KABANATA 3

1631 Words
KABANATA 3 Parang gusto nang sumuko ng katawan ko. Salitan sila sa pagsipa at suntok sa akin. Parang bang lahat ng galit nila sa mundo sa akin nila ibinunton o baka naman sadyang bagot lang sila at ibang klase lang talaga maglibang ang mayayamang tulad nila? Sa dami ng pera nila, bakit hindi sila mag-isip ng paglilibangan? Bakit ako pa ang palagi na lang nilang gustong pag-trip-an? Dati puro sa katawan ang tama ko, pero ngayon pati mukha ko pinagdiskitahan na rin nila. Putok na ang labi ko at nalalasahan ko na ang dugo sa sugat sa loob ng bibig ko. Pikit na rin ang isang mata ko dahil sa pamamaga nito. “T-tama n-na.” Yakap ko na ang sarili ko. Natatakot akong may tamaan silang buto o baka malamog na nila ang lamang loob ko kasisipa nila. “Hindi pa. Kulang pa.” Sinabunutan ni Austin ang puting buhok ko. Oo, kulay puti ang buhok ko at natural ang kulay nito. At hindi lang buhok ko ang kulay puti, pati kilay at pilikmata ko. Hindi ko alam kung kanino ko namana ito; kung sa nanay ko ba o sa tatay ko. “Gasgasan natin ‘yang balat mo. Masyado kang makinis. Para kang babae.” Maputi at makinis din ang balat ko. Nagkakasugat naman ako pero kahit kailan hindi ako nagka-peklat at ang mga sugat ko, mabilis kung maghilom. “P-parang awa n’yo na,” pakiusap ko habang kinakaladkan ako ni Austin papasok sa isang cubicle. Parang hindi ko na maramdaman ang mga paa ko kahit hinahakbang ko ang mga ‘to. May umaagos sa pisngi ko. Hindi ko malaman kung luha ba ‘to, pawis o dugo. “A-anong gagawin mo?” tanong ko nang ipagtulakan ako pababa ni Austin sa harap ng toilet bowl. Ang mga kaibigan niya naririnig ko lang na nagtatawanan.  “Baka nagugutom ka na. Inom ka muna ng soup,” sabi ni Koko. “Huwag! Tama na! Tigilan n’yo na ‘ko!” “Austin, tama na raw. Pagbibigyan mo ba?” tanong ni Jaz. “Tapusin n’yo na ‘yan. Naiinip na rin ako,” sabi ni Lemuel at pagkatapos ay may narinig akong ungol ng mga babae. Mukhang may pinapanood na naman siyang video. “Tangina mo Lem. Ang libog mo,” reklamo ni Austin. “Dalian n’yo na kasi d’yan. Si Dave malamang sumisisid na ‘yon ngayon sa pagitan ng legs ni Mrs. Guerrero. Pagkatapos natin dito, tara sa bar. Sagot ko lahat.” Pamilya nina Lemuel ang may-ari ng pinakamalaking bar dito sa ‘min na dinarayo ng halos lahat ng mga kabataang mayayaman na gustong magpakalasing at magpakasaya. Pero ang isang tulad ko, kahit kailan hindi pa nakatapak doon. Nadadaanan ko lang pero hindi ko pa napapasok. “Parang gusto ko ‘yung idea ni Lemuel,” sabi ni Lucio. “Gutom na rin ako,” sabi naman ni Koko. Sa bawat sinasabi nila, unti-unti akong nagkakaroon ng pag-asa na matatapos na ‘tong paghihirap ko. “Ang KJ n’yo. Natutuwa pa ‘ko rito kay Baste.” Pucha! Kakaiba siya matuwa. Pahirap! “Hindi pa tayo aalis.” Dahil si Austin ang leader ng grupo nila, siya ang nasunod. Tuloy ang kalbaryo ko. Hindi na tinuloy ni Austin ang plano niyang pagsubsob sa akin sa toilet bowl pero itinapon naman niya roon ang polo ko. Sira pa naman ‘yung flush ng bowl at halos kulay orange na ‘yung kulay ng tubig. Mukha na ring mop ‘yung damit ko dahil halos pumunas na ‘yung buong katawan ko sa sahig habang namimilipit ako sa tuwing tinatadyakan nila ako. “Tama na!” Buong lakas na akong sumigaw. Pakiramdam ko mawawalan na ‘ko ng ulirat dahil sa sakit at pahirap na ginagawa nila sa ‘kin. “Tama na!” Biglang namatay ‘yung ilaw pagkatapos kong sumigaw. Inabot na kami ng dilim doon kaya nang mamatay ‘yung ilaw, wala na akong makita. “Putangina! Ano ‘yon?!” sigaw ni Jaz nang bumukas at mamatay uli ‘yung ilaw. “Nakita mo rin ba Jaz?” tanong ni Koko. “Buhay pa ba si Baste?” tanong naman ni Lucio. “Kulang pa ata ‘yung donation ng pamilya mo Austin. Dagdagan n’yo para may pambayad ng kuryente ‘tong school,” sabi ni Lemuel na kita ko ang mukha dahil sa liwanag ng cellphone niya. Bumukas sandali ngunit namatay rin uli ang ilaw. “Sh*t!” Pati si Austin, napamura  na rin at hindi ko alam kung bakit. Sa tuwing bumubukas kasi ang ilaw wala akong ibang nakikita kundi ang kisame at silang lima na nakatayo palibot sa akin. “Austin, napatay ata natin si Baste! Nagmumulto na!” sigaw ni Jaz. “Natatakot ako!” parang maiiyak na sabi ni Koko. “Hoy Koko, bitawan mo nga ako. Ano bang mga sinasabi n’yo d’yan?” asar na sabi ni Lemuel habang abala pa rin sa cellphone niya. “Akin na nga ‘yang cellphone mo.” Hinablot ni Austin ang cellphone ni Lemuel at itinapat niya sa mukha ko. Nasilaw ako sa liwanag kaya napapikit ako. “Buhay pa.” “Eh ano ‘yung nakita natin? Kahawig ni Baste.” Hindi ko alam kung ano’ng pinagsasabi nitong si Lucio. Naka-drugs ba sila? Bakit sila makakakita ng kahawig ko? “Guni-guni? Gutom lang? Baka gutom na rin kayo tulad ko.” “Puro ka na lang gutom Koko.” Bumukas na uli ‘yung ilaw pagkatapos magsalita ni Lemuel at hindi na ito namatay pang muli. “Tara na. Iwan na natin ‘yan.” Ano ‘tong nakikita ko sa mukha ni Austin? Takot? Kanina lang ayaw pa niyang umalis pero ngayon mukha siyang nagmamadali. Bakit? May nakita ba talaga sila na hindi ko nakita? At akalain mong may kinatatakutan din pala siya. Sunod-sunod na silang lumabas at naiwan akong mag-isa sa banyo. Iginapang ko ‘yung sarili ko hanggang sa makatayo ako. ‘Yung polo ko kinuha ko sa bowl at binanlawan sa lababo kahit walang sabon. Pinigaan ko itong mabuti bago ko isinampay sa balikat ko. Sa iba siguro, pababayaan na ito at itatapon pero hindi ko pwedeng gawin ‘yon. Dadalawa lang ang polo ko na salitan kong sinusuot. Napatingin ako sa salamin at awang-awa ako sa sarili ko. Ito na ata ang pinakamalalang ginawa nila sa akin. Paglabas ko rito at kung may mga makasalubong ako, paniguradong pagtitinginan ako. Sigurado rin akong pandidirihan ako dahil kapit na kapit sa katawan ko ‘yung amoy ng banyo. Nahugasan ko ‘yung mukha, leeg at braso ko pero hindi ko matatanggal ‘yung amoy sa damit ko. Dinampot ko sa sahig ang bag ko na buti na lang ay nahablot ko kanina bago kami umalis sa classroom. Ayoko nang bumalik doon. Balak kong sa likuran ng school na lang dumaan. Wala namang nakabantay na guard doon kaya pwede kong akyatin ‘yung gate para makalabas ako. Nakaalis at nakalayo ako ng school. Pinara ko ang unang jeep na nakita ko pero hindi ako pumasok sa loob upang maupo. Nakakahiya sa mga pasahero at madudumihan ko pa ‘yung upuan kaya naupo na lang ako sa bungad ng jeep sa may apakan papasok. “Hijo! Bakit hindi ka pumasok? Ang luwag naman. Wala ka bang pamasahe? Libre ko na,” sabi ng driver ng jeep. May mga tao pa rin talaga na mabuti ang loob. Mga handang tumulong sa kapwa nila. “Hindi na po. Dito na lang po ako. Ang dumi ko po kasi,” sagot ko at inabot ko ‘yung bayad ko sa pasaherong nakaupo malapit sa akin. Sa tuwing may sasakay bumababa ako at kitang-kita ko sa mga mata nila ang pandidiri kasabay ng pagtatakip ng ilong dahil natatangay siguro ng hangin papunta sa kanila ang amoy ko. May isa pa, na nag-abot ng sandwich sa akin. Akala siguro’y pulubi ako na namamalimos sa jeep. “Wala pang bawas ‘yan,” sabi pa nito sa ‘kin na hindi ko na tinanggihan dahil gutom na rin ako. Umiiyak ako habang kumakain. Pagbaba ko sa tapat ng bahay nina Mang Gary, hindi ako doon dumeretso kundi sa karendirya sa tapat nito. Magpapakita muna ako sa boss ko bago maligo at magpalit ng damit. Bawat segundo mahalaga at bawat segundo na ma-late ako ay may bawas sa sweldo ko. Konti na nga lang siguro ang matitira sa sweldo ko para sa araw na ito. Nakakaisang hakbang pa lang ako papasok ng karendirya ay sinalubong na agad ako ng amo ko. “Huwag ka nang mag-abala. Simula sa araw na ‘to, wala ka nang trabaho. Nakahanap na ako ng kapalit mo.” “Sir, magpapaliwanag po ako. Hindi ko po sinasadyang ma-late.” “Well, sinasadya kong tanggalin ka sa trabaho. Ilang beses mo na ‘tong ginawa at ilang beses na rin kitang pinagbigyan. Pasensya ka na Baste pero makakasira sa negosyo ko ang mga empleyadong tulad mo. Mag-apply ka na lang sa iba. Marami ka pang pwedeng pasukan d’yan.” “Sir, maawa na po kayo. Isang chance pa po. Kapag na-late pa po uli ako, ‘tsaka n’yo po ako sisantihin.” “Bakit naman natin patatagalin pa kung pwede namang ngayon na? Sige na. Umalis ka na. Mukhang kailangan mo ‘yon dahil sa itsura mo ngayon. ‘Tsaka ang baho mo, kainan ‘to. Huwag kang magtangay ng langaw, pwede ba?” “Sir…” Hahawakan ko sana siya sa braso pero mabilis siyang umiwas. Halata sa mukha niya ang pandidiri. “Umalis ka na Baste. Hindi na magbabago ang isip ko,” sabi niya bago ako talikuran. Nanlulumo akong umalis. Bugbog sarado na nga ako, nawalan pa ng trabaho. Ano pa bang kamalasan ang hindi nangyayari sa ‘kin?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD