KABANATA 5
Kumaripas ako ng takbo palabas ng kwarto kahit hindi ko alam kung saan ako pupunta. Pagdating ko sa ibaba nakita ko sina Don at Macoy na nag-iinuman pa rin. Tumabi ako sa kanila kahit hindi ko naman ito gawain. Kahit yayain nila ako sa inuman palagi akong humihindi. “P-pahingi nga.”
“Nito?” Itinaas ni Macoy ang baso na may gin. “Iinom ka?” Halata sa tanong niya ang pagtataka.
“Oo. Painom.” Sinabi ko ito para may dahilan ako na sumama sa kanila. Ayokong sabihin sa kanila na may multo sa kwarto ko dahil baka pagtawanan lang nila ako. Luma na itong bahay nina Mang Gary pero kahit isang beses wala akong narinig na kwento na may nagmumulto rito, kaya kung bigla akong magkwekwento ay magmumukha lang akong katawa-tawa.
“Bigyan mo na. Madami ka na namang nainom ‘tsaka ngayon lang ‘to sasama sa ‘tin sa inuman,” sabi ni Don.
Inabot sa ‘kin ni Macoy ang baso na may gin. Inurong naman ni Don palapit sa ‘kin ang baso na may lamang softdrinks at yelo. Pati ‘yung pulutan nilang isaw ng manok, inalok niya rin sa akin.
Nag-aalangan akong uminom. Minsan ko na itong nasubukan noong bagong dating ako rito. Inalok ako ni Don at hindi ako nakatanggi bilang pakikisama. Ni hindi ko nga naubos ang laman ng basong ibinigay niya sa akin noong araw na ‘yon. Muntik ko na nga ring maibuga ang laman ng bibig ko pero dahil nahihiya ako sa kanya’y pinilit kong lununin ‘yung alak. Pagkatapos ng pangyayaring ‘yon, sinabi ko sa sarili ko na hindi na ako iinom uli ng alak, pero heto ako ngayon, ako pa mismo ang humingi sa kanila.
Nang ilapit ko ang baso sa labi ko, para akong sinuntok ng amoy ng alak. Napangiwi ako at napakunot ang noo ko. “Huwag mong ibubuga ‘yan kundi sisingilin kita,” banta ni Macoy sa ‘kin. Wala na nga akong pera, mapapagastos pa ‘ko nang dahil sa alak.
Bumilang ako sa isip ko hanggang tatlo bago ako huminga nang malalim at diretso kong ininom ‘yung gin. Ang sama ng lasa at ang init sa lalamunan. Ibinaba ko ‘yung baso ng gin sa lamesita at kinuha ko naman ‘yung baso ng softdrinks at saka ko ininom. “Hinay-hinay sa chaser. Marami pa tayong iinumin. Kapag naubos ‘yan, magtutubig na lang tayo,” sabi ni Don.
Parang nalalasahan ko pa rin sa bibig ko ‘yung alak kaya kumuha ako ng isaw na nakababad na sa suka na may maraming sibuyas at siling labuyo. Pagkatapos ng pait, matinding anghang naman ang nalasahan ng bibig ko, pero ayos lang. Mahilig naman ako sa maanghang.
Habang nag-iinuman kami, tahimik lang ako at nakikiramdam. Wala na naman akong narinig pang tumawa, pero ayoko pa ring pumanik sa itaas. Sina Don at Macoy naman kung ano-ano na ang napagkwentuhan nilang dalawa hanggang sa maikwento ni Don ang anak niyang babae. “Kanina, nang mapadaan tayo roon sa bagong bukas na tindahan ng candy naalala ko ‘yung si Jennifer ko. Sa tuwing umuuwi ako galing sa trabaho, palagi siyang nag-aabang ng pasalubong. Kahit isang pirasong candy lang, masaya na siya. Kapag nadala ko ‘yung mag-ina ‘ko rito, doon ko siya unang dadalhin. Lahat ata ng klase ng candy nandoon na.”
“Kulay rainbow na nga sa dami ng kulay ‘yung tindahan na ‘yon. Akala ko nga babae ang may-ari no’n.”
“Ay hindi ba?”
Umiling si Macoy. “Hindi. Matandang lalaki ang may-ari. Ang lungkot nga ng kwento ng buhay ng matandang ‘yon,” sabi niya sabay subo ng isaw.
“Nakausap mo?”
Nilunok niya muna 'yung kinakain niya bago siya sumagot. “Oo. Ang Nanay kasi nagpabili ng matamis sa ‘kin noong isang araw. Nakalimutan ko ngang ibili pero nadaanan ko ‘yung tindahan na ‘yon pauwi kaya pinasok ko na. Madaldal ‘yung matanda. Ang daming kwento sa ‘kin. May asawa’t anak daw siya pero pareho nang patay. Ang asawa niya namatay sa panganganak habang ‘yung anak niya namatay sa sakit.”
“Ano’ng sakit?”
“Diabetes raw.”
“Namatay sa Diabetes ‘yung anak niya tapos nagtayo siya ng tindahan ng candy?”
“Hindi raw kasi nakakain ng masasarap ‘yung anak niya bago namatay. Palagi niyang pinagbabawalan na kumain ng matamis. Bago raw mamatay ‘yung anak niya, candy ang hiningi nito sa kanya, pero hindi niya pinagbigyan. Laking pagsisisi raw niya, kaya pinangako niya sa sarili niya na kapag nagkapera siya magpapatayo siya ng malaking tindahan ng candy.”
“Tsk! Ang lungkot nga ng buhay niya," pailing-iling na sabi ni Don. "Ang tagal rin bago siya nakaipon. Ngayon niya lang napatayo ‘yung tindahan kung kailan matanda na siya.”
“May maliit daw siyang babuyan noon sa probinsya na binenta niya nang lumipat siya rito. Medyo bundok kasi ‘yung lugar nila at kung doon siya magtatayo ng tindahan, baka raw walang bumili.”
“Para palang sugal ‘yung ginawa niya. Kapag nalugi ang tindahan niya rito, wala na siyang babalikan.”
“Kaya maliban sa pagtitinda ng candy, nagsu-supply rin siya ng mga exotic na karne sa mga restaurant. Galing pa raw ‘yon sa probinsya niya. Napasilip kasi ako sa storage room niya dahil bahagyang nakabukas ‘yung pintuan n'on at nakita kong ang dami niyang freezer, kaya tinanong ko siya kung para saan 'yon, eh puro candy ‘yung tinda niya. At ‘yon nga ang isinagot niya sa ‘kin. Exotic na karne nga raw ang laman.”
“Ano’ng klaseng karne?”
“Sabi niya iba-iba raw. Karne ng rabbit, ahas, buwaya. Marami pa siyang sinabi pero hindi ko na matandaan. Inalok pa nga niya ako kung gusto ko raw bang subukan, pero tumanggi ako.”
“Dapat pumayag ka. Baka masarap na pulutanin ‘yon.”
“Kaya mong kumain nang gano’n? Ako, hindi ko ata kaya. Okay na ‘ko sa isaw at paa ng manok.” Napatingin si Macoy sa ‘kin. “Baste, panis na laway mo. Ikaw, wala ka mang lang ikwekwento? Nang may ambag ka naman.”
“H-ha? Ako? Ano… Ah… Nawalan ako ng trabaho.”
“Trabaho? Do’n sa tindahan ng candy. Nangangailangan siya ng tiga-ayos ng paninda. Bigla na lang daw hindi pumasok ‘yung trabahador niya. Baka wala pa siyang nakukuhang kapalit. Subukan mo mag-apply.”
“Kaso pang-gabi ‘yung trabaho na kailangan ko. Malamang ‘yung tindahan niya ala-sais pa lang sarado na. Pauwi pa lang ako galing school no’n.”
“Sa kabilang street. Sunod-sunod ang kainan ‘don. Baka may hiring,” sabi ni Don.
“Ang malas mo naman Baste. Sabi ko naman sa ‘yo, mag-boksingero ka na lang.” Ang ayos ng usapan pero nang-asar na naman siya.
Nag-inuman kami hanggang sa maubos namin ‘yung laman ng dalawang bote ng gin at isang malaking bote ng beer. Medyo hilo na ‘ko pero alam ko pa rin ang nangyayari sa paligid ko. Si Macoy umuwi na sa kanila dahil sinundo na rin ng nanay niya. Si Don pumanik na sa taas kaya ako na lang ang naiwan mag-isa sa ibaba. Gusto ko nga sana siyang tanungin kung pwede ba ‘kong makitulog sa kwarto nila, kaso apat na sila roon at wala akong pwepwestuhan kundi sa sahig ‘tsaka malamang magtataka sila kung bakit. Napakaluwag ng kwarto ko dahil mag-isa na lang ako, tapos isisiksik ko ‘yung sarili ko sa kwarto nila.
Bawat hakbang ko papanik ng hagdan parang unti-unting nawawala ‘yung tama ko. Masama ‘to. Dapat makatulog ako agad, bago pa ‘ko may marinig na kakaiba.
Binuksan ko ‘yung pintuan ng kwarto ko. Wala namang pinagbago. Nasa sahig pa rin ‘yung kumot at unan na nalaglag ko mula sa kama nang magmadali akong bumaba kanina. Hindi na ‘ko tumingin sa paligid ko lalo na sa salamin na nakasabit sa pader. Diretso ang mata ko sa kama habang naglalakad ako papasok. Dinampot ko ‘yung unan at kumot at saka ako nahiga sa ibabang parte ng double deck at nagtalukbong.
Ilang minuto rin akong nakiramdam at mukhang wala na ‘yung nanggugulo sa akin. Nakakabingi na nga ‘yung katahimikan. Ipinikit ko na ang mga mata ko at payapa akong nakatulog.
Paggising ko, parang nalaglag ‘yung puso ko sa kaba. Halos kalahati na ng katawan ko ang nakalawit sa kama. Konti na lang at babagsak na ‘ko sa sahig kaya nagmamadali akong umurong papunta sa gitna ng kama at naupo. Napahawak ako sa dibdib ko. Ramdam ko ang malakas na t***k ng puso ko. “Muntik na ‘ko doon ah.” Mataas din ang babagsakan ko kung nagkataon at mukha ko pa ang unang tatama sa sahig. Hindi pa nga magaling ‘yung mga sugat ‘ko tapos madadagdan pa kung sakaling nalaglag ako.
Maingat akong bumaba ng double deck gamit ang hagdanan na nakakabit sa gilid. Nang nakababa na 'ko at nakalapat na ang mga paa ko sa sahig, may napagtanto ako. “Pucha! Paano ako napunta sa taas?”