HINDI maintindihan ni Sumi ang pakiramdam niya. Ngayon lang siya nakaramdam ng kapanatagan ng loob. Sa buong buhay niya, hindi na yata niya matandaan kung kailan siya huling na-relax ng ganon. Saka may tanong na sumulpot sa utak niya. Ano nga ba ang mayroon ang Tanangco Street na iyon?
Pinagmasdan niya ang kahabaan ng kalye. Sa unang tingin ay isa lang itong tipikal na kalye. Ngunit ng maobserbahan niya ang kakaibang relasyon ng mga residente doon, saka niya naisip na kaysarap tumira doon. Parang wala yata siyang nakita na kahit isang nakasimangot. Karaniwa'y pawang nakangiti ang mga tao doon. Bukod pa doon, pulos magaganda at guwapo ang mga tao doon.
Isa pang nakatawag pansin sa kanya ay ang pamilya ni Miguel. Partikular na ang mga pinsan nito. Nakita niya ang karangyaan nito sa buhay, pero nakakatuwang pagmasdan na ang mga ito pa rin ang nagta-trabaho sa Lolo nito bilang mga Carwash Boys. Wala siyang nararamdamang yabang mula sa kahit na sino sa miyembro ng Pamilya. Napapailing na lang siya ng makitang nakatanghod sa may tindahan na malapit ang mga kababaihan at mga kabadingan, habang pinagpapantasyahan ang magpi-pinsan. Pero sa nag-iisa lang napako ang mga mata niya. Kay Miguel. Wala sa loob na napangiti siya. Kahit na kakikilala pa lang niya dito, ng nagdaang gabi. Alam ni Sumi na mabait itong tao. Mabuti ang puso nito.
"Ayieee! May gusto ka sa kanya, no?" tukso sa kanya ni Marisse, sabay sundot sa tagiliran niya.
Napapitlag siya. "Ay kamote! Hoy, ano ba? Huwag ka naman mangiliti!" saway niya dito.
"May gusto ka kay Miguel, ano?" ulit pa nito.
"Ha? Wa-wala ah!" kandautal na tanggi niya.
Natawa si Marisse. "Wala ka dyan! Eh bakit ka nakatitig sa kanya?"
"Wa-wala. Masama ba?" depensa niya sa sarili.
"Asus!"
"Natutuwa lang ako sa kanya, sa inyong magpi-pinsan. Ang gu-guwapo nila para maging carwash boys." Pagdadahilan niya.
"Bawal kay Lolo Badong ang tatamad-tamad, kundi, mapu-pukpok sila ng tungkod nito!" sabad naman ng babae na nagbabantay ng tindahan na tinatambayan nila. Ngumiti ito sa kanya, sabay lahad ang isang kamay nito. "Hi, ako si Kim." Pagpapakilala nito sa sarili.
"Sumi," sagot naman niya.
"Hep! What's happening there?" tanong pa ng isa pang babaeng parating. Gaya ni Kim, ay maganda din ito. May pagka-mestisa nga lang ito, si Kim naman ay chinita.
"Sumi, si Sam. Sam, si Sumi." Pagpapakilala naman ni Marisse sa bagong dating. Kinamayan siya nito. "Lakas maka-tongue twister ng pangalan n'yo!"
"Sumi, Welcome sa aming pinakamamahal na lugar. Ang Tanangco Street!" sabi ni Sam sa kanya.
Napapangiti siya. "Salamat, ang babait n'yo naman." Aniya.
"Ay, huwag kang papabola sa mga 'yan! Ako lang ang mabait dito!" singit ng isa pang babaeng magand att mestisa. Pero pamilyar sa kanya ang mukha nito. Hindi lang niya maalala kung saan niya nakita ito.
"Hi Sumi, I'm Jhanine." Anito saka nakipagkamay sa kanya.
"Hi, pamilyar ka sa akin." Sabi niya dito.
"Ay Oo, siya lang naman ang sinisinta ng sikat na si Daryl Rivera na siya ring pinsan ko." Sagot ni Marisse.
"Tama!" sang-ayon ni Kim.
"Oo, naalala ko na." sagot niya.
"Mabuhay! I'm back!"
Napalingon sila sa biglang sumigaw na iyon. Nagulat siya ng biglang magtilian ang mga kasama niya, sabay sugod ng yakap sa bagong dating. Base sa mga pilantik ng daliri nito. Alam niyang bading ito.
"Olay! Bruha kang baklita ka! Ang tagal mong nawala ah!" tuwang-tuwa na sabi ni Kim dito.
"Oo nga eh! Grabe! Nagpakayaman muna ang Lola mo, bakla." Sang-ayon nito.
"Eh teka, sino naman ang magandang binibini na ito?" tanong nito at sa kanya nakatingin.
"Si Sumi, bisita siya ni Miguel." Sagot ni Marisse.
"Excuse me mga echoserang palaka! Magpapakilala lang aketch." Sabi ni Olay. Lumapit ito sa kanya. "Hi, I'm Rolando dela Rosa. Olay ang itawag mo sa akin. Negosyante sa umaga. Ibon sa gabi. Kapag bilog ang buwan, ang pakpak ko'y tumutubo at gumo-gora kung nasaan ang mga guwapong Papa! And I'm back! Back to where I belong. At ako ang nag-iisang reyna, Reyna ng Tanangco! Pak!"
Hindi napigilan ni Sumi ang mapahagalpak ng tawa, maging ang lahat ng nakarinig ng sinabi nito. Habang nagpapakilala kasi ito ay para itong modelo na rumarampa saka biglang iikot, sabay hampas ng sariling hita.
"Ang landi mo!" malakas ang boses na wika ni Marisse, habang halos lumupasay na ito sa kakatawa. Gayundin sina Sam, Kim at Jhanine.
"Oh 'di ba? Bongga!" sabi pa ni Olay.
Pinunasan niya ang gilid ng mata niya para tuyuin ang luha, sa sobrang kakatawa. Kung ganito kasaya siguro ang madalas niyang kasama, malamang makalimutan na niya ang lahat ng problemang naka-atang ngayon sa balikat niya.
Hindi pa man din sila nakakabawi sa pagdating ni Olay, nang mapansin niyang papalapit sa kinaroroonan niya si Miguel. Paglingon niya dito at nagtama ang mga mata nila, parang nag-slow motion ang lahat. Nagmistula itong greek god na naglalakad sa kabila ng suot nitong board shorts at puting t-shirt na basa ng tubig dahil sa paglilinis nito ng kotse. Gusto niyang magtago sa likod ng mataas na halaman na naroon sa gilid ng tindahan ni Kim, dahil bumabakat doon ang matipunong dibdib nito. Kahit gusto niyang alisin ang paningin dito, ay hindi niya magawa. Parang sinuotan siya ng katulad ng sinusuot sa kabayo, sa gilid ng mga mata nito. Para hindi siya makalingon sa iba at tanging sa direksiyon lang ni Miguel. Nanunuyo ang lalamunan niya ng habang papalapit ito ay hinubad nito ang suot nitong t-shirt. Bumalandra sa mga mata niya ang macho at mala-pandesal na abs nito. Diyos ko po! Ano po ba ang ginawa kong kabutihan at binigyan n'yo ako ng ganito kaguwapong biyaya? Aniya sa isip niya.
Kahit na pawis na pawis ito ay hindi nakabawas iyon sa appeal nito. Bagkus, mas lalong naging malakas ang dating nito. Natauhan lang siya ng biglang matilian ang mga nakatambay na kababaihan at kabadingan sa isa pang tindahan na malapit.
"Hi Miguel! Pakasal na tayo!" tili ng isang bading.
"Kapal ng mukha mo, bakla!" anang isa pang bading, sabay sabunot sa una.
Napapailing at natatawa na hindi pinansin ni Miguel ang mga ito.
"Buti hindi natunaw, girl." Pasimpleng bulong sa kanya ni Kim.
Tumikhim siya, saka kunwaring nakatingin sa ibang direksiyon.
"Hey, okay ka lang ba?" tanong agad ni Miguel paglapit sa kanya.
Tumango siya. "Oo naman."
"Ang ganda naman ng girlfriend mo Miguel." Komento ni Olay, alam niyang pasimple sila nitong tinutukso.
"Naku, hindi niya ako girlfriend. Kasambahay nila ako." Pagtatama niya.
"OMG! I hate you Miguel! Ang ganitong kagandang babae, hindi dapat ginagawang kasambahay!" sabi ni Olay na may kasamang drama.
Tiningnan siya ni Miguel. May kung anong emosyon siyang nababanaag sa mata nito. Nahigit niya ang hininga niya ng bigla nitong marahang pinisil ang baba niya.
"Hindi ka kasambahay dito. Tandaan mo 'yan." Seryosong sabi nito.
Parang namatanda siya na tumango na lang bilang sagot sa sinabi nito. Kasunod ng mabilis na pagtibok ng puso niya.
Ano 'to? Bakit ganito ang nararamdaman ko? Bakit ang bilis ng t***k ng puso ko? Sunod-sunod na tanong niya sa sarili.
"That's more like it," nakangiting wika nito. Pagkatapos ay umalis na ito at bumalik sa ginagawa nito.
"Hantaray!" sabi ni Sam, sabay tili. "Nakakakilig!"
"Ngayon pa lang, nakikita ko na ang ending ng tagpong ito." Komento ni Olay. "Eksaherada! Gumugora na naman pala si kupido sa lugar na itech! Bongga!"
"Tama!" sang-ayon naman ni Jhanine.
"In fairness, bagay kayong dalawa!" dagdag pa ni Kim.
"Hindi ah! Hindi kami bagay." Tanggi niya.
"Hay naku, Sumi. Maniwala ka! Bagay kayo, at nakaka-amoy ako ng bagong romance in the making." Sabi pa ni Olay.
Pilit na itinatanggi ni Sumi ang lahat ng sinasabi ng mga bagong kakilala niya. Para sa kanya, iyon ang dapat niyang isiksik sa utak niya. Naroon siya bilang kabayaran sa pagtulong ni Miguel sa pagpapagamot ng kapatid niya. Hindi dapat niya haluan iyon ng kung anu-ano. Malaki ang agwat ng pamumuhay niya. Hindi sila bagay. Masyadong mataas si Miguel. Eh siya, sino nga ba siya? Isa lang naman siyang ordinaryong babae na walang kayang ipagmalaki.
"SIR!"
Agad na sumaludo si Miguel pagpasok niya sa opisina ng Hepe ng presinto nila.
"Miguel, have a sit." Anang Hepe niya.
Naupo siya sa isang bakanteng silya na naroon sa unahan ng mesa nito. "Sumama ka muna sa ngayon sa pagro-ronda sa Recto. Isama mo si Sanchez." Sabi nito, ang tinutukoy nito ay ang isa pa niyang kasamahang pulis.
"Panay ang dating ng reklamo dito sa atin tungkol sa dalawang lalaking hold-uper na nambibiktima ng mga estudyante. Ayon sa mga biktima at sa report. Walang pinipiling oras ang mga ito. Magmatyag kayong mabuti. Gusto kong mahuli agad ang dalawang ito sa lalong madaling panahon. Narito ang Artist Sketch ng dalawang hold-uper."
Inabot sa kanya ang dalawang sketch ng mukha ng kawatan. Ang isa ay kulot ang buhok, may peklat sa kanang sentido at bigote. Ang isa naman ay kalbo, pango ang ilong at ayon sa diskripsyon sa ibaba ay maitim. Kumunot ang noo niya at tinitigang mabuti ang lalaking kulot ang buhok. Kilala niya ito. Minsan na niyang nahuli ito ng nakadestino siya sa isang presinto sa Pasig. Ngayon, nandito siya sa isang Presinto sa Maynila, hindi niya akalain na dito lilipat ng location ito.
"Kilala ko ho itong kulot ang buhok, Sir." Aniya. "Nakulong na rin 'yan dati. Nakalaya na pala ang walanghiyang ito. Si Dodong Bagsik ito." Sabi pa niya.
"Mas mainam, mas madali mo siyang makilala. I need results as soon as possible." Sagot naman ng Hepe niya. "Malinaw ba, Despuig?"
"Yes Sir!" sagot niya.
"You may leave now."
"Permission to leave, Sir." Aniya, sabay saludo pagtayo niya.
"Carry on." Paglabas ni Miguel. Napangiti siya. Mukhang sasabak na naman siya sa matinding aksiyon at habulan. Agad niyang nilapitan ang malapit niyang kaibigan at partner sa trabaho, si Marco Sanchez.
"Pare," tawag-pansin niya dito. Naroon ito sa mesa nito at abala sa pagsusulat ng kung ano. "May assignment tayo." Wika niya saka pinakita ang dalawang sketch ng mukha ng kawatan.
Napamura ito. "Walanghiya Pare, si Dodong Bagsik 'to ah! O, kilala ko rin 'tong isa. Si Tiagong Pusa 'to!" ani Sanchez.
"Tiagong Pusa?"
"Oo, hirap hulihin ng siraulong 'yan! Daig pa pusa, parang may siyam na buhay." Paliwanag nito.
"Eh 'di ubusin natin ang buhay ngayon." sagot niya. Mayamaya ay tumunog ang cellphone niya. Agad niyang sinagot iyon ng makitang ang informer niya ang tumatawag.
"Anong balita?" tanong agad niya dito.
"Boss, yung dalawang wanted na hold-uper. Nandito ngayon, sa kanto ng Recto at Matapang Street. Nakatambay sa The Manila Plaza, mukhang nag-aabang ng mabibiktima ang dalawang 'to!" paliwanag ng informer n'ya.
"Sige, salamat. Magmatyag ka lang diyan. Papunta na kami." Aniya, saka agad na pinindot ang end call button. Pagkatapos ay binalingan nito si Sanchez. "Tara Pare! Nandoon daw ang dalawang 'yan!" Mabilis silang umalis sa presinto. Mabuti na lang at naka-civilian sila kaya kahit paano ay hindi halatang pulis sila.
Minabuti na rin na hindi nila gamitin ang mobile car, para hindi lalong makahalata ang dalawang kawatan. Bagkus ay ang Ducati Big Bike niya ang ginamit nila papunta sa location.
Pagdating sa nasabing lugar, pinark ni Miguel ang motor niya sa hindi kalayuan. Tama ang informer niya. Naroon nga ang dalawa. Base na rin sa artist sketch ng dalawa. Bukod pa sa minsan nang nag-krus ang landas nila ni Dodong Bagsik dahil siya mismo ang humuli dito noon. Pasimple silang lumapit sa kinaroroonan ng mga ito, dahil abala sa pagmamasid sa mga taong lumalabas sa kalapit na gusali, kaya hindi napapansin ng dalawa ang paglapit nila. Marahil ay namimili ang mga ito ng bibiktimahin. Malapit na sila sa dalawa sa puwesto nito ng biglang lumingon sa direksiyon nila si Dodong Bagsik. Kumunot ang noo nito, sabay kalabit sa kasama nito. Base sa reaksiyon nito, mukhang nakilala siya nito.
"Pare takbo! May parak!" sigaw ni Dodong Bagsik, saka biglang tumakbo ng matulin.
"Anak ng...Pengkum naman talaga!" sigaw din niya, saka mabilis na hinabol ang dalawa. "Pare! Tumawag ka ng back up! Bilis!" baling niya kay Sanchez.
"Back-up! We need back-up! May dalawa kaming hinahabol na hold-uper! Si Dodong bagsik at Tiagong Pusa! Magpadala kayo agad ng back-up!" ani Sanchez na mabilis nakatawag sa presinto, habang tumatakbo.
"Pare! Sundan mo si Bagsik! Ako nang bahala kay Pusa!" sigaw niya. Dahil naghiwalay ang dalawa, napilitan silang pag-tig-isahan ang dalawa. Siya sa matinik na si Tiagong Pusa.
Mabilis itong tumakbo patawid ng Claro M. Recto Ave., papuntang Nicanor Reyes Street. At sa bawat madaanan nito ay tinatabig nito lahat para maiharang sa dadaanan niya. Pero dahil maliksi siya at mabilis ang mata niya. Agad niyang nakikita ang mga iyon at naiiwasan niya.
"Tigil Tiago!" sigaw niya, saka niya binunot ang baril na nakasukbit sa beywang niya. At nag-warning shot. Nagulat ang mga tao sa paligid, at mabilis na nagpulasan. "Tumabi kayo! Tabi!" sigaw niya.
Lumingon lang ito, imbes na huminto ay mas lalo pa nitong binilisan ang pagtakbo. "Anak ng Pengkum! Pinapagod mo ako ah!" aniya.
Mas binilisan ni Miguel ang pagtakbo para maabutan niya ito. Hindi pwedeng makatakas itong muli para makapang-biktima pa ng mga inosenteng tao. Nang sa wakas ay malapit na niyang abutan ito, huminto siya at inasinta ang paa nito. Sa nakikita niya, mukhang walang balak na sumuko ito. Nang maasinta niya ang kaliwang binti nito ay saka niya pinaputok ang baril. Pinadaplisan lang naman niya ito para hindi na makatakbo pa. Agad na tinamaan ito, at bumagsak sa sahig.
Agad siyang nakahinga ng maluwag ng halos hindi na ito makakilos sa sakit ng binti nito. Mabilis niyang nilapitan ito, nakahiga na ito sa lupa habang duguan ang binti nito. Habang ang mga tao sa paligid ay nakikiusisa lang sa kanya. Nagulat siya ng pumalakpak ang mga ito.
"Hay salamat, nahuli na rin 'yan!" anang isang tindera roon.
"Walanghiya ka! Pinagod mo ako ah!" sabi niya dito. Nanlilisik ang mga mata nito sa galit na tiningnan siya. "Ano? Ito na ang huling araw mo dito. Bukas, maghihimas ka na ng rehas na bakal!" dagdag niya.
Hinawakan niya ito sa isang braso para lagyan ng posas ang mga kamay nito, ng biglang umigkas ang kabilang kamay nito. Hindi niya namalayan na may hawak pala itong maliit na balisong. Mabilis na inundayan siya nito ng saksak, dahil sa bilis ng mga pangyayari. Hindi siya agad nakaiwas kaya nahagip ng balisong nito ang braso niya.
"Aray ko!" napaigik siya sa sakit at hapdi. Naghiyawan ang mga taong naroon, sabay ng pagsigid ng kirot sa braso niya, at pag-agos ng dugo mula doon. Napamura siya, sabay tutok ng baril dito.
"Huli ka na! Pumapalag ka pa!" sigaw niya dito.
"Pare!"
Napalingon siya. Si Sanchez iyon, kasama na ang back-up na mobile patrol na tinawag nila kanina. Nasa loob na rin si Dodong Bagsik. "May tama ka," ani Sanchez.
"Itong Siraulong 'to! Naisahan ako!" aniya.
"Ano? Patayin na natin 'to!" pananakot pa ni Sanchez, sabay tutok ng baril nito. Alam naman niyang hindi nito itututloy iyon at tinatakot lang nito ang criminal.
"Huwag Boss! Huwag ninyo akong patayin!" biglang pagmamakaawa ni Tiagong Pusa sa kanila. Inambaan ni Sanchez ito ng suntok.
"Siraulo ka pala! Marunong ka naman palang magmakaawa! Dinagdagan mo pa kaso mo! Bukod sa Theft, kakasuhan din kita ng Physical Injury!" pananakot pa niya. Mayamaya ay dumating na ang ambulansya. Sinakay na ito doon, siyempre pa, para siguradong hindi ito makakatakas. Dalawang pulis ang sumama doon.
"Ikaw Pare, 'yang tama mo." Ani Sanchez.
"Wala ito, malayo sa bituka. Daplis lang. Sa bahay na lang ako magpapagamot. Hatid mo na lang ako, Pare. Ikaw na magmaneho ng motor." Pakiusap niya sa kaibigan.
"Oo, walang problema doon. Huwag mo ng isipin ang dalawang 'yun! Ako na bahala sa kanila."
"Salamat."
Masakit man ang sugat niya sa braso, hindi niya alintana iyon. Sa kabila ng nangyari, excited siyang umuwi para makita ang taong nagbigay sa kanya ng dahilan para mas maging masaya. Wala sa loob na napangiti siya, hindi niya maintindihan ang sarili. Pero malakas talaga ang tama niya kay Sumi. Dahil sa totoo lang, iba ang sinasabi ng puso niya kapag nariyan ang dalaga.