Chapter Nine

3475 Words
TULALA pa rin si Sumi habang nakatingin siya sa kahabaan ng Tanangco. Nandoon siya sa mag-isa sa may garahe ng bahay ng mga Mondejar. Palibhasa'y alas-nuwebe na ng gabi kaya wala ng customer na magpapa-carwash. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya lubos akalain na makakatanggap siya ng death threat. Iyon na ang ikalawang araw magmula ng matanggap niya ang text message na iyon. Pilit niyang inalala kung kanino siya may malaking atraso. Ngunit wala siyang maisip kung sino. Gaya ng sabi niya ng nagdaang gabi kay Miguel, malaki ang posibilidad na isa ito sa mga naging biktima niya. "Okay ka lang?" Napatingin siya. Si Marisse ang naroon, kasama sila Sam, Kim at Jhanine. Bumuntong-hininga siya pagkatapos ay umiling siya. "Hindi." Sagot niya. "Huwag kang mag-alala, Girl. I'm sure hindi ka papabayaan ni Miguel." Sabi naman ni Sam. "Oo nga, mahal ka kaya no'n." sang-ayon ni Marisse. "May ideya ka ba kung sino ang nagpadala ng death threat?" tanong pa ni Kim sa kanya. "Wala." Usal niya. Pumalatak si Sam. "Ang hirap naman n'yan. Para kayong nangangapa sa dilim. Nakakatakot, hindi mo alam kung sino ang kalaban mo." Komento pa nito. "I believe that God will protect you. And so is Miguel." Ani Marisse.  "Umalis na lang kaya ako." Aniya. "Ay bakit?" gulat na tanong ni Kim. "Ayokong madamay kayo. Ako ang target ng kriminal na 'yon. Ayokong sa pagbalik niya, may isang madamay sa inyo." Sagot niya. "Ano ka ba, Sumi? Huwag ka ngang baliw baliwan diyan! Kapag umalis ka dito, mas malaki ang posibilidad na mapahamak ka. Huwag mo kaming alalahanin. Lumaki kami na alam kung paano ipagtatanggol ang mga sarili namin." Sermon pa sa kanya ni Marisse. "Besides, sa laking bakulaw ba naman ng mga pinsan nito. Kayang-kaya nilang proteksiyunan ang mga sarili nila." Dagdag pa ni Sam. "Saka parang papayag si Miguel na umalis ka dito." ani Kim. "Teka, matanong ko lang nga sa'yo. May nakaaway ka ba?" tanong ni Sam. Nagkibit-balikat siya. "Wala." "Kung wala, eh sino 'yon?" tanong din ni Kim. Huminga siya ng malalim. "Ang pakiramdam ko tuloy, ano mang oras puwede na lang akong barilin dito sa kinauupuan ko." Komento niya.  Saka bigla niyang naalala ang bilin ni Miguel sa kanya kanina bago ito pumasok sa trabaho kaninang umaga. Kabilin-bilanan nito na huwag siyang lalabas ng bahay. Baka daw kasi bumalik ang suspect at matyempuhan siya nito kung nasa labas siya. Pero nababagot na siya sa loob ng bahay, dalawang araw na siyang hindi pinapalabas ni Miguel dahil sa pangyayari. Wala na rin naman siyang gagawin sa loob. Kaya minabuti na lang niyang lumabas at magpahangin. "Huwag ka ngang magsalita ng ganyan! Ako ang natatakot sa mga pinagsasabi mo." Kontra ni Marisse. "Joke lang, 'to naman!" natatawang sabi niya. "Tara, kape na lang tayo sa Jefti's." yaya niya. "Sige," pagpayag ng mga kasama niya. Nakalabas na sila ng gate ng mapansin niya ang isang paparating na motorsiklo. Dalawa ang nakasakay doon pawang nakasuot ng itim na damit, nagtaka siya ng malapit na ito sa tapat nila ay may binunot ito mula sa likod nito ang naka-back ride. At ganoon na lang ang panlalaki ng mata niya ng mapansin na baril pala ito. Nagulat pa siya ng biglang sumigaw si Marisse. "Dapa!" sigaw nito. Mabilis na nagpulasan at nagtago ang mga taong naroon pa rin sa kalye at nakatambay. Kasunod ng sunod-sunod na pagputok ng baril. Mabilis silang nagtago sa likod ng mga sasakyan na nakaparada sa kahabaan ng Tanangco. Napasigaw sila ng dahil sa takot, hanggang sa narinig na lang nila ang pagsagitsit ng gulong ng motor. Ilang sandali pa ay muling nabalot ng katahimikan ang buong kalye ng Tanangco. Agad na naglabasan ang mga tao sa kanya kanyang bahay. Mabilis na napaupo sila sa semento at nakahinga ng maluwag. "Okay lang ba kayo?" tanong niya agad. "Oo, ayos lang kami." Nanginginig ang boses na sagot ni Marisse. "Nakakaloka! Muntik ng ma-tsugi ang beauty ko!" nangingilid ang luha na wika ni Sam. "Ang taray! Parang action film lang ah! Charlie's Angels ba tayo?" sabi naman ni Kim, animo walang anuman dito ang mga nangyari. Siya naman ay nanatiling tulala. Muntik na siya doon. Kung hindi naging alerto ang mata niya, malamang patay na siya ng mga oras na iyon. Mabilis na nagsipagtakbuhan ang magpi-pinsan na Mondejar sa kanila. "Ayos lang ba kayo?" nag-aalalang tanong ni Gogoy sa kanila. "Oo," sagot ni Marisse. "May tinamaan sa inyo?" tanong naman ni Jester. "Wala, okay lang kami." Sagot naman ni Kim. "Sumi," untag sa kanya ni Karl. Napakurap siya, sabay tulo ng luha niya. "I'm sorry." Sabi niya sa mga kaibigan niya. "Pasensiya na kayo, muntik na kayong madamay." Umiiyak na hinging-paumanhin niya. Agad siyang niyakap ni Sam, Kim at Marisse. "Huwag kang mag-sorry, girl. Hindi mo kasalanan 'yon." Ani Marisse. Halos sabay-sabay silang napalingon ng dumating si Miguel, sakay ng kotse nito. Mabilis na tinabi nito ang sasakyan at nilapitan sila. "Anong nangyayari dito?" nag-aalalang tanong nito. Agad siyang nilapitan nito at kinulong sa mga bisig nito. "Tinambangan sila Sumi. Mabuti mabilis silang nakapagtago, kaya walang may tama sa kanila." Kuwento pa ni Mark. Napamura si Miguel. Bumakas ang galit sa mukha nito saka mas humigpit ang yakap nito sa kanya. "Nakuha n'yo ba ang plate number ng get away vehicle?" tanong nito kay Marisse. "Hindi na, mabilis ang pangyayari." Sagot nito. "Marvin, tawagan mo si Sanchez. Eto sa cellphone ko ang number nya. I-report mo ang nangyari dito." anito sa pinsan. "Copy." Sagot naman ni Marvin. "Miguel," aniya. "Huwag ka ng matakot, nandito na ako. I'm sorry, wala ako sa tabi mo kanina. Saka anong ginagawa mo dito sa labas? Sinabihan na kitang huwag kang lalabas dahil delikado." "Aalis na lang ako." Sa halip ay sabi niya. "What?" "Nangyari na ito, muntikan ng may madamay ng dahil sa akin." "Sumi, hindi mo kailangang umalis." Sabad ni Wayne. "Mas magiging delikado para sa'yo." Dagdag pa ni Jefti. "Pabayaan mo na lang akong umalis." Baling niya kay Miguel. Hindi ito sumagot. Basta na lang siya nito hinila papasok ng loob ng bahay. "Are you out of your mind? Ipipilit mo pa rin bang umalis ng dahil sa nangyari?" galit na sabi nito. "Intindihin mo ako, Miguel. Ayokong may madamay! Naging mabait sa akin ang pamilya mo! Ayokong may mangyaring masama sa kanila ng dahil lang sa akin. Si Nanay at Jepoy, paano kung sila ang balingan ng gustong pumatay sa akin? Ayokong may mangyaring masama sa kanila. Kailangan ko din silang proteksyunan." Giit pa niya. "Hindi ka puwedeng umalis!" matigas na pahayag ni Miguel. "Aalis ako! At hindi mo na ako mapipigilan!" "Damn it!" galit na sigaw ni Miguel. "Hindi mo ba naiintindihan? Mas magiging delikado sa'yo kung lalabas ka! At ayokong may mangyaring masama sa'yo!" "Pabayaan mo na ako!" sigaw din niya. "Paano ko papabayaan umalis ang babaeng mahal ko? Na alam kong Nanganganib ang buhay mo!" Napipilan siya. Tila naubusan ng lakas na napaupo siya sa sofa, saka tahimik na umiyak. Naiintindihan naman niya ito, pero kailangan niyang isipin ang Nanay at kapatid niya. "Sumi, huwag mong alalahanin ang pamilya mo. Tatawagan ko ang kasamahan kong pulis, papabantayan ko sila doon para masiguro ang kaligtasan nila." Kalmadong wika nito. Tumingin siya dito. "Salamat," umiiyak na sabi niya dito. Ngumiti lang ito, pagkatapos ay nagyakap sila. Naramdaman niya ng halikan siya nito sa ulo. "Ayokong may mangyaring masama sa'yo, Sumi. Kapag pati ikaw ay nawala sa buhay ko, baka tuluyan ko ng ikamatay 'yon." Pabulong na sabi ni Miguel sa kanya. "Hindi ako mawawala sa buhay mo." Sagot niya. "Pangako." ILANG oras na ang nakakalipas simula ng mangyari ang pananambang kay Sumi at sa mga kaibigan niya. Dumating na doon ang mga pulis para imbestigahan ang nangyari. Samantala, siniguro naman ng mga kaibigan din na pulis ni Miguel na nasa mabuting kalagayan at ligtas ang Nanay niya at si Jepoy. "Kumusta ka na? Eto, inumin mo muna." Si Marisse, inabot nito ang isang tasa ng tsaa sa kanya. "Salamat," usal niya. "Okay ka lang ba?" Tumango siya. "Oo, pero hindi talaga mawala sa isip ko kung sino ang taong may malaking galit sa akin para makuha niyang ipapatay ako." Aniya. "Eh ikaw? Sila Sam? Kumusta sila?" nag-aalalang tanong niya. "Naku! Huwag mo kaming alalahanin! Okay lang kami!" sagot nito. "Noong una, hindi pa ako maniwala. Pero ngayon, muntikan na akong mamatay at muntikan na rin kayong madamay. Saka ako lalong nakaramdam ng takot." Pagpapatuloy niya. Binalingan niya ang kaibigan. "I'm sorry, Marisse. Nadamay pa kayo." "Ano ka ba? Wala 'yon! Wala kang kasalanan." Nakangiting wika nito. "Salamat ulit." "Nasaan pala si Miguel?" tanong niya. "Umalis sandali, sumamang mag-imbestiga sa paligid. Baka daw kasi may nakapansin na mga taga-dito sa suspect o kahit 'yung plate number ng motor na ginamit." sagot nito. Magsasalita pa lang sana siya ng biglang mag-ring ang cellphone niya. Napakunot-noo siya ng makitang numero lang ang naka-register doon. Agad na umahon ang kaba sa dibdib niya. Baka kasi isa na naman iyong death threat. "Bakit ayaw mong sagutin?" tanong ni Marisse. "Hindi naka-save sa phonebook ko ang number. Baka, death threat na naman ito." Sagot niya, sa kabila ng nararamdamang takot. "Loudspeaker mo, para kung tama ka ng hinala. Dalawa tayong makakarinig." Sinunod niya ang sinabi ni Marisse. Sandali muna niyang pinakinggan ang background. Nagulat siya ng biglang may sumigaw sa kabilang linya. Boses iyon ng babae, habang tila humihingal ito. "Hello!" aniya. "Sumi! Tulungan mo ako! Hinahabol nila ako!" sigaw ng babae sa kabilang linya. Agad niyang nakilala ang boses nito. "Cristy!" sigaw din niya. Napatayo siya. Kasabay ng muling pagbalot ng takot sa puso niya. Nanganganib ang buhay ng kaibigan niya. "Sumi! Tulungan mo ako! Lumabas ka ng bahay! Maaabutan na nila ko!" "Cristy! Pupuntahan kita! Nasaan ka?" Hindi na siya nagdalawang isip pa at nagmamadaling lumabas ng bahay. Hindi na niya inintindi ang pagpigil sa kanya ni Marisse maging ang sinasabi nito. Ayaw niyang may mangyaring masama sa bestfriend niya. Hindi siya papayag na may masaktan na kahit na sino sa mahal niya sa buhay. "Sumi! Saan ka pupunta?" pasigaw na tanong ng mga nadadaanan niya. Pero hindi niya pinansin lahat ng iyon. Ang tanging nasa isip niya ay ang kaligtasan ni Cristy. Malapit na siyang makalabas sa kalye ng Tanangco ng makasalubong niya si Cristy na tumatakbo din. Nakasuot ito ng itim na pantalon at puting blouse. "Cristy!" sigaw niya dito. Sinalubong siya ng yakap nito. Umiiyak ito. Nanginginig sa takot at pawis na pawis. Mahigpit itong yumakap sa kanya. "Tulungan mo ako, Sumi! Hinahabol nila ako!" anito. "Sino ang humahabol sa'yo?" "Sila!" "Sinong sila?" "'Yung gustong pumatay sa'yo! Naglalakad ako ng harangin nila ako! Saka sapilitan nila akong sinama!" "Huwag kang mag-alala, nandito na ako! Tutulungan kita!" aniya. Hinagod niya ang likod nito para kalmahin ito. Hanggang sa hindi niya sadyang makapa ang beywang nito sa bandang likuran nito. Parang sinipa ng kabayo ang dibdib niya sa lakas ng kabog niyon. Natigilan siya. May baril si Cristy. Umahon ang takot sa katawan niya. Kasabay ng tanong sa isip niya. Bakit may dalang baril ang kaibigan niya? Kasunod niyon, saka biglang naging malinaw sa kanya ang lahat. Paano nangyaring nakarating ito doon sa Tanangco? Hindi pa niya naisasama ito doon. Hindi nga niya nabanggit dito kung saan siya nakatira noong huling beses silang nagkita nito. Hindi na rin sila nagkausap nito maging sa cellphone pagkatapos ang pagkikita nila. Maaari din naman tinanong nito sa Nanay niya ang kinaroroonan niya. Pero ang higit na pinagtataka niya, paano nito nalaman na may gustong pumatay sa kanya? Habang patagal ng patagal ay lalo siyang nakaramdam ng takot. Hindi kaya? "Cristy," aniya. Hindi na nanginginig ang katawan nito. Bigla ay kumalma na ito. "Hindi ba bestfriend mo ako?" mababa ang tinig na tanong nito. "Ano bang nangyayari?" balik-tanong niya. "Ang alam ko sa mag-bestfriend. Walang iwanan. Hindi ba?" Sa halip ay sagot nito. "Oo, at hindi kita iniwan kahit kailan." Wika niya. "Sinungaling ka." Matigas ang boses na sabi nito. "Ano?" "Sinungaling ka!" malakas na sigaw nito. Nagulat siya ng itulak siya nito. Halos mapaupo siya sa lakas ng pagkakatulak nito sa kanya. Saka mabilis na binunot ang baril mula sa beywang nito at tinutok iyon sa kanya. Mabilis na umagos ang luha niya kasabay ng pagbalot ng matinding takot at halo-halong emosyon sa puso niya. Nasasaktan si Sumi. Hindi niya alam kung bakit nagkakaganito ang bestfriend niya. Ano ang ikinagagalit nito ng matindi sa kanya? "Cristy, ano bang ibig sabihin nito?" "Anong ibig sabihin nito? Simple, gusto kong mamatay ka na. At gusto ko, ako ang pumatay sa'yo." Mabilis na sagot nito. Umagos ang luha nito habang nanlilisik ang mga mata nito bunga ng galit. Daig pa niya ang pinasabugan ng bomba sa rebelasyong narinig niyang sinabi ni Cristy sa kanya. Mabilis na bumalik sa isip niya ang mga pangyayari nitong nakaraang araw. "Kung ganoon, ikaw ang nagpapadala ng death threats sa akin?" tanong niya. "Wala ng iba." "Pero, bakit? Magkaibigan tayo! Bestfriend kita!" Lalong bumuhos ang luha nito. Kasabay ng pagkasa nito sa baril. "Iyon din ang akala ko noon. Magkaibigan tayo! Pero pinabayaan mo ako! Sinira mo ang buhay ko!" "Cristy, pag-usapan natin 'to!" umiiyak na sabi niya. "Pag-usapan? Gusto mong pag-usapan natin ngayon? Sige! Pag-usapan natin ngayon dito mismo! Kung ano ang nangyari sa akin nung gabing hinabol ako ng ipinagmamalaki mong PO3 Miguel Mondejar Despuig!" Mabilis na nagbalik sa isipan niya ang pangyayari ng gabing una niyang nakilala si Miguel. Habang nakatutok pa rin sa kanya ang baril. Sinalaysay nito ang nangyari dito. "Pagkatapos mong mawalan ng malay. Mabilis akong tumakbo. Hinabol niya ako hanggang sa highway. Hindi talaga ako nagpahuli dahil naisip ko, mas matutulungan kita na makatakas kapag nandito ako sa labas. Sa layo ng natakbo ko, hindi ko na alam kung anong lugar na 'yon. Hanggang sa nakakita ko ng eskinita. Pumasok ako doon. Lahat ng pasikot-sikot doon ay pinasukan ko, dahil nililigaw ko siya. Masaya ako ng sa wakas ay hindi na niya ako nasundan." "Palabas na ako sa pinagtataguan ko, nang may humarang sa akin na limang lalaki. Sinubukan ko silang labanan. Pero mas nanaig sila sa akin. Ano nga ba ang laban ko sa limang malalaking lalaki? At alam mo ang ginawa nila sa akin? Dinala nila ako sa isang bakanteng bahay. Doon, halinhinan nila akong ginahasa. Sa loob ng tatlong araw, kinulong nila ako doon. Ginagahasa ng paulit-ulit." Napahagulgol si Sumi matapos marinig ang masaklap na sinapit nito. "Cristy," Humakbang ito ng isang beses palapit sa kanya. Saka muling tinutok ang baril sa kanya. "Hep! Teka, hindi pa tapos ang kuwento ko! Huwag ka munang maingay diyan. Eto ang pinakamagandang parte!" pigil nito sa kanya. "Isang araw na himbing na himbing sila na natutulog. Nakakuha ako ng tyempo! Alam mo ang ginawa ko? Kinuha ko ang baril ng isa. Pagkatapos, pinatay ko sila isa-isa. Ang sarap sa pakiramdam." Humagalpak ito ng tawa sa kabila ng pagluha nito. "Pinatay ko sila isa-isa, Sumi. Ang mga demonyong 'yon! Wala na sila. At sa paglabas ko sa impyernong lugar na 'yon! Ikaw agad ang hinanap ko. Kasi, inisip ko. Baka nakakulong ka na. Baka kung anong nangyari sa'yo. Ikaw pa rin ang nasa isip ko, Sumi. Sa kabila ng nangyari sa akin, ang kapakanan pa rin ng bestfriend ko ang nasa isip ko." Umiiyak na naman na sabi nito. "Agad kitang hinanap, nang hindi kita natagpuan sa bahay n'yo. Sinubukan kong pumunta sa ospital para tanungin ang Nanay mo. Eksakto naman na ililipat na ng ospital si Jepoy. Nakita ko, ang pulis na humabol sa akin. Kasama siya ng Nanay mo ng sumakay ng ambulansya. Saka ko nalaman na nasa poder ka pala ni PO3 Miguel Despuig." "Cristy, ibaba mo na 'yang baril mo!" sigaw ni Miguel mula sa bandang likuran niya. Nang lumingon siya. Nakatutok ang baril nito kay Cristy, kasama nito si Sanchez at iba pang naroon na pulis na nag-iimbestiga. Maging ang pamilya ni Miguel ay naroon din. "Huwag mong sasaktan si Sumi!" sigaw pa ni Miguel. "Wala kang pakialam sa gagawin ko sa kanya!" Muli siyang binalingan nito. "At nakita kita, Sumi. Pagkatapos kong sundan si Miguel ng araw na iyon ng palihim magmula sa ospital na 'yon. Nakita ko kung gaano ka kasaya. Nakita ko na marami ka ng natagpuan na bagong kaibigan. At masaya ka sa piling ng taong naging dahilan kung bakit nasira ang buhay ko." "At ako, kinalimutan mo na! Kinalimutan mo ako! Habang masaya ka sa piling ng lalaking 'yan! Nagmistulang impyerno ang buhay ko ng dahil sa pagpo-protekta sa'yo! Buong buhay ko Sumi, ikaw lang ang meron ako! Sa tuwing nangangailangan ka sa kahit na anong bagay! Ako lang ang palaging nasa tabi mo! Pero nang ako ang mangailangan ng tulong mo! Nasaan ka?! Wala! Wala ka! Dahil nagpapakasaya ka sa piling ng lalaking 'yan!" "Hindi totoo 'yan! Kahit kailan hindi kita kinalimutan! Inakala kong sadya kang hindi nagpakita dahil nagpapalamig ka lang ng sitwasyon! Hindi ko inakala na ganoon ang nangyari sa'yo!" depensa niya sa sarili. "Walang kasalanan si Sumi sa nangyari sa'yo, Cristy. Hayaan mong tulungan ka namin." Sabi pa ni Miguel. Hindi nito pinansin ang sinabi ni Miguel. Mahigpit siyang hinawakan nito sa isang braso, tumayo ito sa bandang likuran niya saka siya hinarap sa mga pulis at pamilya ni Miguel. Saka tinutok ang baril sa leeg niya. "Gusto n'yo bang malaman kung paano nagkakilala ang babaeng ito at ang pulis na 'yan?" Nagkatinginan ang mga Mondejar. Maging ang mga nakapaligid sa kanila. "Please, Cristy. Huwag mong gawin 'to. Tigilan mo na 'to!" pakiusap niya. "Para ano? Para hayaan kitang maging masaya, at ako ay patuloy na mabubuhay sa madilim?" "Walang may gusto sa nangyari sa'yo, Cristy. Wala akong kasalanan. Sana maintindihan mo 'yon." Matapang niyang pahayag. "Magnanakaw ka!" sigaw nito sa tapat ng tenga niya. "Sinubukan mong pagnakawan si Miguel noong gabing una kayong nagkakilala! Magnanakaw ka! Paano mo nagawang lokohin ang mga taong gumawa ng kabutihan sa'yo! Kunwari ka lang mabait Sumi! Pero manggagamit ka! Ginagamit mo lang si Miguel para maperahan siya!" sigaw pa nito. Sinadya pa nitong lakasan ang boses nito para marinig ng lahat. "Hindi totoo 'yan! Kahit kelan hindi ko siya ginamit!" "Magnanakaw ka! Ilan na ba ang nakuha mo sa bahay na 'yon? Malaki na ba?" paninira pa nito sa kanya. "Wala akong kinukuha sa kanila!" "Huwag kang gumawa ng kung anu-anong kuwento, Cristy!" awat ni Miguel dito. "Alam namin ang lahat, hija." Sabad ni Lolo Badong. Napatingin siya sa matanda. "Lolo," usal niya. "Matagal na namin alam ang tungkol sa tunay na dahilan kung paano kayo nagkakilala ni Miguel. Umamin siya sa amin. Inobserbahan ka namin, at napatunayan namin na hindi ka masamang tao. Kaya buong puso ka namin tinanggap sa bahay at sa pamilya namin. Isa pa, ikaw ang babaeng pinakamamahal ng apo ko. Alam namin, na mabuti ang puso mo." Paliwanag ng matanda. Lalo siyang napaiyak sa narinig mula sa matanda. Hindi niya akalain na sa kabila ng nagawa niya noon, hindi pa rin siya hinusgahan ng mga ito. Bagkus ay buong puso siyang tinanggap ng mga ito. Pero agad na nawala ang atensyon niya doon ng lalong humigpit ang pagkakahawak ni Cristy sa braso niya. Lalo nitong diniin ang pagkakatutok ng baril sa leeg niya. "Tama na ang drama n'yo!" sigaw nito. "Magpaalam ka na!" "Huwag Cristy!" agad na pigil ni Miguel. "Parang awa mo na! Huwag mong sasaktan si Sumi!" "Cristy, tama na. Pag-usapan natin 'to ng maayos. Ganoon tayo 'di ba? Kapag may problema, nalulutas natin sa maayos na paraan." Pakiusap niya. Ngunit nanatiling bingi si Cristy sa pakiusap niya. "Ibaba n'yo ang baril n'yo! Dahil papatayin ko 'to!" sigaw ni Cristy sa mga pulis. Tinaas nito ang baril saka nagpaputok ng isa. Nagsigawan ang mga taong naroon. "Baba!" utos nito, sa pagkakataong ito kay Miguel naman nakatutok ang baril nito. Mabilis na gumana ang isip niya. Habang wala sa kanya ang buong atensyon nito. Nakakuha siya ng tiyempo, buong lakas niyang tinapakan ang kaliwang paa nito sabay siko sa kanan tagiliran nito. Agad siyang nabitiwan nito, pagkatapos ay tumakbo siya papunta kay Miguel. "Sumi, takbo!" sigaw ni Miguel, mabilis siyang sinalubong nito. "Mamamatay kayong dalawa!" galit na galit na sigaw ni Cristy. Eksaktong nahawakan niya ang kamay ni Miguel. Tatlong putok ng baril ang sunod-sunod na umalingawngaw sa buong paligid. Kasabay ng pagsigid ng kirot sa balikat niya. Napasinghap siya. Agad na dumaloy ang dugo mula sa balikat niya, pababa ng braso. Pagkatapos ay napahiga siya sa lupa. "Sumi!" "May tama ka. Kailangan ka ng madala sa doctor." Nag-aalalang sabi ni Miguel. Hindi niya pinansin ang kirot at dugo na nanggagaling sa balikat niya. "Nasaan si Cristy?" tanong niya. Paglingon niya sa kaibigan. Nakabulagta na ito at tila wala ng buhay. Niyakap siya ni Miguel. Doon, sa bisig ng minamahal niya. Binuhos ang lahat ang luha. Hindi niya akalain na ganoon ang pinagdaanan nito. Kung may magagawa nga lang siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD