PART 6

1997 Words
***ANASIA*** “Tss,” ang lumabas sa bibig ni Anasia kasabay nang pagtirik ng kanyang mga mata. Nang sumilip kasi siya sa bintana ng taxi na kanyang kinasasakyan ay hindi daanan ang kanyang nakita kundi likuran ng ibang sasakyan. Ang mukha niya’y parang nakakain ng mapaklang pagkain ang hitsura. Kaya pala parang naka-park na sila kasi ang haba pala ng traffic. Hindi na maabot ng tingin ang dulo. Kailan kaya siya makakauwi nito? Nakakaloka. Laylay ang balikat na ibinalik niya ang likod sa pagkakasandal. Wala siyang choice kundi ang maghintay kung gagalaw pa ba ang taxi. Malayo pa sila sa kanilang apartment kaya hindi siya puwedeng bumaba at maglakad na lang. “Kuya, pakigising na lang ako kapag malapit na tayo,” aniya sa driver nang ipinasya niyang iidlip na lang kaysa mangunsomisyon. Hindi kataka-taka ang pangyayari dahil halos araw-araw naman na may traffic. Mas magtataka siguro siya kapag walang traffic sa loob ng isang linggo. “Sige po, Ma’am. Siguro may banggaan na naman sa may tulay,” tugon ng driver. Sinilip siya sa may rearview mirror. Tipid na ngiti ang kanyang itinugon. Kung sa ibang pagkakataon siguro ay naiinis na siya, lalo na kapag nagmamadali siya. Minsan nga ay natatarayan niya ang mga driver na kanyang ikinagi-guilty naman kapag humupa na ang kanyang inis sa trapiko. Wala naman kasalanan ang mga driver. Alangang paliparin nila ang sasakyan makalusot lang. Kasabay ng buntong-hininga ay ang paghalukipkip niya at pagpikit ng kanyang mga mata. Ipinusisyon niya ang kanyang sarili sa pag-idlip. Nang umundar ang taxi kahit paano ay papunta na siya pagkakatulog ang kaso ay kumadyot ang taxi. “Pasensya, Ma’am. May motor kasing biglang sumingit. Kung hindi nakapagpreno ay nasagi na sana,” nahihiyang eksplenasyon ng driver. “Ayos lang po,” mabait niyang sabi at itinuon na lamang ang tingin sa may labas ng bintana. Nawala ang kanyang antok. Nasa may bandang tulay na pala sila. Napakunot-noo na lang si Anasia nang may makita siyang lalaki sa may tabi ng tulay. Lalaki na pamilyar sa kanya lalo na ang tindig kahit na ilang beses pa lang niya itong nakita. At iyon ay noong isang araw doon sa shop. “Sir Vernon?” takhang sambit niya sa pangalan ng lalaki. Nagtaka siya dahil anong ginagawa nito sa may tulay? Luh! Naku po! At nabahala na siya nang may hindi magandang pumasok sa kanyang isipan. “Kuya, para. Dito na lang po ako,” natarantang sabi niya sa driver ng taxi kasabay nang pagkuha niya sa wallet niya sa kanyang shoulder bag. Dumukot siya ng dalawang daang piso at ibinayad. Sobra iyon sa nakalagay sa metro pero hindi na siya nag-abala na kunin ang sukli. Nagmadali na siyang lumabas. “Ma’am, sukil niyo po,” tawag sa kanya ng driver. Narinig niya iyon pero nagbingi-bingihan siya. Hindi mahalaga ang sukli para sa kanya sa sandaling iyon, ang mahalaga ay mailigtas niya ang kanyang naging customer. “Nang iyong crush,” pagtatama ng boses sa likod ng kanyang isipan. Hindi niya lang din pinansin. Mas itinuon niya ang pansin kay Vernon at baka bigla itong tumalon. “S-sir, ayos lang po kayo?” alanganing papansin niya nang makalapit na siya nang husto. Naghintay siya na lilingain siya pero hindi nangyari. Ni hindi nga yata kumurap. Nakatanaw ito sa kawalan habang nakapamulsa ang dalawang kamay sa magkabilang bulsa ng pantalon nito. Napakagat-labi si Anasia. Luminga-linga muna siya sa paligid. Hindi niya alam kung anong gagawin para maagaw niya ang pansin nito. At nakita niya ang magara at mamahaling sasakyan sa may di-kalayuan na nakaparada. Nakailaw pa ang headlight. Kotse malamang ni Vernon. Kamay sa batok, ibinalik niya ang tingin kay Vernon. Lakas-loob ulit na kinausap. “Sir, ako po si Anasia Rosero. Ang binilhan niyo ng singsing sa jewelry shop sa may Uptown Mall. At hindi naman po sa nakikialam ako pero makikialam na rin ako. May problema po ba? Ano pong ginagawa n'yo rito sa may tulay?” Parang tanga pero namula ang pisngi niya nang sa wakas ay ibinaling na ni Vernon ang tingin sa kanya. Nakagat din niya ang loob ng labi niya. Napaka guwapo naman kasi talaga! Shem! Pinilit niyang ngumiti nang parang kinikilala siya ng lalaki. Pinag-blink-blink niya rin ang kanyang mata. Hindi sa nagpapabebe siya kundi para matuon na talaga ang pansin nito sa kanya at hindi sa iniisip na masamang gagawin. “Sir?” untag niya rito dahil parang hindi na lang siya kinikilala. Tingin niya ay hinuhubaran na ang kanyang mga damit sa imahinasyon nito which is papayag naman siya kung tutuhanin nito. Char lang. “Yeah, how can I forget you? Eh, ikaw yung malas na sales associate sa Lux Fine Jewelry,” nga lang ay parang sampal na tinig na ni Vernon. Literal na nalaglag ang panga ni Anasia sa narinig. Napanganga siya. Ano raw? Malas siya? Paanong malas? Ang dami niyang tanong pero hindi niya maibigkas. Nanatiling nakatitig siya sa nagsalita. Guwapo na sana kaso mapanakit, besh! Minulagatan at nginisian siya ni Vernon. Ngisi na nagpapatingkad sa katotohanan na sinadyang tawagin siyang malas. “Pasalamat ka type kita kung hindi ako na nagtulak sa ’yo para matigok ka na,” bulong ni Anasia sabay iwas ng tingin. “Pfft!” tunog ng hanging lumabas sa mga bibig niya. Humahaba-haba ang kanyang nguso. “May sinasabi ka?” medyo may babala na tanong ni Vernon. Bossy na bossy ang tinig. Kay bilis na nagbago ang timpla ng mukha ni Anasia nang ibalik niya ang tingin dito. “Ah, eh... ano kasi, Sir... Um... ang sabi ko po ay kay lamig dito. Hindi ba kayo giniginaw?” “And why do you care?” Gusto sana niyang sagutin na dahil crush niya ito kaya ayaw niya pa itong mamatay kung tama ang hinala niyang may balak itong masama. Pero syempre hindi puwede kaya nganga. Muli siyang nagmukhang tanga. “Umalis ka na,” pagkuwa’y pagpapalayas na sa kanya ni Vernon at muling tumanaw sa kawalan. Gabi na kaya ang ganda ng San Juan River. Animo’y alitaptap ang mga ilaw ng mga bahay sa kabilang gilid nito at mga gusali sa di-kalayuan. Ngunit kaysa sundin ito ay humaba lamang ang kanyang nguso. As if naman kaya niya itong iwanan sa ganoong sitwasyon. Malay niya ba kung tama siya ng iniisip na gagawin nito. Malalim ang ilog sa kanyang pagkakaalam, delikado. Wait, hindi kaya nag-alala siya sa wala? Hindi kaya nawiwili lang ang lalaki sa pagtanaw sa mga ilaw ng mga establisyemento sa kabilang bahagi ng ilog kasi nga ang ganda kapag gabi? Tumango-tango siya habang nakalabi. Pwede nga naman. “Did you hear me?” mayamaya ay suplado na naman sa kanya ni Vernon nang lingain siya. May kumislap sa gilid ng mga mata nito at malamang gawa ng inis sa kanya. “Sorry, Sir, pero hindi ko po magagawang umalis na—“ paliwanag niya sana. “Hindi mo ba alam na ikaw ang naging malas ko?” ngunit singit ni Vernon. “Po?” Nagulantang siya. Nang ilabas ni Vernon ang isang kamay sa bulsa ay may hawak iyon; ang velvet box na kinalalagyan ng singsing na binili sa kanya noong isang araw. Nawewendang siya na pinaglipat-lipat ang tingin sa kulay gray na box at sa guwapong mukha ni Ver— “Heh! Tinawag na nga akong malas, guwapo pa rin? Hindi na!” pamumutol niya sa isip-isip niya. Kumilos si Vernon. Nanlilisik ang mga matang hinarap na talaga siya. “You told me when I bought the ring that no woman would refuse my proposal. So, why did Deanna reject me? Umamin ka, binula mo lang ba ako para mabentahan mo ako, tama ba?” Bumuka ang kanyang bibig, gusto niyang magpaliwanag, pero walang salita na gustong lumabas sa kanyang bibig. Hay, ngayon pa talaga nagkahiyaan ang bibig niya at dila niya. Ngayon pa talaga ayaw magsalita. Dati naman ang daldal niya. Naman, oh! Animo’y gusto na siyang lamunin ng buhay ni Vernon nang humakbang ito upang mas maglapit sila. Nilabanan niya ang takot. Hindi siya humakbang upang umatras. Ipinikit niya lang nang sobrang higpit ang kanyang mga mata. Hitsura ng taong hinihintay na lang na sakmalin ng halimaw ang kanyang ulo. “Hindi kita mapapatawad sa pambibilog mo sa ulo ko,” madiing sabi na naman ni Vernon. Napausal na talaga siya ng ‘Diyos ko Lord’. Kasalanan na pala ngayon ang mag-sales talk? Hindi yata siya na-inform? Ganoon naman talagam eh. Paano sila makakabenta kung hindi sila magaling mag-sales talk. Isa pa ay sinagot lang naman niya ang tanong nito noon na kung sasagutin na ba siya ng nobya nito. Masakit nga sa puso niya noong sinabi niyang ‘Oo naman, Sir’ kasi nga crush niya ito. Alang-alang lang sa benta kaya nag-echoss siya. Isa pa'y kung katulad niya ang bibigyan ni Vernon ng singsing ay baka hindi pa siya nagtatanong ay sinagot na niya ng YES. Maliban sa ang guwapo ng nagpo-propose ay ang mahal pa ng singsing. “Ang lakas ng loob mo! Do you not know who I am? I'm Vernon de Mevius! I can even buy you if I desire.,” malapit na sa kanyang mukha na sabi ni Vernon. “Lasing ka po?” aniya nang pabilgang imulat niya ang mga mata. Iyon na, naamoy na niya na amoy chiko ang lalaki. Kaya naman pala. “I’m not drunk!” ngunit ay bulyaw nito sa kanya. “Sir!” Kung hindi niya naibaling ang kanyang ulo at itinulak ito sa dibdib ay sure si Anasia na nagdikit ang kanilang mga labi. Ang nakapagtataka ay biglang nagtatawa si Vernon. Umayos ito ng tayo at parang naging baliw na. Napakagat labi na lang siya habang pinapanood ito. Nayayabangan siya pero kasabay niyon ay naaawa rin siya. Wasak ang puso nito kaya normal lang siguro ang kinikilos nito at pinagsasabi… kahit mesheket! “Damn you, Deanna! I swear, you will regret that you rejected my proposal!” saglit ay kay lakas na sigaw ni Vernon. Animo’y nandoon sa may abot-tinging bahagi ng ilog ang Deanna na minumura nito. “Sir, huwag!” Naalarma lang si Anasia nang akmang itatapon ni Vernon ang hawak na box. Tumigil sa ere ang kamay ni Vernon. Natigilan. Pagkuwa’y pabiglang tumingin sa kanya. “Sayang po, Sir. Milyon po ang halaga niyan, eh. Huwag mo pong itapon,” paliwanag niya kung bakit niya pinigilan ito. Maang na napatitig sa kanya si Vernon. Pagkuwan ay nagpakawala ng pabuga na natawa ito kasabay nang pagbaba nito ng kamay. Pinaikot-ikot sa kamay ang box. Tila may pinag-iisipan. “Sir, kung ano man ang problema niyo ni Miss Deanna ay naniniwala akong maaayos niyo po. Huwag niyong itapon ang singsing kasi sigurado na kapag handa na siya ay YES na ang isasagot niya po sa proposal niyo. Itago niyo na lang po muna habang—“ “Oh, sa 'yo na,” ngunit ay pamumutol na naman ni Vernon sa kanyang sinasabi. Iniabot nito sa kanya ang box ng mamahaling singsing na parang tag-piso lang na candy Ang lakas ng naging “Po?” niya. “Kunin mo. Sa ‘yo na lang,” seryoso ang mukhang panlilinaw ni Vernon. Umiling naman siya. “Ayoko, Sir.” “Kukunin mo o pupunta ako kina Kabhy at Eyrna at sasabihin ko sa kanya na ini-scam mo ako para lang makabenta ka?” Wala na siyang masabi. Kilala pala nito ang kanyang amo. Naging letrang O na lamang ang kanyang mga bibig. At nang wala pa rin siyang kilos ay kinuha ni Vernon ang kamay niya at inilagay roon ang box. “Good night,” saka parang wala lang na sabi. Kay bilis na nagbago ang mood. Iglap ay parang nawala na ang alak sa katawan nito. “Sir!” tawag niya rito nang namalayan na lamang niya na patungo na ito sa sasakyan nito. Iniwan na siya, kasama ang singsing. “Sir! Ang singsing mo po!” Habol niya pa rin sa mamayang lalaki pero kay bilis na pinasibad na ni Vernon ang sasakyan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD