Chapter Five

1972 Words
NAGULAT si Sumi nang sa pagdating ni Miguel ay duguan ang braso nito. Naka-puting sando na lang ito at pantalon na maong, habang ang kaninang suot nitong polo ay ginawa nitong tali at nilagay sa braso nito. Hinatid pa ito ng tila kasama nitong Pulis. Mas mabilis na dinaluhan niya ito. Maging ang mga pinsan nito at ang Lolo at Lola nito ay napuno ng pag-aalala. "Miguel, anong nangyari sa'yo?" nag-aalalang tanong niya dito. Tila balewala lang na nagkibit-balikat ito. "Huwag kayong mag-alala. Daplis lang 'to, malayo sa bituka." Sagot lang nito. "Ano bang huwag mag-alala eh hayan at dumudugo 'yang sugat mo." Ani Lolo Badong. "Lolo, okay lang po ako." Sagot nito. "Halika na, dalhin na kita sa ospital." Yaya niya dito. "Hindi na, Sumi. Ayos lang ako. Ang mabuti pa, linisin mo na lang ang sugat ko. Betadine lang ang katapat nito." sabi pa nito. "O sige na nga," napilitan niyang pag-sang-ayon. "Hala sige, umakyat na kayo at ng magamot ka na. Sumi, ikaw nang bahala sa matigas ang kukoteng batang 'yan." Tila nangungunsuming bilin sa kanya ni Lola Dadang. "Opo 'La, ako na pong bahala. Huwag na po kayong mag-alala." Pag-aalo niya sa matanda. Pagdating nila sa itaas, dumiretso sila sa silid nito. Simula ng tumigil siya sa bahay ng mga Mondejar, sa katabing guest room na siya natutulog. Binilinan pa siya ng dalawang matanda na mag-double lock sa gabi, dahil baka daw may pumasok sa kuwarto niya ng natutulog. Ilang araw na ba siyang naroon, pang lima na yata ngayon. Mabilis niyang kinuha ang first aid kit. Nilinisan muna niya ang bahagi ng braso ni Miguel na may dugo, saka ang mismong sugat nito. Pagkatapos ay nilagyan niya ng Betadine at tinapalan niya ang gasa. "Palagi ka bang ganyan? Uuwi ng may tama?" tanong niya dito. "Hindi naman. Ngayon lang nangyari 'to." Sagot nito. "Ano ba kasing nangyari?" tanong ulit niya. "May hinabol kaming dalawang most wanted na hold-uper sa kahabaan ng Recto. Eh ayaw pahuli, ayun, binaril ko sa paa para hindi makatakbo. Pinadaplisan ko lang naman. Lalagyan ko na lang ng posas ng biglang akong saksakin, mabuti na lang nakaiwas ako. Iyon nga lang, nahagip pa rin ang braso ko." Kuwento nito. "Hindi ko lang maintindihan, mayaman ka naman. Pero bakit nagtitiis ka sa pagiging Pulis? Hindi ba, ang liit ng sweldo ng Pulis?" "It's because of my parents." Seryosong sagot nito. "Bakit? Anong nangyari sa kanila?" Kinuwento nito ang tunay na nangyari sa mga magulang nito. Nakaramdam siya ng lungkot para dito. Hindi niya akalain na sa kabila ng mga ngiti nito ay may malungkot pala itong nakaraan. "Sorry," aniya. "Para saan?" "Kasi tinanong ko pa ang tungkol sa kanila. Nalungkot ka tuloy." Sagot niya. "It's okay." "Nakakatakot ang trabaho mo. Hindi mo alam ang puwedeng mangyari sa'yo araw-araw." Komento niya. "Parang kapag ganyan ka, ayokong makita ka. Lalo na kapag ganyan duguan kang uuwi dito. Nakakanerbiyos!" Gumuhit ang matamis na ngiti nito, sabay kurot ng marahan sa pisngi niya. "Hindi mo kailangan mag-alala sa akin, Sumi. I'll be fine. God is my protector. At sa araw-araw na pag-uwi ko dito galing sa trabaho. Pinapangako ko sa'yo na buo mo pa rin akong makikita." Seryosong wika nito habang diretso sa matang nakatingin ito. Hindi siya sigurado, pero alam niyang may ibig ipakahulugan ito sa sinabi nito. Mabilis na nag-react ang puso niya. Bumilis ang pintig niyon. Hindi alam ni Sumi kung para saan ang kabang sa tuwina ay umaahon sa dibdib niya, lalo na kapag ganitong nasa malapit si Miguel. Ngumiti siya dito. Hindi dapat makahalata ito na halos tumalon palabas ng dibdib ang puso niya. "Hay naku, basta mas maganda kung uuwi ka dito ng wala kang sugat o kahit galos. Dahil nag-aalala kami dito, lalo na ang Lolo at Lola mo." Sagot niya. "Sumi," Lalong lumakas ang kaba niya. Bakit ba sa tuwing si Miguel ang nagsasambit ng pangalan niya ay parang musika sa pandinig niya? Lihim siyang napabuntong-hininga, napa-praning