilan para matawa si Manang Bering. "Kung nandito ang papa mo ay baka sinuntok ka noon, siraan ba yung lider ng sindikato. Pero alam mo noong bata kay mahal ka noon, madalang ka niyang paluin, siguro mga apat na beses lang sa isang araw."
"Kaya nga lumaki akong malayo ang loob kay papa. At ayokong danasin ni Tob ang ganoong kalupit ba bagay."
"Pero mabait po si lolo dahil bumili siya ng kabaong at ipinalibing ka niya papa."
"Hindi mabait ang lolo mo. At lalong hindi ka magiging sindikato pag laki mo. Pag binata kana ay pag aaralin kita sa ibang bansa para malayo ka sa lolo mo."
"Shhhh, wag mo ngang natiman ng masamang binhi yung utak ng bata. Hayaan mo siyang makita niya ang maling bagay na ginagawa ng kanyang lolo para malaman niya sa sarili niyang mali ito. Sa ngayon ay wala pang alam ang apo ko sa mga nangyayari sa paligid niya." ang wika ni mama noong pumunta sa kusina hawak ng isang basurahan na punong puno ng talulot ng bulaklak. "Hindi ko alam kung saan galing itong maraming petals na to, kung pag sasama samahin ito ay baka makabuo na tayo ng isang buong garden."
"Hindi ko rin alam ma, baka galing lang ito doon sa labas at hinangin sa loob." ang tugon ko bagamat binabalot rin ako ng pag tataka.
"Baka dala po iyan ng butterfly papa." sabad ni Tob sabay pakita ng larawan na kanyang iginuhit.
"Ang mabuti pa ay dadalhin ko nalang doon sa likod bahay ang mga iyan upang sunugin. Baka maya maya ay galing iyan sa masamang engkanto kaya't dapat lang na gawin itong abo. Kung minsan ang mga gamit ng masasamang engkanto ay may dalang sumpa kaya't ayon sa matatandang paniniwala ay dapat itong ilagay sa apoy upang maalis ang malas na kumapit dito." ang wika ni Manang Bering sabay kuha sa kanyang espesyal na insenso at iyon ay itinulos niya sa kusina. Ibutan rin niya ako ng limang piraso at inutusang ilagay ito sa aming silid ni Tob.
KINAGABIHAN.
Matapos ang hapunan ay sinabi ko kay Tob na doon muna siya tumabi kay mama. Sa palagay ko ay hindi maka bubuti na doon siya matulog sa aming silid dahil kung ano ano ang nakikita niya. Noong una ay ayaw niyang pumayag, kailangan pa itong utuin ng maraming beses para humiwalay sa akin. Kahit sa pag ligo ko ay nakabantay ito sa loob ng banyo at kinukulit ako.
"Tob doon lang ako matutulog sa sala, doon ka nalang tumabi kay mama para naka aircon kayo."
"Bakit doon ka matutulog papa?" tanong niya.
"Dahil amoy insenso sa buong silid. Baka hikain ka." ang sagot ko naman sabay gusot sa kanyang buhok. Agad akong nag punas ng aking katawan at nag tapis ng tuwalya.
"Mas makulit pa iyan ngayon Leo. Ngayon palang nya narealize na nag balik kana talaga kaya imposibleng humiwalay iyan sa pundya mo." wika ni mama samantalang si Tob ay naka pasan lang sa akin at ayaw bumaba mula sa aking likuran parang isang tuko naka kapit na parang isang tuko kaya wala rin akong nagawa kundi ang mag latag malaking kutson sala at ayusin ito para sa aming mag ama.
Alas 9 ng gabi, matapos kong basahan ng libro si Tob tungkol sa mga alamat ng kung anu ano ay nakatulog na ito ng nakayakap sa akin. Inayos ko ang kanyang kumot at saka niyakap siya ng mahigpit. Hindi masyadong malakas ang aircon sa sala pero malamig naman ang panahon lalo't mag tatag ulan pa.
Pumikit rin ako at ikinalma ang aking pag iisip. Maraming negatibong bagay ang gumugulo sa aking utak ngunit pilit ko itong iwinaksi. May takot sa aking dibdib na hindi ko mawari, ni hindi ko rin magawang maisalarawan, basta ang alam ko lang ay magulo ang sitwasyon at hindi basta tapang lang o pagiging matatag ang sagot lalo't ang kalaban ay hindi ko alam kung saan nag mumula, kung ano at kung sino.
Ilang minuto rin akong nakapikit hanggang sa maramdaman kong may bumabagsak na kung ano sa aking mukha. Marahan kong iminulat ang aking mata at dito ay natagpuan ko ang aking sarili na nakahiga sa aking silid habang may nag kakalaglag na talulot ng bulaklak mula sa itaas.
Nakaramdam ako ng pinag halong takot at pag tataka, ang una kong ginawa ay hanapin si Tob na nawala sa aking tabi. Agad akong bumalikwas ng bangon sa aking higaan at nag tatakbo palabasa ng silid. Ang magulong parte ay sala kami nakahiga, paano ako nalipat sa aking kwarto?
"Mama! Manang Bering! Gising!! Nasaan ba kayo? Nawawala si Tob!" ang sigaw ko pero walang kahit na sino sa loob ng bahay!
Patuloy akong nag tatakbo sa sala, kusina at baway silid ay binuksan ko pero wala pa rin!
Nasa ganoong pag hahanap ako noong mapadako ang aking mata sa bintana at dito ay nakita ko si Tob na nag lalakad habang akay akay ng isang matangkad na lalaking may itim na balat!
Nag kakadarapa akong lumabas likod bahay at dito ay hinabol ko si Tob sa kanyang pag lalakad. Halos sumabog ang aking dibdib sa matinding takot at pag aalala! Toobb!!! Bumalik ka dito! Toooobb!!" ang sigaw ko halos mapatid ang ugat sa aking leeg.
Nag kakandarapa ako sa pag takbo sa maputik na lugar ngunit kahit anong bilis ang gawin ko ay hindi sila magawang abutan.
Patuloy pa rin ang pag ulan ng talulot ng bulaklak sa paligid. Wala akong nagawa kundi napaluhod at mapaiyak dahil sa hindi maipaliwanag na emosyon.
Itutuloy..