Chapter Ten

3485 Words
MALUNGKOT na pinagmasdan ni Sumi ang lapida na nasa harapan niya ngayon. Nakasulat doon ang buong pangalan ni Cristy. Naglandas ang mga luha niya. Nakakalungkot na sa hindi maganda nagwakas ang pagkakaibigan nila. Inakala niyang ayos na lahat sa buhay niya ng gumaling na sa sakit niya si Jepoy. At lalo siyang sasaya dahil nakilala na rin niya ang lalaking mamahalin niya at minamahal din siya. Pero kapalit lahat ng iyon ay ang buhay ng matalik niyang kaibigan. Alam niya sa sarili niya na wala siyang kasalanan sa mga nangyari. Tama si Cristy, isang naging malaking kasalanan niya ay ang wala siya sa panahon ng trahedya sa buhay nito. Matapos ang gabing iyon na hinostage siya ni Cristy. Namatay din ito ng mismong araw na iyon. Dalawang beses itong nabaril, isa ay si Miguel ang bumaril at ang isa naman ay si Sanchez. Pero bago ito bumagsak ay nakapagpaputok pa ito ng isang beses, na siyang tumama sa balikat niya. Siya naman ay dinala sa ospital para matanggal ang bala sa balikat niya. Lahat ng iyon ay mahigit isang linggo na ang nakakaraan. Ngunit para kay Sumi, sariwa pa rin sa alaala niya ang gabing iyon. Lalo na ang itsura ng kaibigan niya habang wala na itong buhay. At hanggang ngayon, hindi pa rin niya lubos maisip na ito ang gustong kumitil ng buhay niya. "Sumi," pukaw sa kanya ng kasama niya. Pinahid niya ang luha sa pisngi niya. Tumayo sa tabi niya si Miguel. "Ang laki ng pagkukulang ko sa kanya." Aniya. "Wala kang kasalanan," sabi pa nito. "Meron akong kasalanan, Miguel." Giit niya. "Tama siya, pinabayaan ko siya. Minsan lang sa buhay ni Cristy na siya naman ang mangailangan sa akin. Pero wala ako sa tabi n'ya." "Hindi mo ginusto ang nangyari sa kanya. Nabulag lang siya ng galit. Naghanap lang siya ng mapapagbalingan ng sitwasyon." Paliwanag ni nito. Umiling siya. "Kahit na ano pa ang ginawa niya. Kaibigan ko pa rin siya." "Sumi," "Hanggang ngayon, hindi ko pa rin matanggap na ako ang isa sa dahilan kung bakit nasira ang buhay niya." "Hindi totoo 'yan." mabilis na kontra ni Miguel. Hindi siya kumibo. Hinarap niya ito. "May gusto sana akong ipakiusap sa'yo." Aniya. "Ano 'yon?" "Huwag muna tayong magkita, Miguel." Mabilis na bumaha sa mukha nito ang sakit. Napatungo si Sumi. Ayaw niyang saktan ito, dahil mahal na mahal niya ito. Pero wala siyang mapagpipilian. Kailangan niyang pansamantalang lumayo. Para matanggap ang nangyari. Isa pa, masyado na rin maraming gulo ang hinatid niya kay Miguel at sa pamilya nito. Pagkatapos ng binulgar ni Cristy ang buong pagkatao niya sa harap ng maraming tao. Wala na siyang mukhang maihaharap pa dito. "Ano'ng sabi mo?" "Pabayaan mo na muna ako makapag-isa. Baka sa pamamagitan nito, unti-unti kong matanggap ang mga pangyayari. Isa pa, masyado ng malaking gulo at kahihiyan ang hinatid ko sa pamilya mo. Alam na nila ang nakaraan ko." "Sumi, huwag mong gawin sa akin 'to." Sabi pa ni Miguel. Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat. Pero inalis niya ang mga kamay nito sa balikat niya. "Mahal na mahal kita, Sumi." "Ganoon din ako, Miguel. Simula ng makilala kita, walang araw na hindi kita minahal. Pero kailangan kong lumayo. Hindi ko kayang maging masaya gayong ako ang dahilan kung bakit nakalibing na ngayon ang kaibigan ko. Hindi ko kayang maging masaya sa ngayon." "Kaya isasakripisyo mo ang pagmamahalan natin?" Hindi siya nakakibo. Nanatili siyang nakatungo habang umiiyak. "Patawarin mo ako, Miguel." Mabigat ang boses na sagot niya. Agad siyang naglakad palayo dito. Sa bawat hakbang niya palayo kay Miguel. Parang dinudurog ang puso niya sa sobrang sakit na nararamdaman niya. Iyon na yata ang pinakamasakit na ginawa niya sa buong buhay niya. Ang talikuran ang lalaking nagbigay ng kulay sa mundo niya. Ang nagturo sa kanya kung paano umibig. At gustuhin man niyang bawiin ang desisyon niya, wala na siyang magagawa. Nasabi na niya ang dapat masabi. Nasaktan na niya ito. Dahil iyon lang ang nakikita niyang nararapat na gawin, ang isakripisyo ang relasyon nila para matanggap niya ang mga masasakit na pangyayari sa buhay niya. Isa lang ang siniguro niya sa sarili niya. Hinding hindi siya hihinto sa pagmamahal kay Miguel. One month later "'NAY! Nandito na po ako!" wika ni Sumi pagdating niya sa bahay nila. Dumiretso siya sa kusina, nadatnan niya itong abalang nagluluto ng ulam para sa hapunan nila. Nagmano siya dito. "O? Anak, kumusta na ang trabaho mo?" tanong ng Nanay niya. "Ayos naman po." Sagot niya. Simula ng bumalik siya sa poder ng Nanay niya. Bumalik siya sa pagta-trabaho sa dating restaurant na pinapasukan niya. Hindi nga lang gaya dati na regular working hours, pansamantala ay part-time lang siya o iyong nasa apat na oras lang ang pasok niya. Mas minabuti na niya iyon kaysa naman wala siyang mapagkakitaan. "Ate!" tawag sa kanya ni Jepoy. "O? Saan ka galing?" tanong agad niya dito. "Diyan lang, sa kapitbahay. Naglaro kami ng computer games ni Junjun." Sagot nito. Napangiti si Sumi. Pagkatapos ng maselang operasyon kay Jepoy, naging maganda ang resulta ng Surgery nito. Matagumpay ang operasyon nito ayon na rin sa Doctor. Naging maganda ang pagresponde ng katawan ng kapatid niya sa medication at operation nito. Sa ngayon, patuloy pa rin ito sa follow-up check-up nito. Gusto kasi nilang makasiguro na wala ng problema sa puso ang kapatid niya. At masaya siya dahil sa pagdaan ng mga araw, unti-unti ng nakakabangon ang kapatid niya. Medyo bumibilog na ang katawan nito dahil magana na itong kumain. "Baka naman nagpapagod ka." "Hindi po Ate, nakaupo nga lang kami eh. Tapos dumating 'yung Tito ni Junjun na pulis. Ate! May baril nga 'yung Tito niya eh. Naalala ko tuloy si Kuya Miguel. Sana Ate, bumalik na si Kuya dito." walang prenong wika ng kapatid. Hindi siya nakakibo, Bagkus ay nagkatinginan lang sila ng Nanay niya. "Jepoy, maglinis ka na ng katawan mo pagkatapos magpalit ka na ng pantulog. Malapit ng maluto itong ulam ng makakain na tayo." Utos ng Nanay nito. Pag-alis ng kapatid niya, saka siya hinarap ng Nanay niya. "Anak, ikaw ba ay wala ng balak kausapin 'yan si Miguel?" tanong nito. Matapos ang huli nilang pag-uusap noon sa harap ng puntod ni Cristy. Gaya ng sinabi niya dito at pakiusap niya. Hindi na nga ito pa nagpakita sa kanya. Hindi na nga ito tumawag o nag-text man lang. At sa puntong iyon, gusto niyang pagsisihan ang ginawa niya. Masyado kasi siyang nadaig ng guilt. Masyadong naging mabilis ang pangyayari noon. Kaya mas pinili niyang mapag-isa. Pero sa tuwina, hinahanap-hanap niya ang presensiya nito. Ang mga biro nito. Ang cute na pagsasalita nito ng kapampangan. Ang mga corny jokes nito. Ang bawat pagtawa at ngiti nito. Lahat yata ng tungkol sa binata ay nami-miss niya. Gusto na niya itong makita. Pero nahihiya siyang magpakita dito. Bumuntong-hininga siya. "Hindi ko po alam." Sagot niya. "Bakit hindi mo alam?" tanong ulit nito. "Ang gulo ng utak ko eh." "Bakit magulo?" "Nanay naman eh! Ang dami mong tanong." Maktol pa niya. "Anak, mahal mo pa ba?" "Opo!" mabilis niyang sagot. "Wala naman pong nagbago eh." "Iyon naman pala eh! Ano pang ginagawa mo dito?" "Alangan naman ako pa lalapit sa kanya." "Ikaw ang lumayo sa kanya, at sinabihan mo siyang hayaan ka muna.  Ngayon, aasa ka na siya ang unang lalapit sa'yo." Sabi pa ng Nanay niya. Napaisip siya. Oo nga naman. "Nahihiya po kasi ako eh." "Aanuhin mo pa ang hiya mo, kung sa pagbalik mo sa buhay nya malaman mo na wala na pala siya at may nahanap ng iba." Isipin pa lang niya na may iba ng babaeng minamahal ito ay parang naiiyak na siya sa sakit. Kahit na siya ang pansamantalang lumayo dito, pinanghahawakan pa rin niya ang pangako nito na wala na itong iba pang mamahalin pa kung hindi siya lamang. "May pangako po siya sa akin, 'Nay. Hindi niya ako maaaring palitan." Nangingilid ang luhang wika niya. "Isang buwan ka ng hindi nagpaparamdam sa kanya. Hindi naman puwedeng umasa 'yon sa'yo ng walang kasiguraduhan. Tandaan mo, lalaki 'yon. Guwapo pa naman si Miguel. Sigurado akong maraming babaeng magkakandarapa diyan na mahalin at alagaan siya." Parang may kumurot sa puso niya. Hindi yata niya kayang makita ito na may kasamang iba. Nasa ganoon siyang pag-iisip ng biglang may kumatok sa pinto nila at tinatawag ang pangalan niya. Agad niyang tinungo ang pinto para malaman kung sino ang dumating.  Ganoon na lang ang pagtataka niya ng makita kung sino ang bisita nila. Sina Marvin, Jester, Wayne at Daryl. "Anong ginagawa n'yo dito?" tanong niya. Ngumisi lang ang mga ito sa kanya. "SAAN n'yo ba talaga ako dadalhin?" galit na tanong ni Sumi sa mga pinsan ni Miguel.Pagkatapos nitong basta na lang sumulpot sa bahay niya. Nagulat na lang siya ng basta na lang siya hilahin ng apat palabas ng bahay. At ang ipinagtataka pa niya, mukhang may alam ang Nanay niya. Dahil hindi man lang ito nag-panic ng basta na lang siya bitbitin ng mga ito. Pagdating nila sa loob ng sasakyan, nilagay na mga ito ang dalawang kamay niya sa likod at pinosasan pagkatapos ay nilagyan ng piring sa mata. "Marvin! Daryl! Hoy! Ano bang gagawin n'yo sa akin? Ano bang atraso ko sa inyo! Mga walanghiya kayo! Kapag nakawala ako dito! Malilintikan talaga kayo sa akin apat!" patuloy niya sa pagtutungayaw. "Hey chill! Wala kaming alam dito. Napag-utusan lang kami." Kalmadong sagot ni Daryl. "Ewan ko sa'yo! Sino may pakana nito? Hindi ka man lang ba kumontra sa sino man nag-utos sa inyo? Ikaw Daryl? Anak ka ng Senador ah! k********g 'to ah!"  "Oo nga! Pero malupit ang nag-utos sa amin. Wala akong laban doon. Kumpleto kaya iyon ng koleksiyon ng baril. Baka mamaya bigla na lang ako barilin no'n eh." Sabi pa nito. "Si Miguel may pakana nito no?" panghuhula niya. Hindi sumagot ang mga ito. "Hoy! Sumagot kayo! Kung ano man ang pinaplano ng pinsan n'yong ugok! Hindi ko siya gusto! Promise!" sigaw na naman niya. "Pakawalan n'yo ko!" "Grabe naman, ang ingay mo pala! Dati naman tahimik ka ah." Puna sa kanya ni Jester. "'Yan ang napapala mo! Ang hilig mo kasing dumikit kay Marisse!" dagdag pa ni Marvin. "Daig pa no'n ang nakalunok ng megaphone!" Hindi na siya sumagot. Pero pinangako niya sa isip niya na aawayin niya talaga si Miguel, kapag napatunayan niyang may kinalaman ito sa pangki-kidnap sa kanya. Ilang sandali pa. Naramdaman niyang huminto ang sinasakyan nila. "Nasaan na tayo?" tanong ulit niya. "We're home!" sagot ni Wayne, pagkatapos ay narinig niyang tumawa ito. "Oy Sumi, halika na. Bumaba ka na diyan." Narinig niyang sabi ni Jester. Inalalayan siya nitong makakababa ng sasakyan. Mayamaya ay narinig niyang sumigaw si Wayne. "Aray ko Lolo! Bakit po kayo namukpok ng tungkod?" tanong pa nito sa abuelo. Narinig pa niya ng may mga magtawanan. Napangiti siya. Kung gayon, naroon siya sa Tanangco. Ang lugar na naging malapit na sa puso niya. Narinig niyang nag-usap ang mga pamilyar na tinig. "Ano bang kalokohan itong ginagawa n'yo kay Sumi?" tanong ni Lolo Badong. "'Lo, relax. Hayaan po natin siya sa kamay ng batas." Makahulugang sagot ni Wayne. "Hoy, tulungan n'yo naman ako." Aniya sa mga ito. Si Jhanine ang nagsalita sa mga ito. "Sorry girl, takot lang namin mabaril." Ilang sandali pa ang nagdaan ng marinig niyang sinarado ang malaking gate. "Maupo ka," utos ni Karl. Sinunod na lang niya ang sinabi nito. Hindi na siya nagtangka pang kumontra. Siguro naman, walang masamang gagawin ang mga ito sa kanya. Base sa pagkakakilala niya sa magpi-pinsang Mondejar, maging ang mga kaibigan niya doon. Mababait naman ito. Iyon nga lang, kapag inatake ng kalokohan. Gaya ngayon. Pasensiya na lang sa mabibiktima. At siya ang biktima ngayon. Pero malakas ang kutob niya na si Miguel ang pasimuno niyon. Nakiramdam siya. Natahimik ang buong paligid. Hindi siya sigurado, pero parang naririnig niyang kumikilos ang mga ito sa paligid niya. Pagkatapos ay tuluyan ng natahimik ang lahat. "Hoy! Ano bang nangyayari? Pakawalan n'yo na ako!" sabi pa niya. Pero walang sumagot sa mga ito. Habang tumatagal, palakas ng palakas ang kaba sa dibdib niya. Hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman. Ngunit isa lang ang sigurado at malinaw sa isip niya. Gusto niyang makita muli si Miguel. "Sumi," Dumoble ang lakas ng t***k ng puso niya. Kilala niya ang tinig na iyon. Ang tanging nagmamay-ari ng baritonong tinig na iyon. Paano nga ba niya makakalimutan ang lalaking naging dahilan kung bakit naging kulay rosas ang paligid niya. "Miguel," bulong niya. "Akala ko nakalimutan mo na ako." "Anong kabaliwan 'tong ginawa mo? Pwede ba? Alisin mo na ang piring sa mata ko!" sa halip ay sabi niya. Sinunod nito ang sinabi niya. Pagdilat niya ng mata niya, bahagya pa siyang nasilaw dahil may nakasabit na ilaw. Nang lumingon siya sa paligid, napapalibutan sila ng itim na tela. Ang ilaw naman ay tila nakasabit sa isang mahabang kahoy. Hawak pa ni Wesley at Gogoy ang magkabilang dulo ng kahoy. Naging improvise interrogation room iyon. "Hoy Miguel, bilisan mong magtapat kay Sumi! Nangangawit na ako!" reklamo pa ni Gogoy. Tiningnan lang nito ang pinsan. Kumabog na naman ang puso niya ng sa wakas ay magtama na ang paningin niya. Pakiramdam ni Sumi ay nagtatatalon ang puso niya sa saya. Isang buwan din niyang tiniis na huwag makita ito. At na-miss niya ito ng husto. Mabuti na lang at nakaposas siya, kung hindi, baka kanina pa niya nayakap ito. At hanggang sa mga sandaling iyon, wala pa rin pinagbago sa damdamin niya para dito. Mahal pa rin niya ito. "Ano bang kalokohan 'to Miguel?" tanong niya. Sinadya niyang pormalan ang mukha at boses niya para hindi halatang miss na miss na niya ito. "Nang humiling ka noon na hayaan kitang mapag-isa. Pinagbigyan kita. Kahit na ang totoo, hindi ko maintindihan kung bakit mo kailangan isakripisyo ang mayroon tayo. Naghintay ako ng ilang linggo. Inakala ko na hindi mo rin ako matitiis at babalik ka. Pero nagkamali ako." Malungkot ang mukhang pahayag nito. "Miguel, kasi..." "Nakakainip pa lang maghintay, Sumi. Isang buwan na ang nakakalipas. Hindi ka pa rin nagpapakita sa akin. Kaya hindi ko maiwasan na magtampo, mukhang kinalimutan mo na ako. Mukhang tuluyan mo na akong binura sa puso mo." "Hindi totoo 'yan," mabilis niyang tanggi. "Kaya naisip ko, kakasuhan na lang kita. Pambawi man lang sa mga naging atraso mo sa akin." Sabi pa nito. "Ano? Nagbibiro ka ba?" hindi makapaniwalang tanong niya. "Mukha ba akong nagbibiro?" seryosong balik-tanong nito. "Pakawalan mo nga ako!" "Hindi, baka makatakas ka pa eh!" "Miguel, ikaw na ang nagsabi na pinatawad mo ako dati. Bakit ngayon kakasuhan mo ako? Anong naging kasalanan ko?" galit na tanong niya. Inakala niya na gusto siyang makita nito at isang drama lang ang lahat ng iyon. Nagsimula ng mangilid ang luha niya. Akala pa naman niya, tuna yang pagmamahal nito sa kanya. Hanggang sa tuluyan na siyang mapaiyak. "Tigilan mo na nga ito, Miguel. Kung wala kang mapagtripan. Huwag ako. Wala akong panahon sa ganito. At kung kakasuhan mo ako, sige. Haharapin ko lahat ng iyon." Umiiyak na sabi niya. "Isa pa, ikaw nga itong nagsinungaling sa akin. Matagal na palang alam ng pamilya mo ang tungkol sa dati kong buhay!" dagdag pa niya. "Jester, pakawalan mo na siya." Utos nito sa pinsan. "Sinadya namin hindi sabahin sa'yo dahil alam namin na hindi ka magiging komportable dito." paliwanag nito. Nang sa wakas ay tinanggal na nito ang posas. Tumayo siya. "Kasuhan mo ako kung gusto mo! Wala akong pakialam!" galit na wika niya. Nagsimula na siyang maglakad palayo dito. Mas mabuti pa sigurong umalis na lang siya sa lugar na iyon. "Hindi mo man lang ba ako na-miss?" tanong nito. Napahinto siya. Muli siyang lumingon dito. "Na-miss kita, Miguel. Sobra." Lumuluhang sagot niya. "I hate for leaving me. I hate you for sacrificing our love just because of what happened. And I hate you because you're a thief." Napakunot-noo siya. "Anong ibig mong sabihin? Hanggang ngayon magnanakaw pa rin ang tingin mo sa akin?" tanong niya. Para siyang sinaksak nito dahil sa sinabi nito. "Oo. And I'll charge you with Theft, for stealing my heart. Then, I'll charge you with attempted homicide. Dahil sa bawat araw nagdadaan na wala ka sa tabi ko, pakiramdam ko ay para akong unti-unti mo akong pinapatay." Buong pusong paglalahad nito. Natutop niya ang bibig, kasunod ng mabilis na pagpintig ng puso niya. Pinawing lahat ng mga salita ni Miguel ang maling akala niya. "Miguel," "Naiinip na ako sa paghihintay. Hindi ko alam kung kailan ka babalik sa akin. Natatakot akong mabalitaan na baka may iba ka ng mahal. Dahil ayokong mawala ka sa akin, Sumi. Simula ng mawala ang mga magulang ko. Ikaw na lang ang naging dahilan kung bakit nagkaroon ng kulay ang madilim na mundo ko." "Kahit kailan Miguel, hindi mangyayari na magmamahal ako ng iba. Dahil simula ng nakilala kita. Wala ng ibang nagmay-ari sa puso ko kung hindi ikaw lang." Ngumiti ito. Pagkatapos ay mabilis itong lumapit sa kanya. Sa isang iglap ay kinulong siya nito sa matipunong bisig nito. "I missed you so much, Sumi." Bulong nito. "I missed you too," sagot niya. "Ipangako mo sa akin na hindi ka na lalayo pa ulit. Dahil baka hindi ko na kayanin." Sabi pa nito. "Pangako." Aniya. Bahagya siyang nilayo nito. Maingat na ginagap nito ang magkabilang pisngi niya. "Alam ko, Sumi. Kahit hindi mo sinabi sa akin. Sinisisi mo ang sarili mo sa pagkamatay ni Cristy. Gusto kong malaman mo, na wala kang kasalanan sa nangyari. Naging mabuti kang kaibigan sa kanya." Lalo siyang naiyak. Isang katotohanan ang sinabi nito. Hindi man niya aminin o sabihin. Sa isip niya. Sinisi niya ang sarili sa nangyari. Pero dahil na rin sa pangaral ng Nanay niya. Natuto siyang patawarin ang sarili. Natuto siyang tanggapin na sa kabuuan ng lahat ng malagim na pangyayari sa kanila ng matalik na kaibigan. Wala siyang kasalanan sa lahat at kailangan na niyang patuloy na mabuhay para sa Nanay at kapatid niya. Ngayon, para na rin kay Miguel. "I'm sorry, Miguel. Iyon ang naisip kong paraan para matanggap ko ang pangyayari. I'm so sorry." "Shhh," anito. Hinalikan siya nito sa mata. Pagkatapos ay pinunasan ng mga daliri nito ang luha niya. "Sinabi ko na noon sa'yo. Ayokong nakikita kitang umiiyak. Dahil kapag nasasaktan ka, mas nasasaktan ako. Simula sa araw na ito. Ako ang magiging dahilan ng pagngiti mo. Ang pagmamahal ko para sa'yo." Muli niyang niyakap si Miguel. "Maraming Salamat," "Mahal na mahal kita, Sumi." Buong pagmamahal nitong sabi. "Mahal na mahal din kita, Miguel." Sagot niya. Muli siyang nilayo nito, at sa isang iglap, naglapat ang mga labi nila. Napapikit siya. How she missed this moment. Ang makulong sa bisig ng lalaking pinakamamahal niya. Ang muling maiparamdam dito kung gaano niya kamahal ito. "Hay salamat!" sigaw ni Kevin. "Hoy tama na 'yang halikan n'yo!" awat sa kanila ng mga pinsan nito. Naghiwalay sila. Ngumiti sila sa isa't isa, pagkatapos ay pinagdikit nito ang noo nila. Wala na yatang mas sasaya pa sa kanilang dalawa sa mga sandaling iyon. "Taguan na tayo!" ani Glenn. "Game!" "Sali kami!" sabi ni Miguel. "Sino taya?" tanong ni Wesley. "Hoy teka! Sali ako!" sabay na sabi ng dalawang boses, ang isa ay si Marvin. Ang babae naman ay hindi niya kilala, parang ngayon lang niya nakita ito doon. Napalingon sila sa sumabad sa usapan at gustong sumali ay nakasimangot na lumingon kay Marvin. Kasingtangkad nito ang huli. Maputi ito, mahaba ang buhok at maganda. Para itong koreana dahil sa singkit na mata nito. Nagkatinginan ang sabay na nagsalita. Napansin niyang ngumisi si Marisse pati sila Miguel. Mayamaya pa ay nagbulungan ang mga ito. "Razz, tara! Sali ka!" yaya ni Marisse sa bagong dating na babae. "Dalawa kayo ni Marvin ni taya!" sabi pa ni Daryl. "No way!" sabay na tutol ng dalawa. "Hindi pwede! Dalawa kayong humabol, kayong dalawa ang taya." Sabi pa ni Mark, habang maganda ang pagkakangisi nito. Halatang may panunudyo sa mga mata ng mga ito. "Tago na!" sigaw pa ni Kevin. Mabilis na hinila siya ni Miguel sa likod bahay, sa halamanan sila nagtago. "Huwag kang maingay," bulong nito. Tumango siya. Mayamaya ay napansin niyang nakatitig ito sa kanya. "Bakit?" tanong niya. "Thank for coming back in my life," anito. Ngumiti siya. "Ako dapat ang nagsasabi sa'yo n'yan." "I love you, my beautiful thief." sabi ni Miguel. "I love you too, P03 Miguel Mondejar Despuig." Sagot niya. Then, they kissed again. Iyon na ang pinakamasayang gabi sa buhay niya. Dahil alam ni Sumi, hindi na sila maghihiwalay pa ng lalaking naging anghel ng buhay niya. Kalakip ng pagmamahalan nila ay ang pangakong habang buhay silang magiging tapat sa isa't isa. At tanging si Miguel lamang ang lalaking mamahalin niya, alam niyang ganoon din ito. Mananatiling sentro ng pag-iibigan nila ang nag-iisang dahilan ng lahat ng magagandang biyayang natatanggap niya. Thank you Lord! The best ka talaga! Piping dalangin ni Sumi. "Pung Miguel! Pung Sumi!" **THE END/WAKAS**

Great novels start here

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD