PART 1

1781 Words
***ANASIA*** Animo’y isang basang sisiw na nasa isang sulok ng kuwarto nilang mag-asawa si Anasia. Gulo-gulo ang kanyang buhok at kay higpit ng hawak niya sa puting kumot na nakabalabal sa kanyang hubo't hubad na katawan. Humihikbi siya, hindi niya mapigilan ang sama ng loob. "Ang ingay naman!" hanggang sa bulyaw na sa kanya ni Vernon. Hubo't hubad din ito na nakadapa sa kama dahil katatapos lang nilang magtalik na mag-asawa. Takot na itinakip ni Anasia ang dalawang palad sa bunganga niya. Ayaw na niyang mapagbuhatan ulit ng kamay. Sobra na ang natamasa niya sa araw na iyon na mga bugbog mula sa kanyang asawa. Naging ugat ang lahat na naman sa simpleng hindi niya agad pagkakaluto ng ulam. Kanina, naunang dumating si Vernon kaysa ang makapagluto siya kaya nasampal na naman siya nito. At inakala niyang tapos na ang kalbaryo niya sa araw na iyon dahil pagkatapos kumain ng kanyang asawa ay matutulog na raw agad, ngunit hindi pa pala dahil pagpasok niya sa kuwarto nila ay pinilit siya nitong makipagtalik. Ayaw niya sana dahil wala siyang gana at pagod siya. Nakiusap naman siya na bukas na lang, kaso ay kumulo agad ang dugo ni Vernon. Sinuntok siya sa sikmura nang pumalag siya, at nang wala na siyang laban ay kung anu-anong pambababoy ang ginawa sa kanya. Pakiramdam niya ay paulit-ulit siya nitong ginahasa. Diring-diri si Anasia sa kanyang sarili kahit na asawa niya naman ang gumalaw sa kanya. Pakiramdam niya kasi ay daig pa niya ang s*x slave. Gusto ni Vernon na kahit sa pagniniig nila ay sinasaktan siya. Noon pa man ay sadista na si Vernon sa kama. Mabibilang lang sa daliri niya na nagtalik silang mag-asawa na may romansa at may kalakip na pagmamahal. Madalas na puwersahan. Ang ikinasasama pa ng kanyang loob ay kahit konting bagay na mali niya ay sinasaktan na siya. Sa loob ng dalawang taong pagsasama nila ay hindi man lang niya maramdaman na asawa siya ng isang lalaking may mayamang angkan. Nakapag-asawa nga siya ng mayaman pero mistulang katulong lang naman siya sa buhay nito. Si Vernon de Mevius ay CEO o Chief Executive Officer ng MEVIUS Bank Group of Companies na pagmamay-ari ng pamilya nila. Kung gugustuhin nito ay puwede itong kumuha ng kahit benteng katulong para sa kanya, ngunit wala. Kahit man lang sana isa na makakasama niya sa napakalaki at napakagara nilang bahay ay hindi siya kinuhanan. Kung bakit ay hindi niya alam. Hindi naman sa nagrereklamo siya dahil gusto nga niya na paglingkuran ang kanyang asawa. Ipinangako nga niya noon sa kanyang sarili na lahat ng atensyon niya ay ibubuhos niya kay Vernon dahilan para kinalimutan niya ang kanyang mga pangarap sa buhay. Napapaisip lang talaga siya kung mahal ba talaga siya ng kanyang asawa. Ni hindi man lang kasi siya tinanong kung nahihirapan siya sa mga gawaing bahay. Hindi man lang siya pinilit na kailangan nila ng makakasama. “Stop pestering me, Anasia! Tumigil ka na r’yan sa kakaiyak kundi malilintikan ka na naman sa 'kin!” Kahit wala nang tunog ang iyak niya ay nairita pa rin si Vernon sa mga singhot niya. Lalong sobrang naawa si Anasia sa kanyang sarili. Lahat na lang ng ginagawa niya ay kasalanan para sa kanyang asawa. "'Nay, 'Tay," lihim niyang tawag sa mga magulang nang isubsob niya sa niyakap niyang mga tuhod ang kanyang mukha. Gusto na niyang magpasaklolo. Hindi na niya kaya ang ginagawa sa kanya ni Vernon. “Punyeta!” Bigla ay ipinalipad ni Vernon ang picture frame sa dako niya. Mabuti na lamang at hindi siya tinamaan. Nawarak ang salamin niyon sa lakas ng impact sa may dingding. Nangatal siya nang husto sa naramdamang takot. Hindi niya ma-imagine ang hitsura ng kanyang mukha kung natamaan. "Get out of here! Doon ka umiyak sa labas! Buwisit ka!" pagtataboy pa sa kanya ng asawa. Naging hudyat iyon sa kanya upang tumayo. Nangininig ang kanyang mga kamay na pinagdadampot ang mga damit niya sa sahig pagkatapos ay nagtatakbong nilisan ang kuwarto. Sa may sala, doon niya ipinagpatuloy ang paglabas ng sama ng loob niya sa asawa. Kung nauubos siguro ang luha ay naubos na ang mga luha niya sa mga sandaling iyon pa lamang. At sa isip-isip niya'y ano bang nagawa niyang kasalanan sa past life niya? Bakit ganito ang naging kapalaran niya? Karma ba ito o sumpa? Umiyak pa siya nang umiyak. Mag-uumaga na nang hindi niya namalayang hilahin siya ng antok. Subalit wala pa yatang isang oras ay nagising siya ulit dahil sa unan na inihampas sa kanyang mukha. Napabalikwas siya nang bangon at sumiksik sa sopa. "Huwag ka ngang feeling virgin! Akala mo naman may silbi ka pa! Baog ka naman!" panlalait sa kanya ni Vernon. Tumakas ulit ang mga luha sa mga mata ni Anasia habang nakatungo. Mas masakit pa sa pakiramdam niya ang isinumbat na iyon ng kanyang asawa. Tripleng sakit sa mga bugbog na natamo niya. Pinakamasakit iyon dahil bakit kailangan pang ipamukha ni Vernon sa kanya ang kakulangan niya bilang asawa? Hindi niya ginusto na hindi siya mabuntis-buntis. Sino bang babae ang may gusto na ganito sa sitwasyon niya? Siguradong wala! "Mag-grocery ka mamaya nang may pakinabang naman ako sa 'yo. Magluto ka ng ibang makakain. Nakakasawa na ang mga niluluto mo.” Pagkasabi niyon ng asawa ay tumalikod na. Umalis na ng bahay. Napatingala at napasinghap si Anasia. Pinuno niya ng hangin ang kanyang dibdib pagkuwa’y ibinuga rin. Ganito lagi ang umaga nila. Mabibilang sa kamay na hindi sila nag-aaway. Wala nang masasabing almusal dahil kung hindi nagmamadali si Vernon ay nagigising na lang siya na wala na ito sa kanyang tabi. Hindi niya alam kung bakit, pero minsan pumapasok sa kanyang isip na may babae si Vernon. Wala nga lang siyang magawa para patunayan iyon. Wala siyang kakayahan para kumuha ng ebidensya. Paano'y pati cellphone ng kanyang asawa ay hindi niya makalikot. Hindi lang dahil may password kundi dahil parang bawal niyang hawakan. Pati paghawak niya sa cellphone ng asawa ay may katumbas iyon na pananakit kapag natyempuhan siya. Takot din siyang magtanong ng kahit simpleng 'Saan ka galing?' dahil alam na niya ang kapalit niyon. Kung hindi sampal ay suntok at masasabihan pa siya na pakialamera. "Okay lang 'yan, Anasia. Balang araw makikita ulit ni Vernon ang halaga mo. Mamahalin ka niya ulit tulad ng dati. Magtiis ka na lang muna," pampalubag-loob niya na bulong sa kanyang sarili nang nagawa niyang tumahan. Pinunas ng dalawang palad niya ang mga luha niya at para gumaan ang dibdib niya ay ilang ulit siyang nag-inhale at nag-exhale. Mag-isa na lang ulit siya sa bahay nila kaya payapa na ulit ang kanyang kalooban. Nakaramdam na siya ng kapanatagan. Kabaliktaran ng mga nararamdaman ng mga katulad niyang mga misis na mas panatag kapag kapiling ang mga mister nila. Sa kanya iba, at hindi naman siguro siya masisisi. Sa totoo lang, minsan ipinagdadasal na nga niya na sana hindi na lang umuwi ang asawa niya. Ang sama niya, pero ganoon nga siguro kapag takot ka na sa isang tao, kahit na asawa mo pa ito. "Aw." Napangiwi siya nang sinubukan niyang tumayo. Masakit ang kanyang tiyan na sinuntok ni Vernon kagabi. Naninigas. Nanlumo rin siya nang napansin niyang may malaking pasa ang braso niya. Paano siya maggu-grocery nito? Hindi nagtagal ay nakaisip naman siya ng paraan. Pinatungan niya ang kanyang black top knit bodysuit ng long sleeve down button polo blouse. Sa paraan na iyon ay naitago niya ang kanyang pasa kaya komportable pa rin ang pakiramdam niya na lumabas ng bahay. Parang walang nangyari na karahasan at pang-aapi sa kanya ng sarili niyang asawa. "Sorry, Ma'am, pero out of stock pa rin po ang facemask at alcohol," sabi ng pharmacy assistant ng drugstore na una niyang tinungo bago mag-grocery. Alam ni Anasia na noong isang linggo pa nagkakaubusan ng facemask at alcohol dahil napabalita sa TV na may virus na kumakalat daw sa bansa. Mahahawaan daw ang isang tao sa pamamagitan ng droplets o laway kaya kailangang magsuot ng facemask at mag-alcohol. Nauna raw sa China ang virus hanggang sa kumalat sa mga iba't ibang bansa, at balitang meron na nga raw rin sa Pilipinas dahilan para mag-panic na ang mga tao. May naghu-hording na raw ng facemask at alcohol. Balita pa’y may mga nagpa-panic buying na rin ng mga groceries dahil sa napapabalitang baka mag-lockdown daw ang Metro Manila. “Ganoon ba,” nanlumong ani Anasia sa pharmacy assistant. Syempre, natatakot din siya kaya gusto na rin sana niyang mag-facemask. Kung bakit naman kasi nagsunod pa ang kinasadlakang problema ng Pilipinas ngayong taon. Noong January lang ay pumutok ang Taal Volcano kaya kinailangan ng mga tao ang facemask. Ngayon naman ay Coronavirus Disease o Covid-19 at kailangan ulit ng mga tao ng facemask. "Sige, ito na lang bibilhin ko.” Inilagay niya sa counter ang botelya ng vitamin. Napanood din niya kasi sa TV na maliban sa facemask at alcohol ay mabisa rin ang pag-inom ng Vitamin C para makaiwas sa virus. Sabi nga ng ibang tao sa mga social media ay palakasan na lang daw muna ng immune system dahil wala pang gamot o vaccine ang Covid-19 virus. "Thank you," pasalamat niya sa cashier nang iabot sa kanya ang kanyang pinamili at sukli. Pagkatapos sa drugstore ay diretso na si Anasia sa grocery, at nalula siya sa haba ng pila. Totoo ngang nagpa-panic buying na ang mga tao dahil sa napipintong lockdown daw. Mabuti na lamang at hindi siya napuruhan ni Vernon sa pananakit sa kanya kung hindi ay baka hindi niya sana kakayanin na mamili ng mga kakailanganin nila. Nabalita rin naman na hindi raw kailangang mag-alala dahil bukas naman ang mga essential na mga negosyo, tulad ng mga nagbebenta ng pagkain, groceries, at mga bangko. Nga lang sa mga nakikita niyang galaw ngayon ng mga tao ay natatakot na rin siya na magpakampante, lalo't hindi na alam kung ano ang totoong balita at fake news lamang. Totoo man o hindi ang sinasabi ng mga tao na magla-lockdown ay dapat makapamili pa rin siya ng mga kakailanganin nila sa bahay. Mahirap na. "Pasok na po, Ma'am," sabi ng lady guard nang puwede na silang pumasok na mga nakapila. Isa-isa silang kinuhanan ng temperature gamit ang thermal scanner gun. Hindi na nila pinapapasok ang mga nilalagnat, iyong may mga 38 degrees Celsius na body temperature. Isa raw kasi sa mga sintomas ng Covid-19 ay ang mataas na lagnat. Pasalamat ulit ni Anasia at sanay na ang katawan niya na mabugbog. Hindi na niya inilalagnat. Noong una kasi kapag sinasaktan siya ni Vernon ay halos hindi siya makabangon sa sakit sa katawan na napupunta sa trangkaso. "Oy, Anasia, nandito ka rin pala." Seryoso na siyang namimili nang tinawag siya ng pamilyar na boses.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD