Simula naman ng araw na 'yon ay hindi na niya muling nakasalubong pa ang Contreras boys. Nakikita niya ito sa malayuan pero hindi na niya muling nakaharap pa. Si Nathan paminsan-minsan ay nakikita niyang kinakawayan siya kapag mapapadaan siya sa gym ng eskwelahan at nakikita niya itong nagpa-practice ng basket ball kasama mga teammates nito. Hindi na rin niya itinuloy ang crush niya dito. Mahirap umibig sa mga ganitong uri ng tao na may mataas na antas sa lipunan.
Pero si Diego Escoder ay nanatiling sumusulpot kung saan siya. Simula sa araw ng pageant ay hindi na siya nito tinigilan pa. Lahat ng pag-iwas ay ginawa na niya pero hindi pa rin siya nito tinitigilan. Minsan naiirita at natatakot na din siya sa presensya nito. Nakaka-distract na ito sa kanyang studies minsan. Pero hindi siya magpapaapekto. Sisirain lang nito ang kanyang kinabukasan kung pairalin niya ang takot dito.
Nakangiti siyang tumingin sa mga nakaupong bisita at graduates sa nakahilerang upuan na naroon sa ilalim ng stage kung saan nakikinig ang mga ito sa valedictory speech niya.
Yes. You heard it right. Graduation na niya ngayong araw na 'to sa highschool. Silang dalawa pala ng pinsan niyang si Porsia. Valedictorian siya, at maraming academic awards ang nahakot niya. Si Porsia man ay napabilang din sa with honors. Maraming awards din ang nakuha nito, at kitang-kita ang tuwa at pagmamalali sa mukha ng kanilang tita Freda dahil sa naabot nilang dalawang magpinsan.
Bumalik na siya sa upuan niya. Sa kabilang side ay naroon nakaupo ang mga parents nila. Nang marating ang upuan niya ay hindi siya nakaupo kaagad dahil may nakalagay na isang bouquet ng mamahaling bulaklak doon. Kinalabit niya ang katabing kaklase niya na abala sa pagtsika sa katabi nitong kaklase rin nila.
"Sa 'yo ba 'to, Janice? Kukunin ko, ah, dito ko na lang ilalapag," kinuha niya ang bouquet at ipinatong sa arm rest ng upuan nito. Napatingin din ito sa bulaklak saka napakunot noo.
"Ha? Hindi akin 'yan, ha," nagtataka ding sabi nito.
"Eh, kanino pala 'to?" Nagtataka talaga siya. Sa kaliwa niya ay wala nang upuan na naroon at wala na siyang katabi. Tinanong na rin niya ang nasa harapan at likuran niyang kaklase na nakaupo. Hindi rin alam ng mga ito.
"Basahin mo nga 'yang card na nakalagay diyan. Baka may pangalan na nakasulat," suhestiyon ni Janice. Alam niyang hindi maganda ang pakikialam sa hindi niya pag-aari, pero paano naman niya kasi malalaman kung hindi niya susundin ang suhestiyon ni Janice, 'di ba?
Binuklat niya ang maliit na card na nakakabit sa bouquet. At nanlaki ang mga mata niya nang mabasa niya ang pangalan doon. Para talaga sa kanya ang bouquet.
Alexandria Laurice,
This flower was blooming like your beauty. Hope you like it.
Congratulations!
Te ama desde lejos
Nanginginig ang mga kamay niya na binitiwan ang bulaklak. Gusto niyang isipin na galing ito kay Diego, pero hindi ganito ang istilo ni Diego. Mas proud pa itong malalaman ng lahat kung sakali na may ibibigay ito sa kanya. At hindi ito mag-hide ng identity nito dahil lang sa binigyan siya nito ng mamahaling bulaklak. At ang huling salita ay nakasulat sa Spanish na hindi niya maintindihan ang ibig sabihin. Nagpalinga-linga siya, at lumakas ang kalabog ng puso niya nang mamataan ang papalayong motorsiklo ni Tyler Mathias Contreras!
Ipinilig niya ang ulo. Bakit biglang nag-connect sa utak niya ang bulaklak kay Tyler? Pinagalitan pa niya ng lihim ang sarili sa naisip. Huwag siyang feeling, napadaan lang ito naisip niyang may connection na ito sa bulaklak? Galit nga ito kung kausapin siya ni Nathan mag-isip pa siya ng ganoon. Hello? Hindi ba puwedeng dumaan lang ito? Ang advance niya mag-isip.
"O ano ang nakasulat diyan sa card, Alex?" Tanong ni Janice na bahagya pang sumilip sa hawak niyang tarheta. Wala sa loob na itinago niya sa loob ng bulsa ang maliit na card. May kakaiba kasing hatid ang mensaheng 'yon sa kaibuturan ng puso niya.
Pilit siyang ngumiti kay Janice. "P-para pala talaga sa 'kin ang bulaklak na 'to Janice, galing sa kaibigan ko," namilog ang mga mata ni Janice sa sinabi niya. Para bang hindi ito naniniwala sa sinabi niya.
"Manliligaw mo ba? Hala Alex, sobrang haba ng hair mo hija, umabot pa dito 'o," pabiro nitong pinagpag ang suot na toga. Natawa naman siya sa ginawa nito at bahagyang nakalimutan ang sekretong nagbigay sa kanya ng bulaklak.
"H-hindi Janice, ah," kaila niya na itinago na sa likuran ang bulaklak. Iniisip niya kung ano ang sasabihin niya sa kanyang tita Freda kung sino ang nagbigay sa kanya ng bulaklak. May bahagi kasi ng puso niya na ayaw niyang itapon ang bulaklak. Hindi gaya ng bigay ni Diego sa kanya na diretso kaagad sa basurahan.
Natapos ang seremonya na nasa bulaklak ang isip niya. Napapaisip siya kung sino ang lihim na nagbigay nito sa kanya.
Hindi nga siya nagkamali nang pauwi na sila ay pinuna talaga ng tita Freda niya ang bitbit niyang bulaklak habang sakay sila ng tricycle. Magkatabi sila ni Porsia sa likurang bahagi habang mag-isa naman ito sa harapan.
"Kanino galing ang flowers na 'yan, Alex?" Seryosong tanong nito sa kanya. Muntik pa iyong mahulog ng siniko siya ng may kalakasan ni Porsia.
"Ah, eh, b-bigay po ito ng isang teacher ko sa isang subject ko po," she said, stammering. Matagal siya nitong tinitingnan na para bang inaarok siya kung nagsasabi nga siya ng totoo. She struggled to meet her aunt's gaze, even as she was trembling inside. She even held on tightly to the flower as if her strength was there.
"Ang sinasabi ko sa 'yo palagi Alexandria Laurice, 'yong mga ligaw-ligaw na 'yan wala pang lugar sa 'yo 'yan ngayon. Saka ka na mag-boyfriend kapag may napatunayan ka na sa sarili mo," she said in a plucky tone. Napatingin siya sa driver ng tricycle na tahimik lang na nagmamaneho. Nahihiya siya sa pangaral ng kanilang tiyahin.
"Kahit po ba mga Contreras ang manliligaw kay Alex, po tita? Bawal po ba talaga?" Walang kaabog-abog naman na sumingit si Porsia sa pagsermon sa kanya ng kanilang tiyahin. Ang sarap talagang ihulog itong si Porsia habang tumatakbo ang sinasakyan nilang tricycle. Nakita niya ang pandidilat ng mga mata ng tiyahin sa sinabi ni Porsia.
"Lalo na ang mga 'yon, Alex. Mga babaero ang mga ganyang lalaki. Huwag na huwag kang padadala sa mga matatamis na mga salita ng mga lalaking 'yan baka diyan ka madadale," mas lalo pa yatang tumapang ang boses nito.
"H-hindi po mangyayari na magkakagusto sila sa 'kin," mahinang sabi niya. Per bakit biglang lumitaw sa balintataw niya ang galit pero napakaguwapong mukha ni Tyler? Naiinis siya sa sarili na binura niya 'yon sa kanyang isipan.
"Sisiguraduhin mo lang 'yan Alex, at kung mangyari man 'yan sinisiguro ko sa 'yo na papalayasin kita sa pamamahay ko. Ayaw kong e-tolerate ang mga ganyang behavior," lihim siyang nasaktan sa sinabi ng tiyahin. Ang saya niya para sa graduation niya ay natatabunan na 'yon ng lungkot at pagkabahala, dahil sa sermon ng tiyahin.
"Gusto mo kasi katulad mo, tingnan mo tumandang dalaga ka. My God!"Bulong ni Porsia, tiningnan niya ang tiyahin. Prente lang itong nakaupo habang nakatingin sa daan sa unahan. Nagpasalamat siya at hindi nito narinig ang sinabi ni Porsia. Pasekreto niyang kinurot ng mahina ang tagiliran ni Porsia nang akma pa itong magsasalita. Tumigil naman ito saka inirapan siya.
Pagdating sa bahay nila ay nauna na siyang bumaba at kaagad na pumasok sa loob ng kanilang bahay. Naabutan niya pa ang kapit bahay nilang si Aling Lusing na nag-aayos ng pagkain sa kanilang kusina. Binayaran ito ng kanilang tiyahin para magluto, para sa kunting salu-salo para sa kanilang pagtatapos ni Porsia. Kumuha siya ng malamig na tubig at uminom. Pakiramdam niya natutuyo ang kanyang lalamunan sa sinabi ng kanyang tiyahin.
"Siya nga pala Alex, may isang bata na nagbigay nito sa 'yo. Inutusan daw siya ng isang lalaki na ibigay sa 'yo," mahina ang boses na sabi nito. Natakot siguro na marinig sila ng tiyahin niya. Kilala kasi nito ang ugali ng tiyahin niya.
"Ho?" Naibagsak niya ang hawak na baso sa mesa. Habang nakatingin sa maliit na kulay pulang box na inaabot nito sa kanya. Hindi niya alam kung ano ang laman no'n baka mamaya pagbukas niya iba pala. Nang pumasok ang kanilang tiyahin sa kusina ay pasekretong inaabot niya ang ang kahon kay Aling Lusing.
"Itago mo na 'yan baka makita pa ng tita Freda mo," bulong nito sa kanya. Ipinasok niya sa bulsa ang kahon at humakbang na papasok sa kanyang silid.
"Magbihis ka na at maya-maya lang darating na ibang kaibigan ko at ilang kamag-anak natin," pahabol na bilin ng tiyahin niya habang papalayo siya.
"Opo, tita," sagot niya at diretso na sa kanyang silid.
Pagpasok sa loob ay in-lock niya ang pinto at mabilis kinuha sa bulsa ang kahon. Kinakabahan niyang binuksan 'yon. At ang nasa loob ay ang white gold bracelet na may naka-engrave na nakasulat ulit in Spanish. Amor Sin Fin.
Paulit-ulit niyang binasa ang naka-engrave doon at walang pinagbago ang nakasulat. At mayroon ulit na maliit na card sa loob, same message sa bulaklak kanina. Naguguluhan siyang napapaisip kung sino ang maaaring magbigay sa kanya ng ganito ka mahal na gamit.
May stalker ba ako?
Mabilis niyang ipinasok sa kanyang drawer ang kahon nang may marinig siyang kumakatok sa pinto ng silid niya. At nang buksan niya ay ang nakasimangot na mukha ni Porsia ang bumungad sa kanya.