Amara's POV
Nagising na lamang ako sa isang silid na hindi ko alam kung kaninong silid it. May puting kisame at dingding na may isang malaking bintana na may kulay asul na kurtina. Isang napakalaking kama at may dalawang pintuan pa sa loob ng silid na ito. Tatayo na sana ako ng maramdaman ko ang sakit sa pagitan ng aking mga hita kaya nakaramdam ako ng matinding takot.
"A-Anong nangyari sa akin?" Bulong ko sa aking sarili habang walang humpay na kumakabog ang aking dibdib. Kahit ayokong aminin sa isip ko ay alam kong nawala na ang pinaka iingat-ingatan kong puri. Nagsimulang magtuluan ang aking mga luha ng makita ko na wala na akong saplot sa ilalim ng makapal na kumot na nakabalot sa aking katawan. Lalo akong napahagulgol ng makita ko ang bahid ng dugo sa puting sapin ng kamang kinahihigaan ko. Hindi ko alam kung ano ang nangyari sa akin, hindi ko alam kung sino ang may gawa nito sa akin. Iyak lamang ako ng iyak, pakiramdam ko ay napakamalas kong tao.
"Panginoon ko, sino ang taong gumawa nito sa akin?"
Ang mga hikbi ko ay nauwi na sa matinding paghagulgol. Ipinikit ko ang aking mga mata upang pilit na alalahanin ang nangyari, subalit wala akong maalala na kahit na ano na nangyari sa akin kagabi. Natatakot akong umuwi dahil sigurado akong mapapatay ako ng aking ina. Hindi ko na alam ang gagawin ko, para na akong masisiraan ng ulo sa kaiisip kung ano ang nangyari sa akin.
Tumingin-tingin ako sa aking paligid upang hanapin ang aking damit, ngunit hindi ko makita. Napatingin ako sa isang sofa at may nakapatong na paper bag dito na may tatak ng pangalan ng mamahaling brand ng damit.
Dahan-dahan akong tumayo kaya mas lalo kong naramdaman ang sakit at hapdi ng aking pagkababaę. Kahit nasasaktan ako ay nilapitan ko pa rin ang sofa upang tignan kung ano ang laman ng paper bag. Pagbukas ko ng paper bag ay nagulat ako sa napakagandang dress na mukhang sukat na sukat sa aking katawan, may kasama na rin itong underwear at bra kaya naman muli akong tumingin sa aking paligid. Hindi basta-bastang mumurahin ang damit na ito, napakaganda maging ang tela nito kaya nakasisiguro akong mamahalin ang mga ito.
Sa loob ng paper bag ay may nakalagay na isang card. Nagulat ako sa nakasulat dito. Hindi ko na tuloy alam kung ano pa ang iisipin ko.
"Thank you for the amazing night we spent together. I truly enjoyed every moment with you, and I want you to know this won’t be the last time we see each other. I will be seeing you again soon, babe. Take care until then."
Love: G.
"Sinong G? At anong babe ang pinagsasabi ng taong 'to?" Wika ko sa aking sarili. Kinuha ko ang small pouch ko at mabilis na hinanap ang aking phone. Pagtingin ko ay napakaraming text at missed calls galing sa aking mga kaibigan. Mas lalo tuloy akong nakaramdam ng takot. Sino ang G na nakasama ko magdamag?
Nagmamadali kong pinindot ang number ni Angela at ilang ring pa lamang ay sinagot na agad ako nito. Takot na takot ako, sigurado akong papatayin ako ni mama sa sobrang galit nito.
"Best ano nangyari sa'yo? Jusko ang nanay mo nagwawala dito sa harapan ng bahay namin! Saan ka ba nagpunta, alam mo bang magdamag ka naming hinahanap?" Bungad agad sa akin ni Angela kaya naman lalo na akong napaiyak dahil sa kaniyang sinabi. Matinding takot na ang nararamdaman ko ngayon dahil hindi ko alam kung paano ko ba ipapaliwanag ang lahat sa aking ina ang mga nangyari. Kahit nga ako sa aking sarili ay hindi ko alam kung paano ko ipapaliwanag na naisuko ko ang sarili ko sa isang estranghero.
"Best, hindi ko alam kung nasaan ako, natatakot akong umuwi dahil siguradong mapapatay ako ni mama sa nangyari." Umiiyak kong sagot kay Angela.
"Paanong hindi mo alam kung nasaan ka? Ano ba ang nangyari sa'yo at bigla ka na lamang nawala kagabi ha?" Pag-uusisa sa akin ng aking kaibigan. Umiling-iling ako na akala mo ba ay nasa harapan ko lang si Angela.
"Hindi ko talaga alam best, pero uuwi na ako ngayon. Tatawagan na lamang kita mamaya kapag nakauwi na ako ha." Wika ko at hindi ko na inantay pa ang isasagot niya at pinatay ko na ang aking telepono. Mabilis na akong nagbihis. Dahan-dahan kong binuksan ang pintuan ng silid na kinaroroonan ko at duon ko pa lamang napagtanto na nasa loob pa rin pala ako ng bar, nasa third floor ako kung saan naroroon ang VIP floor. Napapikit ako ng mata at halos maiyak na naman ako sa takot na aking nararamdaman. Mabilis akong tumakbo palabas ng bar at hindi ininda ang sakit ng katawan.. Buti na lamang at may inabot na isang libo sa akin si Angela kagabi kaya pwede akong sumakay ng taxi. Paglabas ko ng bar ay siya namang dating ng taxi kaya agad ko itong pinara. Takot na takot ako habang binabaybay ang daan pauwi sa amin.
╰┈➤Nakatayo ako ngayon sa harapan ng pintuan ng aming bahay at hindi ko alam kung bubuksan ko ba ito o hindi. Nanginginig ang buo kong katawan sa takot na aking nararamdaman. Nagpalingon-lingon ako sa paligid ng may mahagip ang aking mga mata na nakaparadang pulang sasakyan, hindi kalayuan sa aming tinitirhan. Napakagandang sasakyan nito at mukhang sports car.
Napaharap akong muli sa pintuan ng biglang bumukas ito. Isang malakas na sampal at sabunot ang sumalubong sa akin dahilan upang bumagsak ako sa sahig habang hila-hila ni mama ang aking buhok.
"Aray ko po mama, tama na po parang awa n'yo na po!" Sigaw ko habang umiiyak dahil sa matinding kirot na aking nararamdaman. Putok ang gilid ng aking labi dahil sa malakas na sampal na ipinadapo ng aking ina sa aking mukha. Nagmamakaawa ako sa kanya upang bitawan niya ang buhok ko, pero wala siyang pakialam kahit maubos pa ang lahat ng buhok ko.
"Malandi kang hayop ka! Sinong lalake ang kasama mo magdamag, ha? Ano Amara, ibinenta mo na ang sarili mo kung kani-kaninong lalake, ha?" Malakas na sigaw ng aking ina habang sinasampal pa ang mukha ko ng isa nyang kamay. Ang isa naman niyang kamay ay hila-hila ang aking buhok.
"Mama tama na po parang awa n'yo na po." Pagmamakaawa ko habang pilit kong inaalis ang kanyang kamay na humihila sa buhok ko. Napapalibutan na ang bahay namin ng mga chismosang kapitbahay at naririnig ko na rin ang kanilang mga bulung-bulungan na hindi maganda tungkol sa akin. Hindi ko na lamang pinapansin dahil ang atensyon ko ay nasa aking ina na sinasaktan ako ngayon at ipinapahiya sa lahat ng taong nanunuod sa amin ngayon.
"Ang kapal ng pagmumukha mo at may gana ka pang magpakita sa akin, hayop kang babae ka!" Sigaw nya pang muli sa akin at hindi pa rin niya binibitawan ang aking buhok.
Akma nya ulit akong sasampalin ng biglang may pumigil sa kanyang kamay. Malalakas na bulung-bulungan ang maririnig sa buong paligid habang ako ay gulat na gulat sa lalaking tumutulong sa akin.
"Subukan mo ulit saktan ang babaeng 'yan at sisiguraduhin ko sayo na pagsisisihan mo ang gagawin mo pa sa kanya." Ramdam ko ang galit ng lalaking tumutulong sa akin. Pilit kong inaaninag ang kanyang mukha, ngunit nanlalabo na ang aking paningin dahil sa mga luhang ayaw magpaampat.
Napasinghap ang lahat ng nanunuod sa amin, at parang hindi makapaniwala sa kanilang nakikita. Maging ang aking ina ay napatulala at parang may takot sa kanyang mga mata. Itinayo ako ng lalaki at pupunasan na sana nya ang aking mga luha ng bigla na lamang nagdilim ang aking paningin.
•────✦❀✦────•
Nagising na lamang ako sa loob ng isang private room sa isang hospital. Nagulat na lamang ako ng makita ko na nandito si Angela at Marco na nakaupo sa sofa.
"B-best, a-anong nangyari sa akin?" Nahihirapan kong tanong, dahil pakiramdam ko ay tuyot na tuyot ang aking lalamunan.
"OMG! best sa wakas nagising ka rin." Natatarantang ani ni Angela at napatakbo sa tabi ko. Hindi ko naman maunawaan kung ano ang nangyayari. Bakit nasa hospital ako at sino ang taong nagdala sa akin dito. Bigla kong naalala ang lalaking tumulong sa akin kanina. Sino kaya ang taong 'yon?
"A-anong nangyari, bakit nandito ako sa hospital?" Wika ko sa aking kaibigan. Tumitingin ako sa paligid, pilit kong hinahanap ang lalaking 'yon.
"Best hindi mo ba maalala kung ano ang nangyari sa iyo, ha? Iyang nanay mong pinaglihi kay satanas ay ginulpi ka lang naman... at naku best, bakit naman hindi mo sinabi sa akin na si Fafa Gabriel pala ang nakasama mo ng mawala ka kagabi?" Ani ng aking kaibigan na tila ba may tampo sa akin. Nalilito naman ako dahil hindi ko kilala kung sino ang sinasabi nyang Gabriel.
"At alam mo ba best na isang araw kang walang malay, sabi ng doctor magigising ka din naman daw, puro bugbog daw kasi ang dinanas mo sa katawan mula diyan sa mama mo, kaya ang katawan mo ay nagpapahinga." Dagdag pa nyang wika. Bigla akong nataranta at napaupo. Akma akong tatayo ng bigla akong pinigilan ni Angela.
"Ang mama ko, baka galit na galit na sa akin 'yon, best kaylangan ko ng umuwi." Kumakabog na naman ng mabilis ang dibdib ko, natatakot ako na baka magalit na naman sa akin ang aking ina.
"Best ano ba ha, huwag mo ngang intindihin ang mama mo, wala naman syang pakialam sa'yo. Alam n'yang nandito ka sa hospital dahil sinabi ni mommy sa kanya, pero wala sya dito oh! Kasi nga ay wala siyang pakialam sa'yo kaya tumahimik ka diyan at huwag mo siyang intindihin." Ramdam ko ang galit ng aking kaibigan sa aking ina.
"Pero best, wala akong pambayad sa hospital na ito." Nag-aalala ko pang ani at nilibot ko ng tingin ang kabuuan ng room kung saan ako naka confine. Sobrang laki nito at hindi ko kayang bayaran ito, kahit yata magtrabaho ako habang buhay ay hindi ko kayang bayaran ang magiging bills ko dito. Mas lalo tuloy akong nakaramdam ng takot.
"Best, huwag mong intindihin 'yan dahil binayaran na 'yan ni Fafa Gabriel." Wika niya sa akin ng may ngiti sa kaniyang labi.
"Oo nga Amara, magpahinga ka lang diyan. May gusto ka bang kainin?" Si Marco, nakikita ko ang matinding pag-aalala niya sa akin.
"Tubig, gusto kong uminom ng tubig." Sagot ko sa kanila, kaya naman mabilis akong inabutan ni Angela ng maiinom na tubig.
Pagkatapos kong uminom ay nagtanong ako kay Angela at Marco. Kanina ko pa kasi naririnig ang pangalang Gabriel pero hindi ko naman ito kilala, at wala din naman akong nakikita na ibang tao dito.
"Gusto kong malaman kung sino ba 'yung Gabriel na sinasabi ninyo." Ngumiti si Angela. Parang kinikilig pa ito na hindi ko maintindihan.
"Best, hindi mo kilala si Gabriel? Siya 'yung nakasama mo nung ga..." Hindi na nya naituloy pa ang kanyang sasabihin ng biglang bumukas ang pintuan at may pumasok na isang makisig at napaka gwapong lalake. Napanganga ako at nakatitig lamang sa kanyang mukha. Sino itong parang isang modelo sa isang magazine na pumapasok sa loob ng silid na kinaroroonan ko?
"Best, ang bibig mo baka may pumasok na bangaw diyan." Pang-aasar ni Angela kaya naman halos mamula ang aking pisngi dahil sa hiya na naramdaman ko. Nakakainis naman itong kaibigan ko.
"I'm so relieved you're finally awake, babe. I have been so worried about you. How are you feeling now? I have been thinking about you the whole time, hoping you'd be okay." Ani niya sa akin na ikinalaki ng aking mga mata. 'Babe?' Bulong ko sa aking sarili.
Nagkamali yata ito ng pinasukang silid at napagkamalan pa yata niya akong girlfriend niya.
"Ah... eh sir... mukha po yatang maling room ang pinasok mo, hindi po ako ang babe mo baka po nasa kabilang room." Nahihiya kong ani sa kaniya at pagkatapos ay nakarinig ako ng malalakas na tawa. Naguguluhan naman ako na tumingin sa dalawa kong kaibigan na tawa lang ng tawa. Ano ba ang nakakatawa sa sinabi ko?
"Best ano ka ba ha? Siya si Gabriel Ivan Curtis. Siya ang nakasama mo ng isang buong magdamag." Wika ng aking kaibigan. Bigla akong napanganga at napatitig ako sa napaka-gwapong mukha nito. Diyata at ang lalaking ito ang kumuha ng aking pagkabirhen? Ang gwapong ito ang nakasama ko ng gabing 'yon?
"Best ang bibig mo ay, napaghahalataan kang ngayon lang nakakita ng tunay na gwapo." Wika ni Angela na tumatawa.
"Huy! Ano akala mo sa akin, hindi tunay na gwapo?" Protesta agad ni Marco. Hindi ko naman magawang makatawa dahil hindi pa rin ako makapaniwala na ang lalaking ito ang nakasama ko ng gabing 'yon.
"May sasabihin daw sayo si Gabriel kapag nagising ka na kaya iiwan muna namin kayong dalawa dito ha." Sabay bitaw sa kamay ko at sabay na silang lumabas ni Marco na hindi man lamang ako hinintay na sumagot. Pagkalabas nila ay napatitig akong muli sa gwapong lalaki na nakatayo sa harapan ko. Ngumiti ito sa akin, jusko po, bakit tumitibok ang puso ko?