Chapter 6 WYA

2296 Words
JELAINE'S POV NASA canteen ako ngayon kasama ang kaibigan kong si Lala. Breaktime kasi kaya magkasama kami ngayon. KASALUKUYANG kumakain kami nang maramdaman kong may umupo sa tabi ko. Bakante kasi iyon dahil nasa tapat ko si Lala. "Paupo naman," anang boses sa tabi ko. Kilala ko na agad ang nagmamay-ari ng boses na iyon. "Nakaupo ka na nga eh," ngiting sagot ko nang tumingin ako kay Gian. "Puwede bang sumabay kumain? Malungkot kumaing magisa eh," saad pa nito. "Oo naman, basta ba ikaw ang magbabayad eh," pabirong sagot ko. "Oo naman, gusto mo ilibre kita eh." Nabaling naman ang pansin ko dito. Ilibre? Magkano lang ba ang kinikita ng utility boy? Malamang kagaya lang ng sahod namin. "Joke lang." "Pero seryoso ako, Jelaine," sabi nito habang titig na titig sa akin. Muli akong nakaramdam ng pagkailang para rito. "Ililibre kita." "Huwag na, ano ka ba? Pare-pareho lang naman ang sahod natin eh," sabi ko. "Kahit na, gusto kitang ilibr--" Natigilan ito nang tumikhim ang kaibigan kong si Lala. Sabay kaming napatingin dito at nakita kong kunot na kunot ang noo nito habang palipat-lipat ang tingin sa amin ni Gian. Hanggang sa huminto ang mga mata nito sa akin. Nakalimutan kong kasama ko nga pala ito at alam ko ang ibig sabihin ng mga tingin nito sa akin. Nginitian ko naman ito at saka tumingin kay Gian na ngayon ay nakatingin din pala sa kaibigan ko. "Sorry, Lala nakalimutan kitang ipakilala kay Gian. Lala, si Gian ang bagong utility man dito sa Resort. Gian, si Lala kaibigan ko," pakilala ko sa mga ito. Mabait namang iniabot ni Gian ang kamay sa kaibigan ko, na tinanggap naman agad ni Lala kahit pa nga kunot pa rin ang noo nito. "Ako si Lala, kaibigan ako ni Jelaine," sabi ni Lala. "Ako si Gian, tulad ng sabi ni Jelaine, utility boy ako rito. Isang linggo pa lamang ako rito sa resort," sagot naman ni Gian sa kaibigan ko. "Ikinagagalak kitang makilala, Gian." "Salamat, ako rin, sana makasundo rin kita kagaya nitong kaibigan mo," sabi nito at tumingin pa sa akin bago muling humarap kay Lala. Nakita kong ngumiti si Lala at tila nagpa-cute pa talaga. Inilagay kasi nito ang buhok sa likod ng tainga nito habang panay ang kurap. Alam kong nakita rin nito na guwapo si Gian kahit mahirap lang din ito. "Oo naman, pareho kami ng likaw ng bituka ka niyan kaya tiyak na swak rin tayo," ani Lala at pabirong kinindatan si Gian. Parang musika sa pandinig ko ang ginawang pagtawa ni Gian. Pati tawa nito ay tunog guwapo. Jusko. Nang matapos mag-usap ang dalawa ay nagpatuloy na kaming kumain. Pero hindi ako makakain ng maayos dahil nararamdaman ko ang panaka-nakang sulyap ni Gian sa akin. Maging si Lala ay panay ang sulyap sa akin. Kanina pa nakaangat ang kilay nito. Dahil sa sobrang pagkailang ay parang hindi na ako makakain ng maayos. At para matapos na ay sunod-sunod na subo ang ginawa ko kahit mabilaukan na ako. Ilang sandali pa at naubos ko na ang pagkain ko. Pagtayo ko ay siyang tayo rin ni Gian kaya naman aksidenteng nagkabungguan ang mga braso namin. Tila napapasong lumayo ako rito. May tila kuryente na naman akong naramdaman sa pagkakadaiti ng mga braso namin. Bakit ba parang nakukuryente ako sa balat ni Gian? Piping tanong sa isip ko. Nagkatinginan pa kami ni Gian. "Ako na ang magbabayad, Jelaine," pagkuwa'y sabi nito. "Huwag na oy," tanggi ko. "Please? Treat ko na