Loren's POV
"At naniwala ka naman na minahal talaga kita?" paulit-ulit na nag-played sa isip ko ang boses at ang salitang iyon ni Haden.
Hanggang ngayon pisil niya pa rin ang bewang ko.
"Keep your distance from me! Huwag na huwag mo na ipakita sakin iyang nakakairitang pagmumukha mo or puwede bang maglaho ka na lang sa paningin ko, Loren."
Sunod-sunod na masasakit na salita ang binitawan ni Haden sa mga sandaling nakaawang ang aking labi at sunod-sunod naman na bumagsak ang butil ng aking mga luha.
"Sinabi ko na maglinis ka rito, Loren bakit ang dami pa rin kalat?"
Napatingin ako sa may pintuan ng biglang pumasok si Manang Isa. Nakayuko ito dahil pinupulot ang bedsheet na inalis ko kanina. Papalitan ko sana ang kama ngunit dumating si Haden kaya nasa sahig pa rin ang mga ito.
Kaagad naman akong binitawan ni Haden tsaka lumayo sa akin. Ako naman ay dali-daling tinuyo ang aking mga pisngi dahil sa luhang nagkalat.
Tsaka pa lang tumingala si Manang para tingnan kami. Hindi niya siguro nakitang magkalapit kami ni Haden kanina at hawak niya ang bewang ko. Mabuti na rin hindi niya napansin na basa ang pisngi ko dahil kaagad ko itong napunasan. Kung nagkataon baka mag-isip siya ng kung ano. Alam kong hindi gusto ni Haden na malaman nilang naging kami pala noon.
"Senyorito..." kaagad umayos ng tayo si Manang nang makita si Haden. Gulat na gulat ang kaniyang reaksyon. "Kayo ho pala. Pasensya na at itong si Loren hindi kaagad naayos ang bedsheet ng kama niyo."
Sinamaan ako ng tingin ni Manang. "Halika dito." pinalapit niya ako sa kaniya. Nang makalapit ako sa kaniya ay medyo kinurot niya ang aking braso.
"Pakibilisan ang pag-aayos ng kama ko. Gusto ko ng magpahinga." maawtoridad na utos ni Haden sa amin. Kaagad siyang umakto na hindi niya ako kilala.
Kaagad naman kami kumilos ni Manang. Si Haden naman ay nagtungo sa banyo.
Nang maiwan kaming dalawa ni Manang ay puro sermon naman ang napala ko sa kaniya. "Ikaw talaga! Natulala ka na rin yata sa kaguwapuhan ni Senyorito kaya hanggang ngayon hindi mo pa rin ito natatapos. Nahawa ka na rin yata kay Carde eh!" sermon ni Manang sakin.
Kung alam niyo lang po ang nangyari Manang. Sa isip-isip ko na lang iyon dahil hindi ko puwedeng sabihin sa kanilang dati kong asawa si Haden. At oo, nakakatulala ang kaguwapuhan niya pero hindi ngayon ang tamang oras para matulala dahil sa masasakit na salitang binato niya sakin.
Wala ng mas sasakit pa kung ang taong mahal mo ay binato ka ng masasakit na salita.
Minahal niya nga ba talaga ako?
"Ayan ka na naman. Tulala ka na naman, Loren. Bilisan mo na at marami pa tayong gagawin sa labas."
"O-opo, Manang."
Natapos na kami sa pag-aayos ng bedsheet kaya lumabas na kami ni Manang.
Habang naglalakad kami ay lutang pa rin ang isip ko.
"Loren?" untag ni Manang. Napakurap-kurap ang mga mata ko tsaka ko siya nilingon.
"A-ano ho 'yon?"
"Anong ginawa sa 'yo ni Senyorito kanina? Napansin ko bigla siyang lumayo sa 'yo pagdating ko sa kwarto niya kanina."
"W-wala ho, Manang. P-pinagsabihan niya lang ako."
"Talaga? Nag-sorry ka ba?"
"O-oho."
"Mabuti naman. Kasi baka pag-initan ka no'n. O baka paalisin ka ng tuluyan. Pero hindi naman ganoon si senyorito Haden. Si Hellios baka paalisin ka pa. Mas malala kasi kung magalit iyon si Hellious."
"Hellious? S-sino ho yun?"
"Hay naku! Hindi mo kilala? Triplets yun sila Haden, Hellious at Alyana. Si Alyana yung kasama nilang kumain kanina sa dining. Si Hellious kararating lang din niya kanina kaya hindi mo siya nakita. Hindi siya nakasabay sa tanghalian."
Kaagad akong nagtakip ng bibig ng maalala ko ang ginawa ko kanina. Siguradong hindi si Haden ang napagsabihan ko kanina kundi si Hellious?
"Oh, bakit? Nagulat ka ba?" puna nito sakin.
"Magkamukhang-magkamukha po ba si Haden at Hellious?" tanong ko habang nakatakip pa rin sa aking bibig. Hindi kasi ako makapaniwalang ibang tao pala ang napagsabihan ko ng aking sekreto.
"Ay! Naku! Walang pinag-iba ang dalawang 'yon. Magkasingtangkad at parehong pogi. Sa buhok mo na lang sila makikilala. Itong si Haden kasi black ang buhok at ito naman si Hellious medyo brown."
"Wala na ho ba silang ibang kapatid? Apat lang ho ba sila?"
"Nasa ibang bansa ang dalawa. Doon pinag-aral ni Sir Hades. Ayaw pa nga sana pumayag ni Ma'am kaso nga lang din gusto ng dalawa na doon na mag-aral."
"G-ganoon ho ba?"
"Oh, siya halika na sa kusina tulungan mo akong magayat ng gulay. Marami akong gagayatin doon."
"Sige po, Manang."
Nagtungo kami sa kusina para gumayat ng mga gulay at karne para ilagay iyon sa freezer.
Pagkatapos ay si Manang na ang nagluto ng hapunan.
Ito na naman ang pinakaayaw kong mangyari. Ayaw kong kabahan ulit at baka matapon ko na naman ang pagkain kapag nakita ko si Haden.
"Ano ba nangyayari sa 'yo, Loren. Lumakad ka na. Ihatid mo na 'yan sa dining table. Sinabi ko na sa iyo ang wastong gagawin para hindi matapon. Alam kong kinakabahan ka dahil naroon lahat ng Dickson. Para hindi ka kabahan, huwag mo isipin na nariyan sila. Isipin mong ikaw lang mag-isa at walang nakatingin sa 'yo. Kaya ka kinakabahan dahil kung saan-saan nakatingin yang mga mata mo."
"O-opo, Manang. Gagawin ko ho iyong sinabi niyo."
Katulad nga ng sinabi ni Manang. Inisip kong wala si Haden. Inisip kong trabaho ko ito kaya dapat lang hindi ako kabahan at hindi magkamali.
"Thankyou, Loren." napatingin ako kay Ma'am Athena dahil sa pasalamat niya. Nag-bow lang ako tsaka nagpatuloy sa aking ginagawa. Ang pinakaayaw kong mangyari ay ang mapatapat sa kinauupuan ni Haden. Wala naman akong magagawa kundi pagsilbihan siya.
Nilagyan ko ng juice ang baso niya. Nanginginig pa ang kamay ko habang sinasalinan ko ang baso niya.
"Anong problema, Loren? Kinakabahan ka ba?" napansin yata ni Ma'am Athena na nanginginig ang kamay ko kaya niya naitanong iyon. Napasulyap tuloy ako kay Ma'am.
"s**t! Nananadya ka ba talaga?" Singhal ni Haden sakin. Ibinaling kong muli ang aking paningin sa baso.
Nanlaki ang mga mata ko ng makitang punong-puno na ang baso ni Haden na sinasalinan ko ng juice. "Naku! Hindi ko napansin." kaagad na hingi ko ng pasensya.
"Bullshit! Hindi mo napansin o nagtatanga-tangahan ka?" Napatayo si Haden. Napapikit ako sa lakas ng pagkasabi niya. Parang gusto ko na lang maglaho.
Palpak na naman ako.
"Haden! Juice lang 'yan. Hindi mo kailangan sigawan si Loren. Kaya mas lalong kinakabahan si Loren ng dahil sa ginagawa mo." saway ni Ma'am.
"Bakit hindi niyo na lang tanggalin ang babaeng 'yan?" galit na galit pa rin na sabi ni Haden. Itinuro pa niya ako.
Huwag naman sana. Alam kong palagi akong palpak pero kailangan ko ang trabahong ito. Kapag natanggal ako rito hindi ko alam kung saan pa ako maghahanap ng trabaho.
"Haden, can you calm down?" saway naman ng isang babae na pagkakaalam ko ay kapatid ni Haden. "Hindi ko na talaga alam kung si Kuya Hellious ba ang kaharap ko ngayon o si Kuya Haden? Nagiging katulad ka na rin ni Kuya Hellious. Mainitin ang ulo." dagdag pa ng kapatid ni Haden na babae.
"How can I calm down if she has done this to me so many times? Kung ako sa inyo, tatanggalin ko na ang babaeng ito?" turo pa rin ni Haden sakin.
Gusto niya talagang mawala ako sa kaniyang paningin.
"Haden, umupo ka. Nasa harap tayo ng pagkain at ganiyan ang inaasta mo." saway ni Ma'am Athena.
Ayaw kong tumayo na lang dito na walang ginagawa. Kung kinakailangan lumuhod ako sa kaniyang harapan para lang huwag nilang tanggalin ay gagawin ko.
"Senyorito Haden..." hindi na ako nagpaligoy-ligoy pa. Lumuhod ako sa harapan ng asawa ko, I mean...sa dati kong asawa.
"Huwag niyo po ako tanggalin please...nagmamakaawa ako...kailangan ko ang trabahong ito. . .please..." sunod-sunod na tumulo ang luha ko.
Hindi siya nakapagsalita. Nakipagtitigan ako sa kaniyang mga mata habang nakatingala ako sa kaniya. Sana, maawa siya kahit na kaunti.
"Loren, tumayo ka diyan. Hindi naman kita tatanggalin." sambit ni Ma'am Athena.
"Tsk! I've lost my appetite." Tinalikuran lang ako ni Haden. Umalis siya sa dining habang ako nakaluhod pa rin.
"Tumayo ka na riyan, Loren. Hindi mo kailangan lumuhod." muli ay sabi ni Ma'am Athena. Nahihiya na ako sa kanila.
Unti-unti akong tumayo.
"Pasensya na po ulit, Ma'am." yumuko ako.
"Ayos lang. Basta't sa susunod huwag na ito maulit. Naiintindihan naman kita kung bakit kinakabahan ka. Pero hindi naman sana palagi na lang ganito. Sige na, bumalik ka na lang sa kusina. Huwag mo na intindihin si Haden. Pagsasabihan ko iyon mamaya dahil rin sa maling inasta niya."
Umalis ako sa dining area at bumalik sa kusina na umiiyak.
Umupo ako at kinuha ang aking keypad cellphone sa aking bulsa. Gusto kong makausap si Inay. Wala akong makausap at mapagsabihan ng sakit na nararamdaman ko ngayon.
Narinig ko ang pag-ring nito. Ilang minuto bago tuluyang sinagot ang tawag ko. Inayos ko ang boses ko. Pinigilan kong maiyak.
"Loren? Anak?"
"Inay..." Hindi ko rin napigilan pa at tuluyan akong napaiyak ng marinig ang boses niya. Napapikit ako. Hindi puwedeng marinig niyang umiiyak ako. Gusto ko lang naman silang kamustahin at gusto ko siyang makausap pero ito ako naiyak na sa isang salita pa lang na narinig ko mula sa kaniya.
"Kamusta ka anak?"
Naramdaman ko ang excitement sa boses ng Inay ko.
"Okay lang po ako." hindi ko pinahalata ang boses ko. Pero sunod-sunod na tumutulo ang mga luha ko.
"Mabuti naman anak. Hinihintay ko talaga ang tawag mo. Miss na miss kita anak. Ang Itay mo, nagising na siya at hinahanap ka."
"T-talaga po?"
"Palagi ka nga niyang hinahanap. Pasensya ka na raw at ng dahil sa kaniya kailangan mo----"
"Kagustuhan ko po ito Inay. Puwede ko ba siyang makausap?" pinutol ko ang pagsasalita ni Inay sa kabilang linya.
"O sige, ibibigay ko sa kaniya ang cellphone."
Napangiti ako. Sa wakas, nagising na ang Itay. Iyon lang ang makakapagpawi ng sakit na nararamdaman ko ngayon. Ang malaman na okay na ito.
"Anak..." boses ng Itay ko ang narinig ko sa kabilang linya.
Napangiwi ako dahil hindi ko na naman napigilan ang mapaiyak ng marinig ang boses nito.
"Itay, gising na po kayo."
"Anak, mag-iingat ka riyan palagi. Wala kami ng Inay mo sa tabi mo."
Pinunasan ko ang aking mga luha. "Ayos lang ho ako dito, Itay. Huwag kayo mag-alala sakin. Magpagaling po kayo. Para pag-uwi ko, ibibili ko kayo ng masasarap na pagkain dito sa Manila." nakangiti ako ngunit panay naman ang pagtulo ng luha ko.
"Maraming salamat, anak."
Napapikit ako at inilapit sa dibdib ko ang cellphone. Miss na miss ko na sila pero hindi pa ako puwedeng umuwi.
Muli kong inilapit sa aking tenga ang aking cellphone. "Sige na po, Itay. Kailangan ko na po kasi magtrabaho ulit. Basta po ang bilin ko sa inyo. Magpagaling kayo ng tuluyan. Ako na po ang bahala sa iba pang gastusin diyan sa hospital."
Ibinaba ko ang aking cellphone na puno ng luha ang aking mga pisngi. Kaagad kong pinunasan ito dahil baka may makakita pa na umiiyak ako.
Ibinaling ko na lang ang sarili ko sa mga hugasin sa lababo. Pagkatapos ng mga gawain ko ay nagtungo na rin ako sa maid's quarter para magpahinga.
Pagpasok ko ay wala pa sila Manang at Carde. Hihiga na sana ako ng marinig kong bumukas ang pinto. Napatingin kaagad ako roon. Nasilayan ko si Carde. Pumasok itong nakabusangot ang mukha.
Lumapit ito sa akin.
"Hays! Kapagod." humiga siya sa kama. Napatingin siya sakin. "Uy! Ikaw, pumunta ka raw sa kwarto ni senyorito Haden."
"Huh?"
"Madaya! Dapat ako na lang ang maglilinis ng kwarto at banyo niya. Talagang ikaw pa talaga ang gusto niyang maglinis no'n."
"G-gabi na 'diba? Tapos na ang duty natin." kaagad na sabi ko.
"Oo nga pero dahil gusto yata ni senyorito Haden na mag-overtime ka roon sa kwarto niya. O baka naman may ibang sadya sa 'yo." biglang lumapit sakin si Carde para ibulong iyon. Ngumisi siya na parang may ibang meaning ang sinasabi niya. "Lumakad ka na. Baka bigyan ka ng malaking tip no'n sayang naman." Nakangusong sabi niya sakin.
Akala ko ba ayaw niya akong makita? Bakit kailangan ako pa ang uutusan niya na maglinis ng kwarto niya?
"Sabihan mo 'ko mamaya ah. Kung anong ginawa niyo?" pilyang sabi sakin ni Carde.
Tumayo na ako pero umupo na rin lang ulit ako. Kinakabahan ako, baka uulitin niya ang ginawa niya sakin kanina. Ayaw kong maulit iyon. Baka kung anong gawin niya sakin kapag kaming dalawa lang sa kwarto niya.
Baka saktan niya ako.
"Ikaw na lang, Carde." atras ko.
"Huh? Ikaw nga ang gusto ni senyorito eh!"
"Pakisabi masakit ang tiyan ko."
"Okay!" abot tenga ang ngiti ni Carde na tumayo sa kama. "Sasabihin kong masakit ang tiyan mo kaya hindi ka makakagawa ng trabaho ngayon. Sasabihin kong may diarrhea ka."
"Ano?" Napatayo ako bigla dahil sa sinabi ni Carde.
"Para naman talagang maniwala si senyorito at huwag na niyang ipilit na ikaw ang gagawa ng gawain na 'yon. Sige na, babush na!"
Napailing na lamang ako habang pinagmasdan ang paglalakad palabas ni Carde.
Pagkatapos ng ilang minuto. Hihiga na sana ako ng muli ko na naman narinig ang pagbuksa ng pinto. Mula roon ay pumasok sila Manang at Carde na bagsak ang nga balikat.
Nakanguso pa si Carde na napatingin sakin. "Sabi ko sa 'yo ikaw talaga gusto ni senyorito na maglinis ng kwarto niya. Kaya ito napagalitan kaming lahat."
"A-ano?"
"Oo, napagalitan ang lahat. Kaya galit na galit sa iyo ang mga nasa kabilang maids quarter."
"Naku! Pasensya na."
"Huwag ka sakin humingi ng sorry. Doon sa iba natin mga kasamahan. Sigurado inis na inis na sila sa 'yo ngayon. Sila ba naman kasi pagsisigawan ni senyorito at siyempre kaming dalawa ni Manang nasigawan din. Buti na nga lang dumating si Ma'am Athena. Naku! Kung hindi baka bukas pa matatapos ang sermon ni senyorito Haden sa amin." Nakangusong sabi ni Carde.
"Oh, siya tama na 'yan. Matulog na kayo. Bukas maaga pa tayo. Ikaw, Loren...magpahinga ka na. Hindi ba't masakit ang tiyan mo?" sermon ni Manang Isa sakin.
Nagkatinginan naman kami ni Carde. Dahil pareho namin alam na palusot ko lamang iyon.
Dahil sa ginawa ko nadamay pa sa galit ni Haden ang mga kasamahan ko.
KINAUMAGAHAN...
Sabay-sabay kaming nagising tatlo. Naunang maligo si Carde sunod naman si Manang at ako ang huli. Nauna rin sila na lumabas kaya naiwan ako.
Pagkababa ko ay dumiretso ako sa kusina para tumulong kay Manang Isa. Iyon naman ang palagi kong ginagawa. Sila Carde kasi iba ang naka-assign sa kanila. Naglilinis sila sa sala at sa front yard at maging sa back yard.
Pagpasok ko ng kusina ay kaagad kong nalanghap ang niluluto ni Manang Isa. Naamoy ko ang bawang at sebuyas na nagpabaliktad ng aking sikmura.
Pinigilan ko ngunit napatakbo pa rin ako sa lababo dahil hindi ko na kaya pang pigilan na masuka.
Ilang minuto akong nagtagal sa lababo. Hindi ko nga namalayan na lumapit sakin si Manang.
"Buntis ka?"
Natigilan ako dahil sa sinabi ni Manang. Alam niya kaagad na buntis ako.
Humarap ako sa kaniya ngunit muli na naman akong nasuka kaya muli akong humarap sa lababo.
"Buntis ka nga?" tanong muli ni Manang Isa.
"Hindi ho, Manang." humarap ako sa kaniya pagkatapos.
"Maagang sign ng mga buntis ay ang pagsusuka sa umaga. Wala naman akong nakikitang dahilan para magsuka ka. Pwera na lang kung may sakit ka?" Dinama niya kaagad ang aking noo. "Huwag mo ng itago, Loren. Wala ka naman lagnat. Alam ko ang katawan at ang mukha ng nagdadalang tao. Patingin ng pulsuhan mo." Hinawakan niya ang kamay ko at tiningnan ang pulsuhan ko.
"Buntis ka nga, Loren." muli ay sambit niya.
"Buntis ka, Loren?" pareho kaming napatingin ni Manang sa kinaroroonan ng boses sa aming likuran. Nanlaki ang mga mata ko ng makitang si Ma'am Athena ang nasa aming likuran. Naglakad ito palapit sa amin.