Chapter 4 WYA

1883 Words
Jelaine's POV Matapos kong makipag-usap sa kaibigan kong si Lala ay lumabas muna ako sa aming quarter. Mas'yado pa namang maaga para matulog at isa pa gabi-gabi ay nakagawian ko na talagang tumambay sa dalampasigan. Pakiramdam ko kasi nare-relax ang braincells ko sa tuwing nakikita ko ang tahimik na karagatan. Pumwesto ako sa lugar na madalas kong tambayan, ang malaking bato na malapit sa gilid ng baybayin. Madalas ay si Lala ang kasama ko sa tuwing magpapalipas ng oras dito, ngunit ngayon ay mag-isa lang ako dahil napagod daw ito sa naging date kanina. Sana all. Piping usal ko sa sarili ko. Habang nagmumuni-muni ay hindi ko napigilang makaramdam ng lungkot dahil sa buhay na mayro'n ako. Pero dahil may Lolo't Lola akong umaasa sa akin kaya kailangan kong magpatuloy sa buhay. At isa pa masarap namang mabuhay talaga, lalo na siguro kung mararanasan kong makatagpo ng lalaking papasa sa standards ko. Naks standards talaga, kapal pess, Jelaine? Bakit ba, gusto kong makapag-asawa ng yummy eh iyong tipong gagawin akong prinsesa sa mala-palasyong bahay. Sino ba naman ang ayaw, hindi ba? Yummy na may datong pa. "Ilabas ang oteng matigas! Ano ba?!" gulat na gulat na bulalas ko nang biglang may tumapik sa balikat ko. "Gian, ano ba?!" inis na turan ko nang ito ang malingunan ko. Nag-init ang mukha ko nang makita ko ang pigil-pigil nitong ngiti dahil siguro sa isinigaw ko. Bunganga mo, Jelaine filter-filter din 'pag may time. Piping sikmat ko sa aking sarili. "Ma'syado ka namang magugulatin," may panunudyong sabi nito habang namimilyo ang mga mata. "Bakit ba kasi bigla ka na lang sumusulpot?" inis na sabi ko. "Kabute ka ba?" Tumawa lang naman ito. "Ilalabas ko na ba?" sa halip ay ngiting tanong nito. Labas na naman ang pantay-pantay na mga mapuputing ngipin nito. "A-Ang a-alin?" nauutal na tanong ko naman. "Iyong oten," may panunudyong sagot nito. Batid kong namula ang mukha ko sa tahasang panunudyo nito sa akin. Shit nakakahiya, bakit ba iyon ang nasabi ko. Piping sikmat ko sa sarili ko. "Ano ba kasing ginagawa mo rito?" sa halip ay tanong ko. Hindi ako kumportable na pag-usapan ang oten. Pigil ang tawang tinalikuran ko ito at saka muling bumalik ng upo sa malaking bato. Kahit nakatingin sa karagatan ay nararamdaman ko ang mga titig nito sa akin, pero nagkunwari akong walang pakialam. Kahit pa nga iyong puso ko ay tila nakikipagkarerahan sa sobrang lakas at bilis ng kabog. Kakakilala ko pa lang kay Gian, pero iba iyong epekto nito sa akin lalo na sa tuwing mapapalapit ito sa akin. Parang may kuryente na hindi ko maintindihan. "Bakit mag-isa ka ngayon?" Napalingon ako rito dahil sa tanong nitong iyon. "Ang ibig kong sabihin, bakit wala yata iyong babaeng kasama mo kagabi rito." Lalo yatang lumalim ang gatla sa noo ko sa sinabi nitong iyon. Bakit pakiramdam ko kilala niya ako? "Huwag kang matakot, hindi ako stalker mo, okay? Hindi ba nga sabi ko sa'yo isang linggo na ako rito, so nakita na kitang nakatambay dito kasama ang isang babae," paliwanag nito. Mukhang nakuha nito ang dahilan ng pagkunot ng noo ko. "Hindi ako stalker mo," muling sabi nito bago umupo sa tabi ko. Aksidente na namang dumikit ang braso nito sa braso ko dahilan para muli kong maramdaman iyong parang kuryente na iyon. Sobrang weird lang dahil nang una kaming magkita sa dalampasigan at yakapin ako nito ay naramdaman ko rin iyon. Kahit sa loob ng banyo habang gumagawa ng gripo. "Usod ng kaunti," sabi ko at bahagyang dumistansiya rito. "Takot ka ba sa akin? Akala ko ba sabi mo friends na tayo?" tila hinampong tanong nito. Namamangha naman akong lumingon dito at saka hinampas ang hita nito. "Anong kaartehan iyan, Gian?" "Hindi ako nag-iinarte, ano?" "Anong tawag mo riyan sa inaasal mo?" Nang lumingon ito sa akin ay nagtama ang aming mga mata dahilan para lalo akong mailang dito. Kakaiba kasi kung tumingin ang mga matang iyon, parang binabasa pati kaluluwa ko. "Nagpapa-cute ako." "Sira! Hindi uobra sa akin iyan, ano?" "Dahil mayaman ang gusto mo at hindi tubero." Hindi ko maintindihan pero parang may lungkot ang boses nito habang sinasabi iyon. Nag-iwas ako ng tingin dito at muling tumanaw sa dagat. Hindi na rin naman ito nagsalita kaya't namayani ang katahimikan sa pagitan namin. "Mayaman talaga ang gusto mo?" pagkuwa'y tanong nito makalipas ang ilang sandaling pananahimik. "Sino ba ang may ayaw?" "Ako." "Ha?" "Ako, ayaw ko ng mayaman ang mapangasawa ko." Nagkibit-balikat lang naman ako sa sinabi nito. "Hindi mo ako tatanungin kung bakit ayaw ko?" Muli akong lumingon rito. Muling nagtama ang mga mata namin, ilang sandali kaming nakatingin lang sa isa't-isa hanggang sa ako na ang kusang sumuko. Nagbaba ako ng tingin at saka pumulot ng maliit na bato at inihagis sa dagat. "Ayaw mo bang malaman kung bakit ayaw ko sa mayaman?" tanong nito. "Bakit nga ba?" hindi tumitinging tanong ko rito. "Dahil naniniwala akong hindi pera ang tunay na nagpapaligaya sa isang tao." "So, anong gusto mong sabihin na mukha akong pera, ganon ba?" "No! Siyempre hindi." "Ows, talaga ba?" "Don't get me wron--" kusa itong natigilan sa dapat ay pag-i-English nito. "Anong natapos mo?" tanong ko. "Ha?" "Nag-aral ka ba? Kasi kung pagbabasehan ko ang pagsasalita mo mukhang sanay na sanay kang mag-English eh." Napansin kong parang natigilan ito at naging mailap ang mga mata. Ang suwabe kasi nito kapag nagsasalita parang sanay na sanay lang. Hindi trying hard na kagaya ko kapag may guest na Foreigner. "Hoy! Ano na, bakit natahimik ka na riyan?" Nang wala akong nakuhang sagot ay tiningnan ko ito at nakita kong nakatingin pala ito sa akin. Ayon na naman ang kabog ng dibdib ko. "G-Gian.." "Kung sakali na yumaman ako, magugustuhan mo ba ako?" titig na titig ito sa akin habang sinasabi iyon. "H-Ha, ahm ano kasi, kuwan gabi na papasok na ako sa loob," sabi ko at saka tumayo na. Hahakbang pa lang sana ako nang hilahin nito ang kamay ko dahilan para mapatigil ako sa tangkang pag-alis. "G-Gian.." "Dito ka muna, please? Gusto pa kitang makakuwentuhan eh," mababakas ang pakiusap sa tinig nito. Naramdaman kong pinisil nito ang palad kong hawak nito. Mas lumakas ang kuryenteng nararamdaman ko sa pagkakadaiti ng kamay namin. "Samahan mo muna ako rito, sasamahan kitang makahanap ng matabang isda," anito sabay kindat. Tila napapasong hinila ko ang kamay ko mula sa kamay nito. "Please?" "Oo na! Basta huwag kang dikit nang dikit, ha?" Tumawa naman ito sa sinabi ko bago dumistansiya ng kaunti. "Okay na?" "Hmm." Muling namayani ang katahimikan sa pagitan namin, pakiramdam ko tinatantiya ako nito at maging ako ay gano'n din dito. "Matagal ka ng nangangarap makapag-asawa ng mayaman?" Basag nito sa katahimikan. "Bata pa lang ako," pag-amin ko rito. "Lumaki ako sa mahirap na pamilya, Lolo at Lola ang nakasama kong nagka-isip at hanggang magdalaga na ako. Nakita ko kung paano naghirap sina Lolo at Lola para maigapang ang pag-aaral ko. Hindi ako nakapagtapos ng college kaya alam kong hindi ako yayaman sa pagiging tagalinis ko sa Hotel and Resort na ito. Gusto ko ring sumubok sa ibang bansa kaso natatakot ako, baka hindi ako suwertehin sa amo kagaya ng iba. Kaya para matupad ang pangarap kong yumaman para sa Lolo at Lola ko, nangangarap na lang akong makasilo ng mayamang turista, ganern!" Hindi naman ito umimik bagkus ay nakatingin lang ito sa akin. "Ms'yado bang mataas iyong pangarap ko para sa kagaya ko?" Wala pa rin itong imik. "Hoy! Gian, ano na? Nakikinig ka ba sa akin?" sabi ko kasabay ng hampas sa hita nito. Wrong move dahil nakita kong gumalaw ang mga ugat sa panga nito. Tila napapasong binawi ko ang kamay ko na nakapatong sa hita nito. "Jelaine.." "Hmm.." "Maliban sa makapag-asawa ng mayaman, ano pa ang pangarap mo?" "Ako?" tanong ko habang nakaturo sa akin ang hintuturo ko. Tumango naman ito kaya't nagpatuloy ako. "Pangarap kong maikasal sa lalaking mamahalin ko siyempre, at gusto ko sa beach kami ikasal. Iyong tipong puro puti ang mga bulaklak para kunwari dyosa ako, ganern!" "Paano kung ma-in love ka sa isang mahirap na kagaya natin tapos may mayamang lalaki na gusto kang pakasalan, sino ang pipiliin mo?" Mangha akong napatingin dito dahil sa tanong na iyon. Paano nga iyon, ano? Pinilig ko ang ulo ko para alisin ang bagay na iyon. Hindi puwedeng masira ang pangarap ko kaya nga sinisiguro kong hindi ako ma-i-in love sa hindi mayaman para hindi maging kumplikado ang lahat. "Jelaine," untag nito nang hindi ako sumagot. "Hindi ako darating sa puntong kailangan kong mamili kasi hindi ko hahayaan na mahulog sa iba," diretsang sabi ko. Bahagya naman itong tumawa. "Hindi mo hawak ang tadhana, Jelaine, kasi ang love parang aksidente iyan hindi mo alam kung kailan darating," makahulugang sabi nito. "Tama ka, pero kung mag-iingat ka hindi ka maaaksidente." "Desidido ka talagang huwag ma-in love sa hindi mayaman, ha?" "Yes, kasing desidido na gusto kong bigyan ng magandang buhay ang mga taong pinagkakautangan ko ng lahat-lahat." "Delikado na pala ang puso ko ngayon pa lang," pabulong na sabi nito pero sapat na para makaabot sa pandinig ko. "Ano?" kunwari ay hindi ko narinig. "Sabi ko, ang ganda mo, sana tumama ako sa Lotto para puwede na akong sumugal sa'yo." Pabulong na naman iyon, nag-ala bubuyog ito. Pabulong-bulong pa rinig ko rin naman. "Tara na nga sa loob, gabi na rin kailangan ko na ring magpahinga dahil sasabak na naman ako sa tunay na laban ng buhay," sabi ko at saka tumayo na. "Jelaine?" "Babush, good night, Gian." Tumayo na rin ito. "Ihahatid na kita sa tulugan mo," presinta nito. Umiling naman ako. "Huwag na, maghanap ka muna riyan ng Serena." "Pero gusto kitang ihatid." "Huwag na, anim na buwan na ako rito kabisado ko na ang daan, hindi ako maliligaw," patuloy na tanggi ko. Parang batang napakamot naman ito sa sentido nito. "Takot ka lang yata na makita nilang kasama ako eh." "Sira! Bakit naman ako matatakot? Ang guwapo mo kay--" Kusa akong natigilan dahil sa papuring kusang lumabas sa bibig ko. Natutop ko ang sarili kong bibig nang makita kong ang lawak ng pagkakangisi nito. "Ang ibig kong sabihi---" "Ah, ah, wala ng bawian, nasabi mo na," ngising sansala nito sa dapat ay sasabihin ko. Inirapan ko naman ito. "Oo na, guwapo ka naman talaga, pero hanggang doon lang iyon, ano?" pagtataray ko. Sa halip na malungkot ay lalong ngumisi ang kurimaw na ito. "Bakit nakangisi ka?" "Kinikilig akong marinig na naguguwapuhan ka sa akin. At least aware kang guwapo ako kahit hamak na tubero," anito sabay kindat. Muling nag-init ang mukha ko dahil sa pa-cute na kindat nito. "Tse! Guwapo ka lang, ano?" sabi ko at biniharan na ng alis. "Kaya nga bagay tayo eh," hirit nito. Hindi ko naman na ito pinansin dahil kakaiba iyong kabog ng dibdib ko sa sinabi nitong bagay daw kami. Hindi pa ako nakakalayo nang tawagin ako nitong muli. "Jelaine?" ulit nito nang hindi ko ito pansinin. "Jelaine, ganda?" "Bakit ba? Matutulog na ako!" "Good night, Jelaine," may halong panghaharot sa boses nito. "Good night!" sagot ko naman at hindi nag-abalang lingunin ito. Nakakatakot ang kabog ng dibdib ko, hindi ako ready sa epekto ni Gian sa akin. Bawal, Jelaine, bawal. Period! Parang gagang pagkausap ko sa sarili ko habang naglalakad pabalik sa quarter namin ni Lala.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD