Chapter 7

2439 Words
SANDALI kong sinilip ang malapad na hallway na papunta sa Audio/Video Room kung saan nagkaklase si Sir Grant. Alumpihit pa ako sa pagpunta dahil hindi pa ako nagawi sa building na ito mula nang magsimula ang klase. Nasa tabi ako ng hagdan. May hawak akong notebook na ipinatong ko sa makapal na balustre at nagkunwaring nagbabasa. Ilang minuto pa ang lumipas at sa wakas ay nakita kong bumukas ang pinto ng AVR. Maya-maya pa ay isa-isa na ngang nagsilabasan ang mga estudyante. Isinarado ko na ang notebook at saka ipinasok sa aking bag. Hindi pa rin ako umalis sa kinatatayuan ko. Nakatingin ako sa hallway kung saan nagkalat ang mga estudyante pero, maya-maya lang naman ay nahawi na sila at grupo-grupong nagsialisan sa harap ng AVR. May tatlong kababaihang naiwan. Nakutuban ko ang pakay nila. Nang lumabas nga sa silid si Sir Grant ay hindi na ako nagtaka nang harangin siya ng mga ito. Nakadama ako ng inis. Ang lalawak ng ngiti ng mga babae. Nagulat ako nang biglang nag-angat ng tingin si Sir Grant sa aking direksiyon. Nakita niya ako kaya napaiwas agad ako ng tingin. Napabuga ako ng hangin. Sumandal ako sa balustre at pinanood si Sir Grant. Panakanaka kong inaalis ang tingin sa direksyon niya dahil baka mamaya ay may nakakapansin na pala sa akin at mahalatang naghihintay ako sa propesor. May dalawang minuto pa ang itinayo ko roon bago ko nakitang sabay-sabay na kumaway ang mga babae sa propesor. Gumanti ng tango si Sir Grant sa mga ito bago uling itinaas ang tingin sa gawi ko. Dumaan sa harapan ko ang tatlong babae. Hindi nakaligtas sa pandinig ko ang mga usapan nila. “Ang gwapo talaga niya, girls! Nakaka-inspire makinig ng lecture kapag si Prof Grant ang nagsasalita sa unahan.” “Correct! Hindi nga ako halos kumukurap kanina!” “Ako rin! Ang sarap titigan ni Prof! Ang pula ng lips, kapag siya ang hahalik sa akin, hindi ako tututol.” Gumulong ang mga mata ko. Nakaismid kong ibinaling ang tingin kay Sir Grant. Nakita kong kinuha niya ang cellphone sa bulsa at waring may tiningnan doon. Luminga ako sa paligid. Gusto kong lapitan na siya kaya lang ay may mga estudyante pa sa hallway na nag-uusap-usap. Siguradong hindi rin naman niya ako lalapitan dahil baka may makapansin pa sa amin. Maya-maya ay nag-angat siya ng mukha at tumingin sa aking gawi. Hindi na ako mapakali sa kinatatayuan ko. Napakamot ako sa noo at bumaling sa grupo ng estudyante. Napatuwid ako ng tayo nang makita kong magkakasunod silang umalis at ngayon ay bumababa na ng hagdan. Nilingon ko si Sir Grant. Nakatingin pa rin siya sa akin. Sumenyas siya gamit ang kaniyang ulo, tumalikod at saka naglakad patungo sa dulo ng hallway. Napalunok ako. Tumingin muna ako sa paligid at saka sinundan si Sir Grant. Nawala siya bigla sa paningin ko. Inisa-isa kong sinilip ang mga nadaanan kong silid. May mga tao sa loob. Kabado akong nagpatuloy sa paglalakad hanggang sa makarating sa dulo. Huminto ako nang makita ang daan patungo sa fire exit. Baka doon nagpunta ang propesor. Lumingon muna ako sa hallway. May dalawang tao akong natanaw na nag-uusap habang naglalakd sa direksiyon ko pero, mukhang wala naman silang pakialam sa mundo. Lumiko na ako at lumakad sa papuntang fire exit. Binuksan ko ang pinto noon. Nadatnan ko si Sir Grant na nakatayo, halatang may inaabangan. Hinila na niya ako papasok at siya rin ang nagsarado ng pinto ng fire exit. Kakaibang dagundong ang nadama ko sa aking dibdib nang bigla akong yakapin ni Sir Grant. Natulala ako nang ilang segundo. Hindi ko napigilang isipin na sabik siyang makita ako ngayon gayong kahapon lang ay magkasama kami sa kaniyang bahay. Napangiti ako. Kusang umakyat ang mga braso ko at pumaikot sa balikat niya. Isinubsob ko ang aking mukha sa mabangong dibdib ni Sir Grant. “Napasugod ka? Ako ba ang sinadya mo?” tanong ng propesor sa malambing nitong boses. Kinintalan niya ako ng halik sa buhok at sa leeg. Pumikit ako at in-enjoy ang mainit na katawan niyang nakabalot sa akin. “Oo. Kanina pa nga kita hinihintay, e...” Ewan ko pero, parang ang lambing ding pakinggan ng boses ko. Nakakahawa ba 'yon? Humigpit lalo ang yakap ni Sir Grant sa akin. Parang may isang bahagi ko ang natibag dahil doon. Hindi ko alam kung ano. Nahihirapan akong tukuyin. Pinakawalan niya ako maya-maya. Sinapo ng dalawang palad niya ang aking mga pisngi at saka ako siniil ng halik. Ramdam ko ang pananabik niya. At doon ko na-realize na ako man ay sabik din sa mga halik ni Sir Grant. Ilang segundo kaming naghalikan bago ako ang unang tumiwalag. Nasalubong ko ang titig niya. Kagaya ng dati, buong mukha ko ang sinusuyod ng tingin ni Sir Grant. Dati, hindi man lang ako nakakadama ng pagkailang. Pero ngayon, parang gusto kong ma-insecure kapag pinagmamasdan niya. Paano kung ikikumpara niya ako sa ibang mga babae na kakilala niya? Paano kung matanto niyang mas magaganda ang mga iyon kesa sa akin? “May isang oras pa akong klase. Hintayin mo na lang ako sa cafeteria. Dadaan ako roon.” Sa sinabi niya ay naalala ko bigla ang pakay ko. “A-ah, ganito kasi… m-may... group study kami sa bahay ng isa kong kaklase. Kaya kita sinadya ay dahil magpapaalam ako na huwag muna tayong magpunta sa bahay mo mamaya pagkatapos ng mga klase natin?” Nagusot ang noo niya. Pinagmasdan niya ako na tila may mali sa sinabi ko. Nahalata ba niya na nag-iimbento lang ako ng kwento? “Anong oras ang group study na ‘yan?” “Alas tres,” sagot ko dahil iyon ang usapan namin ni Francis na magkikita. At sa relo sa bisig ko, ilang minuto na lang ay alas tres na. “Bale… alas tres pala kami magkikita.” “Magkikita? Dalawa lang kayo?” nakataas ang mga kilay na tanong niya. Napaawang ang bibig ko. “M-magkikita-kita pala.” Sinundan ko iyon ng alanganing ngiti. “Magtatagal ba kayo? Saan ang bahay ng kaklaseng sinasabi mo? Susunduin kita.” Nagpanic ako sa alok ni Sir Grant. “Hindi na! Okay lang, Sir Grant! Hmm… m-maaabala ka lang. Baka matagalan kami kasi malapit na ang midterm exam, alam mo na…” Sandali pa niya akong pinagmasdan damit ang seryosong mukha niya. Hinawakan niya ako sa pisngi at pagkatapos ay sa aking baba. Itinaas niya ang baba ko at saka yumuko upang halikan ako. Niyakap niya ulit ako pagkatapos. Pumikit ako at ninamnam ang mainit na katawan niya. Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko. Para bang ang hirap-hirap bumitiw ngayon sa yakap ni Sir Grant. Siya na ang unang kumalas at inilayo ako nang bahagya. Sinalubong ko ang tingin niya. “Paano ko malalaman kung nakauwi ka sa inyo nang maayos?” Maliit akong ngumiti. “Hindi mo rin naman alam kung umuuwi ako nang maayos kapag umaalis ako sa bahay mo. Okay lang ‘yon. Hindi ako magpapaabot ng gabi.” “Are you sure?” “Sigurado ako." "Mag-iingat ka sa daan." "Oo. Sanay ako sa kalye. Paano? Bukas na lang?” Naiinis akong isipin na ang tagal pa ng bukas. Ilang oras pa ang palilipasin ko bago iyon. Kung hindi lang importante ang lakad ko ay maghihintay ako at sasama ulit kay Sir Grant sa bahay niya. "Sure. I'll see you tomorrow. May utang ka sa'kin, ha!" Ngumiti ako. Isang mahigpit na yakap at ilang segundo nang mainit na halikan pa ang pinagsaluhan namin bago niya ako tuluyang pinakawalan. "Mauna kang lumabas. Susunod na ako." Tumango ako. Ramdam ko ang pagkislap ng aking mga mata. "I-ingat ka rin... m-mamaya...sa pagmamaneho." Ngumiti siya sabay pisil sa baba ko. "I will. Thank you." ----------------------------------------------------------------------------------------------------- Hindi nagtagal ang pakikipag-usap namin sa tinutukoy ni Francis na entrepreneur na si Mr. Paulo Domingo. Ito ang may-ari ng Siomai Lab - ang sumisikat na kainan na ang pangunahing menu ay masarap na siomai. Minsan akong nakakain noon nang samahan ko si Nicole na bumili ng panregalo nito sa mall. Inilibre ako nito. Kapansin-pansin na mahaba ang pila sa maliit na stall ng siomai. Ipinaliwanag ni Mr. Domingo sa amin ang proseso ng pagbili ng franchise. Akala ko noong una, one hundred fifty thousand pesos lang ay makakapagbukas na ng isang stall ng Siomai Lab. Para sa mismong franchise lang pala ‘yon dahil gagastos pa rin para sa magiging pwesto, sa mga certificates at kung ano-ano pang dokumento na dapat lakarin. Kung sa mall kukuha ng pwesto, aabutin daw ng two hundred fifty ang magagastos sa isang franchise ng Siomai Lab. Interesado ako. Unang-una, safe na investment iyon sa tingin ko. Pangalawa, malakas sa tao ang mga produkto ng kainan. Wala akong lugi roon sigurado. Sabi nga ni Mr. Domingo, ang ibang bumili ng franchise sa kaniya, wala pang isang taon ay nabawi na ang puhunan. Nanggigil na akong sunggaban ang pagkakataon. Pero ang problema ay kulang pa ng fifty thousand pesos ang pera ko. Gusto ko kasi na sa mall na kumuha ng pwesto para mas maiseguro ko ang dagsa ng bumibili. Kinabukasan sa school ay laman pa rin ng isip ko ang tungkol sa meeting namin kay Mr. Domingo. Nagulantang tuloy ako nang bigla akong tawagin ng matandang babaeng prof na kasalukuyang nagtuturo sa aming klase. Napatayo ako at kabadong tumingin dito. “Y-Yes, Miss Kalaw?” Ngumisi ang propesora. Sa background ay dinig ko ang hagikhikan ng grupo ni Desiree. Kaklase ko sila sa subject na iyon. “Halatang hindi ka nakikinig, Miss Macaraeg! Saang bahagi ng eskwelahan naroon ang isip mo at hindi mo narinig man lang ang tanong ko?” Hindi ako nakasagot. Mabuti na lang medyo matibay talaga ang mukha ko. Kahit napapahiya ako ay hindi ko iyon iniinda. Sa hindi ko narinig, ano pang magagawa ko? “Sorry po…” ang tanging nasabi ko pagkatapos nang mahabang sandali. Nagtawanan sina Desiree. Hindi ko na lang sila nilingon. Napailing si Miss Kalaw. Nang tumalikod siya upang magpatuloy ay naupo na lang ulit ako at sinikap na ituon ang aking isip sa kaniyang itinuturo. Sa parking lot ako naghintay kay Sir Grant. Iyon kasi ang ibinulong niya sa akin kanina nang daanan niya ako sa locker area. Ilang minuto pa ay nakita kong parating na ang propesor. Nagkalindol na naman sa dibdib ko. Naka-sunglasses si Sir Grant at nakatingin sa gawi ko habang naglalakad. Nakita ko siyang ngumiti. At halos malusaw ang puso ko sa kakaibang saya. Nakita kong sumakay na si Sir Grant sa kotse nito. Umalerto na ako at tumingin-tingin sa paligid. Bahagya nang nakabukas ang pinto ng front seat ng kotse. Patay-malisya akong naglakad patungo sa kinapaparadahan niya. Kunwari ay nagsalamin ako sa side mirror ng katabing kotse. Malinaw ang salamin noon kaya siguradong walang tao sa loob. Nakakatakot kung tinted gaya ng salamin ng kotse ni Sir Grant, hindi kita ang nasa loob. Ilang segundo pang pagmamatyag at nang matiyak kong walang nakatingin ay agad kong hinila ang pinto sa gilid ko saka dali-daling sumakay. Isinarado ko ang pinto. Naginhawaan ako sa lamig at bango ng kotse. “Hi.” Ngumiti lang ako nang batiin niya. Nag-alis siya ng sunglasses at isinabit sa leeg ng polo shirt. “Kanina ka pa? Anong oras ka pala nakauwi kahapon?” magkasunod na tanong niya. Pasimple akong nag-iwas ng tingin nang sumagot. “Maaga pa naman. Hindi kami nagtagal.” “Sa susunod ako na ang magrereview sa’yo para hindi mo na kailangang sumali sa group study.” Pasimple akong lumunok. Paano kaya kapag sinabi ko kay Sir Grant na balak ko nang tumigil sa pag-aaral? “What do you think? Ayaw mo bang maging tutor ako?” Maliit akong ngumiti. “O-okay lang…” simpleng sagot ko. Ang lakas ng kabog ng puso ko. Nate-tense akong hindi ko maintindihan. Halo-halo ang aking nararamdaman. Hindi ko maipaliwanag. Masaya akong kasama ko siya ngayon. Excited akong makasama siya sa mga susunod pang araw. Ewan ko ba, pero nalilimutan ko ang tungkol sa ‘gampanin’ ko sa kaniya. Hindi ko halos maalala ang set-up namin. Para bang hindi niya ako binayaran para kunin ang virginity ko. Iba ang ipinararamdam niya sa akin. “Sa bahay na ulit tayo? Anong gusto mong gawin?” Tumingin ako sa kaniya bago kinapa ang seatbelt upang isuot. Naguguluhan ako sa kaniya. Siya ang may gusto na ganito kami pero, madalas niya akong tanungin kung ano ang gusto kong gawin kapag nasa bahay niya. “Ikaw na ang bahala. Kahit ano… basta kasama kita.” Natigilan siya. Pagkatapos ay unti-unti siyang ngumiti. Itinaas niya ang kamay niya at hinawakan ako sa mukha. Akala ko ay may sasabihin siya pero, tanging banayad na paghaplos sa pisngi ko ang tugon niya at maya-maya pa ay pinaandar na niya ang sasakyan. Nagluto siya pagdating sa bahay niya. Imbes na manood ng TV ay doon ako sa kusina naupo at si Sir Grant ang pinanood ko. Tahimik lang siya at halatang focus sa ginagawa. Nang mailagay na niya ang lahat ng sangkap sa kawali ay hinarap niya ako. “Gutom ka na?” Iling ang sagot ko. Pinagmasdan ko siya. Ngayon, sigurado na akong nanghihinayang ako na hindi ako pumayag na magkaroon kami ng secret relationship. Bagaman parang ganoon na nga rin ang sitwasyon namin dahil patago kaming magkita, iba pa rin kapag may usapan. Malabo kasi itong sa amin. Kliyente ko pa rin siya kung tutuusin. “May problema ba? Parang may gumugulo sa’yo?” kunot-noong tanong niya at hinawakan ako sa magkabilang kamay. Itinayo niya ako at matamang pinagmasdan. “What’s wrong? May gusto ka bang sabihin?” Napalunok ako. Marami. Ang dami-dami kong gustong sabihin. Una ay ang kakaibang pakiramdam na dulot niya sa akin. Pangalawa, gusto kong aminin sa kaniya ang tungkol sa perang kaniyang ibinayad. Gusto kong maging malinaw kay Sir Grant ang mga plano ko. Pero alam ko namang tututol siya kapag tungkol sa pagtigil sa school ang usapan. Professor kasi siya, siyempre. Huminga ako nang malalim at umiling. Hindi siya nangulit pero, hindi niya binitiwan ang pagtitig sa akin. Parang inaarok nang maigi ang sagot sa tanong niya. Ngumiti ako nang maayos para maipakitang wala namang problema talaga. Kinabig naman ako ni Sir Grant saka ikinulong sa mga braso niya. Pumulupot ang mga braso ko sa baywang niya. Pumikit ako. Pakiramdam ko, mabubuhay na ako sa yakap lang niya. Humugot ako ng hangin bago sumubsob sa katawan niya. Parang pinipiga ang dibdib ko sa aking naiisip. Hindi pwedeng ganito. Mali itong nararamdaman ko. Hindi rin ako pwedeng masanay dahil sa ayaw ko at sa gusto, darating ang panahon na tatapusin din ni Sir Grant ang kung anong mayroon kami ngayon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD