┈┈┈┈◦•✩•◦┈┈┈┈
"Mama tama na po, hindi ko naman po sinasadyang mabasag ang plato dumulas po kasi habang hinuhugasan ko." Pagmamakaawa ni Amara sa kanyang ina habang sinasabunutan at pinaghahampas siya nito sa braso ng walis tingting.
"Kahit kailan talaga perwisyo ka sa pamamahay ko, manang-mana ka sa ama mo, hayop kang babae ka!" Sigaw ng kanyang ina, at wala itong pakialam kahit nagmamakaawa man sa kaniya ang kanyang anak. Wala itong pakialam kahit naririnig ng lahat ng kanilang kapitbahay ang pananakit niya sa kanyang anak.
"Mama nasasaktan na po ako, tama na po parang awa nyo na po," pakiusap ni Amara habang walang patid na umiiyak. Hindi niya maunawaan kung saan nanggagaling ang matinding galit ng kanyang ina sa kanya.
"Wala na nga tayong pambili ng makakain natin pati gamit ko dito sa bahay ay binabasag at sinisira mo pa hayop ka talagang babae ka!" Sigaw at mura ng kanyang ina sa kanya habang hila-hila nito ang kanyang buhok.
Walang nagawa si Amara kung hindi ang umiyak ng umiyak matapos siyang tigilan ng kanyang ina. Simpleng kasalanan na kanyang nagagawa ay walang awa siyang pinaparusahan nito. Hindi niya alam kung bakit napakahirap para sa kanyang ina na mahalin siya. Hindi niya alam kung may nagawa ba ang kanyang ama na matinding kasalanan sa kanyang ina, at sa kanya ibinubuhos ang lahat ng galit nito. Mahal na mahal niya ang kanyang ina kaya kahit lagi siyang sinasaktan nito ay hindi niya ito magawang iwanan.
Amara's POV
"Best ano na naman nangyari sa'yo, ha? Sinaktan ka na naman ba ng magaling mong ina?"Nakikita ko kay Angela ang matinding galit dahil sa pananakit sa akin ng aking ina. Matagal na niya akong sinasabihan na umalis na dito sa poder ni mama pero hindi ko kayang iwanan ang aking ina na mag-isa lang dito. Kahit ganito ang ugali niya, nanay ko pa rin siya at ako na lang ang natitira niyang pamilya.
"Okay lang ako bestie, mainit lang siguro ang ulo ni mama kaya napag buhatan na naman niya ako ng kamay." Umiiyak ako. Hindi ko maitago ang sama ng loob ko sa aking ina. Mabuti na lang at palaging nandito si Angela upang damayan ako. Napakaswerte ko na magkaroon ng isang tunay na kaibigan na nagmamahal sa akin.
"So, hindi na lumalamig ang ulo ni Aling Rosie sa'yo... ganon ba? Kasi sa totoo lang Amara, ginagawa ka ng punching bag ng nanay mong 'yan, pero binabalewala mo pa rin." Nararamdaman ko ang inis ng kaibigan ko, pero alam ko na nauunawaan din niya ako kung bakit hindi ko magawang iwan ang aking ina.
"Baka may malaking problema lang si mama bestie, pero alam kong mahal na mahal din ako ni mama tulad ng pagmamahal ko sa kanya." Natawa lang siya sa isinagot ko sa kanya. Umiling-iling ang kanyang ulo na para bang sinasabi niya sa akin na ang tanga ko. Pero mahal ko kasi ang aking ina.
"Naku bahala ka na nga! Sana isang araw ay matauhan ka rin noh! Sa totoo lang, nagtataka ako diyan sa mama mo dahil parang hindi anak ang turing niya sa'yo. At pakiramdam ko pa, parang malaki ang galit niya sa'yo. Iyon talaga bestie ang nakikita ko." Hindi ako nakakibo agad, kasi maging ako ay iyon ang nararamdaman ko. Bakit parang galit na galit sa akin si mama kahit alam ko sa sarili ko na ginagawa ko naman ang lahat upang makita niya kung gaano ko siya kamahal. Humugot ako ng malalim na paghinga at saka ako sumagot kay Angela.
"Mahal ako ng mama ko bestie, may mabigat na problema lang siguro siya kaya ganyan siya lagi sa akin." Depensa ko, kahit na kung minsan ay napapaisip na din ako kung bakit nga ba parang wala akong maramdamang pagmamahal sa akin si mama. Lagi rin sinasabi sa akin ni Angela na iwanan ko na lang ang aking ina at maghanap na lang kami ng apartment na matutuluyan. Tutulungan daw niya ako at sasamahan, pero hindi ko kayang iwanan ang aking ina.
"Hay naku! Sana nga bestie, kung hindi ay pagdududahan ko na talaga na hindi mo s'ya tunay na ina. Tignan mo nga Amara, ni hindi nga kayo magkamukha. Isa kang tisay na napakaganda, samantalang si Tita Rosie ay morena na hindi naman kagandahan, hmp!" Napangiti na lang ako sa kaibigan ko. Pwede naman kasi na sa aking ama ako nagmana at hindi kay mama.
"AMARA!" Sigaw ng aking ina, kaya naman muli akong napapitlag sa kinauupuan ko. Kumabog ng mabilis ang puso ko. Para akong hindi makahinga sa tuwing naririnig ko ang pag-sigaw ng aking ina. Kasi alam ko na haharapin ko na naman ang matinding galit niya sa akin. Lagi naman kasing ganuon.
"Nakupo, ayan na naman ang mama mo! Sigurado akong punching bag ka na naman niyan. Huwag ka ng lumapit sa kanya, sumama ka na lang sa akin at duon tayo sa amin dahil duon ay walang mananakit sayo. Mahal na mahal ka din ng mommy ko na parang anak niya." Ani nya sa akin kaya napatingin ako sa kanya. Buti pa nga ang mommy ng aking kaibigan ay nararamdaman ko ang pagmamahal nila para sa akin, samantalang ang aking ina ay puro na lamang pagmamalupit mula ng magka-isip ako.
"Amara! Tang-na kang babae ka, lalapit ka ba dito o hahambalusin ko ng tambo 'yang pagmumukha mo, ha?!" Galit na sigaw ni mama sa akin, kaya naman nakaramdam ako ng takot at mabilis akong napatayo mula sa kinauupuan ko.
"D'yan ka muna bestie at puntahan ko lang si mama, baka may ipag-uutos sa akin." Sabi ko. Mabilis ko ng pinuntahan ang kinaroroonan ni mama. Baka mas lalo kasi itong magalit kapag hindi agad ako lumapit.
Napatingin sa akin ang aking ina. Magsasalita sana ako para tanungin ito kung may kailangan ba siya sa akin, or may iuutos ba ito, pero agad niya akong minura kaya nakaramdam ako ng matinding takot.
"Hayop ka talagang babae ka! Kanina pa kita tinatawag hindi ka lumalapit sa akin." Napayuko ako, hindi ko kayang labanan ang masamang tingin niya sa akin. Hanggang kailan ko kaya kayang tiisin ang pagmamalupit niya sa akin?
"Pa-pasensya na po mama, hindi ko po kasi kayo masyadong narinig." Pagdadahilan na lang upang hindi na madamay pa ang aking kaibigan. Alam ko na kaya niya ako tinatawag ay dahil nandito si Angela. Ayaw na ayaw niya sa kaibigan ko dahil tinuturuan daw ako nitong lumaban.
"Aba at sasagot ka pa talaga, ha!" Sigaw n'ya, sabay hila ng aking buhok kaya naman napatili akong muli dahil sa gumuhit na sakit sa aking anit.
"Aray ko po mama! Tama na po! Sobrang sakit na ng anit ko, parang awa n'yo na po!" Malakas kong sigaw habang hawak ko ang aking buhok na pilit inaagaw sa kamay ng mapagparusa kong ina.
"Jusko Aling Rosie... tama na ho 'yan! Maawa naman ho kayo kay Amara, para kayong walang puso. Ang sama talaga ng ugali mo!" Galit na sabi ng aking kaibigan habang pilit niyang inaawat ang aking ina.
"Hoy Angela! Huwag mo akong pakialaman dito, lumayas ka sa pamamahay ko kung ayaw mong idamay kita sa init ng ulo ko. Layaaaas!" Bulyaw ng aking ina sabay duro ng daliri sa mukha ng aking kaibigan.
"Kapag hindi n'yo ho tinigilan ang pananakit sa anak ninyo ay tatawag na ako ng pulis. Sobra-sobra na ang ginagawa ninyong pananakit sa kaibigan ko. Pang aabuso na 'yan at wala kayong karapatan! Makapal masyado ang mukha mo!" Galit na galit si Angela kay mama, at naramdaman ko ang pagluwag sa pagkakasabunot niya sa aking buhok. Dahan-dahan akong binitawan ng aking ina at tinignan kami ng masama. Nagliliyab ang kanyang mga mata dahil sa matinding galit.
"Mga malas kayo sa buhay ko! Wala kayong mga silbi! Ikaw Amara, isa ka lamang palamunin sa bahay na 'to, at ang kapal pa ng mukha mo na magpapasok ng kung sino-sinong walang kwentamg tao na katulad mo." Napayuko ako ng ulo. Pinunasan ko ang luha ko at yumuyugyog lang ang aking balikat dahil sa aking pag-iyak.
