Amara's POV
Kinabukasan ay maaga akong umalis ng bahay, tulog pa si mama ng magising ako kaya mabilis akong naligo at nag-ayos. Maghahanap ako ng mapag-a-aplayan na trabaho. Kahit na ano, basta marangal ay tatanggapin k... kahit pa kasambahay ay walang problema sa akin. Wala naman akong tinapos. Hanggang grade six lamang ako at grumaduate ako na hindi man lamang ako sinamahan ng aking ina. Ang mommy na lamang ni Angela ang sumama sa akin sa stage at ang nagsabit ng medalya sa akin. Nakakatuwa nga dahil kahit hindi ko kaano-ano sila Angela ay napakabuti nila sa akin. Gusto nga akong ampunin ni Tita Cielo para maipagpatuloy ko daw ang aking pag-aaral, pero galit na galit si mama at pinagtabuyan sila ng minsang kausapin nila ito.
"Anong kurso ba ang tinapos mo hija?" Tanong sa akin ng isang ginang habang ini-interview ako dito sa pinag aaplayan kong restaurant, kahit janitress lang naman okay na sa akin, basta lang ay matanggap ako para naman makatulong ako kay mama at hindi na siya laging galit sa akin.
"Po? Uhmm... grade six lang po ang inabot ko ma'am." Nakayuko at nahihiya kong sagot.
"Naku hija pasensya ka na ha! Wala kasi kaming bakanteng posisyon ngayon na angkop sa'yo." Bigla akong nakaramdam ng kalungkutan ng marinig ko ang sagot ng ginang sa akin.
"Ganuon po ba, sige po maraming salamat na lamang po." Sagot ko. Malungkot akong lumabas ng building. Napakahirap talaga maghanap ng trabaho kung kahit high school ay hindi ko man lamang naabot. Ilang buwan na din akong naghahanap ng mapapasukang trabaho, pero sa kasamaang palad ay wala pang tumatanggap sa akin. Tama nga yata si mama na isa akong sumpa. Pumara ako ng sasakyan ng mapadaan ang jeepney. Dali-dali akong tumakbo ng may mabunggo akong isang magandang ginang, tantiya ko ay nasa 45 to 48 years old pa lamang ang kanyang edad, ngunit napakaganda nito. Bigla syang natulala sa akin at nakatitig sa aking mukha, pero hindi ko alam kung bakit.
"Naku pasensya na po kayo hindi ko po sinasadya!" Paghingi ko ng paumanhin habang sya ay nakatitig pa rin sa aking mukha. Hindi ko alam kung ano nangyayari sa kanya, ngumiti lang ako, pagkatapos ay lakad-takbo na akong lumayo sa kanya dahil hinahabol ko din ang jeepney na sasakyan ko. Buti na lamang at inabutan ko pa ito kaya naman nakasakay agad ako, nagulat na lamang ako ng medyo malayo na kami ay nakita ko ang babaeng nabunggo ko na parang humahabol sa jeepney na aking sinasakyan. Parang kinabahan ako dahil baka nagalit sa akin 'yon kaya ganoon ang reaksyon nya, buti na lamang at malayo-layo na rin ang sinasakyan kong jeep kaya kahit papaano ay nakahinga ako ng maluwag. Baka singilin ako eh wala naman akong pera.
Dadaanan ko muna ang kapitbahay namin bago ako umuwi, baka kasi may ipapalaba ulit s'ya, o kaya ay ipapa-plantsa sa akin, sayang din 'yung extra kong kinikita, kahit 200 pesos lang 'yon ay napakalaking tulong sa amin ni mama pambili ng bigas at ulam. "Aling Lita, baka po may ipapalaba kayo sa akin, o kaya naman po plantsa... kaylangan ko lang po ng pera." Ani ko dito. Tipid akong ngumiti sa kanya.
"Naku, pasensya ka na ineng! Dumating 'yung isa kong anak na babae kahapon kaya s'ya na ang gumawa ng lahat ng gawain ko dito sa bahay, pasensya ka na ha. Sa susunod na lang." Nalungkot naman akong bigla kaya bagsak ang balikat ko na nilisan ang kanilang tahanan matapos akong magpasalamat at magpaalam.
Umuwi na lamang ako sa bahay. Wala akong cellphone o kahit na anong orasan kaya hindi ko alam kung anong oras na. Pag-uwi ko sa bahay ay isang malakas na sampal ang dumapo sa aking mukha na ikinatigagal ko. Hindi ko alam kung ano ang kasalanan ko kay Mama, basta na lang niya akong sinaktan.
"Hayop kang babae ka! Saan ka galing at ngayon ka lamang umuwi, ha?" Sigaw na nanggagalaiti sa galit ng aking ina.
Sapo-sapo ko ang aking mukha na napatingin sa kanya. Gusto ko siyang tanungin kung bakit ganito siya kalupit sa akin, pero hindi ko magawa.
"Mama, naghanap po ako ng trabaho." Umiiyak ako, masyado akong nasasaktan dahil sa pagmamalupit sa akin ng aking ina.
"Trabaho o naghahanap ka ng lalake ha, malandi ka!" Sigaw nya sabay sabunot sa aking buhok. Halos mabunot na ang mga buhok sa anit ko kaya pilit kong inaalis ang kamay ni mama. Iyak ako ng iyak, sigaw ako ng sigaw at pilit kong inaalis ang kamay niya sa aking buhok. Ramdam ko ang sakit ng anit ko, pero wala akong magawa.
"Mama tama na po! Naghanap lang po talaga ako ng trabaho, parang awa n'yo na po." Pagmamakaawa ko sa kanya habang pilit kong binabawi sa kaniyang kamay ang aking buhok. Halos madurog ang puso ko sa sobrang awa na nararamdaman ko para sa aking sarili. Hindi ko alam kung saan siya humuhugot ng galit sa akin. Bakit ganito si Mama, bakit para siyang walang pagmamahal sa akin?
"Alas dos na at hanggang ngayon wala pa rin tayong lalamunin, kung ano-ano ang inuuna mong punyeta ka!" Sigaw ng aking ina at binitawan na ang aking buhok... kaya naman halos gumapang ako sa sahig dahil nanghihina na ako. Iyak ako ng iyak, bakit pakiramdam ko ay ibang tao ang aking ina? Bakit hindi maramdaman ng puso ko na mahal din niya ako katulad ng pagmamahal ko sa kanya? Hindi ko alam ang iisipin ko, masyado na akong nasasaktan sa mga nangyayari sa buhay ko.
"Magluto ka diyan kung ayaw mong ubusin ko 'yang punyetang buhok mo!" Malakas nyang sigaw sa akin kaya naman dahan-dahan akong tumatayo kahit nanginginig na ang aking mga tuhod. Laban lang Amara, kaya mo 'yan! Hindi naman ako siguro pababayaan ng panginoon. Pinunasan ko ang aking mga luha, masyado akong nasasaktan sa ginagawa ng aking ina sa akin.
"Opo... opo mama magluluto na po ako." Umiiyak kong sagot, at pagkatapos ay nagtungo na ako sa aming kusina at nagsimulang magluto ng aming pananghalian. Pakiramdam ko ay para akong ibang tao sa aking ina.
Iyak ako ng iyak habang nagluluto. Pumasok sa kusina si mama at inabutan akong humahagulgol. Galit na galit na naman ito sa akin at minumura na naman niya ako.
"Putang ina ka! Anong iniiyak-iyak mo d'yan, ha? Magluto ka ng malalamon natin at huwag kang magdrama diyan. Malas ka na nga sa buhay nagdadrama ka pa." Pinahid ko ang mga luha ko. Kung minsan ay tinatanong ko ang panginoon kung ano ba ang naging kasalanan ko sa mundo para makaranas ako ng ganitong uri ng kalupitan mula sa aking sariling ina.
┈┈┈┈◦•✩•◦┈┈┈┈
Lumipas pa ang ilang araw at kaarawan na ni Angela, pero wala man lang akong kapera-pera pambili ng ireregalo ko sa aking best friend. Ang natitira ko na lamang dito ay 130 pesos na inuunti-unti ko pa para maipangbili ng ulam namin ni mama, simpleng mga ulam lamang ang binibili ko tulad ng sardinas, tuyo, itlog at noodles. Tapos bigas naman namin ay inuunti-unti ko lang din para tumagal. Ganito ang aming buhay sa araw-araw kaya madalas nagdarasal ako na sana kahit katulong ay matanggap ako sa mga inaaplayan ko.
Nagmumuni-muni ako ng biglang dumating ang aking kaibigan sa aming munting bahay. Nagulat ako at tumingin ako sa paligid. Magagalit na naman kasi si Mama kapag nakita niya dito si Angela.
"Best, nakita kong umalis ang Mama mo kaya nagmadali akong pumunta dito, tanggapin mo itong cellphone na ibibigay ko sa'yo. Huwag kang mag-alala dahil lumang phone ko lang naman 'yan. Nilagyan ko na din 'yan ng sim card at load, naka register na din number ko diyan at nila Marco para mamaya ay ma-text ka namin ha." Sabi niya sabay abot ng phone sa akin.
Nanlaki ang aking mga mata sa phone na hawak ko, ito luma? Luma lang ba ito sa kanya? Napaka gandang phone nito, mamahaling cellphone ito at touch screen pa.
"Teka best, hindi ko yata matatanggap 'to, birthday mo dapat nga ako pa ang nagbibigay sa'yo ng regalo." Pagtanggi ko sa kanya. "Ano ka ba best, luma lang 'yan. Look! My mom bought me a new phone kaya hindi ko na magagamit 'yan." Ani niya sa akin sabay taas ng bago n'yang modelong phone. Napanganga ako sa ganda ng phone niya at ito ang mga mamahaling phone na nakikita ko sa mall.
"Tanggapin mo na 'yan at itago, naka silent mode din 'yan para hindi marinig ng mama mo. Baka kasi biglang agawin sa'yo at ibenta pa kaya itago mong mabuti 'yan dahil 'yan ang magiging communication natin ha." Tumango lang ako. Hindi ko inaalis ang tingin ko sa magandang phone na hawak ko. Sa buong buhay ko ay ngayon lamang ako nakahawak ng ganito kagandang phone. Wala akong nagawa kung hindi ang mapaiyak at yakapin si Angela dahil sa sobrang saya ko. Ngayon lamang talaga ako nakahawak ng phone, at tinuruan pa n'ya ako kung paano gamitin ito. Ginawa na rin niya ako ng social media at kung ano ano pa na ngayon ko lang mga natututuhan. Ang dami kong hindi alam, wala akong muwang sa ganitong mga bagay dahil mahirap lamang kami.
Nag selfie kaming dalawa ni Angela at 'yun ang ginamit niyang profile picture ko sa aking bagong gawang social media.
"Oh my God, best! Kahit wala kang kaayos-ayos ay talbog ang beauty ko sa beauty mo. Nakakainggit!" Ani nito sabay yakap nya sa akin. Tuwang-tuwa naman ako habang tinitignan ko ang aking bagong gawang social media. Ang ganda, ngayon lang talaga ako nagkaroon ng ganito.
"Best, mamaya ite-text ka namin para alam mo kung nasa labas na kami mamaya. Para malaman din namin kung tulog na ba ang nanay mong pinaglihi kay satanas." Ani niya na natatawa. Malungkot akong ngumiti sa kanya, ayoko namang sasabihan niya si Mama ng ganuon dahil ina ko pa rin ito.
"Best mama ko pa din 'yon, please dahan-dahan naman ng pagsasalita." Malungkot kong ani sa kaniya. Gusto ko na tuloy maiyak, kasi nasasaktan ako kapag ganuon ang tingin niya kay Mama.
"Okay, okay... I'm sorry beshie. Galit lang talaga ako diyan sa nanay mong walang ginawa kung hindi ang saktan ka. Pasensya ka na, masyado lang talaga akong naaapektuhan sa ginagawa sa iyo ng nanay mo." Paumanhin niya. Ngumiti ako sa kanya at niyakap ko siya.
"Sige na best at aalis na ako. Itago mo na 'yang phone mo ha, baka abutan pa ako dito ng mama mo magkagulo na naman. Itago mo 'yan ha. Magpapadala na lang ako ng mensahe sa'yo." Pagkasabi niya ay nagmamadali na siyang umalis. Ako naman ay mabilis kong itinago sa loob ng maliit kong cabinet ang phone na ibinigay niya sa akin.