Gustong mailing ni Rafael sa mga naririnig mula sa dalagita. Walang pag-aalinlangan sa mga salita ni Rada. Kung kausapin siya ay animo karaniwan na lamang sa pagitan nila ang ganitong uri ng pakikipag-salitaan. Lihim na lamang siya na napabuga ng hangin. Lumaking marangya si Rada ika nga sa kasabihan may ginintuang kutsara ito sa bibig. Spoiled brat nga ang taguri rito ng nakararami. Kaya naman ay sanay na sanay itong nakukuha ang bawat maibigan. Palibhasa ay laging napagbibigyan. Subalit kung ang lahat ng bagay ay nakukuha ng dalagita ng ganoon lamang kadali ay hindi sa pagkakataong ito. Hindi ang uri niya ang basta-basta na lamang napapahinuhod o nahihikayat dahil lamang sa isang kapritso. Lalo na kung ang usapin ay patungkol sa mga bagay na wala siyang ka inte- interes.