lang sa inyo ni Lala," giit nito. "Hindi na, Gian. Hindi ka pa nga sumusuweldo eh. Sa suweldo mo na lang kami ilibre, Gian," sabi ko. "Oo nga, sa susunod na lang, Gian. Hindi namin tatanggihan iyan," segunda naman ni Lala. "May pera pa naman ako rito eh, kakasya pa ito sa kinain nati--" "Huwag kang makulit kung gusto mo kaming maging kaibigan, Gian. Kaniya-kaniya muna tayo, okay? Saka mo na kami ilibre kapag sumuweldo ka na o kaya kapag milyonaryo ka na," nakangiting sabi ko. Ilang sandali itong nakatingin lang sa akin bago unti-unting sumilay ang mapang-akit na mga ngiti. "Okay, sa suweldo ko ililibre ko kayo. Kahit sa labas tayo kumain," ngiting sabi pa nito. Tuwang-tuwa naman ang kaibigan ko. "Promise iyan, ha. Sa plaza tayo sa suweldo mo," walanghiya na sabi ni Lala. Ngumiti lang naman ng ubod-tamis si Gian. "Oo ba, kahit saan n'yo gusto. Isasama ko rin kayong manuod ng sine." Lalo naman natuwa si Lala sa sagot nito. "Wow, talaga ha? Walang bawian iyan, Gian," paniniguro pa ni Lala. Walanghiya talaga ito, basta libre talaga napakabilis walang hiya-hiya. "Oo naman, sa suweldo ko igagala ko kayo." "Ay grabe iyan, nai-excite na ak--" Hindi nito natapos ang sasabihin dahil hinila ko ang buhok nito. "Bakit ba?" nakasimangot na tanong nito. "Tara na, tapos na ang breaktime, daldal mo na naman hindi ka na nahiya kay Gian," pabulong na sabi ko rito. Napasimangot naman ito. "Kill joy nito." "Hindi ako kj. Huwag mong utuin si Gian, at isa pa baka makita pa tayo ni Sir George malilintikan na naman tayo do'n," sabi ko. Bigla naman itong napatayo mula sa pagkakaupo at agad akong hinila sa kamay ko. Natatawang sumunod naman ako rito. Dumaan lang kami sa cashier para magbayad at saka tuluyan ng lumabas ng canteen. Maging si Gian ay sumunod na rin sa amin. Magkakaagapay kaming tatlo na bumalik sa trabaho. "Mauuna na kami sa 'yo, Gian," paalam ko. Babalik na kami sa kuwarto na lilinisin namin ni Lala. Tulong kami dahil family room ang kuwartong isusunod namin. Hindi kakayanin ng isa lang. "Sige, sana hindi kayo busy mamaya. Punta tayo sa tabing dagat," ngiting suhestyon nito. "Ay gusto ko iyan. Mangha-hunting tayo ng matabang isda," mabilis namang sagot ni Lala. Natawa naman si Gian. "Sure, may babaeng isda rin ba?" pakikisakay nito sa kaibigan ko. Namangha namang tumingin si Lala sa lalaking ngayon ay ngiting-ngiti na. "Gusto mo rin ng matabang isda? Sus, maraming-marami. I'm sure hindi ka mahihirapang makasilo ng isda. Sa pogi mong iyan naku baka Serena pa ang mahuli mo," walang preno ang bibig na sagot naman ni Lala. Tila namula naman ang mukha ni Gian sa tahasang papuri ng kaibigan ko. "Sana nga, kaso alam n'yo na poor lang rin ako." "Walang problema do'n. Magbihis ka lang ng maayos mamaya, siguradong makakahuli ka agad, Gian," masayang sabi pa ni Lala. "Kapag may guest na Manager ng mga artista baka makuha ka pa nila, ang guwapo mo kaya, ano?" Napailing na lamang ako sa walang preno nitong bibig. "Guwapo lang ako, hindi naman nakakakain iyon eh." Malakas na tumawa si Lala na ikinamangha naming dalawa ni Gian, as if namang may nakakatawa. "Tara na nga, Lala, ang daldal ko na naman eh," awat ko rito. "Teka naman, nag-uusap pa kami ni Gian--" "Hep! Hep! Hep! Tama na, awat na. Nariyan na si Sir George!" putol ko sa dapat ay sasabihin pa nito. "Hala! Paktay tayo, nakita tayo ni baklaaa! Takbo na!" hintatakutang sabi ni Lala at walang sabi-sabi na iniwanan ako. Walang hiya talaga, daldal kasi nang daldal. Lalagpasan ko na sana si Sir George nang haklitin nito ang braso ko. Napaigik ako sa sakit. "Ikaw na naman? Oras ng trabaho, pero lumalandi ka na naman?!" nandidilat ang matang sabi nito. "S-Sir kumain lang po kami," sagot ko. Pilit kong hinihila ang braso ko pero mas dumidiin lang lalo ang hawak nito. "Thirty minutes lang ang breaktime!" "Pabalik na po ako sa trabaho ko, Sir," ngiwing sabi ko. Masakit na kasi ang braso ko dahil sa higpit ng hawak ng baklang ito. "Pabalik? Ang sabihin mo, lumalandi ka pa!" galit na sabi nito. Nagpipigil lang ako sa pamamahiya nito sa akin pero gusto ko na itong tadyakan. Iyong tipong ang betlog nito ang papatamaan ko. Napakataray eh, bakla naman. "Sir, nasasaktan na po ako--" Hindi ko natapos ang sasabihin ko nang may humawak sa kamay ni Sir na mahigpit na nakahawak sa akin. Napatingin ako sa may-ari ng kamay na iyon at nakita ko si Gian. Tiim-bagang itong nakatingin kay bakla. Bigla akong kinabahan sa nakikita kong galit sa mga mata nito habang nakatingin kay Sir George. "Gian?" mahina kong tawag sa pangalan nito. Pero hindi man lang ako nito tinapunan ng tingin, nanatili kay Sir ang mga mata nito. "Gian?" ulit ko. "Bitawan mo siya!" mariin nitong utos. Tumawa naman ang bakla. "At sino ka naman sa tingin mo? Hindi mo ba kilala kung sino ako?" mataray na tanong nito. At sinuyod pa ng tingin si Gian mula ulo hanggang paa. Nakakainsulto ang paraan ng pagkakatingin nito. Pero hindi man lang mukhang nainsulto si Gian. Mukhang hindi ito kayang sindakin ni Sir George. "Let her go," ulit na utos nito. "Huwag mo akong utusan! Hindi mo ba alam kung sino ak---" "Kilala ko po kayo, Sir! Pero wala kayong karapatang manakit at mang-abuso ng kahit na sino rito. Pare-pareho lang po tayong pinapasuweldo rito!" mahina ngunit mariin na sabi pa ni Gian. Lalo namang nagalit si Sir George. Namangha ako kay Gian, hindi ko inaasahan na sasagutin nito nang gano'n si Sir. Lalo pa at bago pa lamang ito. "Aba't---" "Bitawan n'yo si Jelaine!" mariin nitong utos. Nang hindi pa rin ako nito binitawan ay hinila na ni Gian ang braso ko. Masama ang tingin nito kay Sir. "Hindi mo ba alam na kaya kitang palayasin dito? Hindi puwede dito ang ugali mo! Kabago-bago mo napakayabang mo. Matuto kang gumalang sa mas nakatataas sa 'yo! Matuto kang lumugar sa dapat mong lugaran! Kung tutuusin dapat wala ka rito dahil utility man ka lang. Hindi ka dapat magpakalat-kalat dito!" hiyaw na ni Sir George. Mukhang napahiya kasi ito sa ginawa ni Gian. Ngayon lang kasi may lumaban rito at sa harap pa ng ibang empleyado. Dumarami na kasi ang nakikiusyuso sa nangyayari at kinakabahan ako para kay Gian. "Matuto kang lumugar!" muling bulyaw ni Sir George. "Kung gusto n'yong igalang kayo, matuto rin po kayong gumalang kahit mas mababa ang posisyon sa inyo. Huwag n'yong gamitin ang posisyon n'yo rito para mang-abuso ng empleyado. At sa pagkakaalam ko rin po walang batas ang resort na ito na bawal magpakalat-kalat ang utility man dito. At maging sino man na may mababang posisyon. Kahit magbabasura at magtitinda ng taho ay hindi pinagbabawalan dito," sagot pa ni Gian. Mababakas ang galit sa boses nito. At lalo akong kinabahan dahil lalong humigpit ang hawak nito sa braso ko at mukhang hindi ito aware roon. Parang gigil na gigil na ito. "Sino ka para hiyain ako---" "Kung ayaw n'yong mapahiya. Huwag n'yo ring hiyain ang mga empleyado rito," putol nito sa dapat ay sasabihin ni Sir. "Sino ka ba para sabihin sa akin iyan?! Wala kang pakialam kung paano ko disiplinahin ang mga tao ko rito!" Galit na galit na si Sir George. "May paki--" "Gian, tama na..." putol ko sa sasabihin nito. Tumingin naman ito sa akin at nakita ko ang nagbabaga nito mga mata. "Gusto ko lang ipakilala ang sarili ko--" "Gian, huwag na, please?" pakiusap ko. Hindi kakayanin ng konsensya ko na mawalan ito ng trabaho dahil sa akin. "Please? Bumalik na lang tayo sa trabaho natin," ulit ko. Nagpakawala naman ito ng isang malalim na buntong-hininga at saka niluwagan ang hawak sa braso ko. Mukhang ngayon lang nito na realize na kanina pa mahigpit ang pagkakahawak nito sa akin. "I'm sorry," hingi nito ng paumanhin nang makita ang namumula kong braso. Kiming ngumiti naman ako rito. "Okay lang. Basta umalis na tayo, okay?" "Okay," sagot nito. Napangiti naman ako dahil doon. "Excuse me po," magalang pa rin na sabi ko kay Sir George. Na ngayon ay nanlilisik na ang mga mata habang nakatingin sa akin. Nilagpas na namin ito ni Gian. Ngunit hindi pa kami nakakalayo nang magsalita ito. "Hindi ka na makakapasok bukas! Tandaan mo ang araw na ito, Gian. Lalo ka na Jelaine! Magsama kayo, mga hampas-lupa!" Rinig na rinig namin ang sinabi nito. Akmang babalikan ito ni Gian nang hawakan ko nang mahigpit ang braso nito. Tiim-bagang itong tumingin sa akin. "Sobra na siya." "Huwag mo na lang siyang pansinin. Masasanay ka rin. At sana huwag mo na lang patulan sa susunod, baka tanggalin ka pa sa trabaho mo," may pag-aalalang sabi ko. Naggalawan naman ang ugat sa panga nito. Mukhang na offend talaga ito sa sinabi ni Sir George. "Tinawag niya tayong hampas-lupa, Jelaine. Ayos lang sa 'yo iyon?" "Siyempre hindi." "Bakit hinahayaan mo?" "Para wala ng gulo. Trabaho ang ipinunta ko rito at hindi gulo. Kaya hanggang kaya ng pisi ko, palalampasin ko na lang. At sana gano'n ka rin para hindi tayo mawalan ng trabaho. Kawawa ang pamilya ko kapag napalayas ako rito," sabi ko. "Sa tingin mo takot akong mawalan ng trabaho?" "Siguro nga hindi ka takot matanggal rito, pero ako oo. Kailangan ko ang trabaho ko rito dahil umaasa sa akin ang Lolo at Lola ko. Kaya kahit ganiyan si Sir George nagtitiyaga ako. Kahit madalas mamahiya sa amin rito, ayos lang kaysa naman tanggalin niya kami. Kungbaga pasok sa kanang tainga, labas sa kaliwa, ganern." "Sinaktan ka niya, Jelaine," tiim-bagang na sabi pa nito. "Minor lang naman," ngiting sagot ko. Pero sa halip na ngumiti rin ito ay mukhang lalo pa itong nainis. "Tsk. Minor, major pareho lang iyon, nanakit pa rin siya," parang bubuyog na bulong nito Natatawang humawak ako sa braso nito habang naglalakad. Mukhang nagulat naman ito sa ginawa ko, pero naramdaman kong pinisil nito ang kamay kong nakahawak sa braso nito. "Smile ka na, hayaan mo na lang," sabi ko. Bumuntong-hininga naman ito. "Okay," sabi nito. Pero bakas pa rin ang inis sa mukha nito. Habang naglalakad kami ay panay ang lingon ko rito. Diretso itong nakatingin sa unahan habang tila malalim ang iniisip. Hindi naman na ako nag-usisa pa dahil kailangan ko ng bumalik sa trabaho.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD