Amara's POV
"Amara nandito na kami sa labas ng bahay nyo, lumabas ka na at sasalubungin ka namin." Text na natanggap ko galing kay Angela. "Sandali lang nasa kusina pa si mama, pwede bang mag-antay pa kayo ng kaunti baka kasi mahuli ako." Reply ko.
"Okay best mag text na lang ulit ako sayo maya-maya ha." Hindi na ako nag reply muna sa kanya. Nakikiramdam lang ako kung tulog na ba ang aking ina. Nakakaramdam din ako ng takot, baka mahuli ako ni mama, sigurado akong bubugbugin na naman niya ako.
Makalipas ng tatlumpong minuto ay nag text ako kay Angela. Wala na kasi akong naririnig na ingay kaya sigurado ako na tulog na ang aking ina. Saka ganitong oras talaga ay natutulog na si Mama kaya pwede na akong umalis.
"Best palabas na ako ha, mukhang natutulog na si mama."
"Lumabas ka na ng bahay ninyo, nandito lang kami at hinihintay ka." Pagkatanggap ko ng mensahe ay dali-dali na akong lumabas. napangiti ako ng makita ko sila na sinasalubong na ako. Isang lingon pa ang ginawa ko sa bahay namin. Tulog na talaga si Mama kaya bukas na ang gising niya. Ganuon naman kasi palagi, kasi lasing ito kanina kaya sigurado ako na diretso na ang tulog nito.
Dumaan muna kami sa bahay nila Angela, at sinalubong naman kami ni tita Cielo ng nakangiti sa akin. Tuwang-tuwa ito ng makita niya ako at niyakap pa niya ako ng mahigpit. Sa buong buhay ko, ni minsan ay hindi ko naranasan na mayakap ng aking ina, kaya kapag nandito ako sa bahay ng kaibigan ko, dito lamang ako nakakaramdam ng may pamilya na nagmamahal sa akin.
"Hija, buti naman at nakasama ka sa best friend mo, hindi kumpleto ang birthday niya kung wala ka." Napangiti naman ako. Sa bahay na ito ko lamang talaga nararamdaman ang pagmamahal na hinahanap ko mula sa aking ina, kaya nakakalungkot mang aminin ay naiinggit ako kay Angela dahil nagkaroon siya ng mabuting ina. Sana ay naging katulad ni Tita Cielo si Mama, kasi hindi eh, ang layo ng ugali nila.
"Mom, we came home first so I could help Amara get ready. She doesn’t have anything appropriate to wear, so I will take care of fixing her up and making sure she's all set." Ani ng aking kaibigan. Nag-protesta agad ako. Naintindihan ko kasi ang sinabi niya. Nakakahiya naman kung pati damit ay ipapahiram niya sa akin. Napatingin ako sa balikat ko, bigla akong nahiya sa sarili ko ng masalat ko ang butas sa suot ko.
"Kahit naman ito na lang ang isuot ko okay na sa akin best, hindi mo naman kaylangang gawin 'yan sa akin." Nahihiya kong ani dito. Ayokong isipin nila na sinasamantala ko ang kabutihan nila sa akin.
"Ano ka ba, best! May mga bago akong damit d'yan na hindi ko naman nagamit kaya 'yun ang ipapasuot ko sa'yo. Huwag mo akong tatanggihan at magtatampo ako. Para na tayong magkapatid kaya sana ay huwag mo akong tatanggihan." Nakangiti niyang ani sa akin at pagkatapos ay iginiya na niya ako sa kaniyang silid. Hindi na rin ako kumibo pa. Ayoko naman na magtampo siya sa akin.
Makalipas ang kulang isang oras ay nagulat ako sa aking sarili. Pinagmamasdan ko ang aking mukha at ang aking kabuuan sa isang napakalaking salamin sa silid ni Angela. Hindi ako makapaniwala sa nakikita ko. Ako nga ba talaga ito?
"Omg! Ako ba 'to?" Natawa naman ang aking kaibigan. Sa totoo lang ay hindi ko nakilala ang aking sarili. Nakalugay lang ang aking buhok na medyo kinulot ng bahagya ang kalahati nito, naka mini dress ako na kulay itim na hapit na hapit sa aking baywang, at hanggang kalahati lamang ito ng aking hita. Kitang-kita ang makinis at maputi kong balat na hindi ko alam kung kanino ko namana. Ang bilog at kulay berde kong mga mata ay mas lalo pang nabuhay dahil sa binagayang kulay na make up nito. Ang mahahaba kong pilikmata na lalo pa nyang pina curl at lalong nagpatingkad ng aking mga mata. At ang manipis kong labi na hugis puso ay kulay rosas na ngayon. Sa tingin ko ay mas lalo pang tumangos ang aking ilong dahil sa make up na nakalagay sa aking mukha, simpleng make up lamang ito pero ang laki ng pinagbago ng aking anyo.
"Jusko best, napakaganda mo... grabe! Light make-up lang ang ginawa ko sa'yo, at kinulot ko lang ng bahagya ang hair mo... pero nagmukha kang prinsesa. Napakaganda mo talaga best!" Tuwang-tuwang wika ni Angela habang patalon-talon pa ito dahil sa katuwaan. Ako naman ay hindi pa rin makapaniwala sa nakikita ko sa salamin. Napakaganda ko talaga ngayong gabi. Sa buong buhay ko ay ngayon ko lamang nakita ang sarili ko ng nakaayos ng ganito.
Pagbaba namin ng hagdan ay halos nakanganga sa akin ang tatlong lalaki na makakasama namin sa bar. Napayuko na lamang ako sa sobrang hiya na nararamdaman ko. Parang hindi ako sanay na ganito makatingin sa akin ang mga lalaki.
"Chin up best, sa ganda mong 'yan ay hindi ka dapat yumuyuko at nagpapakita ng kahinaan ng loob, okay?" Ani ng aking kaibigan at ngumiti na lamang ako dito.
"Wow!" Halos sabay-sabay na bigkas ng mga taong naghihintay sa amin dito sa living room.
"Tama na 'yang paglalaway n'yo. Tara na at ng hindi tayo ma-late sa lakad natin." Excited na ani ni Angela. Lumapit naman sa amin ang tatlo at nag-uunahan sila na alalayan kami ni Angela. Nahihiya tuloy ako, pero sabi nila ay huwag akong mahihiya.
Hindi rin nagtagal ay nakarating kami sa isang napaka eleganteng bar, 'yung tipong hindi ka basta-basta makakapasok sa loob. Namamangha akong nililibot ng tingin ang kabuuan ng bar. 'GAB bar.' Bulong ko habang binabasa ko ang malalaking letra na kulay ginto na nakasulat sa isang napakalaking wall.
"Best, napakaganda naman ng bar na ito. Dito ba tayo pupunta?" Wika ko sa aking kaibigan.
"Oo best! Alam mo ba na ang may ari nito ay isang napaka batang billionaire at napakagwapo nito. Ang sabi ng mga taong nakakausap ko na ang pagtatayo ng bar na ito ay trip lamang ng may-ari. Para daw kapag gustong mag hang out ng kanyang mga kaibigan ay dito sila nagpupunta. Pero best sobrang babaero daw ng lalaking 'yon at lahat ng babaeng matipuhan ay ikinakama n'ya, sana isa ako makakama niya at talagang bibigyan ko siya ng anak para wala ng kawala pa." Nagulat naman ako sa sinabi ng kaibigan ko. Ang bruhang ito at kumakarengkeng pa yata. Nakakaloka!
"Ay grabe ka best! Kapag ganyan ang lalake, iwasan mo na lang, kasi hindi kuntento sa isa. Masasaktan ka lang best sa lalaking 'yon." Natawa lang siya at kinuha ang kamay ko. Pagkatapos ay hinila na niya ako papasok sa loob ng bar.
Pumuwesto kami sa isang table sa may gawing sulok, pero tanaw namin ang lahat mula dito sa first floor hanggang sa third floor na may nakalagay na arrow at nakasulat ang salitang VIP floor.
Anim kaming magkakasama dito pero si Marco, Angela at Davon lamang ang kilala ko. 'Yung dalawa naming kasama ay ngayon ko pa lamang nakita at nakilala na sina Alicia at Ryan. Mukha naman silang mabait at laging nakangiti sa akin kaya kahit papaano ay hindi naman ako naiilang sa kanila.
"Best, oorder muna ako ng drinks para makapag simula na tayo." Ani ni Angela at nagpunta ito sa bar area. Susunod sana ako sa kanya, pero hindi na ako nakatayo ng kinausap ako ng kasama ni Alicia na si Ryan.
"Hi Amara, matagal na ba kayong magkaibigan ni Angela?" Tanong ni Ryan sa akin. Ngumiti ako at tumango, kasabay ng sagot ko.
"Uhm... simula grade one ay magkaibigan na kaming dalawa, magkakasama kaming lumaki nila Marco at Davon." Sagot ko, napayuko pa ako ng aking ulo.
"Wow, pare! Matagal nyo na palang kaibigan ang magandang binibini sa harapan natin, pero ni minsan ay hindi mo man lamang ako naipakilala!" Ani ni Ryan kay Davon at Marco. Hindi ako nagsasalita. Nakakaramdam lang ako ng hiya. Hindi ako sanay ng ganito at pakiramdam ko tuloy ay gusto ko ng umuwi.
"Pinsan, tigilan mo nga ang kamanyakan mo. Pakiusap lang ha, huwag mong targetin si Amara kung ayaw mong mayari ka kay Angela at kila Marco." Wika naman ni Alicia. Magpinsan pala silang dalawa.
"Hoy, unggoy! Huwag mo ngang maisali ang best friend ko sa mga biktima mo kung ayaw mong kami ang makalaban mo." Naiinis na ani ni Angela pagdating sa table namin. Natawa na lamang si Ryan at panay sulyap lang sa akin.
"Guys, maya-maya ay dadalhin na ng waiter dito ang inumin natin at i-enjoy lang natin ang gabing ito." Pahabol pang wika ni Angela.
Hindi ako marunong uminom, pero ang sabi naman ni Angela ay aalalayan daw niya ako kaya hindi naman ako masyadong nag-aalala. Kapag alam ko na kasama ko si Angela at sila Marco ay panatag naman ang kalooban ko. Mababait sila Marco at hindi sila mapagsamantalang kaibigan.
Hindi nagtagal ay mukhang may tama na nga yata ang lahat, kahit ako ay nahihilo na din kaya payuko-yuko na lamang ako sa aming table.
"Amara, tara sayaw tayo" Aya sa akin ni Ryan. Mabilis akong tumanggi dahil sa tingin ko ay hindi ko na rin kaya pang tumayo. Lasing na talaga ako, at hindi ko nga alam kung paano pa kami makakauwi.
Maya-maya ay ako na lamang mag-isa sa aming table kaya nagsalin ako muli ng alak at tinungga ito, napatingin ako sa dance floor at nakita ko ang lima na nag eenjoy at sumasayaw sa pinaka gitna nito. Nahihilo na ako kaya kahit sa pagtayo ay nahihirapan na din ako. Nakaramdam ako na kailangan kong magbanyo kaya ng may mapadaan na waiter ay agad ko syang tinanong kung saan ang comfort room.
"Ma'am, dumiretso lang po kayo d'yan sa may dulo at may men and women's toilet po d'yan. Kung hindi nyo po kayang tumayo ay pwede ko po kayong paalalayan sa isa sa aming mga lady guard para maayos po kayong makarating duon." Wika ng waiter sa akin kaya naman napatingin ako sa itinuturo niyang mga lady guard.
Yes, may ilan silang lady guard sa paligid para ito sa mga babaeng customer na pwede nilang alalayan kapag nalalasing na. Parang sa katulad ko lang na lasing na talaga.
"Huwag na, okay lang ako... kaya ko pa naman ang maglakad. Salamat na lang po." Sagot ko kaya naman umalis na din agad ito sa aking harapan.
Tumayo ako upang tumungo na sa toilet, ngunit halos magkanda ekis-ekis na ang mga binti at paa ko sa sobrang pagkahilo na aking nararamdaman. Lasing na nga talaga ako dahil umiikot na ang aking paningin.
Habang naglalakad ako patungo sa banyo ay napapahawak ako sa mga lamesa at upuan na nadaraanan ko. Pero bigla akong nabunggo sa isang matigas na bagay. Pag-angat ko ng aking tingin ay isang dibdib pala ng isang lalaki kaya naman napataas ang tingin ko sa kanyang mukha. Ngunit dahil na din sa kalasingan ko ay hindi ko masyadong maaninag ang mukha niya at halos magdilim na ang aking paningin dahil sa sobrang kalasingan. Napahawak ako sa kanyang dibdib, pilit kong tinatatagan ang mga binti ko dahil pakiramdam ko ay babagsak na ako ano mang oras. Tumingin ako sa mukha ng lalaki ng maramdaman ko ang paghawak niya sa magkabila kong bisig upang alalayan ako.
"Miss, are you feeling alright? You seem to have had a bit too much to drink. Would you like me to help you get home safely? I can take you if you need a ride." Hindi ako makapag salita, muli akong tumingin sa kanya ngunit tuluyan ng nagdilim ang aking paningin at nawalan na ako ng ulirat.