Who is he anyway?
Muling pinasadahan ng tingin ni Rada ang lalaki.
Siya lang naman ang piping saksi saiyong kahangalan. Pangungunsensya ng isipan niya. Napangiwi ang dalagita. Bigla ay nahiya sa kanyang naging asal. Maaari ngang mag-isip ang lalaki ng hindi kaaya-aya sapagkat nasaksihan nito ang kanyang ginawang kalokohan. Labag sa regulasyon ng akademya ang kanyang ginawa. Mabigat na parusa ang kakaharapin niya pag nagkataon. Paano na lamang kung magsumbong ito.
Paano nga kung ipaabot ng lalaki sa pamunuan ng akademya ang nalalaman. Anong mukha ang ihaharap niya sa mga magulang ni Clark kapag umabot sa kaalaman ng mga ito ang pinaggagagawa niyang kalokohan ngayong hapon? Siguradong ipapatawag ang kanyang mga magulang at malamang ay magpuputok ang butse ng ama. Pag nagkataon ay grounded na naman siya at hindi siyempre nito palalabasin ng mansion. Kalma Rada, hindi ka naman sigurado kung nakamasid nga ito kanina. Hindi nga ba at nasa likod ito ng halamanan? Tama, paano nga kung wala naman itong nalalalaman. Masyado niyang pinag-aalala ang sarili.
Muli niyang binistahan ang lalaki.Tahimik pa rin ito at mukhang wala namang balak na patulan siya. Katunayan ay parang wala itong narinig o sadyang ayaw lang siyang bigyan pansin. Na kakatwa dahil walang lalaki na hindi pumapansin sa kanya. Hindi ba siya nito nakikilala? Siya si Rada Buenavista, ang unica hija ng isa sa pinakamayamang pamilya sa bayan ng San Isidro. Well, mukha ngang walang muwang ang lalaki sa existence niya sa mundo. Ewan pero gustong uminit ng ulo niya sa pambabalewala nito. Huminga siya ng malalim. Wala pa ring pagkilos mula sa kausap kaya't nagkasya na lamang siyang panoorin ito na tila palabas sa sine.
Malinis ang batok at may kalaparan ang balikat kahit na medyo manipis ang katawan pansin niya. Dumako ang mata niya sa mga paa nito. Malinis ang pudpod na kuko. Mukhang malinis sa katawan ang lalaki. Napangiti siya ng hindi niya namamalayan. Eksakto namang tiningala sya nito. Kaya't huling-huli ng lalaki ang pag-angat ng magkabilang sulok ng kanyang bibig. Agad niyang binura ang ngiti at pilit na pomormal. Tila siya dagang nahuli nitong nang-uumit ng keso. Sa hindi malamang dahilan ay kung bakit bigla syang nataranta sa mga titig nito. Napalunok siya ng kung ilang beses habang unti-unting naging tensiyonado. Kumunot ang noo ng lalaki lumarawan sa mukha nito ang pagtataka. Agad na binawi ni Rada ang tingin rito. Alam niyang pinamumulahan na siya ng mukha.
"Kung ang inaalala mo ay ang aking nasaksihan kanina ay wala kang dapat na ipag-alala hindi ako tsismosong tao."
Agad na ibinalik ni Rada ang nanlalaking mga mata sa sa lalaki. Kung gayon ay siya ang mali sa pag-aakala. Mayroon nga itong alam, at nakita nito ang ginawa niyang paninigarilyo kanina. Pero gusto niyang mangiti sa huling sinabi nito.
Tumayo ang lalaki at pinapagpag ang mga dumikit na dumi sa suot nitong kupasing pantalon. Hinugot nito ang morning towel sa likod na bulsa. Nagsimulang pinunasan ang mukha, leeg at pagkatapos ay ang mga braso at kamay. Muli na naman siyang naging estatwa na nagpatuloy lamang sa pagmamasid. Talo pa niya ang nabudol at na-hipnotismo. Nang bigla siyang hinarap ng lalaki.
"May problema ba?" kunot ang noo na tanong nito.
Jusmiyo! ano't natatameme ka Rada? Ni minsan ay hindi ka nawalan ng boses sa harap ng kung sinuman. Ano't tila na ba-blangko ka ngayon?