na nga yata siya. Kung anu-ano na kasi ang naiisip niya. "Ba-bakit?" kandautal na tanong niya. "Did anyone tell you how beautiful you are?" puno ng emosyong tanong nito. "Ha? Ah...uhm..." Pilit na ginalugad ni Sumi ang utak niya para lang may masabi, pero nanatiling blangko iyon. Pero ang puso niya, pakiramdam niya ay kaydaming dapat sabihin sa guwapong lalaking nasa harapan niya. Tumikhim siya ng malakas. "Ikaw naman oh! Ang lakas ng epekto ng daplis ng balisong sa'yo ah!" sa halip ay sagot nito. Ngumiti lang ito. "By the way, I have a good news for you." Pag-iiba nito sa usapan. "Good news? Ano 'yon?" tanong niya. "Pinalipat ko na ng ospital ang kapatid mo." Sagot nito. "Doon siya sa Pederico Medical Center ita-transfer." "Ha? Eh mahal doon ah. Baka hindi namin kayanin ang bills doon. Lalo akong mabaon sa utang sa'yo." Komento niya. "Huwag mo ngang alalahanin ang hospital bills. Dr. Ken Charles Pederico is a cardiologist, kapitbahay at kaibigan namin. Taga-dito 'yun sa Tanangco. Nakausap ko na siya about sa case ng kapatid mo. And he's willing to help, actually siya nga ang nagsabi na ilipat na doon ang kapatid mo. Para ma-examine na siya at nang ma-schedule na ang operasyon ni Jepoy." Mahabang paliwanag nito. Nabalot siya ng saya. Wala sa loob na napayakap siya kay Miguel. "Salamat. Maraming Salamat!" tuwang-tuwa na wika niya. Hanggang sa naramdaman niyang gumanti ito ng yakap sa kanya. "Basta makakapagpasaya sa'yo, gagawin ko." Bulong nito. Natigilan siya. Saka siya kumalas sa pagkakayakap dito. Napako ang mga mata nila sa isa't isa. "Miguel," "Ayokong nakikita kang malungkot, Sumi." Anito. "Pero..." Naputol ang sasabihin niya ng biglang may kumatok ng malakas sa pinto ng silid na iyon. "Hoy Sumi! Halika doon tayo sa bagong bukas na mini gorcery store ni Olay!" si Marisse. "Ah...Oo! Sige, nariyan na!" sagot niya pero hindi pa rin niya magawang mabawi ang tingin mula kay Miguel. Binalingan niya ito. "Kung okay ka na, labas na muna ako. Tawagin mo na lang ako kung may ipapagawa ka o may iuutos ka." Sabi pa niya. "Sige, magpapahinga lang muna ako dito." sagot naman nito. Mabilis siyang niligpit ang first aid kit saka agad na lumabas ng silid nito. Doon ay saka siya tila nakahinga ng maluwag. Ano bang nangyayari sa kanya? Bakit ganoon na lang ang nararamdaman niya? Pinatong niya ang kanan kamay sa dibdib niya, sa tapat ng puso niya. Ganoon pa rin, mabilis pa rin ang pagtibok niyon. Bakit ganoon na lang ang reaksiyon niya sa tuwing nagtatama ang mga mata nila ni Miguel? Ang bawat pag-aalala niya sa tuwing nasa trabaho ito. Pinilig niya ang ulo. Hindi dapat. Hindi puwede. Hindi sila bagay. Humugot siya ng malalim na hininga. Hindi man malinaw sa kanya kung ano ang tunay na estado ng damdamin niya para dito. Saka na lang niya aalamin. Ang mahalaga ay ang magandang pagkakataon na binigay sa kanya ng Diyos para muling maayos ang buhay niya. ILANG linggo na ang nakakalipas, simula ng dalhin siya ni Miguel sa Tanangco Street. Sa sandaling panahon nang pagtigil niya doon. Mabilis na napalapit sa mga Mondejar si Sumi. Bukal sa puso nito ang pagiging mabait sa kapwa ng magpi-pinsan. Lalo na sina Lolo Badong at Lola Dadang. Hanggang sa mga sandaling iyon, hindi sinasabi ni Miguel ang dahilan ng pagkakakilala nila. Ang alam ng mga ito'y kaibigan siya nito at bilang kabayaran sa utang ng loob ay nanilbihan siya doon. Bukod doon, sa ilang linggo ay mabilis niyang nakasundo ang mga bagong kaibigan niya. Sina Kim, Sam, Marisse, Jhanine at Olay, maging ang mga kapitbahay nila. At kasabay ng bagong buhay na naumpisahan niya, ay ang paglalim ng samahan nila ni Miguel. Sa paglipas ng araw, mas naging malapit sila sa isa't isa. At aminado na si Sumi sa kanyang sarili, espesyal si Miguel sa puso niya. Pero pilit niyang nilalabanan ang nararamdaman niya. Ayaw niya na sabihin ng mga tao doon na sinasamantala niya ang kabaitan nito. Pero sabi nga nila, mahirap kalabanin ang puso. Kaya sa bawat pagkakataon na nasa malapit ito o kaya naman ay halos hindi umuuwi dahil sa tawag ng tungkulin. Malakas ang kabog ng dibdib niya at hinahanap niya ito. "Ang taray! Tulaley ang magandang babae!" Napakurap siya, saka tumingin sa nagsalita. Si Sam, may mapanuksong ngiti ito saka taas baba ang magkabilang kilay nito. "Pagod lang ako." Pagdadahilan niya. "Weh? Pagod daw? Eh halos ayaw ka nga pakilusin ni Miguel sa Bahay," sabad ni Marisse. "Ayun naman pala, ayaw ng napapagod ka." Sabi pa ni Kim. "Teka, anong ginagawa mo dito? 'Di ba dapat nandoon ka sa tindahan mo?" tanong pa niya, pero pasimple niya itong tinataboy dahil isa pa rin itong malakas mang-asar. "Sorry, ang Mama ko ang nagbabantay ngayon." sagot pa nito, saka bumelat pa sa kanya. "Ang ingay n'yo ah!" singit sa usapan ni Olay. Naroon sila sa bagong mini-grocery store ni Olay at nakatambay. Tinawag nito iyong, 'Paraiso ni Olay Mini-grocery Store'. "Grabe ka! Ikaw na mayaman! Dati tindahan lang, ngayon grocery store na!" malakas ang boses na sabi ni Marisse. "Diyos ko, bakla. Para kang si Panyang kung makatalak! Nakakaloka!" sabi ni Olay. "Mas matino ako kay Ate Panyang, no?" depensa nito sa sarili. "Ikaw naman, kagandahan. Kumusta na ang puso mo?" tanong ni Olay sa kanya. "Ako?" balik-tanong niya. "Hindi, hindi. Ako. Kumusta na ang puso ko? Pengkum! Malamang ikaw!"  Natawa siya. Iyon ang isa sa nagustuhan niya sa mga tao sa Tanangco. Parang sa kanila, tila kay gaan lang ng buhay. "Baliw ka talaga, Olay. Sorry naman. Teka, bakit mo ba kinukumusta puso ko? Eto nakadikit pa rin!" sagot din niya. "Ay tarush! Akala ko tinubuan na rin ng pakpak at nag-flylalu na kay Miguel." "Pero seryoso, Sumi. Ano ba talagang feelings mo para sa kanya?" tanong ni Sam sa kanya. Napabuntong-hininga siya. "Hindi ko rin alam. Nalilito ako. Wala pa naman kasi akong karanasan sa pag-ibig. Puro trabaho inaatupag ko, kaya parang nangangapa ako sa dilim." Sagot niya. "Alam mo, action speaks louder than words. Kahit hindi kayo magsalita ni Miguel, nakikita namin na you felt something for each other. Kaya lang hindi ko alam kung anong pumipigil sa inyong dalawa." Dagdag ni Marisse. "Masyado pang maaga para sabihin ko na may feelings ako sa kanya. Tsaka, natatakot ako. Sa dinami-dami ng luhang naiiyak ko sa buhay ko. Ayokong pati sa pag-ibig umiyak ako." Paliwanag niya. "Huwag mo munang problemahin ang hindi pa problema." Payo sa kanya ni Kim. "Masarap magmahal. Pero isusumpa mo rin talaga kapag nasaktan ka. Ang kaso, parang sina Marisse at Marvin ang pag-ibig at sakit. Magkakambal. Hindi ka magmamahal ng hindi ka masasaktan." Sabi pa ni Jhanine. Napabuntong-hininga siya. Ganoon ba talaga 'yon? Hindi maaaring magmahal ng hindi nasasaktan? Kaya nga ba, umiiwas siya. Pero kahit anong iwas niya, parang may isang malakas ng tinig ang tila gustong kumawala sa puso niya. Napaisip tuloy siya, bakit nga ba unti-unting nahulog ang loob niya kay Miguel? Dahil bukod sa guwapo ito. Mabait ito. Sa kabila ng ginawa niyang panloloko dito ng unang beses silang nagkita. Agad siyang tinulungan nito ng mapatunayan niyang totoo ang tungkol sa kondisyon ng kapatid niya. Hindi siya nito hinusgahan, sa kabila ng nakaraan niya. At sa tuwina, palagi nitong pinaparamdam sa kanya kung gaano siya ka-espesyal dito. "Huwag mong madaliin, Sumi. Take your time. Dahil kung para kayo sa isa't isa. Everything will fall into its right place." Dagdag na payo ni Marisse sa kanya. "Salamat sa inyo. Ang babait n'yo sa akin, kahit na bago pa lang ako dito." sagot niya. "Ikaw pa! Basta mahal ng isa sa Carwash Boys, mahal na rin namin!" nakangiting wika ni Kim. Bumalik ang isip niya kay Miguel. Bakit ba ang gulo? Sabi ng isip ko, huwag kong mahalin si Miguel. Pero ang ingay naman ng puso ko, ayaw magpatalo. Gusto nito, si Miguel lang. Wala nang iba pa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD