KABANATA 1
“Okay class, see you on Monday. Have a great weekend,” paalam ng professor namin na si Mrs. Divina. Siya ang pinaka-matandang guro dito sa school na pinapasukan ko at siya rin ang pinaka-paborito ko dahil hindi siya nakakaantok magturo at palagi niyang naisisingit sa gitna ng pagkaklase niya ang mga kwentong kababalaghan sa naranasan niya noon sa kanilang probinsya noong bata pa siya. Hindi ko alam kung totoo bang nangyari ang mga iyon o kathang-isip lamang niya upang libangin kami. Kung ano man ang katotohanan sa mga kwento niya ay hindi na mahalaga dahil naaaliw naman akong makinig sa kanya.
Masayang parte ng pag-aaral ang pakikinig sa turo ng mga guro ngunit kalbaryo naman ang dulot sa ‘kin sa tuwing natatapos ito. Kung hindi tuwing recess ay pagkatapos ng klase’y palagi akong nakakaranas ng pambu-bully ng mga kaklase ko, lalo na mula sa grupo nina Austin. Alam kong pag-iinitan na naman nila ako ngayon dahil natapakan ko kanina ‘yung bagong sapatos ni Austin.
Hindi pa nakakalabas ng silid namin si Mrs. Divina ay nagmamadali ko nang kinuha ang kulay itim at luma kong backpack na may mga tagpi na ng maliliit na piraso ng tela na pinagtyagaan kong sulsihan kahit hindi naman ako marunong manahi. Mabilis kong ipinasok ang lahat ng gamit ko sa loob nito. Sa pagmamadali, nahulog ko ang ballpen ko sa sahig kaya dali-dali akong yumuko upang pulutin ito.
Pagdampot ko sa ballpen ay siya namang pag-apak ni Austin sa kamay ko. Alam kong siya ang umapak sa ‘kin dahil nasa puting sapatos pa niya ang marka ng pagkakaapak ko kanina at siya lang naman ang tanging kaklase ko na nagsusuot ng sneakers papasok ng school kahit na ipinagbabawal. Pero dahil mayaman ang pamilya niya at malaki ang donasyon na binibigay sa eskwelahan ay hindi siya sinisita ng mga guro at hinahayaan na lamang siya sa kahit ano pang gusto niyang suotin o gawin.
Hindi ako kumibo kahit nasasaktan ako, dahil kapag ginawa ko ‘yon ay alam kong mas lalo pang ipagdidiinan ni Austin ang swelas ng sapatos niya sa kamay ko. Gustong-gusto niya kasi na nagmamakaawa ako sa kanya na para bang nakasalalay sa kanya ang buhay ko.
Pinilit kong hilahin ang kamay ko mula sa pagkakaapak niya at saka ako tumayo.
“Mukhang tumitibay ka ah.” Binalya niya ang dibdib ko gamit ang palad niya. Napaurong ako at tumama ang likod ko sa isa ko pang kaklase na sa tingin ko’y si Koko dahil ramdam ko ang malapad at malaki niyang tiyan at dibdib na hindi muscle kundi bilbil. Amoy ko rin ang mayonnaise sa sandwich na kinain niya kanina. May pagkasalaula pa naman siyang kumain. Ang hilig niyang ipunas ang bibig niya sa kuwelyo ng polo niya kaya palagi itong may mantsa. Kung hindi siguro siya anak ng Dean ay baka hindi siya kakaibiganin nina Austin dahil siya sa mga lampa rito sa klase namin. Ang grupo pa naman nina Austin ay puro varsity players nitong school. Matatangkad at malalaki ang mga katawan nila na alam mong palaging laman ng gym. Matangkad at medyo matipuno rin naman ang pangangatawan ko, pero kapag pinagtulungan na nila ako, wala akong laban. Anim sila; mag-isa lang ako.
“Aalis na ‘ko. May trabaho pa ako.”
“Aalis ka lang kapag pumayag na ‘ko ‘tsaka may trabaho ka rin naman dito. Kailangan mo pa kaming aliwin bago ka umalis.”
“Austin, tigilan n’yo na nga si Baste,” sita ni Yumi sa kanila. Naramdaman ko ang pag-init ng mukha ko, hindi lang dahil sa may lihim akong pagtingin kay Yumi kundi dahil na rin sa hiya. Kalalaki kong tao, pero pinagtatanggol ako ng isang babae.
Napasulyap ako kay Yumi at kahit magkasalubong ang mga kilay niya habang nakatingin kay Austin, maganda pa rin siya. Kulay brown ang kanyang buhok na mahaba at palaging nakalugay. May kaunti siyang bangs na bahagyang tumatakip sa mga mata niya na kulay brown din. Ang mga pisngi at labi niya’y natural na mamula-mula. Hindi siya nagme-make-up at tanging pulbos lang ang nilalagay niya sa mukha niya. Nakadagdag din sa ganda niya ang mga perlas niyang hikaw na naikwento niya sa ‘kin noon na regalo raw ng nanay niya na namayapa na.
Nilingon ni Austin si Yumi. “Pumapatol din ako sa babae lalo na sa mga pakialamera. Pero hindi hirap ang ipapalasap ko sa ‘yo kundi sarap,” nakangising sabi ni Austin. Akma niyang hahaplusin sa pisngi si Yumi kaya mabilis kong hinila ang braso niya.
Tiningnan ako nang matalim ni Austin. Sinulyapan at nginitian ko naman si Yumi bago ko maramdaman ang kamao ni Austin sa sikmura ko. Sa katawan nila ako palaging tinitira at hindi sa mukha para walang kita na ebidensya ng p*******t nila sa ‘kin.
Nagsigawan ang ilang mga babae kong kaklase. “Tara na Yumi. Wala na tayong magagawa. Magsumbong na lang tayo sa teacher.” Narinig kong sabi ni Ana Marie na matalik na kaibigan ni Yumi. Mapait akong napangiti. Ginawa ko na ‘yon noon. Nagsumbong ako sa teacher pero wala naman silang ginawang aksyon kaya hindi na ako magtataka kung walang darating na teacher dito upang pigilan ang p*******t ni Austin sa akin.
Nang makalabas na lahat ng mga kaklase namin, isinarado ng mga kaibigan ni Austin ang dalawang pintuan. Ganito ang ginagawa nila para hindi marinig sa mga katabing classroom ang ginagawa nilang pambubugbog sa ‘kin. Wala nang susunod na klase na gagamit nitong classroom kaya walang makakaistorbo o makakakita sa gagawin nila sa akin.
Nakahiga na ako sa sahig at hindi ko alam kung ilang dulo ng sapatos na ba ang tumama sa akin. Panigurado mukha na namang basahan ang puting polo ko. Namimilipit na ako sa sakit ngunit panay pa rin ang sipa at tadyak nila sa ‘kin.
Sabi ko sa sarili ko, tatanggapin ko lahat huwag lang akong mabalian ng buto. Ayokong maospital dahil malaking gastos kapag nagkataon. Wala naman akong ipon dahil sapat lang ang kinikita ko sa karinderya na pinapasukan ko bilang dishwasher at waiter doon mula ala-singko ng hapon hanggang alas-dose ng madaling araw. Scholar ako kaya wala akong malaking binabayaran sa school, pero kailangan ko pa rin ng pera para pambayad ng upa at pambili ng mga pangangailangan ko sa pang-araw-araw.
Wala akong mga magulang. Hindi ko alam kung buhay pa sila dahil hindi ko naman sila nakilala. Sabi ni Sister Judith na madre sa bahay-ampunan na kinalakihan ko, isang maulan na gabi raw nang marinig nila ang iyak ko sa tarangkahan ng bahay-ampunan. Akala nga raw nila’y mamamatay ako dahil inapoy ako ng lagnat kinabukasan dahil sa pagkakababad ko sa tubig ulan. Pangalawang buhay ko na nga raw ito kaya kailangan kong pagkaingatan. Pero paano ko gagawin ‘yon kung may mga tao na katulad nina Austin na natutuwa kapag may nahihirapan at nasasaktan silang kapwa?
Mula edad anim na taon ilang bahay na ang tinuluyan ko at ilang pamilya na ang pinakisamahan ko. Umasa ako na isa sa kanila ay aampunin ako, ngunit hindi iyon nangyari. Nang maka-graduate ako ng high school sinabi ko kina Sister Judith na ayoko nang makitira sa ibang pamilya at tatayo na lamang ako sa sarili kong mga paa. Umalis ako sa poder nila at pinagsabay ko ang pagtratrabaho at pag-aaral. Sa tulong na rin ni Sister Judith nabigyan ako ng scholarship kaya libre akong nakakapag-aral at may kaunting allowance pa akong natatanggap dahil tatlong beses sa isang linggo ay nagdu-duty ako bilang student assistant.
“Tayo!” sigaw ni Austin sa akin habang nangangalit ang mga panga niya. Hindi naman gano’n kalaki ang nagawa kong kasalan pero ‘yung itsura niya akala mo’y may nasaktan akong mahal niya sa buhay.
Kahit hirap na hirap ako, pinilit kong tumayo. Napahawak pa ako sa sikmura ko na sigurado akong puro pasa na. Hinawakan ako sa kuwelyo ni Austin at hinila. Sumunod na lang ako kahit hindi ko alam kung saan nila ako dadalhin.