KABANATA 6
Hindi ko alam kung minumulto ba ako o minamaligno. Hindi naman siguro kayang gawin ng isang multo na buhatin ako papunta sa itaas na parte ng double deck. Hindi kaya naglakad ako habang tulog? Kung gano’n ay unang beses itong mangyari.
May takot pa rin akong nararamdaman pero hindi na tulad kagabi dahil napakaliwanang ng sinag ng araw na pumapusok sa bintanang bukas na hindi ko pala naisarado kagabi. Buti na lang at hindi ako nilamok. Pero sa bagay kahit kailan ata’y hindi ko pa naranasan na kagatin ng lamok o kahit na anong insekto.
Kumuha ako ng damit sa cabinet at kinuha ko ang tuwalya kong nakasabat sa pintuan. Maliligo na ako para makapaghanap na ng trabaho para wala na akong proproblemahin pa maliban sa tambak na assignment sa school at sina Austin na pahirap sa buhay ko.
Pagbaba ko at pagpunta sa banyo, naka-lock ang pintuan. “Baste kain.” Napatingin ako kay Ramil na nakaupo sa lamesa sa may kusina. Si Ramil ang isa sa mga kasama ni Don sa kwarto. Sa isang IT company naman siya nagtratrabaho bilang messenger. Nakita ko siyang kumakain ng pansit bihon na mukhang doon sa karinderya nina Mona binili. Wala kasing sahog. Madalas doon din ako bumibili kasi mura ang pansit nila. May pan de sal rin siyang kinakain na sinasawsaw niya sa kape.
“Sige lang. Salamat. Mamaya na lang ako kakain.” Alam ko namang kulang pa sa kanya ang kinakain niya kaya nakakahiya kung sasaluhan ko pa siya.
“Walanghiya, pinagpawisan ako do’n ah! Napakapit ako sa pader.” Si Don pala ang nasa loob ng banyo. Paglabas niya para akong sinapak ng amoy na tangay niya. Naitakip ko sa ilong ko ‘yung hawak kong tuwalya at napaatras ako palayo ng banyo. Mamaya na muna ako maliligo. Palilipasin ko muna ‘yung iniwang masamang amoy ng nilabas ni Don.
“Walanghiya ka Don! Kumakain ako!” reklamo ni Ramil at saka tumayo at naglakad palayo bitbit ang plato ng pansit, supot ng pan de sal at tasa ng kape. “Ilang araw ka bang hindi tumae?! Tangina parang may kasamang lason!”
“Gago! Araw-araw akong nagbabawas. Ang dami mong reklamo, nakikiamoy ka na nga lang,” natatawang sabi ni Don, na parang walang naaamoy.
“Binuksan mo ba ‘yung exhaust fan,” tanong ko sa kanya habang nakatakip pa rin ang ilong. “Isarado mo rin ‘yung pintuan,” utos ko pa.
“Ay oo nga pala!” Pumasok uli siya sa banyo para buksan ‘yung exhaust fan. Ako naman naupo na rin sa may sala katulad ni Ramil na tinuloy na ang pagkain ng agahan.
“Ang aga mo atang bumangon ngayon? Hindi ako sanay. Kadalasan tanghali ka na kung bumaba kapag Sabado,” puna ni Ramil.
“Mag-a-apply siguro ng trabaho ‘yan. Tama ba ‘ko?” sabi ni Don at tumango ako.
“Pwede ko bang hiramin ‘yung bike mo?” tanong ko kay Ramil. Kung wala akong makitang trabaho sa sinasabi ni Don, sa ibang lugar ako maghahanap. “Wala na kasi ‘kong pera, at kailangan ko magtipid. Nanghihinayang ako sa ipapamasahe ko.”
“Oo. I-check mo na lang ‘yung gulong. Medyo matagal ko na rin ‘yong hindi nagamit. Kung flat na, hiram ka na lang ng pambomba ng hangin kay Kuya Dante.” Si Kuya Dante ang may-ari ng talyer na malapit dito sa ‘min. May pagka-masungit ‘yon pero hindi naman madamot.
“Salamat.”
Pagkatapos maligo, mag-ayos at mag-agahan, gamit ang bike ni Ramil, nagpunta ako sa computer shop para gumawa ng resume. Isa lang ang pina-print ko at pina-photocopy ko na lang nang limang kopya para may reserba ako at mas makamura. Pagkatapos ay nagpunta ako sa kabilang street na sinasabi ni Don. Sarado pa ang ilan sa mga kainan dahil sa gabi talaga nagbubukas ang ilan sa mga ito.
Inuna kong puntahan ang mga nakabukas na. Unang kainan na pinuntahan ko ligwak agad ako dahil napansin nito ang mga pasa at sugat ko sa mukha. Nahusgahan agad ako, hindi man lang inunawa ang naging dahilan ko. Pero hindi ko naman masisi ‘yung may-ari na nakausap ko. Mukha nga naman akong mahilig makipagbasag-ulo sa itsura ko, lalo na’t medyo namamaga pa ang isang mata ko.
Marami akong pinuntahan at lahat sila hindi nangangailangan ng bagong tauhan hanggang sa mapadaan ako sa isang punerarya. Halos puro salamin ang harap nito kaya kitang-kita ko ang mga kabaong na naka-display kahit na medyo may kadiliman sa loob dahil ilan lang ang ilaw na bukas . May nakapaskil rin sign na 24-hours open at hiring, kaya napangiti ako. Hindi man sumagi sa isip ko na magtrabaho sa punerarya, pero kung para sa kinabukasan ko naman, sige lang.
Bitbit ang envelope na may lamang resume, lumapit ako sa security guard na nasa labas ng pintuan. “Kuya hiring pa rin ba kayo?” tanong ko.
Sa halip na sagot sa tanong ko ang sagot niya, nagtanong rin siya. “Napano ka?”
“Napa-trouble lang kuya pero hindi naman ako ang nagsimula.” Tiningnan niya ako na para bang sinusuri ang mukha ko at wala na siyang sinabi. Akala ko’y paaalisin na niya ako pero, “Pasok ka sa loob. Kausapin mo ‘yung boss rito,” sabi niya habang nakaturo ang daliri niya sa likuran niya.
“Salamat kuya.”
Pagpasok ko sa loob parang gusto ko nang umurong. Iba pala ang pakiramdam kapag napalibutan ka nang maraming kabaong. Ni hindi ko man lang natanong sa guard kung ano’ng magiging trabaho ko kung sakaling matanggap ako. Baka embalsamador pala. Kinilabutan ako at napahawak ako sa braso ko na nagtaasan ang mga balahibo.
“Hindi embalsamador ang magiging trabaho mo rito,” nagulat ako nang may biglang magsalita sa likuran ko kaya mabilis akong napalingon. Mula sa madilim na sulok, isang matandang lalaki ang naglakad palapit sa ‘kin.
“P-paano n’yo po nalaman ang iniisip ko?” naguguluhan at natatakot na tanong ko. Puro kababalaghan na ‘yung nangyari sa ‘kin mula pa kahapon, hanggang sa paghahanap ko pa ba ng trabaho susundan ako nito?
“Halata sa reaksyon mo. Takot na takot ka,” sagot niya pero parang hindi naman ako kumbinsido.
“Hindi po ba pwede na kinilabutan lang sa kabaong? Paano n’yo naisip na trabaho ang pakay ko rito?”
Lumapit siya sa ‘kin at halos isang dangkal na lang ang layo ng mukha niya sa mukha ko kaya napaurong ang ulo ko. ‘Yung paa ko hindi ko naikilos! Halos maduling ako habang nakatitig ako sa bibig niya. “May hawak ka na envelope. Resume ang laman niyan, hindi ba?” Nang magsalita siya nakita ko ang mga ngipin niyang maiitim at ang hininga niya nakakahilo. Nahiya akong takpan ang ilong ko kaya, pinigilan ko na lang ang paghinga ko.
“O-opo.” Inilayo na niya ang mukha niya, kaya mas lalo ko na siyang napagmasdan. Payat siya na manipis ang buhok na medyo mahaba. Maitim ang kulay ng balat niyang kulubot na at malalim ang kanyang mga mata.
“Hindi ka mukhang kliyente. Hindi ka naman mukhang namatayan, pero mukhang hindi maganda ang pinagdaanan mo. Saan ka ba galing? Bakit ganyan ang itsura mo? Ayoko ng empleyado na sakit sa ulo,” sabi niya habang naglalakad paikot sa akin at tinitingnan ako mula ulo hanggang paa.
“Ano po bang magiging trabaho rito?”
“Bantay sa gabi. Kaya mo ba?”