TUMAKBO AKO para lang maabutan si Heiro. Ang bilis niya maglakad at napapatanong na lang ako kung paano niya iyon nagagawa. Ah, yes. Perhaps I could blame his athletic and firm legs. Pero sa pagkakaalam ko, swimming is the only sport he's interested in. Baka sinubukan na rin niya ang iba─iyong may kinalaman sa foot work, hindi ko lang alam.
“Buti't naabutan kita.” Mabilis kong hinabol ang hininga ko habang nagpapatuloy pa rin sa paglalakad. Nasa tabi ko na siya at magkasabay na kaming dalawa. Hindi ko napigilang mapangiti.
Maingay ang mga estudyante na nasa corridor ng building namin. Halos nagsisigawan na sila kahit na magkaharap lang naman habang nag-uusap. Nakita ko ang pagtitig sa amin ng i-ilan. Dahil ba magkasabay kami ni Heiro habang naglalakad? Ano naman ang pakialam nila?
I sighed when I realize something. Wala silang pakialam sa akin, pero kay Heiro, meron.
Tumikhim ako at pasimple siyang nilingon sa tabi ko. His eyes were focused in front of us. Naglapat ang mga labi ko at tahimik na lang na nakisabay sa kanya. Ilang saglit ay napapansin ko na ang pagbilis niya sa paglalakad. Malaki ang mga hakbang niya at kailangan kong humakbang ng dalawang beses para lang masabayan iyon.
Nang hindi ko na nakayanan, hinawakan ko siya sa braso para matigil na siya sa paglalakad. Nilingon niya ako. Magtititigan na lang ba ulit kami?
“Hindi ko alam kung saan ako magsisimulang magpaliwanag,” pagsisimula ko. Pero hindi ko inaasahan na hahawakan niya ang kamay ko matapos sabihin ‘yon.
Hinila niya ako at napalunok nang nanuyo ang lalamunan ko. Nanlalaki ang mga mata ko at sigurado akong nakikita ‘yon ng lahat na nakatingin sa amin.
Malapad na rin ang ngiti ko. Kung pwede lang at hindi magtataka si Heiro, siguro napapahagikhik na ako kanina pa.
Is this finally the chance that I've been asking? Hahayaan niya na ba akong makapagpaliwanag at makapagsorry sa ginawa kong pambibintang noon?
Sinimulan ko nang ayusin ang pagkakasunod-sunod ng mga sasabihin ko mamaya. Mula sa pinakauna hanggang sa pinakahuli, pero alam ko na kapag nakatitig na ako sa mga mata niya, makakalimutan ko rin ang lahat nang pinaghandaan ko. Bahala na.
Sasabihin ko na lang ang mga dapat kong sabihin na hindi ko nasabi noon.
Unti-unting gumaan ang pakiramdam ko. Nang nakarating kami sa classroom, nakatingin sa amin ang lahat. Ngumiti lang ako pero itinatago ang inis. Ano na naman ba ang sasabihin nila tungkol sa akin ngayon?
Naghintay ako na makarinig ng mga puna nila mula sa makikitid nilang mga utak. Hindi ko nilalahat, pero may mga tao talagang gano'n.
Nang wala ni isang nagsalita, payapa akong nagbaba ng tingin mula sa kanila. Nilingon ko si Heiro. Ibinuka ko ang bibig para magsalita pero nakita ko ang pagbitiw niya sa kamay ko. Umupo siya sa upuan na nasa 'di kalayuan. Sumunod ako sa kanya at umupo sa bakanteng upuan sa kanyang tabi. Akala ko ba medyo okay na kami? Pero hindi pa rin siya nagsasalita.
Nakita namin ang pagpasok ng prof sa loob ng classroom. Mabilis akong umupo sa tabi ni Heiro. Natahimik na ang lahat at nagsimula na ang discussion.
Sa kalagitnaan ng pagdidiscuss sa isang topic, hindi ko na talaga napigilan ang sarili ko na 'wag kausapin si Heiro. Pasimple ko siyang nilingon at medyo pabulong na nagsalita.
“Heiro, kamusta ka na? Sina Tito at Tita? Pati na rin si Teiro? Narinig ko maganda raw ang performance at status ng shipping line niyo. I couldn't be more happy and─”
“Paano mo nagagawang umasta nang ganyan?”
Napalunok ako nang biglaan niya akong pinutol sa pagsasalita. “H-ha?” nauutal kong tanong.
Nakitang kong gumuhit ang talim sa titig niya. “You keep on bugging me like nothing happened. Paano mo nagagawang magpatay malisya lang, Aeyzha?”
“Patay malisya? Sa lahat ng mga nangyari?”
“Nagmamaang-maangan ka na rin ngayon?” Natawa siya. Peke. Hindi katulad ng tawa na naririnig ko noon mula sa kanya.
Natigilan ako. Napalunok, pero tinabunan na lang ang sakit na naramdaman sa pamamagitan nang pagtaas ng kilay.
Bumaling ako ng tingin sa harapan namin. Hindi na ako nagsalita.
Nakita ko sa gilid ng mga mata ko ang pagsandal niya sa kanyang upuan. Pinaglaruan niya ang kanyang ballpen. Bored na tumitig din sa harapan.
I couldn't recall since when did he became this cold and silent. Nang sinundan ko siya rito, ganito na siya. Siguro matapos ng ginawa ko, nagbago na ang lahat. And I wouldn't be able to nag about it. I guess, the only thing I could do is to deal with the change ─with the pain.
Mabilis na lumipas ang oras. Tumunog ang bell at bago pa siya mauna sa akin na tumayo mula sa pagkakaupo, hinarap ko na siya. Pinigilan sa balak niyang pag-alis.
“Totoong wala na akong pakialam sa asta mo sa akin, kahit na inis ka sa akin, lumalapit pa rin ako. Kahit na hindi mo ako pinapansin, pinipilit ko pa rin na mapansin mo.” Nilunok ko ang kaba, hiya at sakit na nararamdaman ko. Sinabi ko na agad ang gusto kong sabihin. “Totoong palagi akong nakabunto't sa'yo pero wala naman akong ginagawang masama. Gusto ko lang naman kasing magreach-out. Magsorry. Kasi pinapahalagahan ko ang pagkakaibigan natin. Gusto kong maibalik ‘yon sa dati."
Ngumiti siya. Gusto ko na sanang maniwala na totoo na ‘yon, pero kasing bilis nang paghampas ng alon sa dalampasigan ang pagkalusaw nito.
“Stop this nonsense, Aeyzha.” Parang may sariling talim na ata ang bawat salitang binibitiwan niya. Wala siyang hawak na kutsilyo pero bakit pakiramdaman ko, sinasaksak niya ako ngayon.
“Heiro─” Sinubukan kong magsalita ulit pero mas dumagdag lang iyon sa galit niya.
“Shut the f**k up, Benevente!” Napaatras ako. Humigpit ang pagkakahawak sa strap ng backpack na nakasabit sa magkabila kong balikat.
“Heiro. . .”
“Damn it.”
“I-I’m sorry.” Kinagat ko ang ibabang labi ko para hindi kumawala ang mga hikbi ko kasabay nang pagtulo ng mga luha ko. Naipikit ko ang mga mata ko. Hindi ko inakalang ganito na pala kalala ang mga bagay.
I heard him groan in frustration. Muli kong binuksan ang mga mata ko at nakitang nakatingala siya. Ang mga kamay ay nakahawak sa likod ng kanyang batok na tila hindi alam kung ano’ng dapat niyang gawin.
“Para saan pa ang mga paliwanag at pagso-sorry mo?” Sa wakas ay muli siyang nagsalita matapos ang ilang segundo. “How dare you accuse us? I'm your friend. You should have trusted me but you didn't. I guess you never did in the first place." Dumagdag ang mga iyon sa bawat salitang mariin niyang binibitiwan.
Unti-unti kong naramdaman ang pamumuo ng mga luha ko. Alam ko, alam kong hindi ako nagtiwala sa kanya.
“Hindi na ako nag-isip pa ng panahong ‘yon. I was too caught up─”
“Kung ano man ang ginagawa mo ngayon. . . tigilan mo na. Wala kang mapapala. Hinding-hindi kita pagbibigyan ng pansin. Hinding-hindi na ulit," sabi niya at mabilis na lumabas ng classroom.
Pero sa pagtalikod niya, nakita ko ang pamilyar na keychain na nakasabit sa zipper ng kanyang bag. Nakita at nabasa ko pa ang pangalan ko na nakacarve sa likurang parte ng keychain. Aviemorr.
Nasa kanya pa rin ‘yon. Hindi niya pa tinatatapon. Ibig sabihin, may pag-asa pa ako na isalba ang pagkakaibigan naming dalawa dahil hindi niya pa ‘yon tuluyang kinalimutan.
Mabilis kong kinapa ang keychain na nakasabit rin sa zipper ng bag ko. Nakacarve naman sa likuran nito ang second name niya. Artouis.
Napapikit ako at mabilis siyang hinabol. Hindi ako susuko. Kailangan naming makapag-usap. Kailangan niya akong patawarin.
Noon, nakikita at naririnig ko pa ang mga tawa niya. Pero ngayon, likod na lang niya ang nakikita ko at ang mga yabag na lang niya paalis ang mga naririnig ko.
We weren't childhood friends. Fifteen ako at Sixteen siya nang nagkakilala kami. Sino'ng mag-aakala na magiging malapit din kami kalaunan? Sa loob ng mga panahong ‘yon, hindi ko inakala na makakahanap ako ng tunay na kaibigan─at siya 'yon.
“Heiro!” tawag ko ulit. Sinundan ko siya kahit ilang hallway na ang dinaanan niya. Kahit hindi ko alam kung saan siya papunta. Nakaalis na kami sa building namin. Papunta na siya ngayon sa field. Binati siya ng mga kakilala niya at tumigil siya saglit para harapin ang mga ito. Nanatili ako sa kanyang likuran, naghihintay na lingunin niya ako.
“May nakasunod sa ‘yo 'bro, isa ba sa mga umaaligid? Ipakilala mo naman kami.”
Nagtagis ang mga ngipin ko dahil sa narinig na sinabi ng isa sa mga lalaking kaharap ni Heiro ngayon. Hindi ko narinig na nagsalita si Heiro. Tinitigan ko ang kanyang likod. Pagkatapos ay tiningnan ang mga lalaking kausap niya. Nagtaka ako nang nakita ang pagbabago ng expresyon nila sa mukha. Tiningnan nila ako saglit at umiling-iling bago sila nagpaalam na aalis na.
Hinawakan ko naman sa braso si Heiro para pigilan siyang maglakad ulit. “Alam kong may kasalanan ako sa ‘yo. I admit, Heiro. Alam ko na mali na pinagbintangan ko kayo. I was just so frustrated. Hindi ko matangga─”
“Porket hindi mo matanggap ang nangyari kaya mambibintang ka na lang ng iba para kahit papano, may masisisi ka?”
I hesitated for a moment. Maybe yes, maybe no. “That's not it.”
“Get lost," tipid niyang sabi sa akin. “I don't want to hear your sorry.”
Matapos sabihin ‘yon, naglakad na siya palayo sa akin. Sa 'di kalayuan ay naaninag ko si Braire at ang mga bagong kaibigan niya. Papunta na si Heiro palapit sa kanila.
Natulala ako matapos iyon. Kasabay nang pagkatulala ay ang pamimilipit ng puso ko. Ramdam ko rin ang pamumuo ng mga luha sa bawat sulok ng mga mata ko.
For the past months, palagi kong hinahangad na mapansin niya at makausap ko siya. At ngayong kinausap na niya ako ay parang nagsisisi na ako kung bakit sinubukan ko pang lumapit.
Sobrang sakit ng mga sinabi niya. Sobra-sobra na halos hindi na ako makahinga sa paninikip ng dibdib ko ngayon. Siguro nga at masakit iyong hindi mapansin ng ilang araw pero mas masakit ito. Pinansin ka nga, pero ipinamukha lang naman sa ‘yo kung gaano kawalang kwenta ang ngayo'y ginagawa mo para makahingi ng tawad sa kanya.
Naramdaman kong unti-unti nang tumulo ang mga luha ko.
Hindi ko na alam kong ano'ng dapat kong maramdaman. Sakit ba, pagsisisi, panghihinayang o kahihiyan.
Kaya ang tanging nagawa ko na lang ay umiyak.
For the nth time I was dumped by him, but I guess this is the most painful one.
Nagsimula akong maglakad paalis habang pinapahiran ang mga luha ko. Ang bigat-bigat ng nararamdaman ko. Nanlalabo ang mga mata ko pero sinubukan ko pa rin na maglakad.
Ganun ang ginawa ko nang biglaan akong matisod dahil sa hindi ko napansing malaking bato na nakaharang sa dinadaanan ko. Handa na sana akong maramdaman ang pagbagsak ko sa lupa pero hindi. Naramdaman ko ang dalawang kamay sa magkabila kong braso para alalayan ako.
Sunod kong narinig ang preskong boses ng isang lalaki. “Careful miss,” saad niya at nang tinitigan ko ang kanyang mukha, hindi ko alam kung magpapasalamat ako o mumurahin ko siya. Sa pangatlong beses ngayong araw, nakaharap ko ulit ang lalaking hindi ko naman kilala pero pamilyar na sa akin ang mukha.
“Ikaw,” saad ko. “Ang pumingot sa ilong ko kanina.”