NAPANSIN ko ang agarang pagbabago ng ekspresyon ni Calvin. Kumunot ang noo niya at pinagmasdang mabuti ang lalaki sa tabi ko. Magaling naman akong magsinungaling kaya paniguradong hindi ako pagdududahan ni Calvin.
Kabado ako dahil tingin ko ay pinagmamasdan kaming mabuti ni Calvin. Inoobserbahan niya kami kaya’t lalo kong nilapit ang katawan ko kay Sir Luciel.
“Siya ang boyfriend mo?” tanong ni Calvin at itinuro si Sir Luciel. Huminga ako nang malalim at itinango ang sarili ko. “Seriously, Chan. Why would you settle for someone like this when you can have me? Mamimili ka na lang ng boyfriend ay iyong kargador pa ata ng Villa na ito.”
Kumunot ang noo ko sa sinabi niya. Nilingon ko si Sir Luciel at doon ko napansin na sobrang simple lamang ng pananamit niya, with his cowboy boots. Siguro ay galing siya sa farm at kakagaling lamang sa pangangabayo.
Sir Luciel scoffed, na akala mo’y gusto nang patulan niya ang sinabi ni Calvin.
Humakbang si Calvin papalapit sa akin kaya’t bahagya akong umatras. Nakakapit pa rin ko kay Sir Luciel.
“Chan, ang tagal kitang niligawan, hindi ba? Bakit ipagpapalit mo lamang ako sa isang kagaya nito? Baka nga hindi ka kayang buhayin ng lalaking ito. He has a pretty face but that’s all! He can’t give you anything—”
“Hindi ako tumitingin sa yaman ng tao, Calvin. Kung ipapamukha mo lamang sa akin na mayaman kayo, hindi ko kailangan iyon at mas lalong wala kang chance na sagutin kita. Hindi ko sinabi na ligawan mo ako. Nabasted na kita noon pero ayaw mo akong tantanan. Ngayong may boyfriend na ako, pwede bang huwag mo nang guluhin ang buhay ko? I can only give you friendship. Kung hindi mo kayang tanggapin iyon, e ‘di wala!” Nainis ako sa sinabi niya.
Parati niya na lamang pinapamukhang may kaya sila sa buhay at binibigyan ako ng mga gamit. Ayokong pagdating ng panahon ay isumbat niya ito sa akin kahit malinaw na basted na siya.
“He’s older than you!” sigaw ni Calvin sa akin.
“Nasa legal age na ako, Calvin. I can decide for my own. Ano naman kung mas matanda siya sa akin ng ilang taon? Kung siya ang gusto ko, siya ang gusto ko.” Nakakahiya itong mga pinagsasabi ko pero ipapaliwanag ko na lang siguro kay Sir Luciel mamaya.
Napaigtad ako nang makalas ang pagkakahawak ko sa braso ni Sir Luciel at naramdaman ang kamay niya sa baywang ko. He softly caressed my waist.
“Is this guy disturbing you, love? Kanina pa kita hinahanap at naandito ka lang pala, kausap ang lalaking ito.” Lalo niya akong idinikit sa katawan niya. Natutuyuan ako ng laway dahil sa ginagawa at sinasabi niya.
Hinalikan niya ang gilid ng ulo ko. Nanlaki ang aking mga mata. Bakit may paghalik?
Nagtaas ako ng tingin kay Luciel. Nakita ko ang nakangising labi nito. Gosh, I’m doomed.
“H-Hindi, paalis na rin iyang si Calvin.” Ibinalik ko ang titig kay Calvin at kulang na lamang ay humiling na umalis na siya.
“I need proof! Kung boyfriend mo siya, Chan, patunayan ninyo.”
Halos malaglag ang aking panga sa sinabi niya. Anong patunay pa ba ang gusto niya?
“That’s easy,” sabi ni Luciel na may panunuya.
Iniharap niya ako sa kanya at walang pasabi na inilapit ang mukha niya sa akin. Hindi iyon dumiretso sa aking labi, bagkus ay sa tainga ko.
“Make it believable. I’m doing you a favor here,” bulong niya.
Ipinikit ko ang aking mga mata. Alam ko ang ibig niyang sabihin.
Hinawakan ko ang pisngi ni Luciel at inilapit ang aking labi sa gilid ng kanyang labi. Sa posisyong mayroon kami, iisipin ng kahit sinong makakita that I kissed him on the lips, kahit na hindi naman talaga sa labi.
Kita ko ang pamumula sa galit ng mukha ni Calvin nang mnuli ko siyang tingnan. Tiningnan niya ako at si Sir Luciel bago ito tuluyang umalis. Narinig ko pa na hindi pa raw kami tapos kaya’t alam ko na babalik ulit siya. Ang tigas ng ulo!
Nang mawala si Calvin ay bumitaw na ako kay Sir Luciel. Tiningnan ko siya at handa na sanang humingi ng paumanhin nang salubungin ako ng nakakaloko niyang ngiti.
“Boyfriend mo ako? Kailan pa?” Rinig na rinig ko ang panunuya sa kanyang tono. Napalagok ako. Nilalaro niya ang kanyang labi habang naktingin sa akin. “Hindi ko matandaang nanligaw ka sa ‘kin.”
Nanlaki ang aking mga mata sa huling sinabi niya. Iba rin talaga ang ere ng lalaking ito.
“Pasensya na, sir. Sinabi ko lang po iyon para tigilan na ako ni Calvin. Ayaw niya po kasi akong tantanan. Pasensya na po talaga.” Iniyuko ko pa ang ulo ko para lamang malaman niya at makarating sa kanya mismo ang paghingi ko ng paumanhin.
“Hmm, so you’re my girlfriend now, huh? What should we do about it? Maybe kiss me better—and on the lips instead.”
Kumunot ang noo ko pero hindi ko ito ipinakita sa kanya. Huminga ako nang malalim at buong tapang na hinarap si Sir Luciel. Ngumiti na rin ako sa kanya upang hindi niya mapansin ang pagkabanas ko sa mga sinasabi niya. Bakit ko naman siya hahalikan sa labi?!
“Hindi, sir. Sinabi ko lang iyon as an excuse. Hindi naman po ninyo kailangang totohananin.” Ayoko rin pong maging totoo.
Hindi ko pinangarap maging girlfriend ni Sir Luciel. Pareho lamang naman sila ni Calvin na amoy babaero.
“I have a girlfriend now; I can’t believe it.” Humalakhak siya. Argh! Hindi siya nakikinig sa mga sinasabi ko!
Magsasalita pa sana ako nang may tumawag sa kanya. Tiningnan niya iyon at lumapit kaagad doon. Kahit papaano ay nakahinga na ako nang maluwag.
Umalis na rin ako roon at naisipang bumisita sa aming supervisor para malaman kung ilang hours pa ang kailangan kong i-render para matapos ko ang aming internship. Tiningnan ko na rin ang kay Fatima at mas marami pa siyang hours na kailangang makuha kaysa sa akin. Palagi kasi siyang late kaya ganito.
Iniisip ko na aasarin na naman ako ni Sir Luciel dahil sa nangyari kanina. Hayaan na lang, at least tapos na ngayon ang problema ko kay Calvin. Problema na lang siguro kay Sir Luciel ang iisipin ko.
Sabado na bukas at wala kaming pasok. Minsan kapag sobrang daming tao, tumutulong kami para hindi sayang hours namin pero ngayon, naisipan ko na umuwi sa bahay namin. Birthday ng Tita ko at ang pangit naman kung hindi ako uuwi roon. Pinag-iisipan ko rin kung dadalawin ko ba si Papa kaya lang may kalayuan ang presinto kung nasaan siya. Kung bibisita na lang siguro si Tita sa kanya ay tsaka ako pupunta. Ayaw rin naman ni Papa minsan na dumadalaw ako. Ang sabi niya ay hindi daw magandang imahe ang presinto kaya’t ayaw niyang dumadalaw ako sa kanya.
“Uuwi ka sa inyo bukas, Channie?” tanong sa akin ni Fatima. Base rin sa kanyang bag na inaayos, mukhang plano niya rin ang umuwi bukas.
“Oo, ang tagal na rin kasi. Nag-aalala rin ako kay Tita dahil mag-isa siya sa bahay,” sabi ko sa kanya. Tumango ito sa akin at ngumiti.
Sa maghapong ito, hindi ko nakita si Sir Luciel. Well, maayos na rin iyon at least naging tahimik ang buhay ko kahit papaano.
Maaga akong umalis sa Villa Benavides kinabukasan. Sabay kaming dalawa ni Fatima. Medyo nahirapan kami sa byahe pero dahil sanay na naman ay hindi na rin kami nagreklamo. Nagpaalam siya sa akin dahil magkaiba kami ng direksyon pauwi.
Nag-tricycle ako para makarating sa barangay namin. Agad akong binati ng mga kakilala. Matipid ko silang nginitian bago pumasok sa bahay.
May kalakihan ang bahay ni Tita. Kagaya nga ng sabi ni Fatima, may kaya naman kami sa buhay rati.
“Oh, Chantria! Naririto ka na pala.”
Lumapit ako kay Tita Dulce at nagmano. Ngumiti ako sa kanya at tumango.
“Opo. Wala naman pong masyadong gagawin sa internship kaya’t naisipan ko na umuwi na lamang muna rito. Isa pa, birthday ninyo, Tita.” Inilagay ko muna sa sofa ang ilang gamit na dala ko. “Nakakain na po ba kayo ng umagahan? Maghahanda ako—”
“Huwag na, Chan. Ako na ang bahala. Magpahinga ka na muna. Mahaba-haba ang naging byahe mo.”
Hindi na ako umangal pa at hinayaan si Tita. Dumiretso na ako sa kwarto para ilagay roon ang ilang gamit na dala ko. Nagbihis na rin ako dahil pakiramdam ko ay amoy usok ako dahil sa naging byahe ko.
Paglabas ko ay sakto lamang din ng pagtawag ni Tita sa akin para kumain.
Nang una ay tahimik ang pagkain namin, hanggang sa maalala ko na itatanong ko nga pala kay Tita kung dadalaw siya kay Papa.
“Nakadalaw na po ba kayo kay Papa?” tanong ko sa kanya bago sumubo ng pagkain.
“Oo, kakadalaw ko lang sa kanya. Gusto mo ba siyang puntahan?” tanong niya naman pabalik sa akin.
Umiling na lamang ako. Alam ko na imbis na matuwa si Papa ay pagagalitan niya lamang ako sa pagpunta. Tsaka ko na lamang siya dadalawin kapag gusto na niya akong makausap.
“Kumusta na po siya?” Hindi ko rin mapigilang mag-alala. Maayos kaya siya roon? Hindi naman kaya ito nagkakasakit?
“Ayon, okay naman ang Papa mo. Pero balita ko’y ililipat ata sa Muntinlupa.” Bumuntong-hininga si Tita. “Masyadong mahal ang piyansa dahil sa patong-patong niyang kaso kaya’t hindi ko magawang masagot agad. Makapangyarihang pamilya rin ang nasa likod ng pagkakakulong ng Papa mo kaya’t kahit gustuhin kong piyansahan ito ay hindi ko rin maisagawa.”
Iniisip ko noon na baka politiko ang nakalaban ni Papa kaya’t ganito na lamang kahirap siyang mailabas o hindi kaya’y mayaman at maimpluwensyang mga tao.
