***ANASIA***
Ang luwag nang naging ngiti ni Anasia nang makita niyang ang pinsan niyang si Karen pala ang tumawag sa kanya. Ang daming laman ng cart nito kaya hindi agad nakalapit sa kanya. Hirap na hirap sa pagtulak.
"Mag-isa ka lang, Insan?" tanong niya nang napansin niyang mukhang mag-isa lang ito.
"Kasama ko si Alvin, Insan. Nandiyan lang tumitingin pa kung anong dapat bilhin para sa mga bata. Uuwi kami kasi bukas sa Mindoro," tugon ni Karen.
"Uuwi kayo?" Nakaramdam siya ng matinding inggit.
"Oo, pansamantala habang hindi pa nasusugpo ang virus na sinasabi nila. Natatakot kami para sa mga bata, eh. Baka totoong mag-lockdown ng matagal."
"Sabagay, tama lang na ilayo niyo ang mga bata. Nakakatakot," sang-ayon niya. Kahit siguro siya kung may anak sila ni Vernon ay ipipilit niya talagang umuwi sa probinsya. Mas delikado raw kasi sa mga bata, may sakit, buntis, at senior citizens ang Covid-19. Sila raw ang madaling hawaan ng virus dahil mahina ang immune system nila.
And speaking of anak, bumakas sa mukha niya ang matinding lungkot. Sana lang talaga ay mabuntis na siya. Iyon na lang ang alam niyang paraan para makuha niya ulit ang pagmamahal o amor ng kanyang asawa. Kulang sila ng anak kaya hindi sila masaya, kaya hindi sila naging masaya.
"Oh, nalungkot ka na riyan," untag sa kanya ni Karen. "Hindi ka ba uuwi?"
She faked her smile. "Alam mo naman ang asawa ko. Hindi niya basta-basta maiiwanan ang office niya."
Umismid ang pinsan. "Mas iisipin pa rin ba niya ‘yon kaysa sa safety niyo? Ang dami naman nilang tauhan.”
"Hayaan mo na. Para naman sa pamilya ang pagsasakripisyo niya," komento lang niya. Kahit ganoon si Vernon ay hindi niya sinisira sa kanyang pamilya at kamag-anak. Ipinagmamalaki pa rin niya ang kanyang asawa. Nga lang ay malakas talaga ang pakiramdam nila, lalo na si Karen. Kusa nilang naramdaman na may mali na sa pagsasama nilang mag-asawa.
Akmang kokontra pa rin sana ang pinsan mabuti na lamang at tinawag ito ni Alvin, ang asawa nito. Kumaway si Alvin sa kanya nang makita’t makilala siya.
"Doon muna ako, Insan," at paalam na sana ni Karen sa kanya pero dahil hinawakan nito ang braso niya ay napadaing siya.
Natigilan si Karen. Ibinalik ang tingin nito sa kanya. Naglipat-lipat ang tingin nito sa mukha niya at braso niya. "Ano 'yan?" saka kusot na ang mukha nito na tanong.
"W-wala, Insan." Nabahala siya. Madaming iling ang ginawa niya.
Ang kaso ay hindi niya napigilan si Karen nang sapilitan nitong inusisa ang braso niya na nakatago sa long sleeve na suot niyang polo blouse.
"Ano ba naman 'yan, Anasia? Ang laking pasa na naman niyan, ah? Ano na naman ang ginawa sa 'yo ng sadista mong asawa?" Nagalit na nga si Karen.
Napayuko lamang siya ng ulo. Hindi siya nakaisip agad ng idadahilan.
"Nakakaloka!" Uminit na talaga ang ulo ni Karen. Marahas na binitiwan nito ang kanyang kamay. "Hanggang ngayon pa pala ay sinasaktan ka ni Vernon. Paano ka nakakatiis sa lalaking 'yon? Diyos ko!"
"Hayaan mo na. Kasalanan ko naman," nahihiyang aniya. Hindi na niyang magawang iangat ang ulo dahil alam niya may ibang mga mata na na nakatingin sa kanya dahil sa lakas ng boses ni Karen. Kiming ibinalik niya sa pagkakatago ang kanyang pasa ng kanyang polo blouse.
“Hon, ang boses mo,” saway naman ni Alvin sa asawa nang makalapit sa kanila.
"At kailan pa naging kasalanan ng babae ang hindi niya mabigyan ng anak ang lalaki? Nasa batas ba 'yon? Nakasulat ba sa Biblya?" ngunit patuloy sa pagtatalak si Karen. Hindi pinansin ang asawa nito.
Noong hindi pa nakikilala ni Anasia si Vernon ay magkasama sila ni Karen sa inuupahan nilang apartment kaya naman alam ng kanyang pinsan ang takbo ng kanyang buhay at love life noon pa. Kay Karen niya noon nasasabi ang mga daing niya sa buhay kaya sanay na ito na sermonan siya.
Cashier si Karen sa isang p*****t Center Business magpahanggang ngayon, habang siya naman ay sales associate sa isang Jewelry Shop noon. Nawala siya sa trabaho niyang iyon nang sumama siya kay Vernon at nagsama sila.
“Naturingang CEO ng malaking kompanya, bobo naman sa kanyang pamilya! Kung totoo siya na gusto niya ng anak, eh, ‘di ubusan niya ang pera niya! Ipagamot ka sa ibang bansa!” patuloy ni Karen.
Nakagat lang ni Anasia ang pang-ibabang labi niya. Sa sandaling iyon ay alam niya na kahit anong sasabihin o idadahilan niya ay hindi na paniniwalaan ni Karen.
"Ang mabuti pa sumama ka na sa amin pauwi ng Mindoro bukas. Layasan mo na ang Vernon na iyon. Ang kapal ng mukha niya na saktan ka porke mayaman siya at ikaw hindi? Hindi tama iyon!"
Napangiwi na talaga si Anasia. Naiiyak na naman siya sa sobrang hiya. Kasama na sa hiyang nararamdaman ang kanyang katangahan. Kung puwede lang ay gusto niyang bumuka ang sahig at lamunin siya.
"Hindi na uso ngayon ang martir, Insan, kaya pag-uwi mo mamaya ay mag-impake ka na. Sasama ka sa amin sa pag-uwi. Dadaanan ka namin bukas sa bahay niyo. Bukas ng maaga tayo babyahe dahil papasok pa si Alvin. May aasikasuhin lang siya sa opisina nila mamaya."
"Insan, alam mong hindi ko magagawa na iwanan si Vernon," madali niyang pagtanggi kasabay nang pag-angat ng ulo.
Pinamaywangan siya ni Karen. "At bakit?! Dahil takot ka sa kanya? Baka siya ang matakot sa akin kapag ipapa-Tulfo ko siya!"
"Hindi ako takot para sa sarili ko, takot ako para kina Nanay at Tatay. Baka kung ano ang gawin sa kanila ni Vernon kapag umalis ako. Matanda na sila, Insan."
“Subukan niya!" Nag-chin-up si Karen. “Baka siya pa ang pagtatagain ng tatay mo kapag nalaman nila na sinasaktan ka ng asawa mo. Alam mong daig pa si Andres Bonifacio ang tatay mo kapag galit. Hindi iyon matatakot kay Vernon. Sa 'yo lang matapang ang asawa mo kasi sobrang bait mo."
Napakamot siya sa pagitan ng mga kilay niya. Wala na siyang masabi. Kung sabagay may punto si Karen. Malamang ay hindi nga magagawa ni Vernon na saktan siya o ang kanyang pamilya kapag nasa Mindoro na siya. Baka nga pagkaapak na pagkaapak pa lang ni Vernon sa lupain ng Mindoro ay naka-ready na ang mga kamag-anak niya roon na ipagtanggol siya.
"Sasama kang umuwi, ha? Susunduin ka talaga namin bukas kaya maghanda ka. Samantalahin mo ang chance na ito. Kahit isang buwan o buong lockdown man lang ay makapagpahinga 'yang katawan mo sa bugbog at para na rin makapag-isip-isip ka," giit ni Karen sa gusto nitong mangyari.
"Pag-iisipan ko," napilitan na sabi niya para lang matapos na ang usapan. "Huwag mo muna sasabihin kina Nanay at Tatay at baka umasa sila."
"Huwag mo nang pag-isipan dahil siguradong hindi ka naman masusundan agad ni Vernon sa probinsya dahil nga magla-lockdown na. After ng lockdown mo na problemahin kung anuman 'yang ikinakabahala mo. Maawa ka naman sa sarili mo, Anasia."
Tumango siya, pero hindi dahil kumbinsido na siya, kundi dahil ayaw na niyang humaba pa ang usapan nilang magpinsan. Isa pa ay duda siyang maiiwanan niya ang kanyang asawa. Sa kabila ng lahat, mahal niya pa rin talaga si Vernon. Naisip niya rin na paano sila makakabuo ng anak kung magkakalayo silang mag-asawa?
“Sige, Anasia, una na kami,” paalam ni Alvin sa kanya nang maingganyo nitong umalis na sila ni Karen. Hinihintay na raw sila ng anak nila kaya kailangan na nilang magbayad para makauwi na sila.
“Susunduin ka namin. Mag-impake ka na mamaya,” huling sabi sa kanya ni Karen bago ito nagpahila nang tuluyan sa asawa.
Malungkot na ngiti ang itinugon niya sa pinsan. Nang wala na sila sa paningin niya ay mabilisang pamimili na ang ginawa niya upang makauwi na. Mas nagulo pa ang utak niya. Kung bakit ba kasi nagkita pa silang magpinsan, eh?
Pagdating niya sa bahay ay maingat na inilagay ni Anasia ang kanyang mga pinamili sa fridge. Naging abala siya sa ginagawa hanggang sa napatigil siya nang narinig niya ang balita. Sumilip agad siya sa sala, sa flat screen TV agad ang tingin niya. Binuksan niya agad pagkadating niya kanina. Hindi siya mahilig sa balita pero sa sandaling iyon gusto niyang makibalita agad sa latest na nangyayari sa bansa. Sa tuwing isang oras ay may breaking news ang malaking network na kanyang pinapanood gawa ng Covid-19. Alerto ang mga reporter sa pagsagap ng mga balita tungkol sa napipintong pandemic.
“Karamihan sa mga supermarket ay dinadagsa na ng madaming tao dahil sa pagpa-panic buying. Sa sandaling ito ay nagkakaubusan na ng ilang mga produkto, lalong-lalo na ang mga de-lata,” panimula ng reporter na si Joanna Son. May ipinakita sa TV na isang supermarket bago ulit ito nagsalita. May mga rack na ngang walang laman. “Ramdam na ang epekto sa napapabalitang magkakaroon ng lockdown ang buong Metro Manila at iba pang lugar dahil sa corona virus na mabilis na kumakalat sa bansa.”
Nabahala at naalala ni Anasia ang napag-usapan nila ng kanyang pinsan sa grocery. Muli siyang naguluhan. Ang totoo, kahit na may tumatanggi sa isip at puso niya na iwanan o takasan ang kanyang asawa ay may bahagi rin naman na sumasang-ayon sa nais ni Karen.
Sa ginawa sa kanya ni Vernon kagabi ay parang gusto na rin niya munang magpahinga sa pagpapahirap sa kanya nito. Sumusobra na rin si Vernon. Hindi na makatao ang ginagawa sa kanya.
“Pero nangako ka noon na kahit na anong mangyari ay pagtyatyagaan mo ang asawa mo. Huwag kang mawalan ng pag-asa na mababago mo ulit siya. Huwag mo siyang sukuan dahil ganyan ang mag-asawa, Anasia,” ngunit sa wari’y narinig niyang sinabi ng sarili niyang anyo.
Umiling si Anasia. Tama, hindi niya gagawin ang payo sa kanya ng kanyang pinsan. Hindi niya iiwanan ang kanyang asawa, lalo na ngayon at baka may pandemya. Mas ngayon siya kailangan ni Vernon bilang asawa. Ito na ang kanyang pagkakataon na ipakita kay Vernon kung gaano niya ito kamahal. Walang iwanan sa gitna ng pandemya.
“Payo ng gobyerno na huwag muna lumabas ng bahay kung hindi mahalaga ang dahilan para maiwasan ang Covid-19,” patuloy na pagre-report ni Joanna Son sa TV.
Tumalikod na si Anasia para ituloy ang kanyang ginagawa sa kusina. Nga lang ay muli siyang natigilan nang nakarinig naman siya ng ring ng cellphone. Tsinek niya muna ang kanyang cellphone sa kanyang bag na ginamit niya kanina na nagpunta sa grocery, pero anong kunot ng noo niya nang nakita niyang hindi naman cellphone niya ang nagri-ring.
Iniikot niya ang tingin para hanapin ang cellphone na patuloy sa pagtunog. Hanggang sa nakita niya iyon sa likod ng hindi naman masyado nila ginagamit na oven.
“May isa pang cellphone si Vernon?” naitanong niya sa kanyang sarili nang hawak na niya ang cellphone na hindi pamilyar sa kanya. Salubong ang kilay niya na kinilatis iyon. Napaigtad pa siya nang muli iyong nag-ring.
MY BABY CALLING ang nabasa niya sa screen ng cellphone. Pakiramdam niya ay parang biglang tumigil ang ikot ng mundo.