KABANATA 2
Napatigil sa paglalakad sa gitna ng classroom si Austin kaya gano’n din ako. “Kaninong sapatos ‘to?” natatawang tanong niya. Napatingin ako sa parteng itinuro niya. May marka pala ng buong swelas ng sapatos sa laylayan ng suot kong polo. Sa dami ng paa na sumipa sa ‘kin, hindi ko na alam kung kanino ito.
“Kay Koko ‘yan. Ang lapad eh,” sagot ni Lucio sabay tawa. Sa laki ng bunganga niya, nakita ko na ‘yung ngala-ngala at ‘yung tonsil niya na ang sarap hilahin para ibuhol sa dila niya nang matigil siya sa pagtawa.
“Hoy! Matagal pa ba ‘yan?” tanong ni Dave na nakahawak na sa doorknob ng pinto. Sa kanilang anim siya lang ata ang hindi nanakit sa ‘kin sa araw na ‘to. “Magkikita kami ni Shantal ngayon.” Kaya naman pala, may lakad siya. Karelasyon niya ‘yung sexy at maganda naming P.E. teacher na si Mrs. Guerrero. Sa kanilang magkakaibigan si Dave ang pinaka-gwapo at babaero. Walang siyang pinipiling edad. Basta maganda, sexy at nakapalda, kapag natipuhan niya, gagawin niya ang lahat para makuha, kahit may asawa pa.
“Titikim ka na naman ng bawal. Ano bang nakita mo sa gurang na ‘yon?”
“Gago ka Jaz. Walong taon lang ang tanda niya sa ‘kin. Mas mukha pa nga siyang bata kesa do’n sa ex-girlfriend mong pa-virgin at palaging may dalang rosaryo pero laspag na pala at mahilig makipag-threesome.”
“Huwag mo na ngang ipaalala sa ‘kin ‘yon. Nag-iinit ‘yung ulo ko sa tuwing naalala ko ‘yung video scandal ng babaeng ‘yon!” Naalala ko, pinagpyestahan ‘yung video na ‘yon dito sa school. Dahil din sa scandal na ‘yon, kaya lumipad papuntang Amerika ‘yung ex-girlfriend ni Jaz na tinutukoy ni Dave.
“Ohh… Ahh… Harder! Faster! I’m coming! I’m coming!“ Nakangisi si Lemuel habang hawak ang cellphone na may nagpe-play na video.
“Tangina mo, nasa cellphone mo pa rin ‘yan?!” Akmang hahablutin ni Jaz ang cellphone ni Lemuel pero mabilis nitong itinago sa likuran upang hindi makuha.
“Lem, papasa. Na-delete ko ‘yung sa ‘kin,” sabi naman ni Lucio na nilalabas na ang cellphone mula sa bulsa ng pantalon. Mga gago talaga.
“Magsitigil na nga kayo!” saway ni Austin sa mga kaibigan bago ako balingan uli. “Hoy, ikaw. Hubarin mo ‘yang polo mo. Baka may makakita at isipin na may ginawa kaming masama sa ‘yo,” nakangisi niyang sabi. Lakas makagago. Ano bang tawag niya sa ginagawa nila sa ‘kin ngayon? Kabutihan?
“Tama na Austin. Bukas na lang uli. Papasukin n’yo na muna ‘ko sa trabaho. Hindi na ‘ko pwedeng ma-late.” Pagmamakaawa ko sa kanya. Ilang beses na akong na-late sa trabaho at baka sisantehin na ako ng boss ko.
“Ha? Ano ‘yon?” Nilagay pa niya sa tenga niya ang isang kamay. “Wala akong narinig.” Tumingin siya sa mga kaibigan niya. “Kayo mga ‘tol? May narinig kayo?”
“Wala,” sabay-sabay nilang sagot na ang ilan sa kanila ay pailing-iling pa habang nakangisi sa ’kin.
“Parang-awa n’yo na.”
“Koko, ikaw magtanggal ng polo niyan. Ikaw ang tumadyak na nagmarka eh,” utos ni Austin. Mabilis na hinablot ni Koko ang polo ko mula sa kuwelyo sa likod pababa hanggang sa gitna ng likuran ko. Sa lakas ng pagkakahila niya parang mapupunit ang braso ko sa pagkakadugtong sa balikat ko.
“Ako na. Parang pati braso ko matatanggal mo.”
“Sumasagot ka pa!” Isang malakas na batok sa likuran ng ulo ko ang ibinigay ni Koko sa ‘kin. Sa laki at bigat ng palad niya, nahilo ako kaya napailing ako at napapikit-pikit ng mga mata.
“Bilis. Ang tagal. Kanina pa nagte-text sa ‘kin si Shantal.” Reklamo ni Dave na naglakad na palapit sa ‘kin. Kahit nahihilo pa, hinubad ko ‘yung polo ko at nang aalisin ko na sa huling braso ko’y bigla na lang itong hinila ni Dave kaya natangay ako at napasubsob muli sa sahig. Narinig ko pa ang pagkapunit ng polo ko. Mukhang may susulsihan na naman ako. “Kahit kailan ang lampa mo talaga. Tumayo ka nga d’yan.” Hinila niya ang suot kong t-shirt at halos masakal ako sa neckline na dumidiin sa leeg ko kaya kusa na akong napatayo. Maubo-ubo akong tumayo habang hawak ang leeg ko. Konti na lang mapapatay na ‘ko ng mga ‘to.
Inakbayan ako ni Austin at sinabay niya ako sa paglalakad. “Paglabas natin, tahimik ka lang ha? Yumuko ka lang habang naglalakad. Huwag mong iaangat ang mga mata mo, huwag kang mag-iingay at mas lalong huwag kang hihingi ng tulong. Alam namin ‘kung saan ka nakatira. Isang posporo lang, sunog ang lumang paupahan ni Mang Gary. Ayaw mo naman sigurong may madamay na iba ‘no?” banta niya sa ‘kin.
Isa pa ‘yan sa dahilan kung bakit tinitiis ko ang p*******t nila. Mas gusto kong ako na lang ang masaktan huwag lang may madamay na iba. Ang dami pa naman naming nakatira sa bahay ni Mang Gary na mahigit 30 years na atang nakatayo. Gawa ito sa kahoy at may ilang parte na inanay na pero nananatili pa ring matatag. Dalawang palapag ito na may limang kwarto. ‘Yung apat na kwarto ang pinapaupahan nila. Apat na tenants sa bawat kwarto. Kung itutuloy nina Austin ang pagbabanta nila sa ‘kin, 17 na buhay ang madadamay, kasama na rito sina Mang Gary at ang asawang niyang si Manang Digna. Ang paupahang bahay lang ang pinagkakakitaan ng mag-asawa kaya hindi ako makakapayag na mawala ito sa kanila dahil lang sa mga katulad nina Austin na hindi alam ang halaga ng pera dahil mga pinanganak na mayayaman.
Tulad ng sabi niya yumuko lang ako at tahimik na naglakad kung saan man niya ako akayin. Dahil kabisado ko na itong school parang alam ko na kung saan nila ako balak dalhin at mukhang tama nga ang iniisip ko nang makita ko ang maputik na puting tiles na sahig at nanampal na amoy ng banyo. Sa fourth floor ito ng school at dahil hapon na wala nang masyadong estudyante sa lugar na ‘to. Malaya silang gawin kahit na anong gustuhin nila.
Malakas akong itinulak ni Austin papasok at dahil basa ang sahig nadulas ako at napadapa. Mabuti na lang at naiangat ko ang mukha ko, kung hindi, nakipaghalikan na ‘ko sa maduming sahig. May ilang estudyante sa loob na mabilis na nagsilabas sa takot siguro na madamay.
“Baste, pumalag ka naman kahit konti. Nakakabagot ka naman.” Nakadapa pa ‘ko sa sahig at hindi ko kita ang nagsalita pero alam kong si Lucio ‘yon.
Narinig kong nag-ring ‘yung phone ni Dave. Alam kong cellphone niya ‘yon dahil kabisado ko na ‘yung ringtone niya na palagi kong naririnig sa tuwing tumatawag ‘yung mga girlfriends niya. Kahit nagkaklase nga kami maya’t maya kung mag-ring ‘yon. “Babe? Oo, papunta na ‘ko. Miss na miss na kita. Wait for me. Okay?” Dahan-dahan akong tumayo habang nandidiri sa sarili ko. Basa at madumi ‘yung buong harapan ko. “Austin, alis na ‘ko. Bawi ako sa inyo next time. Nagagalit na si Shantal sa ‘kin.”
“Si Shantal ang galit o ‘yang junior mo ang hindi na makapaghintay na magalit?” tanong ni Lemuel.
“Pareho.” Nagtawanan silang anim. “Sige na. Alis na ‘ko.” Lumabas si Dave at isinarado ang pintuan. Salamat kay Mrs. Guerrero at nabawasan sila ng isa. Pero kahit lima na lang sila, hindi ko pa rin sila kaya. Siguradong bugbog-sarado pa rin ako.