Wala akong nagawa kung hindi ang umiyak na lamang habang yakap ako ng aking kaibigan. Bakit napakahirap para kay mama na mahalin ako? Ano ba talaga ang nagawa kong kasalanan sa kanya para saktan niya ako ng ganito?
"Tama na bestie, kakausapin ko ang mom ko na duon ka muna sa amin." Wika nya ngunit umiling lamang ako. Mas lalo lamang magagalit ang aking ina kapag ginawa ko 'yon, baka madamay lang sila.
"Hindi na bestie, salamat na lang. Madadamay pa kayo ni tita. Parang hindi mo naman kilala si mama kapag nagagalit, magwawala lang 'yan sa harapan ng bahay n'yo pag sumama ako sa'yo." Humugot siya ng malalim na paghinga at napapailing ng ulo. Gustuhin ko man ay hindi talaga pwede.
"Kaylan ka ba kasi matatauhan, best? Simula ng pagkabata natin ay ganyan na ang trato niya sa'yo. Halos 21 years old na tayo pero ganyan pa rin ang ginagawa n'ya sa'yo. Tapos magrereklamo siya na wala kang trabaho, eh hanggang pag graduate lang ng grade six ang pinatapos niya sa'yo dahil wala ka naman daw magiging silbi sa kanya. Iniisip ng nanay mo na kapag nakapagtapos ka ay lalayasan mo lang siya kaya mas gusto niya na lumaki kang mangmang." Hindi ako makakibo sa tinuran niya. Tama naman siya. Hindi ko rin maintindihan si mama kung bakit ganuon ang tingin niya sa akin.
"Anyway, birthday ko na next week kaya itatakas ka namin dito nila Marco at magba-bar tayo. Dapat handa ka na ng seven pm at kami ang bahala sa'yo. Ako na rin ang bahala sa susuotin mo." Ani nya ng nakangiti sa akin.
"Oo nga pala, bestie. Malapit na nga pala birthday mo. Kaya lang ay hindi ko alam bestie kung makakasama ako. Natatakot akong mahuli ni mama, at siguradong madadamay na naman kayo sa galit nya kapag nalaman niya ang tungkol dito." Ngumiti siya sa akin. Pinunasan niya ang luha sa pisngi ko at inayos niya ang buhok ko na gulong-gulo dahil sa pananabunot ng aking ina.
"Huwag kang mag-alala Amara dahil sisiguraduhin ko sa'yo na hindi tayo mahuhuli, okay?" Ani niya sa akin kaya naman hindi na ako nakapagsalita pa. Hindi na ako nakakibo pa dahil kahit tumanggi man ako ay kukulitin lamang ako ng aking kaibigan hanggang sa mapapayag niya ako.
Mag-gagabi na ng tuluyan ng umuwi si Angela, marami pa siyang bilin kung paano iiwasan ang aking ina. Nalulungkot akong isipin na maaaring may katotohan ang kanyang mga tinuran sa akin. Tunay ko nga bang magulang ang kinikilala kong ina ngayon? Totoo ang sabi ni Angela, malayo nga ang aming hitsura sa isa't-isa. Kahit nga ang mga kapit-bahay namin ay 'yan ang laging sinasabi sa akin, pero pwede rin kasi na ang tatay ko ang aking kamukha. Pero wala akong kinikilalang ama, lumaki akong walang ama, at kaming dalawa lang ni mama ang magkasama. Ayoko namang tanungin si mama tungkol dito, dahil nung huli kong tanong sa kanya ay mata ko lamang ang walang latay kaya nga ayoko ng maulit pa ang nangyari. Oo ganon kalupit ang aking mama, pero alam ko na kahit ganyan siya sa akin ay mahal n'ya ako. 'Sana nga...' Bulong ko sa aking sarili.
Matapos kong mag ayos-ayos at maglinis ng aming bahay ay nagluto na ako ng aming hapunan, nag-saing ako at nag-prito lamang ako ng tatlong pirasong tuyo. Naghiwa din ako ng kamatis na may itlog na maalat. Wala naman kaming ibang mauulam dahil wala pa naman akong trabaho. Sana matanggap na ako sa mga inaplayan ko kahit katulong lang, para naman kahit papaano ay may maitulong ako dito sa bahay at ng hindi na ako masyadong pag-initan pa ni mama. Mahal na mahal kita mama kaya lahat ay kaya kong tiisin, sana isang araw ay haplusin ang puso mo at maiparamdam mo rin sa akin kung paano ba mahalin ng isang ina.
Ayokong isipin na hindi ikaw ang aking ina. Mula ng magkaisip ako ay ikaw na ang kinamulatan kong magulang. May mga larawan ako nuong sanggol ako na ikaw ang kasama ko kaya imposibleng hindi ikaw ang aking ina.