KABANATA 4

2159 Words
KABANATA 4 “Mukhang napa-trouble ka Baste,” puna ni Don na umuupa sa kwarto na katapat ng sa ‘kin. Kaharap niya si Macoy na kaibigan niya at nangungupahan naman sa katabi naming apartment. Kaedad ko si Macoy habang matanda ng dalawang taon si Don sa akin pero pareho silang high school lang ang natapos. Pareho din silang nagtatrabaho sa factory ng tsinelas. Naglalaro sila ng chess habang umiinom ng gin. Hindi na ‘ko magtataka kung mamaya maririnig ko na naman silang nagtatalo at nagaakusahan na may nandadaya sa kanila sa laro. “Akala ko ba mabuting estudyante ka? Bakit nakikipagbasag-ulo ka? Dapat nag-boksingero ka na lang,” tatawa-tawang sabi ni Macoy. “Hindi ka naman yayaman kahit makatapos ka. Magiging empleyado ka lang sa opisina. Araw-araw tambak ang trabaho. Pagod pero maliit ang sweldo.” Palaging ganyan ang linyahan niya. Hindi ko alam kung hindi lang talaga siya naniniwala sa kahalagahan ng edukasyon o ayaw lang niyang makakita ng taong nagpupursige na matupad ang mga pangarap dahil siya, mukhang kuntento na siya sa maliit niyang sweldo sa factory na nilulustay pa nila sa pag-inom ng alak. Pamilyado pa naman si Don na may asawa at isang anak sa malayong probinsya nila. Habang itong si Macoy matatanda na ang mga magulang at may sakit pa ang ina na bulag ang isang mata at nagbabadya nang mabulag din ang kabila. Tulad ko hindi na rin niya nakilala ang tunay niyang mga magulang, pero ang kaibahan namin, sa kanya may matandang mag-asawa na umampon habang sa ‘kin wala. Maswerte siya na nagkaroon siya ng pamilya pero mukhang hindi niya ‘yon nakikita at hindi pinahahalagahan. “Panik na ‘ko,” ‘yon lang ang sinabi ko sa kanila. Wala akong panahon na makipagtalo pa kay Macoy at hindi ko rin gustong ipaalam sa kanila ang pinagdadaanan ko sa school sa kamay nina Austin. Papanik na ‘ko ng hagdan nang pumasok sa bahay si Aling Nelia na umiiyak. “Nakita n’yo ba ‘yung bunso ko? Si Lotlot. Nakasuot siya ng sandong pula at dilaw na short. ‘Yung tsinelas niya kulay pink na may mukha ni Barbie.” May tatlong anak si Aling Nelia. ‘Yung panganay niyang babae na 15 years old na, na sinundan ng anak niyang lalaki na 14 years old naman, at ‘yung bunso niyang si Lotlot na 7 years old pa lang. Sa tuwing umuuwi ako galing school madalas kong makita sa labas ng bahay nila si Lotlot na kalaro ang iba pang mga bata naming kapitbahay. “Hindi ba kalaro nina Ningning kanina? Nakita ko pa ngang nagbibilang ng paper money. Nagoyo pa ‘ko, akala ko totoong pera,” sagot ni Macoy. “Umuwi na lahat ng mga kalaro niya pero ‘yung bunso ko hindi umuwi,” punas nang punas ng luha si Aling Nelia gamit ang hawak na panyo na nalamukos na. “Yung nakita ni Macoy, ‘yon din ang nakita ko,” sabi ni Don. “Ikaw Baste? Nakita mo ba?” “Hindi rin po.” "Teka, ano'ng nangyari sa 'yo?" "Wala po 'to. Huwag n'yo nang intindihin. Ituloy n'yo na lang po ang paghahanap kay Lotlot." “Oo nga. Sige salamat! Kapag nakita n’yo na lang o kahit na anong impormasyon na malaman n’yo tungkol sa anak ko, pakisabihan ako ha?” “Sige po,” pare-pareho naming sagot na tatlo. Habang papanik ako ng hagdan, dinig ko pa ang usapan nina Don at Macoy. “Kawawa naman si Aling Nelia. Hindi kaya na-kidnap na si Lotlot ng mga sindikato na dumudukot ng mga bata para ibenta ‘yung mga organs? May gano’n ‘di ba?” sabi ni Macoy. “Kilala mo si Mica?” tanong ni Don. “Oo. ‘Yung nililigawan ni Simon na may anak sa pagkadalaga. O, bakit?” “Kausap ko si Simon noong isang linggo. Nawawala rin ‘yung anak ni Mica na 5 years old naman.” “Bakit hindi mo sinabi kay Aling Nelia? Baka nga may kidnap-an ng mga bata na nangyayari dito sa lugar natin.” “Hindi naman ako sigurado kung konektado ‘yung nangyari sa dalawa ‘tsaka baka imbes na makatulong ako eh maging dahilan pa ‘ko na mataranta sila.” “Sa bagay wala pa namang 24 hours na nawawala si Lotlot ‘tsaka may mga pulis naman na dapat mag-imbestiga.” Hindi ko na narinig pa ang iba pa nilang usapan dahil nakapanik na ako sa itaas. Ang naririnig ko na ngayon ay ang iyak ng 6 years old na anak ni Linda na walang tigil na paghingi ng pagkain. Kwarto nila ang unang madadaan ko bago ako makarating sa kwarto ko. Nang mapasilip ako sa kwarto nila na nakabukas ang pintuan, nakita ko si Linda na parang walang naririnig at tuloy lang sa paglilinis ng kuko sa paa. “Lintek naman Nini! Lumagpas tuloy ‘yung cutics ko! Sinabi nang maghintay ka sa pagdating ng tatay mo! Buti pa ‘yung kapatid mo tahimik lang sa kuna. Bakit ‘di mo gayahin? Punyeta! Do’n ka nga!” Itinulak ni Linda ang umiiyak na anak. Kinabahan ako dahil akala ko’y matutumba ‘yung bata pero hindi naman. Sinunod na lang nito ang ina at naupo sa kama. Nakakaawa si Nini, sariling ina pa niya ang nanakit sa kanya. Minsan, sa tuwing nakikita ko sila, napapaisip ako kung swerte ba ako at wala akong kinilalang magulang. Tumuloy na ako sa paglalakad hanggang sa makapasok ako sa kwarto ko. Pagpasok ko nadatnan ko ang triplets na magkakapatid na sina Amiel, Alvin at Arthur na nag-iimpake ng gamit. “Ngayon na ba ‘yung alis n’yo? Mawawalan na pala ako ng kasama rito sa kwarto.” First year college pa lang ‘yung tatlo at dito nangupahan dahil malapit ito sa school nila, pero dahil nakahanap ng trabaho dito ‘yung tatay nila,  naghanap sila ng apartment na matitirhan nilang buong pamilya. “Oo kuya,” sagot ni Arthur na nilalagyan ng packaging tape ang isang box na karton. Napatigil sa pag-eempake si Amiel nang mapatingin sa akin. “Ano’ng nangyari sa ‘yo kuya?” tanong niya. “Wala ‘to. Malayo sa bituka,” sagot ko kahit na halos puro sa tiyan ang tama ko kanina. Hinagis ko ang bag ko sa sahig, sa sulok ng kwarto. Lumampaso rin sa sahig ng banyo ‘yung bag ko kaya siguradong napakarumi din noon. “Napag-trip-an ka na naman ba sa school n’yo?” tanong ni Alvin na nakatakip na ang ilong. Sa kanilang tatlo siya ang pinakamalinis sa katawan at pinakamaselan. “Pasensya na ha? Maliligo na ‘ko.” “Sabi naman kasi namin sa ‘yo, kaming bahala sa mag nambu-bully sa ‘yo,” sabi ni Amiel. “Kayang-kaya namin ‘yung mga ‘yon. Isasama pa namin ‘yung mga tropa namin,” sabi naman ni Arthur. “Ayos lang ako. Hindi n’yo kailangang mapasama sa mga problema ko. Dalawang taon na lang naman makakatapos na ‘ko.” ‘Tsaka makaganti man ako ng isang beses, gagantihan lang din uli ako ng grupo nina Austin. Hindi rin nila ako maproprotektahan dahil magkaiba naman kami ng school at paano kung may mapahamak sa kanila dahil sa pagtulong nila sa ‘kin? Hindi ko mapapatawad ang sarili ko at nakakahiya sa mga magulang nila. Matatalino pa naman ‘tong tatlo at hindi maganda na magkaroon sila ng hindi magandang record dahil lang sa akin. Kaya ko pa naman. Konting tiis pa. Makakalaya rin ako sa impyernong binuo nina Austin para sa ‘kin. Kumuha na ako ng damit at tuwalya at binitbit ko rin palabas ng banyo ang lagayan ko ng mga gamit ko panligo. Habang naliligo ako napapangiwi ako sa tuwing mahahawakan ko ang parte ng katawan ko na may pasa, galos at sugat. Halos buong katawan ko meron; sa tiyan, sa binti’t hita, sa braso, sa likod at sa mukha. Pagkatapos kong maligo humarap ako sa salamin sa loob ng banyo. Paga ang isang mata ko at may putok ang kilay ko at gilid ng labi ko. Nakakaawa ang itsura ko. Mabuti na lang at mabilis gumaling ang mga sugat ko at sa tingin ko sa Lunes hindi na ‘to halata kaya makakapasok pa rin ako sa school. Ayoko pa namang um-absent dahil masisira ang attendance ko. Mula nang pumasok ako sa school na ‘yon kahit isang beses hindi pa ako um-absent. May first aid kit sa banyo. Nilagay talaga ito ni Manang Digna at pwedeng gamitin ng kahit sinong tenant dito. Kinuha ko ‘yung kit at ginamot ko ang sarili ko. Nilagyan ko ng ointment at band-aid ang mga sugat ko sa mukha. ‘Yung mga pasa ko lalagyan ko na lang ng yelo. Buti na lang at may tindang yelo ni Manang Digna kaya hindi ko na kailangan lumabas. Pinagtinginan na ako ng mga kapitbahay namin kanina, ayoko nang pagtinginan pa nila ako uli. Quota na ‘ko. Bukas na lang uli. Kumuha ako ng yelo sa freezer at nilagay ko ang bayad sa latang nakapatong sa ibabaw ng ref. Tiwala si Manang Digna sa ‘min na walang kukuha ng kita niya galing sa yelo. Tapat ako, hindi ko lang alam kung lahat ng kasama ko rito sa bahay ay gano’n rin. Sana, dahil ang laki ng tiwala ni Manang Digna sa amin.  Binalot ko ng makapal na t-shirt ‘yung yelo at saka ako pumanik uli. Nakitan kong palabas na ng kwarto ‘yung triplets habang bitbit ang mga gamit nila. “Kuya, text ka lang kapag kailangan mo ng tulong ah,” sabi ni Amiel habang nakahawak sa balikat ko. “Yung address namin sinulat ko sa papel at nilapag ‘ko sa ibabaw ng drawer,” sabi ni Alvin. “Pwede mo kaming puntahan o kaya ikaw ang dadalawin namin,” sabi ni Arthur. “Salamat. Mami-miss ko kayo.” Mapait akong napangiti. “Kami rin kuya.” Pag-alis nila at pagpasok ko sa kwarto, doon ko naramdaman ang lungkot ng pag-iisa. Nasanay na ‘kong pag-uwi ko ay may nakakakwentuhan ako. Ang daldal pa naman nilang tatlo. Dahil sa kanila nakakalimutan ko ‘yung pinagdadaanan ko kina Austin. Kahit wala akong matalik na kaibigan sa school, pag-uwi ko naman nandyan sila na para ko nang mga kapatid. Habang nakahiga ako sa kama, naalala ko ang pagkasisante ko sa trabaho kaya napabangon ako. Naglakad ako papunta sa cabinet at binuksan ko ito para kunin ang katiting kong pera na nilalagay ko sa loob ng isa kong maong na pantalon. Binilang ko ang tig-iisang daang kong pera. Isang libo na lang pala ang pera ko na kailangan kong tipirin hanggang sa matanggap ko ang allowance na galing sa school. Kailangan makahanap na ako ng bagong trabaho kundi wala akong kakainin at baka maglakad na lang ako papasok ng school kung pati pamasahe mawalan ako. Ayoko namang humingi ng tulong kay Sister Judith dahil alam kong kulang din ang budget ng bahay-ampunan. Kaya nga pinapadala sa mga foster homes ang ilan sa amin para makabawas sa gastusin dahil sagot ng mga foster families ang lahat ng mga pangangailangan ng mga batang kukupkupin nila para alagaan ng ilang buwan o taon . Nahiga na ‘kong muli sa kama. Ang tahimik na ng paligid. Hindi ko na naririnig na umiiyak ang anak ni Linda. Dumating na siguro ang tatay niya at may dalang pagkain. Hindi pa pala ako naghahapunan, pero wala naman akong gana kaya itutulog ko na lang. Nasa tiyan ko pa naman ‘yung sandwich na kinain ko kanina. Papikit na ako nang may marinig akong tawa kaya napadilat akong muli. Mag-isa lang ako sa kwarto kaya saan manggagaling ‘yon? Sa kapitbahay? Imposible, ‘tsaka parang ang lapit lang sa ‘kin ng boses na parang galing sa malaking tao. Napamura ako. Hindi kaya may nagmumulto sa banyo sa school at nabitbit ko hanggang dito? Ito kaya ‘yung nakita at kinatakutan nina Austin? Napabangon ako at binuksan ko ‘yung ilaw. Hindi man ako sanay pero mukhang matutulog ako ngayon na bukas ang ilaw. Humiga uli ako sa kama at nagtalukbong ako ng kumot. Mayamaya narinig ko na naman ‘yung tumatawa na sinabayan pa ito ng paggalaw ng kama ko na para bang may humahampas dito. Napumura na naman ako. “Kung sino ka man, lubayan mo ‘ko! Hayaan mo ‘kong makatulog. Nakita mo naman siguro ‘yung nangyari sa ‘kin sa school ‘di ba? Pagpahingahin mo naman ako.” Biglang tumigil ‘yung pagtawa. Akala ko wala na talaga siya pero isang malakas na hampas na naman sa paanan ng kama ko ang naramdaman ko at pagkatapos no’n ay katahimikan na. Sobrang bigat na ng talukap ng mata ko at unti-unti na itong nagsasarado nang may tumawa na naman at parang nasa mismong harapan ko pa. Manipis na kumot lang ang pagitan namin! “Tangina!” 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD