AKHIRAH:
NAGISING ako sa nakakagutom na samyo ng pagkain sa tabi ko. Napangiti pa akong napapunas sa mga labi kong bahagyang nakaawang.
"Good morning, sleeping beauty. . . ow, I mean. . . ugly duckling."
Napalis ang magandang ngiti sa mga labi ko sa baritonong boses na bumati sa akin. Napalingon ako sa katabi kong adonis na ngising-ngisi sa akin habang kumakain ng hamburger at drinks. Maliwanag na at mataas na rin ang sikat ng araw.
Napaismid na lamang ako dito at bumaling sa bintana na hindi na pinansin pa. Hindi ko kailangan ng bwisit ngayon sa buhay ko para magpainit ng ulo ko.
"Bakit ba ang sungit mo, hmm? Alam mo, dapat mabait ka sa lahat. Mapakakilala mo man, o strangers sa'yo. Ang sagwa naman kasi kung. . . pangit na nga sa panlabas na anyo, pati ba naman pag-uugali?" Dagdag pa nito na nagpainit na naman ng ulo ko.
Malalim akong napahinga bago lumingon dito. Magsasalita pa lang sana ako para singhalan ito nang isinubo nito sa nakabuka kong mga labi ang isang hamburger.
Napakatamis na ng ngiti nito at nagniningning ang mga matang tila nawiwili na namang pinagti-trip-an ako ng kay aga-aga!
Sakto namang kumalam ang sikmura kong nagpatawa dito. Mariin akong napapikit at pikitmatang tinanggap ang nakasubo na sa aking hamburger. Lihim akong napangiti ng iniabot din nito ang extra coffee nitong hindi pa nabubuksan.
"Bakit ka naglayas?" seryosong tanong nito.
Natigilan ako sa biglaang tanong nito habang patuloy pa rin sa pagngasab ng kanyang hamburger.
Mas gwapo pala siya sa maliwanag dahil kitang-kita kung gaano kakinis ang balat nito. Dinaig pa nito ang mga male model na nakaka-bind date ko at mukhang may kaya din sa buhay kahit simple lang ang pormahan.
"Paano mo nalamang naglayas ako?" Manghang tanong ko na ikinakibit balikat lang nito.
"Madali lang mabasa." Simpleng sagot nito na ikinatango-tango ko.
"Saan ang punta mo ngayon niya'n?" Muling tanong nito.
Nagtataka lang akong napakagiliw na nitong makipag-usap sa akin na animo'y matagal na kaming magkakilala kahit ngayon pa nga lang kami nagkakasama.
Napakibit-balikat ako na ikinasalubong ng makakapal at itim na itim nitong mga kilay na bumagay naman sa kanya.
"Maglalayas-layas ka ng 'di mo alam ang pupuntahan mo?" may halong panenermon pa ang tono nito.
"May malaki akong rason kaya ako naglayas."
Natigilan naman ito at pinaniningkitan akong tila nanunuri.
"Like what?" Usyoso pa nito kaya tinaasan ko ng kilay.
"Wala ka na do'n. Problemang pamilya 'yon kaya hindi mo rin ako matutulungan." Pagsusungit ko.
Napanguso naman itong pinakibot-kibot pa. Napalunok naman akong napaiwas ng tingin sa mamula-mula niyang mga labi na ngayo'y nangingintab dahil sa nakaing hamburger.
"Gusto mong tumuloy sa farm ko?" alok nito na ikinamilog ng mga mata ko!
Nakaramdam ako ng kakaibang tuwa at kasabikan na may matutuluyan na ako.
"Pero hwag kang magbubuhay prinsesa doon, hah?" dugtong nito.
Napalis ang matamis kong ngiti sa inidagdag nito. Napaismid ako sa kanya kaya pinitik na naman nito ang bilugan kong reading glasses.
"Eh anong gagawin ko do'n?" Pagmamaktol ko at uminom sa kapeng iniabot nito.
Lihim akong napangiti na sinadya pa talaga niyang bilhan din ako ng agahan habang nahihimbing pa ako kahit na nagkabangayan kami kaninang madaling araw. Gentleman din naman pala ang tukmol. Aarte-arte nga lang.
"Syempre magiging trabahador ka doon. Hwag kang mag-alala, marami kayo do'n at mababait ang mga tauhan ko sa farm. May sarili din kayong tutuluyan at libre ang mga pagkain niyo. Sagot ng buong farm maging mga personal needs niyo. Hindi 'yon maibabawas sa magiging sweldo niyo pero dapat. . . masipag kayo." Mahabang litanya pa nito.
Napangiwi naman ako dahil wala nga akong alam sa gawaing bahay, sa farm pa kaya? Pero mas maigi ng sa farm niya ako tutuloy dahil paniguradong mahihirapan sila Daddy na ipahanap ako lalo na't naka-disguise din ako.
Napahinga ako ng malalim bago nilingon itong kumakain naman ngayon ng chicharong sinasawsaw sa naka-plastic na suka at sili. Sarap na sarap pa ito sa pagnguya at tumutunog din bawat pagngasab nitong nakakatakam.
"Magkano naman ang-"
Naputol ang sasabihin ko nang isinubo nito ang isang chicharong isinawsaw nito sa pinagsasawsawang sili at suka. Napakurap-kurap pa ako dahil naisubo ko rin maging daliri nitong sinisimot-simot niya lang kanina!
Kakat'wang wala akong naramdamang pandidiri kahit pa para na kaming naghalikan at nalasaan ko doon ang pinaghalong suka at laway niya!
Nag-init ang mukha ko sa kaisipang natikman ko na ang laway niya! Nangingiti lang naman itong nakatutok sa akin ang mga nagniningning niyang mga matang nakakapagpa bilis sa t***k ng puso ko.
"Dahil baguhan ka pa, minimum muna ang sahod mo. 500 a day, hindi ka na lugi no'n dahil libre naman lahat." Sagot nito sa pagkakatulala ko.
Napakurap-kurap pa ko nang nagsubo siyang muli ng chicharon at nakisubo maging mga daliring naisubo ko kani-kanina lang!
"Hindi ba siya nandidiri sa'kin? Parang kaninang madaling araw lang ay inuyam ako nito sa bangayan namin. Ang bilis naman magbago ng attitude niya, bipolar ba siya?"
Napapilig ako ng ulo at hinayaan na lang itong salitang sinusubo sa amin ang chicharong sinasawsaw pa nito sa suka. Lihim akong napapangiti at kinikilig sa galawan nitong 'di ko naman makitaan ng pandidiri o pakitang tao lang. Natural lang siyang kumilos na animo'y malapit kaming magkaibigan.
MAG-AALAS-SINGKO na ng hapon nang makarating kami sa terminal. Inalalayan pa ako nito at 'di alintana ang mga mapanuri at nang-uuyam na tingin sa amin ng mga tao sa paligid.
Nakikipagtaasan na lamang ako ng kilay sa mga itong napaghahalataang naiinggit sa akin sa panay ang pag-alalay ng kasama kong Adonis. Tsk!
Kung alam lang nila ang totoong hitsura ko'y mahihiya ang mga koloreteng nakapahid sa kanilang mga mukha.
"Ano nga palang pangalan mo?"
Tanong nito habang tinatahak namin ang maalikabok na kalsadang humiwalay sa main highway. Sinundo naman kami sa terminal ng tao nito sa kanyang black Wrangler Jeep Rubicon.
Mukha nga'ng hindi lang ito basta-bastang mayaman sa uri pa lang ng service nito. Nakapagtataka lang na ang simple niyang manamit. O baka dahil nandito siya sa probinsya kaya hindi ito naka-formal ng suot.
"Steffi."ahinang sagot ko.
Hindi ko pwedeng sabihin ang totoong pangalan ko kaya tanging ang nickname ko lang ang gagamitin ko ditong pagkakakilanlan nila sa akin. Napatangu-tango naman ito habang matiim na namang nakatitig sa akin dahil magkatabi kami dito sa likod.
"Rk, your boss." Anito na ikinalingon ko.
Naglahad pa ito ng kamay habang nakangiting nakatutok sa akin ang mga mata. Tinaasan ko ito ng kilay at 'di tinanggap ang pakikipag kamay nitong ikinatawa at kamot nito sa batok.
"Ang attitude mo talaga," naiiling saad pa nito.
Maging si Manong driver ay napapailing din habang panakanakang sinusulyapan kami sa rear view mirror.
Hindi na ako umimik pa na pinapakiramdaman ang mga ito. Pinagsasawa ang paningin sa mga nadaraanan namin. Probinsyang probinsya nga ang dating ng lugar. Tahimik at mga naglalakihang kakahuyan ang nadaraanan namin. Mangilan-ngilan din ang mga sasakyan na kasabayan namin dito sa daan.
Napahinga ako ng malalim na maalala sina Mommy at Daddy. Tiyak kong sa mga sandaling ito ay pinapahanap na nila ako at nag-aalala na rin sa paglayas ko. Ayoko naman talagang gawin 'to. Pero hindi nila ako binigyan ng pagkakataon na magdesisyon para sa sarili.
Marami pa akong gustong gawin sa buhay. Isa pa ay wala pa akong planong mag-asawa. Bakit naman kasi ako pa na bunso ang naisipan nilang ipakasal eh may apat pa naman akong kapatid. Nakakainis. Dahil babae ako ay para lang nila akong pinapamigay.
Mariin akong napapikit na isinandal ang sarili. Pagod na ang katawan ko sa haba ng binyahe ko. Nangangalay na nga ang buong katawan ko at nangangati na rin ang mukha ko sa disguise na suot ko. Gusto ko ng maghilamos, maligo at magbihis ng komportable ako. Gusto ko ng magulog at magpahinga.
NAMAMANGHA akong nagpalinga-linga sa may kalakihang farm house nitong tinutuluyan namin. Malawak ang bakuran nitong napapalibutan ng iba't-ibang uri ng makukulay na bulaklak!
Napakagiliw ng mga tao nitong sinalubong kami at nakangiting binabati ang amo na tinatanguan naman nito. Hindi rin maiwasang kinikilig sa kanya ang mga kababaihan dahil likas naman kasi talagang nakakalaglag panty ito lalo na kung ngumingiti.
Mukhang hindi rin nila napapansin ang prehensya kong nakasunod lang sa likuran nito at kinukubli ang sarili sa malaki nitong bulto.
Namilog ang mga mata ko nang huminto ito sa pag-akyat sa hagdanan at kinabig ako paharap sa mga tauhan nito kaya napansin rin nila sa wakas ang prehensya ko. Mababakasan pa nang pagkagulat ang mga ito habang napapangiwi at taas ng kilay sa akin ang mga kababaihan.
"Siya nga pala, siya si Steffi. Bagong makakasama natin dito sa farm. Manang Lita, ikaw ng bahala sa bagong alaga mo, hah?" anito sabay marahang tulak sa akin sa may katandaang babae na bilugan ang pangangatawan.
Napapatulala pa ang mga ito sa akin na kitang hindi ako gusto at pinagtatawanan ang itsura ko.
"Eh, Boss. Marunong ba ito sa gawain sa farm? Baka naman dagdag trabaho lang ito doon," problemadong saad pa nito kay Rk na ikinatagis ng panga ko.
"Kaya nga turuan niyo siya. Para matuto," nakangiting sagot nito.
Napasinghap ang lahat lalo na ang mga kababaihang tinataasan pa rin ako ng mga kilay. Tsk! Hindi ba nangangawit ang mga kilay nilang iisang linya na lang sa sobrang ninipis?!
"Sige Boss, ako ng bahala dito." Pagsang-ayon din nito na ikinatango ni Rk.
"Ahm! Manang Lita, ako na pong bahala dito kay Dora, este kay Steffi! Wala naman akong kasama sa silid ko eh!"
Nagtawanan naman ang lahat sa masigla at kwelang saad ng dalagang bilugan din ang pangangatawan at morena ang balat. Sa lahat ng kababaihan dito ay siya lang ang nakangiti sa akin at 'di ko makitaan ng pang-uuyam. 'Yon nga lang tinawag akong Dora, marahil dahil sa hairstyle kong mala-dora nga naman.
"O siya, ikaw ng bahala sa kanya, Isay."
Pagsang-ayon ni Rk na ikinatuwa nito at napatalon-talon pang parang tukong kumapit sa braso kong animo'y close friends ko na ito!
NAGPATIANOD na lamang ako kay Isay nang akayin na ako nito sa kanyang silid. May malaking bahay na tatlong palapag at napakahaba kung saan dito tumutuloy ang mga tauhan ng farm. Tatlong bahay ang mga ito na magkakaharap sa likurang bahagi ng farm house ni Rk. Ayon kay Isay, hiwalay daw ang bahay para sa mga dalaga, binata at mga pamilyado na.
Magara din naman ang bahay kahit pa para lang sa mga tauhan nito. Bawat silid ay may sariling banyo at kusina kahit hindi kalakihan. May dalawang kama ring magkatabi na pang-solo-han ang size. Nagpalinga-linga naman ako habang panay ang daldal nitong kasama kong parang inahing manok na putak nang putak.
"Huy! Nakikinig ka ba?" untag nito na nagpabalik ng ulirat ko.
"Huh?" kunotnoong tanong ko na ikinapamewang nito sa akin.
"Daldal ako nang daldal dito, hindi ka pala nakikinig," pagmamaktol nito na ikinangiti ko.
"Sorry," pagpapaumanhin ko na ikinalapad muli nang ngiti nito.
"Sabi ko, bff na tayo magmula ngayon dahil roommate tayo," friendly pang ulit nito habang nakahawak na pala sa mga kamay ko.
Napatingin naman ito sa mga kamay ko at pinisil-pisil pa iyon ng nakakunotnoo.
"Bakit?" takang tanong ko na ikinatingala nito sa akin dahil hanggang dibdib ko lang ito.
Napailing lang naman ito at muling ngumiti.
"Ang lambot ng mga kamay mo. Sayang naman, magkaka-kalyo lang ang mga 'yan dito sa farm," anito na ikinatango ko.
Napahinga ako nang malalim at naupo na sa kama. Naupo na rin ito sa katabi kong kama habang sinusuri pa rin ako ng tingin.
"Bakit?"
Napapitlag pa ito sa tanong ko dahil sa malalim nitong pag-iisip habang matiim pinapadaanan ng tingin ang kabuoan ko. Ngumiti ito at umiling-iling.
"Wala, kumain ka na ba? May pagkain pa naman akong natira dyan. Pagtiyagahan mo na lang," magiliw nitong pagpapa-anyaya na inilingan ko.
"No thanks, tapos na kaming kumain ni Rk kanina."
Namilog naman lalo ang mga bilugan nitong mata na halos mailuwa na ang mga eyeballs! Napatakip pa ito sa bibig na tila 'di makapaniwala.
"OMG! Umamin ka nga?! Girlfriend ka ni Boss Rk, noh?!" Usyoso pa nito at napalipat dito sa kama ko.
Nangungutitap ang mga mata nitong nakatitig sa mga mata ko kaya napaiwas ako ng tingin at napatikhim na lalo nitong ikinatili!
"Anong girlfriend? Hindi ah," aniko na ikinailing nito.
Maya pa'y para itong nahihipnotismong tinanggal ang round reading glasses ko.
"Anong ginagawa mo?!" Gimbal ko at pinigil ang kamay nito.
Pinaningkitan naman ako nito kaya napangiwi akong hinayaan ito. Bakas ang pagkamangha dito habang natutulala at 'di ko inaasahang maging ang buhok koy bigla nitong hinablot kaya natanggal!
Namilog ang mga mata namin sa magkaibang kabiglaan! Nagtatatalon pa ito na napapatili!
"Oh my gosh!! Sinasabi ko na nga ba! Ang weird ng itsura mo eh!" pagtitili ko pa nito habang namamanghang pinagmamasdan ako.
Napapitlag pa ako ng iduro nito ang baba ko.
"Peke din 'yan, noh?!" bulalas pa nito sa nunal ko sa baba na kaagad sinundot!
"Oo na, h'wag ka ng maingay. Okay?"
Lalong namilog ang mga mata nito at nahahampas-hampas na rin ako sa braso sa sobrang tuwa nito!
"Pero, hindi ko siya boyfriend. Bagong magkakilala lang kami," kaagad kong segunda na ikinakalma at tango-tango nito.
"Pero. . . b-bakit ka naka-disguise? Ang ganda mo pala!" namamanghang saad pa nito na ikinangiti ko.
Tumayo na ako at nagtungo sa lababo nitong kusina. Sumunod din naman ito at matamang akong pinagmamasdang. Naghilamos na muna ako at pikitmatang nakigamit ng bath soap nito. Nangangati na rin ang balat ko sa kapal ng dark brown kong foundation para ikubli ang totoong balat ko sa mukha. Mas lalo namang namilog ang mga mata nito dahil nabura rin ang mga kilay kong idinagdag ko at tinanggal ko na rin ang fake gums at nunal ko. Bakit pa ako magtatago ng totoong itsura sa kanya eh, nabisto na niya ako. Isa pa, magaan ang loob ko sa kanya at mukha namang friendly at mapagkakatiwalaan ito. Hindi nga ito nagdalawang-isip ayain ako sa silid nito 'di katulad ng mga kasamahan nito na nandidiri sa akin.
"Goshhh!!!"
Muling pagtitili nito habang napapapadyak sa makintab na kahoy na sahig. Namumula na ito habang nangungutitap ang mga mata. Napangiti na lang akong nagtungo sa banyo nito dala ang backpack ko para makapagbihis. Malamig ang klima dito kaya kahit walang aircon at tanging electric fan lang ang gamit ay 'di naman maalinsangan.
Mabilis akong nag-shower at nagbihis ng pantulog. Naka-cotton short at white sando lang akong lumabas. Inilugay ko rin ang wavy blonde hair kong abot hanggang baywang ko.
Mas lalo naman itong namamahanghang pinasadaan ang kabuoan ko habang kong mahinang pinitik ito sa noo na nagpabalik ng ulirat nito.
"Ikaw ba talaga 'yan? Bakit ka napadpad dito? Prinsesa ka ba?" sunod-sunod na namang tanong nito.
Napahinga ako ng malalim at umayos ng upo sa kama ko. Nakitabi naman ito at matamang nakatitig pa rin sa akin.
"Pwede ring gano'n kasi. . . isa akong hiredera," paninimula ko na ikinamilog ng mga mata nito.
"Kaya nakikiusap ako sa'yo, hwag na hwag mong sasabihin sa iba ang totoong itsura ko, maging kay Rk." Tuloy ko na ikinatango-tango nito.
"Naglayas ako dahil ipapakasal nila ako sa 'di ko gusto at 'di ko kakilala. Kailangan kong baguhin ang anyo ko para makapagtago at 'di matuloy ang kasal na nakalaan sa akin," naluluhang saad ko na ikinalungkot ng itsura nito.
"Pangako, walang makakaalam ng sikreto natin. Ako ang magiging side-kick mo dito sa mga maiinggit sa'yo," sinserong saad nito na ikinangiti ko.
Napayakap pa ako dito sa sobrang tuwa at ginhawang nararamdaman ko na may bago akong kaibigan dito. Hinagod-hagod naman ako nito sa likod at inaamoy-amoy pa ang bukok kong ikinatawa ko.
Namumula ang mukha nitong tila nahihiya na sa akin ngayon.
"Salamat, Isay." Aniko.
"You're welcome, Steffi."
Ni-search din nito online ang account ko at halos hindi na ako tantanan sa kakatanong ng kung ano-ano. Napakagiliw niyang kausap na tila hindi maubus ubusan ng kwento at mga katanungan. Naiiling na lamang ako sa kakulitang taglay nito.
Masaya kaming nagkukwentuhan nito ng may kumatok sa pinto na ikinamilog ng mga mata namin.
"Isay? Steffi?" tanong ng baritonong boses na muling kumatok!
"Si boss!" bulalas nito na halos pabulong.
Napapalunok akong bumilis ang kabog ng dibdib! Nakabihis at linis na ako ng katawan kaya tiyak na makikita na ni Rk ang totoong itsura ko! Baka ito pa ang magsuplong sa akin sa mga magulang ko na malaman niya kung sino itong pinulot niya.
"Anong gagawin natin? Hindi niya ako pwedeng makita ng ganto?" bulalas ko na natataranta.
Maging ito ay kitang kabado na panay ang lingon sa pinto. Para tuloy kaming mga bubuyog na nagbubulungan nito.
"Magtulog tulugan ka na lang muna," saad nito na inalalayan akong humiga ng kama ko.
Kaagad niya akong pinagtalukbong ng kumot bago dahan-dahang nagtungo sa pinto at pinagbuksan ang kumakatok.
"Boss Rk!" bulalas nito na ikinakabog ng dibdib ko.
Naramdaman ko ang yabag ng mga ito papasok at ang paglapit nila dito sa kama. Lumundo pa ang kinahihigaan ko na lalong nagpabilis sa pagtibok ng puso ko.
"Tulog na 'to? Ang bilis naman." Anito.
Napapabuga ako ng hangin dahil ramdam ko ang matiim nitong pagtitig habang nakatalukbong ako ng kumot.
"Ah, eh. . . p-pagod daw po, Boss, tama! Pagod po kaya hinayaan ko ng makapag pahinga," ani Isay.
Nakahinga ako nang maluwag sa sinaad nito kay Rk. Napahinga pa ito ng malalim bago tumayo na halos hindi ko ikahinga at galaw sa kinahihigaan.
"Ibigay mo 'to sa kanya para may magamit siya sa farm bukas. Ikaw ng bahala sa kanya, ha?" pagpapaalala pa nito kay Isay.
Para namang hinaplos nito ang puso ko na inalala pa ako bago nagpahinga. Napangiti ako na nanatiling nakatalukbong ng kumot. Mahirap na.
"Opo, Boss!" magiliw din namang sagot ni Isay.
"O sige, magpahinga na kayo. Maaga pa tayo bukas sa farm," pamamaalam nitong ikinahinga ko ng maluwag.
"Sige po, Boss. Goodnight po," ani Isay.
"Goodnight."
"Kay Steffi po, 'di ka maggo-goodnight, Boss?" nanunudyong tanong pa nito.
Natawa naman si Rk na ikinalapat ko ng labi at hinihintay ang sagot nito.
"Pakisabi, goodnight, my little duckling," natatawang pananakay nitong ikinairit ni Isay.
Mahina akong natawa na tinawag na naman niya akong ugli duckling. Alam ko naman ang kwentong 'yon. Hindi ko tuloy maiwasang kiligin at umaasa na maganda ang tingin nito sa akin. Na hindi ako kasing pangit katulad sa disguise ko para ikubli ang itsura sa lahat.
Maya pa'y narinig ko na ang papalayong yabag nito at ang pagbukas-sara ng pinto.
"OMG!! Ang sweet ni Boss, kainggit ka!" muling impit na tili nito kasabay ng paghila nito sa kumot ko.
"Para kang sira," natatawang saad ko na lamang.
Nakita ko naman ang dalawang paper bag na nasa paanan ko. Nangingiti kong pinanood ito ng ilabas nito ang mga laman no'ng mga damit na maninipis na sweeter, jogging pants at may mga sombrero din. Namilog pa ang mga mata namin ng may mga underwear ding nakalakip!
"Yieh, maging size mo ay alam ni Boss!" tili pa nitong mahinang ikinatawa ko na napakamot sa kilay.
"Sira. Concerned lang 'yon, noh?" saad ko.
Para tuloy itong bulateng nabudburan ng asin na nagpagulong-gulong sa kanyang kama na kilig na kilig!
Napapailing na lang ako at 'di rin maiwasang kiligin sa mga dinala ni Rk. Mukhang hindi ako mahihirapan manimula sa pamamahala nito. Sana nga. At sana sa paglalayas ko sa mansion ay ma-realize din ni Daddy na ayoko talagang magpakasal sa anak ng kaibigan nito.
Masakit man sa aking malayo sa kanila ni Mommy pero kailangan ko ring magmatigas kay Daddy. Buhay ko 'to, ako ang pipili kung sino ang mapapangasawa ko dahil ako ang makikisama sa kanya habang-buhay.
"Matulog na nga tayo." Saad ko dito.
Nagtungo na rin naman ito sa higaan niya matapos patayin ang ilaw na ikindilim ng silid namin.
"Goodnight, Steffi."
"Goodnight."
"Ah, goodnight daw pala, ugly duckling ni boss," dugtong pa nito na nanunudyo na naman.
"Sira."
Natawa ito na umayos na rin ng higa at saglit lang ay humihilik na. Ang bilis niyang makatulog.
Napatihaya ako ng higa na mapait na napangiti. Bukas paggising ko ay hindi na ako heredera na pinagsisisilbihan kundi. . . isa na akong tauhan sa farm. Tiyak akong mahihirapan akong magsimula dito pero maigi na 'to kaysa ang pagala-gala lang ako sa kalsada.
Mariin akong pumikit at pinilit makatulog para sa bagong buhay na kahaharapin ko bukas. Pero mas gugustuhin ko namang magtago dito kaysa ang bumalik ng syudad at pakasalan ang lalakeng hindi ko naman mahal.
"Bahala na bukas."