Tila yata nalunok mo ang iyong dila at nawalan ka ng mga salita.Ang yabang mo kanina hindi ba? Kastigo niya sa sarili.
"Ahm, sa... salamat," sa wakas ay usal niya.
"Para saan?" baliktanong ng kaharap sa napaka-kaswal na tono.
"Na hindi ka magsusumbong," atubiling sagot niya.
Saglit na nawalan ng kibo ang lalaki maya-maya ay marahang tumango. Muli nitong isinuksok ang towel sa likod ng pantalon. Binalingan ang kartilya, inabot ang hawakan at naghanda na sa pag-alis. Bigla naman naalarma ang dalagita.
"Sa...sandali" agap niya na hindi malaman kung ano ang sasabihin.
Hindi maaaring hindi niya makilala ang estranghero. Mabilis siyang humarang sa daraanan nito. Tuluyan namang nagsalubong ang makakapal na kilay ng lalaki.
"Paano ako makasisiguro na hindi ka nga magsusumbong? " diretsa niyang wika.
" Tila ay may pag-aalinlangan ka sa aking mga salita binibini."
"Hi... hindi naman sa ganun gusto ko lamang makasiguro na tutupad ka sa usapan---"
"Usapan? Walang pag-uusap sa pagitan nating dalawa binibini. Hindi ko lang gawain ang makialam sa mga bagay na wala namang kinalaman sa aking trabaho."
"Na...naniniguro lang ako." aniya sa kawalan ng masabi. Oh God, eh ano naman kung makarating sa daddy niya? As if she cares. Isa pa tiwala naman sya na wala nga itong pagsasabihan. Hindi niya alam basta ramdam niya na nagsasabi ng totoo ang hindi pa nakikilalang lalaki. Ginawa nya lang talagang alibay ang kunwa'y pag-aalinlangan upang mapahaba ang usapan at ng sa ganoon ay makilala niya ito.
" Hindi matuwid na gawain na katuwaan ang kahihiyan at kasiraan ng iba. Subalit ay hindi rin ako sumasang-ayon na pagtakpan ang mali mong gawa. Gayunpaman katulad nang nauna ko ng salita mananatiling tikom ang aking mga labi pagka't sa ngayon iyon ang sa tingin ko'y tama. Kaya't ipanatag mo ang iyong loob at huwag nang mabahala pa binibining Buenavista ." ang makahulugan at ma-integridad na pahayag ng lalaki.
"K... kilala mo ako?" tanong ni Rada na nauwi sa pamimilog ang mga mata.
“Walang hindi nakakakilala sainyo senyorita. Halos ay bukambibig kayo ng mga tao sa paligid kanina.” matapat nitong sagot.
Napalunok si Rada, hindi pa man ay tila nahuhulaan na niya ang ibig tukuyin nito. Nauwi tuloy sa pamumula ang kanyang mukha.
"No, it's not what you think---"
"Uulitin ko hindi mo obligasyon magpaliwanag sa akin." putol ng lalaki. Tinanaw nito ang paligid bago bumaling ulit sa kanya.
"Palatag na ang dilim at hindi ligtas sa isang katulad mo ang mapag-isa sa lugar na ito mag-iingat ka senyorita hanggang sa muli." Pagkasabi niyon ay nagsimula na itong humakban paalis habang tulak ang kartilya.
Si Rada ay naiwang napipilan. Sa pagbanggit ng lalaki sa pangalan niya ay kumpirmadong kilala nga siya nito.
Nakaramdam siya ng di mawaring panghihinayang. Ni hindi man lang niya nakuha ang pangalan nito.
Tahimik na hinabol na lamang niya ito ng tanaw habang papalayo.
Nakaramdam siya ng di maipaliwanag na kasiyahan at kagalakan. Iba ang hatid ng estranghero mabilis nitong napawi ang pagmamarakulyo niya.
Nagsimula siyang humakbang ng maalala si Mang Kanor ang kanyang sundo. Nag-aalala na marahil ang matandang drayber at wala pa siya sa main gate. May ngiti sa labi na nagpatuloy na siya sa paglalakad.
Ipinangako niya sa sariling magkikita silang muli ng naturang lalaki.
Hindi maaaaring hindi niya makilala ang mailap at itinuturing niyang interesanteng nilalang.