“Ikaw? Kumusta naman ang internship mo? May mga kailangan ka ba? Huwag kang mahihiyang magsabi sa akin, Chan. Kaya ko namang magbigay ng pera kung kailangan mo. Alam kong gusto mong magpaka-independent pero estudyante ka pa rin naman. Kailangan mo pa rin ng suporta ko lalo na pagdating sa pera. Tingnan mo ang nangyari noong isang taon, hindi ka nakapag-aral ng buong semester kaya’t na-late ka. Mabuti na lamang at nakapag-summer classes ka para mahabol ang mga naiwang subjects mo at hindi ka mapag-iwanan ng batch mo.”
Hinawakan ni Tita ang aking kamay na nasa mesa. Napatingin ako roon bago sa kanya.
“Sabihan mo lang ako kung anong maitutulong ko sa ‘yo. Huwag mong masyadong bugbugin ang sarili mo sa pagkuha ng part-time jobs. Sa susunod na semester, ako na ang bahala sa tuition fee mo, naiintindihan mo ba?”
Ngumiti ako kay Tita at tumango. Nahihiya lang din talaga ako sa kanya at pakiramdam ko ay nagiging pabigat kaya’t hangga’t maaari, ayoko ng tulong niya. Ni hindi na nga siya nakapag-asawa dahil sa akin. Ayokong habang buhay niya akong kargado. Mabuti na lang din talaga sobrang bait ni Tita Dulce.
Parang iyong isang tinik sa dibdib ko at ang problema ay nawala sa dibdib ko. Mas naging maaliwalas ang pakiramdam ko.
Wala naman akong ginawa masyado sa araw na iyon. Panay lamang ang paghiga ko at pagpapahinga.
Nang lumabas ako ng kwarto ay nakasalubong ko si Tita.
“Chan!” Nilapitan niya ako. “Pwede ba kitang mautusan?”
“Saan, Tita?” Wala naman din akong ibang gagawin kaya sa tingin ko ay okay lang.
“Grocery. Wala na pa lang stock ng mga pagkain. Hindi lang ako makaalis dahil kailangan ko pang pumunta kay Mareng Lina. May kailangan lang kaming pag-usapan. Okay lang ba?”
Magiliw akong tumango kay Tita kaya ibinigay niya sa akin ang listahan ng mga dapat bilhin sa grocery at ang pera pambayad doon. Sabay kaming lumabas ng bahay at naghiwalay dahil magkaibang daan ang tatahakin naming dalawa.
Nilakad ko na lamang ang papunta ng grocery kahit may kalayuan iyon. Hindi naman mainit at nakaka-relax din ang ginagawa ko.
Pagpasok ko sa grocery store, kumuha ako ng cart at nagsimula na sa pamimili. Medyo natagalan ako dahil hindi ko makita iyong ibang items.
Nagbayad ako. Pinakahon ko na lamang para mas mabilis bitbitin. Iyon nga lang, may kabigatan ito kaya’t naisip kong mag-tricycle na pauwi. May natirang pera pa naman para roon.
Paglabas ko ng grocery store ay naghanap ako agad ng masasakyan. Nga lang, imbis na tricycle ang makita ko ay isang pamilyar na lalaki.
He’s wearing shades to protect his eyes from the sunlight, leaning on his expensive car, and his hand on his pocket. Tayo pa lamang niyang parang modelo ay kilala ko na agad kung sino ito.
Nakakahakot siya ng atensyon kahit wala naman siyang ginagawa. Tumitili ang mga nga kababaihan: bata man o matanda na. Napailing ako at naglakad. Iiwasan ko na lamang siya. Ano ba din kasing ginagawa niya rito? Ang layo ng Calatagan sa Lipa!
Nang lalagpasan ko na si Sir Luciel ay nagsalita itong siyang ikinatigil ko.
“Where are you going?” tanong niya sa akin. Kumunot ang noo ko at hinarap siya.
“Uuwi na po, Sir Luciel.” Tumigil ako sandali lalo na nang tanggalin niya iyong shades niya na nagpakita ng magaganda niyang mata. Halata mong may lahing dayuhan. “Ikaw, sir? Bakit ka po pala napadpad dito?”
“Hmm, I went to our warehouse which is located near this place, at biglaan kitang nakita.” Nagkibit-balikat siya. Alam kong maliit ang mundo pero hindi ko inakala na sobrang liit para magkita talaga kami rito sa Lipa.
Tumango na lamang ako at hindi na nang-usisa pa. “Kung ganoon po ay mauuna na ako—”
Pinigilan ako ni Sir Luciel at tiningnan ang dala kong mga kahon. “Those look heavy. Why don’t you get inside the car? I’ll drive you home.”
Tumayo siya nang maayos at binuksan ang pinto ng kotse. Umiling ako dahil ayokong makaabala.
“Magta-tricycle na lang po ako, sir! Hindi ninyo na kailangang mag-abala pa.” Pilit akong ngumiti.
“I insist. Get it.”
Sa huli, hindi na rin ako nakaangal sa kagustuhan niya. Kinuha niya sa akin ang mabibigat na kahon at inilagay iyon sa trunk ng kotse niya. Pumasok na rin ako sa loob ng kanyang kotse at inayos ang seatbelt.
Nang makapasok siya sa loob ng kotse niya ay pinaandar niya na rin naman ito kaagad. Itinuro ko na lamang sa kanya kung saan ang papunta sa amin.
“Hindi ka man lang nagpaalam sa akin kanina na uuwi ka pala sa inyo.”
Napatingin ako sa gawi niya nang sabihin niya ito. Para pa akong nagtataka dahil hindi ko naman akalaing kailangan ko pa palang magsabi sa kanya ganoong nagpaalam naman ako sa supervisor ko.
“I was looking for you earlier, wala ka raw at umuwi rito sa inyo.” Sandali niya akong nilingon bago ibalik sa daan. “Isn’t it necessary to let your boyfriend know about your whereabouts, hmm?”
Laglag ang panga kong tumunganga sa kanya dahil sa sinabi niya. Boyfriend?
“Hindi kita boyfriend, sir.” Pagtatama ko sa kanya.
Malalim siyang humalakhak at ikiniling ang ulo habang nakangisi. I gasped by the sight of him.
“Sinabi mo na boyfriend mo ako,” diretsahan niyang saad sa akin.
Aangal pa sana ako at ipapaliwanag ang sarili nang tumigil ang sasakyan. Napatingin ako sa paligid at napagtantong nasa tapat na kami ng bahay namin.
“Tama ba? Dito ang bahay ninyo?” tanong niya at nakangiting tumingin sa akin. Tumango naman ko.
Ngumiti lang siya sa akin at walang pasabi na lumabas ng sasakyan. Napansin ko sa rearview mirror na pinuntahan niya ang likod ng kotse. Siguro para kunin ang mga pinamili ko.
Lumabas na rin ako at nagtungo sa kinaroroonan niya.
“Ako na. Thank you, sir.” Inagaw ko sa kanya ang mga kahon subalit hindi niya ibinigay sa akin.
“Ituro mo sa akin kung saan ko dadalhin. I’ll carry this for you.” Ang ngiting suot niya kanina pa ay hindi naglalaho sa kanyang mapupulang labi. Huminga ako nang malalim at hinayaan na ito sa gusto niya.
Naglakad kami papunta sa may gate ng aming bahay. Bubuksan ko pa lamang ito nang biglang lumabas si Tita. Napatalon pa tuloy ako sa gulat.
“Oh, naandiyan ka na pala, Chan!” Nakangiti siya nang batiin ako, ngunit nawala rin nang makita ang lalaki sa likod ko. “S-Sino iyang kasama mo?”
Hindi ko alam kung paano ko ba ipapaliwanag ito kay Tita. Hindi rin naman kasi ako nagdadala ng lalaki sa bahay namin.
“Tita, si—”
“Luciel po. Boyfriend ni Chantria.”
Nanlalaki man ang aking mga matang tumingin kay Sir Luciel ay pinanatili ko ang pilit na ngiti, while he’s sweetly smiling to my Tita. This man!